HINDI maipaliwanag ni Bianca ang kakaibang gaan ng loob na nararamdaman habang nagmamaneho palayo ng ospital. Ang matinding atraksiyon na nararamdaman niya para kay Rusty ay nadagdagan ngayon ng matinding respeto.
Huminga siya nang malalim. Sa kauna-unahang pagkakataon, ngayon lang yata siya hindi magkakamali sa lalaking nagugustuhan. At dahil doon ay lalo siyang naging determinadong mapansin ni Rusty.
Dahil sa kakaibang sigla ay sinipag siyang pasyalan ang mga pinamamahalaang branches ng water refilling station. Siguro ay nagtaka rin ang mga staff niya dahil sobrang bait niya nang araw na iyon. Nag-iwan pa siya ng pera na pang-merienda ng mga ito, bagay na hindi niya karaniwang ginagawa.
“Ma’am, mukhang in love kayo, ah,” biro ng isang staff. “Blooming na blooming ang hitsura ninyo.”
Natawa si Bianca. “Hayan na nga at meron na kayong pang-merienda, nambobola pa kayo.”
“Hindi, Ma’am. Tumingin kayo sa salamin. Para pa ngang nagtu-twinkle ang mga mata ninyo.”
“Girlie, gusto mo yatang magkaroon ng raise,” biro na lang niya. Hindi na niya kailangang humarap pa sa salamin. Kilala niya ang sarili kaya alam niyang totoo ang obserbasyon nito.
Kakatwa rin ang araw na iyon dahil sa halip na sa mall dumeretso pagkagaling ng mga water refilling stations ay umuwi siya sa bahay. Wala pa ang mama niya kaya nagkulong na lang siya sa kuwarto. Hindi pa man siya nagtatagal doon ay may naisip siyang gawin.
Nilinis niya ang kanyang silid. Isang bagay na madalang pa sa patak ng ulan tuwing tag-init na gawin niya.
I’m sure, aatakihin si mama sa gulat, nakangiting sa loob-loob niya.
Maaliwalas na maaliwalas na ang kuwarto ni Bianca pagkatapos ng mahigit isang oras. Pinalitan niya hindi lang ang kubrekama kundi pati mga kurtina. Maging ang banyo ay hindi niya pinatawad. Siya mismo ang nagkuskos ng tiles doon.
“I’m in love, I’m in love. I’m inspired!” parang luka-luka pang sabi niya.
“Bianca, may sakit ka ba?” gulat na sabi ng kanyang ina nang walang abog na pumasok ito sa kuwarto niya.
Napangisi siya. Inaasahan na niyang ganoon ang magiging reaksiyon ng ina.
“I’m fine, `Ma. Masama bang sipagin ang anak ninyo?” Sinabuyan niya ng tubig ang ineskobang tiles, saka pinunasan ng tuyong basahan. Nang lumabas siya ng banyo ay nakita niyang nakaupo sa kama ang mama niya, hinahagod ang bedsheet na kalalagay pa lang niya.
“There must be a reason,” anito. “At kakabahan yata ako.”
Natawa lang siya.
“Huwag mong sabihing manghihingi ka na naman ng pera? Kabibigay ko lang sa iyo, ah.”
“Over!” sagot niya. “Paranoid ka na yata, `Ma.”
“Bianca, you have never volunteered to clean any part of this house. Ano ang hihingin mo sa akin at sinipag ka nang ganito?”
“Wala nga. Basta sinipag lang ako. Hay, nakakapagod,” aniya kahit hindi siya nagrereklamo kung naliligo man siya sa pawis nang mga sandaling iyon.
Pinagtaasan siya nito ng mga kilay. “Siya, kung sinisipag ka nga, iyong kuwarto ko naman ang linisin mo.”
Nalukot ang ilong niya. “Napapagod na ako, eh. Sa katulong mo na lang iutos, `Ma.”
Napailing na lang ito.
“`Ma, nag-menopause ka na ba?” tanong niya mayamaya.
“Pinatatanda mo naman ako nang husto,” parang masama ang loob na sagot nito. “Hindi pa. bakit?”
“May kaibigan akong doktor. Classmate ko siya sa Sierra Carmela. Lately ko lang nalaman na ob-gyn pala siya. Baka gusto mong magpa-check up?”
“Alam mong may doktor na ako at regular akong nagpapa-check up sa kanya. Sino naman ang doktor na iyan? Magaling ba?”
“I’m sure. Sa Cardinal Santos saka sa UST siya nagki-clinic. He’s Doctor Rusty Washington.”
“Lalaki?!” gulat na bulalas nito. “Ay, ayoko nga! Kung iyon nga na babae ang doktor ko, hanggang ngayon nahihiya pa akong magpatingin, sa lalaki pa?”
She rolled her eyes. “`Ma, napaka-prudish mo.”