PALIBHASA ay mas malapit kay Bianca ang Cardinal Santos Hospital kaya doon siya unang pumunta.
“Ma’am, wala po kaming Doctor Rusty Madlang-awa rito,” sabi ng receptionist sa kanya.
Kumunot ang kanyang noo. “Are you sure? Ob-gyn siya. Please check it again, Miss. Kausap ko lang siya kahapon. He told me he holds clinic here. He’s tall, moreno, medyo kulot ang buhok, matangos ang ilong. Medyo pangahan but it gives him a more manly appeal. In short, guwapo. Are you familiar with him?”
Napangiti ang babae at ni hindi na tumingin sa listahan. “Si Doctor Washington ang tinutukoy ninyo, Ma’am.”
“Washington? Rusty is Rustico Madlang-awa, as far as I know.”
“Ma’am, isa lang ang Rustico sa record ng mga doktor namin. Rustico Washington. At siya ang idine-describe ninyo.” Nagsulat ito sa kapirasong papel, pagkatapos ay iniabot sa kanya. “Iyan ang clinic niya, Ma’am.”
Tinanggap niya iyon. “Okay, thank you.”
Washington? Nagtataka pa rin si Bianca habang papunta sa clinic. Paanong ang apelyidong Madlang-awa ay naging Washington?
Nagpalinga-linga siya sa hilera ng mga clinic nang masigurado na iyon ang pasilyong pakay. Huminto siya sa tapat ng isang nakapinid na pinto.
Rustico M. Washington, M.D., FPOGS
Iyon ang nakasulat sa brass plate na nasa pinto.
Naagaw ang pansin niya nang may isang buntis na babaeng lumabas ng clinic.
“Doc, twice a month na ang checkup ko, `di ba?” narinig niyang tanong nito.
“Yes. Don’t forget to come back after two weeks.”
Hindi siya puwedeng magkamali, boses ni Rusty iyon. Naghintay siyang ganap na makalabas ang babae bago siya tuluyang lumapit sa pinto.
“Hi!” bati niya.
Bumakas ang pagtataka at pagkagulat sa anyo nito. “Bianca.”
“I’m surprised,” nakangiting sabi niya. Inanyayahan na niya ang sarili na pumasok sa clinic. Sinulyapan lang niya ang babaeng siguro ay sekretarya nito. Nakayuko ito at parang inaayos ang mga records na nasa drawer. “What happened to Rustico Madlang-awa? Naging imported yata. How come your surname suddenly became Washington?”
Parang nag-iisip pa ng sasabihin ang binata. Humakbang ito papunta sa isa pang pinto na sa tingin niya ay consultation room nito. “Dito tayo,” sabi nito. “Neri, kung may darating akong pasyente, pakisabing maghintay lang nang kaunti,” bilin nito sa sekretarya. “Have a seat, Bianca.”
Maluwang ang consultation room. Hindi rin iisipin ng sinumang papasok na klinika iyon dahil walang amoy ng gamot o alcohol doon. Natanaw niya ang isang nakasinding kandila sa ilalim ng oil diffuser kaya alam na niya kung saan nanggagaling ang suwabeng amoy. May mga nakadikit na charts at posters ng reproductive organ ng babae at stages ng pagbubuntis sa dingding. Mayroon ding mga mumunting aparato. Naroon din ang examination table.
Pinili niyang maupo sa love seat na halos katapat lang ng mesa nito. Si Rusty naman ay sa swivel chair sa likod ng mesa naupo.
“What can I do for you, Bianca?” parang naguguluhan pa ring tanong nito.
Tumawa siya nang mahinhin. “Don’t ask me that again. Baka magulat ka `pag narinig mo ang sagot ko. Actually, I just dropped by. For curiosity’s sake,” aniya at nagkibit-balikat. “Hindi ko alam na magugulat pala ako. Please tell me, what happened to Madlang-awa? Bakit biglang naging imported ang apelyido mo? Alam ba ng mga kaklase natin ang tungkol diyan? Hindi ko yata narinig na napag-usapan ang tungkol sa iyo.”
“Siguro, dahil wala namang nagtatanong. They still remember me as Rusty. At wala sigurong nag-isip na puwede palang magbago ang pangalan ko. Hindi ko naman ipinaalam sa lahat ang tungkol doon.”
“So, how come?” pangungulit pa rin niya.
“Not everybody knows na anak ako sa pagkadalaga ng aking ina. Sa birth certificate ko, pangalan ng mga magulang ni Inay ang nakasulat na mga magulang ko. Kagaya mo, dayo lang kami sa Sierra Carmela kaya walang nakakaalam ng totoo. My mother was only seventeen when she gave birth to me. At palagi niya akong ipinapakilalang bunsong kapatid niya kaya walang nag-akalang mag-ina kami.”
“Oh.”
“Eighteen ako nang makilala ni Inay si Bryan Washington. Sa kuwento niya, nagkakilala sila sa eroplano. DH sa Hong Kong si Inay at negosyante naman si Bryan. He was travelling all over Asia. Dumalas ang pagpunta niya sa Hong Kong para makita ang nanay ko. Nagkagustuhan sila kaya hindi na tinapos ni Inay ang kontrata sa amo niyang Intsik at binayaran na lang ni Bryan ang damages, pagkatapos pinakasalan na si Inay.”
“How romantic,” komento ni Bianca.
“Yes, I know. Ilang beses din na isinama ni Inay si Bryan sa Pilipinas para ipakilala sa amin. Halos magkaedad lang sila. At sa kilos nila, alam naming nagmamahalan sila. Nang aminin ni Inay ang tungkol sa akin, hindi nagdalawang-isip si Bryan na ampunin ako nang legal. Iyon ang dahilan kaya iba na ang apelyido ko ngayon. My life changed dramatically, sabi nga ng iba. Mula sa vocational course na kinukuha ko, sinuportahan nila ako para makakuha ng premed course.”
“Meaning, talagang gusto mong magdoktor?” Lalong lumalim ang interes niya sa binata.
Tumango si Rusty. “Puwedeng nakakatawa. Baka nga wala pang maniwala kung sasabihin kong noon pa ay pangarap ko nang maging magaling na surgeon.”
“Libre ang mangarap, Rusty.”
“Pero sa kagaya kong binansagang bad boy, alam kong tatawa lang ang marami. Kahit noon, alam ko ang iniisip sa akin ng mga tao. Na wala akong kinabukasan. Patapon ang buhay ko.”
“But you proved them wrong,” sabi ni Bianca. “Look at you now. Isa kang halimbawa na umiikot talaga ang buhay. Nasa ilalim ka kahapon, nasa ibabaw ka naman ngayon. This is a big and expensive hospital. Kung hindi ka magaling, hindi ka siguro magkakaroon ng clinic dito. Pero paano nangyaring ang pangarap mong maging surgeon ay ipinagpalit mo sa pagiging ob-gyn?”
“Dahil kay Inay,” seryosong sagot ni Rusty. “Nasa medicine proper na ako nang ma-diagnose ang tumor sa obaryo niya. It was benign in the beginning kaya ipinagwalang-bahala namin. After all, karaniwan naman sa mga babae ang may benign tumor. The sad thing was, it became malignant. Nang dumaing si Inay ng sobrang bleeding, noon namin natuklasan na nasa stage two na ang cancer niya.”
“How’s your mother now?”
“She passed away already.” Bumakas ang kakaibang lungkot sa mga mata ng binata. “Sa kabila ng modernong medisina ay hindi gumaling ang cancer niya. Dinala pa siya ni Bryan sa Amerika para doon ipagamot. Kahit paano, nadugtungan ang buhay niya. Pero dahil hindi naman tuluyang gumaling ang cancer, sumuko rin ang katawan niya. It happened while I was waiting for the board exam result.”
“It’s sad. I’m sorry, Rusty.”
Malungkot ang ngiting sumilay sa mga labi nito. “Tanggap ko na iyon. Masakit pero isa na rin siguro sa bentahe ng cancer ay ang maihanda kaming lahat sa posibilidad na iiwan din kami ni Inay.”
“Kumusta ang stepfather mo?”
“Right now, he’s in Kuala Lumpur. Itinutok niya ang pansin sa mga negosyo. Napakarami na niyang pera pero kailangan daw niyang gawin iyon para hindi niya masyadong maisip si Inay. Paminsan-minsan, nagkikita kami. And until now, he’s still grieving for my mother. Ganoon niya kamahal ang inay ko.”
“And how about you?”
“I’ve coped up. Mas pinagbubuti ko ang pagtingin sa mga pasyente, lalo na doon sa mga kagaya ni Inay ang kaso. I’m trying my best na maisalba ang buhay nila. Actually, I’m still studying. Gusto kong maging espesyalista sa cancer diseases of women.”
“Pinahahanga mo ako nang husto, Rusty,” sinserong sabi ni Bianca.
Ngumiti ito. “Muntik ko nang makalimutan. Hindi pa pala kita naalok ng maiinom man lang. What would you like? Juice or coffee? Decaf nga lang ang kape namin dito. I hope it’s fine with you.”
Umiling siya. “Nothing. `Tell you what, Rusty. Why don’t we meet up again? Hindi dito. Sa ibang lugar.”
“What do you mean sa ibang lugar?”
“Starbucks. Or if you want, sa isang restaurant sa Eastwood City. Masyado tayong serious ngayon. Let’s unwind next time.”
“Nice offer. Masarap sanang paunlakan, but I’m always on call lately. Marami kasi sa mga pasyente ko ang manganganak sa mga susunod na araw. At nag-aaral din ako. Punung-puno ang oras ko.”
Kung hindi lang malumanay at sincere ang boses ni Rusty, siguradong na-offend na siya. “It’s okay, I understand.” Sinulyapan ni Bianca ang suot na wristwatch. “Baka may pasyente nang naghihintay sa iyo, makakaabala pa ako. I’ll go ahead.” Tumayo na siya.
Tumayo rin ito. “Thanks for dropping by.”
Paglabas nila sa reception area ng clinic ay dalawang buntis nga ang naghihintay roon.
“May pasyente ka na nga,” sabi niya.
“Yeah.” Binalingan nito ang mga iyon. “Lalabas lang ako sandali. Neri, pakikuhanan mo na sila ng BP at timbang.”
“Nagawa ko na, Doc. Naihanda ko na rin ang file nila.”
“Good. I’ll be back in a while.”
“Saan ka pupunta?” tanong niya kay Rusty nang nasa pasilyo na sila ng ospital.
“Ihahatid kita kahit sa lobby man lang.”
Napangiti siya at lihim na natuwa. “You don’t have to bother, Rusty. I came here alone. I can—”
“Hayaan mo na ako. Ni hindi man nga lang kita napa-merienda.”
“Wala iyon.”
“I owe you one. I hope one of these days I could find time to treat you. Medyo matagal na ring pulos ospital at aral ang iniikutan ng buhay ko. Tatawagan kita.”
Kulang na lang ay magtatalon si Bianca sa narinig. “Talaga? Aasahan ko iyan.”
Nakangiting tumango ito.
Pasakay na siya sa kotse nang may maalala. “Hindi kaya niloloko mo lang ako, Rusty?” ngiting-ngiti na tanong niya.
“What?”
“Paano mo ako tatawagan, hindi mo naman alam ang number ko?”
Tumawa ito. “Oo nga pala. Pero hindi naman problema iyon. Marami namang paraan.”
“Here’s my card. Para hindi ka na mag-isip pa ng ibang paraan,” aniya.
Mula sa suot na coat ay dumukot din ng calling card ang binata. “And here’s mine.”