Mistulang pinalipad si Ruby at ang iba pang kasamahan niya sa ere nang umandar ang kahon na pinasukan niya kanina. Pinagmasdan niya ang nasa ibaba at kitang kita niya ang malawak na pasilidad ng paaralan niya sa taong ito. Makikintab na salamin ang pumapaligid sa pinakatuktok, na siyang nagsisilbing proteksyon sa anumang delubyong maaaring maranasan nito.
Nagpaikot ikot si Ruby sa hangin na parang isang fairy subalit, huminto siya nang mapagtanto niyang walang kumakausap sa kaniya. "Jane..?" tanong niya sa sarili tsaka siya lumingon lingon sa paligid. Iba't ibang estudyante lamang ang kaniyang namataan na gumagamit ng kanilang abilidad, pero wala ang kaibigan niya roon. "Nasaan na ba 'yun?" bakas sa kaniyang tinig ang labis na pag-aalala sa kaibigan niyang nawawala. Inisip na lang niyang imposibleng maligaw 'yun dahil sa tagal na panahon niyang naninirahan sa Muujan.
Sinampal nang mahina ni Ruby ang mukha niya upang maiwasang isipin si Jane, sapagkat inaasahan niyang naghihintay naman na ito sa kaniyang pagdating. Ilang sandali pa ang lumipas ay nakalapat na rin ang kaniyang mga paa sa palapag kung saan siya nararapat magtungo.
Napadpad si Ruby sa isang kulong na kwarto sa paaralan, abandonado ito at hindi masyadong nadaraanan ang pasilyo sa labas ng pintuan. Madilim doon kahit pa umaga at matindi ang sikat ng araw sa labas. Purong pula na may kahalong itim ang nakapintura sa pader. May mga sira sirang kagamitang nakalagay sa sahig katulad ng martilyo, baseball bat, shovel at iba pa. Nilibot ni Ruby ang kaniyang paningin at sinubukang sumigaw. "Hey!!!" Ngunit sa kasamaang palad, walang nakakarinig sa kaniya dahil wala ngang estudyante roon o maski ang mga guro.
Nagsimulang umikot ang mga pader sa kwartong iyon, ngunit nanatili si Ruby na nakatayo lamang sa kaniyang pwesto. Pabilis nang pabilis ang pag-ikot nito pero hindi natitinag si Ruby; ni hindi niya maramdaman ang pagkahihilo.
"Ang pagdating mo sa bansang ito ay magdudulot ng napakasama at napakalaking delubyo. Hindi mo maaalala ang iyong nakaraang buhay subalit, mararamdaman mo naman ang lubos na pagsisisi sa isinagawa mong desisyon," anunsyo ng isang hindi kilalang nilalang. Hindi ito nakikita at wala itong mukha. Simula nang umikot ang kwarto ay tsaka lang ito narinig.
"What do you mean? Alam mo ang nangyari sa nakaraan ko!? Sino ba talaga ako at paano ako napunta rito?" tanong ng nakatanghod na batang babae, pero bago pa man siya makatanggap ng sagot ay nawala na siya sa kwartong iyon nang unti-unti itong maglaho na parang bula.
Bumungad sa kaniya ang isang normal na silid at pasilyo na dinaraanan ng maraming estudyante hindi katulad nung kanina. Dahil dito ay nakahinga siya kahit papaano nang maluwag, ngunit muli rin namang kinabahan nang maisip na wala siyang kakilala roon at hindi niya alam kung saan siya dapat pumasok.
Dumaan ang dalawang babaeng magkakambal habang mariin na nag-iisip si Ruby. "Nasaan na ba si Jane? Nakakahiya na. Pinagtitinginan na ako rito ng mga mukhang magaganda ang kapangyarihan. Tapos heto ako, hindi alam kung saan ako dapat pumasok na classroom. Ni hindi ko man lang magawang magtanong sa mga nakakasalubong ko!"
"Saglit lang, Ri." Huminto sa paglalakad yung isa sa kambal tsaka niya nilapitan si Ruby at tinitigan ito. "Ngayon lang kita nakita rito ate. Kailangan mo ba ng makakasama?" mabait na tanong ng maputing babae na si Lian, na siyang mas matangkad at malusog kaysa kay Ruby. Ang kanyang maitim na buhok ay hanggang leeg lang ang haba, hindi kagaya ng kanyang kambal na hanggang bewang. Ito ay sinadya nila upang malaman ng iba ang pinagkaiba nila at hindi sila malito.
"Naiwan ko kasi yung kaibigan ko... hindi ko alam kung paano siya balikan. Hindi rin ako makapasok sa kahit anong classroom d'yan, dahil baka ipahiya ako kapag mali ang pinuntahan ko," paliwanag ni Ruby habang pinaglalaruan ang dulo ng kanyang mapulang buhok. "Bakit mo nga pala ako nilapitan? Ikaw pa lang kasi kumausap sa akin, sa rami nang dumaan na rito," nagtatakang usisa niya.
Pumagitna ang isa pa sa kambal na si Rian. Pareho sila ng hugis at kutis ni Lian, halos wala silang pinagkaiba lalo na sa kanilang itsura. Kaya mabuti na lang ay naisipan din nilang maging iba ang anyo sa labas sa pamamagitan ng pagpapaikli ng buhok ni Lian.
"'Wag mong pakinggan 'yan. Puro kalokohan lang alam niyan," paninira niya kay Lian.
"Oy, Ri! Hindi ko naman kasalanang pinanganak akong may kakayahang makarinig ng mga sinasabi ng mga Mirage sa isipan nila," ani Lian pagkalingon sa kanyang kambal bago ibinalik ang atensyon kay Ruby. "Gusto mo sumama sa amin? Wala pa naman opisyal na listahan ng mga magkakasama sa isang klase eh. Kaya hindi mo na dapat inalala pa yang ipapahiya ka o kung ano pa. Tara!" pag-aaya niya kay Ruby kasabay ng paghatak nito sa kanyang pulsuhan kaya hindi na siya nakapalag pa.
Lilihis na sana si Rian kay Lian at Ruby pero hinatak na rin siya ni Lian. Nasa kaliwa niya si Ruby at sa kanan naman si Rian.
"Uy, si Luis oh!" Turo ni Lian sa isang lalaki na mag-isang naglalakad sa parehong direksyon. Tinanaw rin ito ni Ruby at nang magkatinginan sila ni Luis ay para bang may kakaibang pakiramdam ang namuo sa babae. Na tila ba'y matagal na niya itong nais na makita. Tumakbo si Lian palapit sa lalaki kaya nadamay ang dalawa sa kanyang pagtakbo. "Luis!"
"Alam ko na 'yan, Li. Tara na, baka mahuli pa tayo at kung saan pa tayo malugar." Bigla niyang hinawakan ang magkabilang balikat ni Lian. Hindi niya magawang hawakan ang kamay nito dahil okupado na nga ito nila Rian.
Inisip ni Luis ang lugar na pagtatanghalan ng kanilang unang seremonya. Agad naman silang naglaho at tsaka sumulpot bigla sa harapan ng isang malaking stage.
"Narito na tayo, Li. Ri," sabi ni Luis sa kambal. Sinulyapan niya si Ruby na parang kakilala niya ito ngunit hindi niya matandaan. "Sino ka nga ba uli?" tanong niya rito.
Nagulat naman ang kambal sa tanong ni Luis dahil baguhan lang naman si Ruby, pero kung makapagsabi ito ay nagmumukhang magkaibigan na sila nang matagal na panahon.
"I'm Ruby, bago lang dito. Ikaw si Luis–teleport ang kapangyarihan–tama ba? Sana maging maayos ang pagsasama natin dito at walang maganap na masama." Nginitian ni Ruby si Luis at nahawa naman ito sa kanya kaya sinuklian niya ito ng isang ngiti rin.
"Welcome to Majikaru High, new and old Mirage students. I am Qing, the respective king of Muujan."
Ang kaninang maingay na nagpapakitaan pa ng mga kapangyarihan na mistulang nagpapayabangan ay biglang nanahimik. Tanging yung echo lamang ng mikropono ang siyang nagpaingay sa buong istadyum.
"Ayan na yung may-ari ng paaralan na 'to." Ngumuso si Lian sa direksyon ng nagsasalita sa harapan ng stage na si Qing. "Siya rin ang ama ng isang prinsipe na pinakamalakas dito."
Naalala ni Ruby ang nabanggit sa kanya ni Jane kanina. "Sino ba yang prinsipe na sinasabi niyo? Estudyante rin ba siya rito?" usisa niya dahil gusto niya itong makaharap.
"Namin? May nakapagsabi na ba sa 'yo kung anong klaseng tao si Colt?" balik na tanong naman ni Rian.
Siniko siya ng kanyang kambal at tumawa. "Hahaha hindi mo nga pala nababasa at naririnig iniisip ng iba. Si Jane yung kaibigan niya at ang sa tingin ko ay siya ang nagkwento tungkol sa prinsipe rito," aniya ng walang kasiguraduhan.
"Si Jane? Yung k—"
Naputol sa pagsasalita sila Rian at Luis nang tumikhim si Qing sa harapan gamit ang mikropono. Hindi halata sa itsura niya ang kanyang pagkatanda. Daig pa niya ang ilan sa mga estudyante kung manamit at kumilos. Ang kanyang diretsong kulay pilak na buhok na hanggang sa bandang gitna ng likuran niya ay nakakaakit. Manipis ang kanyang kilay pati na rin ang labi nitong natural ang pagkapula.
"I'm afraid to tell you that Quin won't be able to attend this ceremony, kaya I'll just make this short." Hinila niya ang isang mas malaki pa sa kanyang white board. "Dito niyo tignan kung saan kayo magsisimulang pumasok. Since this is also our first day, may elimination tayo mamaya. Like the usual, isa laban sa lahat bawat section." Nang marinig iyon ni Ruby ay agad siyang kinabahan dahil hindi pa naman niya kayang ilabas ang kahit katiting lang ng kapangyarihan niya. "Ang matitira ay gagawin at ituturing na sa pinakamababang antas na siyang pagdaraanan ang pinakamahirap na training… Kaya’t kung ayaw niyong mapabilang doon ay pagbutihan ninyo. That would be all, goodluck!” Nilisan na niya ang stage at nagsimula ng magkumpulan ang mga estudyante sa harapan ngunit hindi muna gumalaw ang apat.
“Ruby? Alam mo na ba paano gumamit ng kapangyarihan?” tanong ni Luis at tanging buntong hininga lamang ang natanggap niyang tugon kaya alam na niya ang ibig sabihin nito. "Gusto mo bang turuan ka na muna namin nila Li at Ri habang hindi pa naman oras ng laban?" pag-aaya nito.
Hindi naman tumanggi sila Lian at Rian sa pagtulong kay Ruby dahil pantay-pantay ang tingin nila sa bawat isa, walang lamangan at walang dayaan.
Medyo namula ang pisngi ni Ruby na siyang nahalata nung tatlo dahil sa kanyang kutis na hawig sa gatas. "O-Okay lang ba talaga sa inyo? Baka magsawa kayo sa kakaturo sa akin, literal kasing wala pa akong alam dito, maski sa dahilan at paraan kung paano ako nakapunta rito na parang nasa isa akong panaginip."
"Syempre naman!" Pinalipad ni Rian ang kanyang buhok tsaka hinawakan ang kamay ni Ruby. "We're always willing to help naman, kahit hindi mo sabihin," aniya kasabay ng isang ngiti.
Subalit, taliwas ang kanyang sinabi sa isipan niya na nabasa at narinig ni Lian. Puno ng pangungutya ang laman ng utak ni Rian bagaman hindi siya sinusuway ng kanyang kambal, sa dahilang magkaroon pa ng gulo at hindi maituloy ang balak na pagtulong nila kay Ruby.
Kumapit si Luis sa mga balikat ng magkambal. "Tara na?" muling pag-aanyaya nito at hindi na nakapaghintay pa sa sagot ng kasamahan niya.
Katulad kanina ay naglaho sila sa lugar na iyon dahil sa power ni Luis. Napadpad na sila ngayon sa isang malawak na field na marami ang d**o at iba't ibang puno. Mayroong nakalagay na mahabang lamesa sa bawat daraanan doon, na kung saan nasa ibabaw ang mga kagamitan panglaban at pangdepensa ng pisikal. Malakas ang ihip ng hangin kahit pa nakakulong sila roon. Nakapaloob lamang sila sa mistulang kwadradong pasilidad para hindi makasira o makagulo ng ibang Mirage sa kanilang ginagawa.
Ilang saglit pa ay bumagsak na silang apat sa gitna ng field. "Sa 'yo 'to, Luis?" usisa ni Rian nang ilibot niya ang kanyang paningin sa bawat sulok.
Walang kaalam-alam si Pearl sa lugar na iyon na parang mayroon ding ganoon sila Rian at Lian. "Lahat ba ng estudyante rito may sari-sariling pasilidad?" Nagsimula siyang magtaka kung paano magkaroon ng katulad ng training field ni Luis.
Tiningnan ng binata si Rian kasabay ng pag-uunat niya ng balikat. "Yes, pinili ko ang field dahil payapa ang kapaligiran tsaka maganda magpalipas ng oras dito, tititig ka lang sa mga puno ay magiginhawaan ka na," tumawa siya nang bahagya pero may pagkaseryoso sa kanyang tinig. "Kung balang araw ay kailanganin niyo ng peaceful na leisure area, sabihan niyo lang ako at dadalhin ko kayo rito," wika niya tsaka naman binaling ang atensyon kay Ruby. "Lahat ng mga Mirage na nakapagsanay na hanggang sa pangalawang antas ng kanilang kapangyarihan ay may chance nang pumili kung anong klase ang kanilang magiging training spot. Kaya sana ay makatulong talaga kami sa 'yo para may sarili ka na ring ganito, pwede ka na rin tumira sa ganito kung nanaisin mo."
"Thank you sa inyo pero, kilala niyo si Jane, hindi ba?" tanong ni Ruby dahil alalang-alala na siya sa kaibigan niya.
Pinagmamasdan ni Lian ang mga kagamitang mayroom si Luis at hindi na nagulat sa rami ng armas kasi nga teleport lamang ang kaya nitong gawin. "Kaibigan din namin siya, 'wag mo masyadong intindihin ang babaeng 'yun. Naglalakbay lang 'yun panigurado, imposible namang may mangyaring hindi kaaya-aya sa kaniya sa tagal ng panahon niyang namamalagi rito sa Muujan at Majikaru High," ulat niya na siyang nakapagpagaan sa loob ni Ruby.
Inilahad ni Luis ang isa niyang kamay sa harapan ni Ruby tsaka lumuhod. "Will you let me be the one?"