Nagkatitigan sila Luis at Ruby. "I want to be the one, Ruby," aniya na siyang nagpagulo sa isipan ng babae.
Huminga ng malalim si Ruby at tsaka ipinatong ang nakasarado niyang kamay sa ibabaw ng kanyang dibdib. "A-Anong ibig mong sabihin?" natutulirong tanong nito dahil nagsisimulang maglaro sa kanyang isipan na iba ang pagtingin sa kanya ni Luis.
"Ang makakalaban mo para sa training natin, para magkaroon ng time sila Lian at Rian para sa sarili nila. Mas mainam na sila ang magkapartner dahil sila'y kilala na ang isa't isa sa matagal na panahon," dahan-dahang tugon nito upang hindi gaanong malito si Ruby.
Lumapit sa isa't isa ang kambal kasabay ng paghawak kamay. "So ano, mauna na kami sa inyo ha? Doon lang kami sa kabilang sulok para hindi namin kayo maabala," saad ni Lian nang mabasa ang isipan ni Luis na ayaw lang nitong may mangialam o mang-istorbo sa kanila.
Nagsimulang maging maitim ang kalahating bahagi ng training field ni Luis kung saan matatagpuan sila ni Ruby, habang sa kabilang dako naman ay maliwanag at nakatutok ang sinag ng araw kela Lian at Rian. Kinabahan si Ruby nang maramdaman niya ang pagkabagsik ng kanyang partner sa pagsasanay hanggang sa muntikan na siyang mawalan ng ulirat. Biglang lumakas ang ihip ng hangin kasabay ng pagliban ni Luis sa pananaw ni Ruby. Hinanap-hanap niya ito sa bawat anggulo ngunit siya’y nabigo lamang. Pumasok na lang sa kanyang diwa na baka siya ay iniwanan na ni Luis para tingnan kung ano ang kakayahan niya sa ngayon.
“‘Wag kang mangamba, narito lang ako, Ruby. Hindi kita ipapahamak, gusto ko lang makasiguro na hindi ako makakahadlang kaya kung saan saan ako lumilitaw.” Sumipot si Luis sa likuran ni Ruby at nakapisil sa magkabilang balikat ni Ruby para hindi ito tumiwalag. “Ano ba ang kapangyarihan mo?”
Itinaas ni Ruby sa ere ang kanyang kamay at kinuyom ito. “Apoy,” maikling tugon niya at tsaka muling binawi ang kamay. “Pero hindi ko alam kung paano gamitin… hehe,” nahihiyang pag-amin ni Ruby.
“Nasubukan mo na bang mag-isip ng imahe ng apoy sa iyong kamay?” tanong ni Luis dahil iyon lang ang naiisip niyang paraan upang mapalabas ang kapangyarihan ni Ruby.
“Iyan din ang sinabi sa akin ni Jane kaso wala naman din nangyari. Pero, maganda na rin ‘yun para malaman ko na rin kung ano yung gagana sa hindi.”
Hinagkan ni Luis ang kamay ni Ruby at binuka ito. Gumuhit siya ng letrang R na nagsisimbolo sa unang letra sa ngalan ni Ruby. “Ngayon, try mo uli,” marahan na utos nito para hindi niya mahiwatigan na siya’y minamadali o pinepwersa. “Ipikit mo lang ang iyong mga mata then think of a small source of fire, sigarilyo gano’n.”
Naisip ni Ruby ang sinasabi ni Luis na sigarilyong may sindi na unti-unting nauubos ang apoy. Hanggang sa ang utak na niya mismo ang nagkusang mag-imagine ng usok na nagmula sa sigarilyo hanggang sa ito’y lumaki nang lumaki. Ang usok naman na ito ay naging panibagong pinagmulan ng mas higanteng ningas. Hindi na napigilan ni Ruby na dumilat nang maramdaman ang mainit na posporo sa kanyang kamay. “Sh*t. Saan nanggaling to?” pagtataka niya nang hindi magkatugma ang inisip niya sa lumitaw sa kanyang kamay.
“Bakit posporo? ‘Yan ba ang sinabi kong isipin mo, Ruby? Hahaha, nakakatawa ka. May posibilidad bang hindi mo alam ang itsura ng isang sigarilyo o ang pinagkaiba nito mula sa posporo?” Sinubukan ni Luis na pagalitan si Ruby pero hindi nito napigilang tumawa. "Pero kung tutuusin, 'yang kapangyarihan mong 'yan ay may posibilidad na magamit mo para maglikha ng kung anumang bagay na iisipin mo, basta't may kinalaman sa apoy," dugtong pa niya na siyang nakapagpataas ng kilay ni Ruby.
"Ako na lang ba ang walang kaalaman tungkol sa mga ganyan?" tanong ng babae kasabay ng paghagis niya sa posporo sa ‘di kalayuan.
"Sa pagkakatanda ko, oo. Ilang taon na ang nakalipas mula nang makatanggap ang bansang ito ng panibagong Mirage. Kaya't hanggang may oras at panahon pa bago magsimula ang bakbakan… dapat na kitang maturuan at matulungan," pagmamagandang loob ni Luis.
"Parang imposible namang manalo eh, bakit kinakailangan ko pang magpakahirap? Alam ko sa sarili kong matagal pa bago mawala ang pagka mangmang ko, sinisiguro kong mapapagod ka lang katuturo—"
Tumayo nang matuwid si Luis sa harapan ni Ruby pero wala naman siyang ibang ginawa kundi ang titigan si Ruby. Habang nakatulala ang lalaki ay matulin na pinasadahan niya ito ng tingin mula ulo hanggang sa paa. Agad na inilagay ni Luis ang kanyang kamay sa noo niya nang bigla itong kumirot pagkatapos ang maiging pagsusuri kay Ruby. Hindi niya maintindihan ang dahilan sa likod ng p*******t nito.
"Luis?" Tawag ni Ruby sa kanya pero hindi niya ito napansin.
Hanggang sa ngayon ay kumikirot ang utak ni Luis. Bawat segundo na lumilipas ay mas lalo itong lumalala at mas bumibigat pa ang pakiramdam nito tuwing ang mukha ni Ruby ang kanyang titingnan. Maski ang kanyang sarili ay hindi alam ang rason kung bakit ito nangyayari sa kanya ngayon.
“Luis!” Pag-uulit ni Ruby sa pagtawag sa nasa harapan niya pero sa pagkakataong ito ay mas tinaasan niya ang kanyang boses kaya’t natauhan ito. “Sabi ko na nga ba ay mapapagod ka agad sa akin, hindi pa nga tumatagal ng ilang minuto tayong naparito ay wala ka na agad sa huwisyo,” aniya.
Marahang nagulat pa si Luis sa pinagsasasabi nito, napaatras siya sa kinatatayuan niya at bigla na lamang naglaho. Ginamit niya ang kanyang kakayahang makapagteleport sa sandaling iyon at napunta sa likuran ng isang puno malayo sa bandang kanan ni Ruby. Nang makatapak si Luis doon ay nabawasan ang iniinda niyang sakit kani-kanina lamang. Nagsimula namang mamula ang mukha niya nang dumaan sa kanyang isipan ang posibilidad na kaya siya nagkaganoon ay dahil sa kadahilanang iba na ang pagtingin niya kay Ruby. Paulit-ulit siyang umiling na nakapagpagulo sa tayo-tayo niyang buhok. Pinilit niyang itanggi sa kalooban niya ang kaisipang iyon dahil kailan lang naman sila nagkakilala, halos wala pa ngang isang linggo ang nakalipas.
Maya maya pa ay napagpasiyahan na niyang bumalik sa pwesto niya. “Sorry, may inasikaso lang ako,” panghihingi niya ng paumanhin kahit pa purong kasinungalingan ito. “May naiisip ka na bang ibang paraan para mailabas ‘yang tunay na lakas mo? Balita ko kasi, isa talaga sa pinakamalakas ang apoy na halos kapantay lang ng abilidad ng prinsipe na si Colt,” wika niya at nilibot na ang paningin sa kalangitang nangingitim kasi hindi niya magawang tumingin ng diretso kay Ruby dahil sa naisip niya kanina.
“May gusto akong subukan, baka sakali lang na gumana.” Inunat niya ang isang braso niya sa harap na siyang pareho sa lebel ng kanyang naglalakihang dibdib. Nakaposisyon siya na mistulang may lalabas na apoy sa kanyang kamay patungo sa isang nakalaan na direksyon. “Maybe… Just maybe… I can shoot fire lang sa ngayon at hindi pa ang paglilikha ng bagay bagay?” Napagtanto ni Ruby na wala pa naman siyang karanasan sa ganoon kaya napagdesisyunan niyang mag umpisa sa paraan na pati ang mga bata ay kayang gawin iyon.
Tumango si Luis bilang pagsang-ayon. “Sige, subukan mo lang. May kailangan ka bang kung ano para maisagawa ‘yang plano mo?” pang-uusisa nito dahil ayaw niyang wala siyang maitulong sa oras na magpakawala si Ruby ng apoy.
Hinawakan ni Ruby ang siko niya gamit ang isa pa niyang kamay. “Kahit anong mapapatumba o masusunog ko. Target ba, ganun,” sagot nito pagkatapos huminga ng malalim at diinan ang pagpikit ng mata para makapag focus.
Binigyang atensyon ni Luis ang kapaligiran at naghanap ng pwedeng gamitin ni Ruby pero wala siyang matagpuan bukod sa mga puno. Lalapitan na sana niya ang mga puno upang pumutol ng kahit isang kapirasong kahoy lamang, pero bigla na lang lumakas ang ihip ng hangin. Maririnig ang pagsipol ng dumaraang hangin dahil sa puwersa nito kaya halos tangayin na rin ang suot nilang damit kasunod ng mga dahon na nagsisipagliparan. Ito ay nagaganap lang sa kinalalagyan nila Ruby at Luis.
Hinarang ni Luis ang magkabilang braso niya sa kanyang ulo habang naglalakad pabalik kay Ruby. “Yung mga puno lang sana ang nakikita kong paggagamitan ng kapangyarihan mo pero mukhang tutol ang mga puno kaya naging ganito ang hangin,” pagpapaliwanag niya na nagpalungkot kay Ruby.
Hindi nagtagal ay nagliwanag muli ang ekspresyon ni Ruby. “Pinagkatiwalaan kita sa mga salitang binitawan mo nung bago pa tayo magsimula rito. Hindi ba’t sinabi mong gusto mong ikaw at ako ang magkalaban para sa training na ito?” pagpapaalala niya sa sinambit ni Luis.
“Oo, tama ka pero ano naman?”
“Edi ikaw na lang ang target ko!” Pinaikot-ikot ni Ruby ang mga hibla ng kanyang buhok gamit ang kanyang hintuturo at tsaka inilagay ang isang kamay nito sa tabi ng bewang niya. “Hindi mo ba kayang mag-iwan ng kahit isang kapareha mo lang?” tanong niya nang may makapag-isip ng isang plano kung saan parehas silang may mapapala at matutuklasan. Hindi lamang ang kanyang sarili ang inisip ni Ruby kundi pati na rin ang kapakanan ng kanyang kasama.
Hindi na kailangan pa ng kasagutan dahil bakas naman na sa itsura ni Luis na hindi niya alam ang nais ipagawa sa kanya ni Ruby. “Huh? Pwede ba ‘yun, eh teleport lang naman ang abilidad ko at wala ng iba.”
Napasapo ang kamay ni Ruby sa kanyang noo. “Ni minsan ba ay hindi mo nasubukang manatili sa gitna ng paglalakbay mo sa kung saan at hayaang magkaroon ka ng ilang kapareha sa kinatatayuan mo bago mo gamitin ang kapangyarihan mo?” Kumunot ang noo ni Ruby nang hindi niya rin maintindihan ang sinasabi niya. “Sa madaling salita ganito uhm… Para bang… gagamitin mo yung kapangyarihan mo para sumulpot sa harapan ko tapos gamitin mo uli pero sa pangalawang beses na iyon ay subukan mong patigilin o pabagalin ang oras, tsaka ka manatili sa gitna ng paglalakbay mo. Sa tingin ko, ikaw lang naman ang maaapektuhan ng pagbagal ng oras o paghinto nito dahil wala ka naman nga sa harapan ko,” paglilinaw niya sa una niyang winika pero naguguluhan parin siya sa kanyang sarili. “Gets mo ba?” tanong nito upang makasiguro na naintindihan ni Luis ang pinagdadadaldal niya at hindi lang siya nag-aksaya ng enerhiya at oras.
“Gets ko naman pero hindi ko pa nga ‘yan nagagawa noon, ni hindi ko nga rin ‘yan naisip. Sa tingin mo ba, magagawa ko talaga ‘yan?” pagbabalik na tanong ni Luis kay Ruby dahil hindi niya magawang magtiwala sa sarili niyang kapasidad.
“As the saying goes. Hindi mo malalaman kung kaya mo gawin ang isang bagay kung hindi mo susubukan at tutunganga ka lang para maghintay sa biyayang inaasahan mong darating sa iyo,” nagkibit balikat si Ruby at sumenyas na simulan na niya iyon.
“Agad agad? Sandali lang naman, hindi pa ako handa, baka pumalpak ako.” 'Di mapigilan ni Ruby na matawa sa ipinapakitang ugali ni Luis sa kanya. Sa unang pagkikita nila ay tunay na kakaiba na ang naramdaman nila sa isa't isa, na tila nga ba ay matagal na silang magkakilala. Kaya siguro ganoon na lang ang naisip ni Luis kanina. "Aba teka. Hindi ba dapat eh ikaw yung magt-training? Bakit parang nabaliktad naman ang sitwasyon at ako na ngayon ang tinuturuan mo? Tsaka paano mo naman naisip 'yan kung bago ka lang naman?" sunod sunod na tanong nito.
Natulala si Ruby sa mga sinabi ni Luis dahil inaasahan niyang gagawin na niya agad iyon at hindi na magsasalita pa. "Tinetesting ko lang kung may pakinabang pa ba 'tong utak ko rito sa Muujan."
"Hindi ka ba rito ipinanganak?"
"Hindi ko rin alam, pero siguro nga ay hindi dahil wala ang mga tinatawag kong tao sa lugar na ito," tugon ni Ruby na may halong panlulumo. "Gusto kong maging malakas… isa sa pinakamalakas hindi lang sa Majikaru kundi pati na sa buong sinasakupan natin. Kaya gagawin ko ang lahat upang makamit ko iyon at malaman ang mga kasagutan sa lahat ng katanungan sa isipan ko," dagdag pa niya habang nakayuko ang kanyang ulo sa paahan niya. "Sana, matulungan mo ako para mangyari iyon. Ikaw ba, may magagawa ba ako para makamtan mo ang iyong hinahangad?"
"Hindi pa malinaw sa akin kung ano ang gusto kong mangyari sa buhay ko. Kaya, gamitin mo lang ako sa lahat ng nais mo magawa," sabi ni Luis at unti-unti na siyang naglalaho sa paningin ni Ruby. "I'll show you the way towards the success of your dreams, Ruby."