AGATHA'S POV
"Ate, gising!"
Iminulat ko ang mga mata ko at bumungad sa akin ang kapatid kong si Nathan. Tinanggal pa niya ang kumot na nakatalukbong sa akin kaya yamot akong bumangon. Tiningnan ko ang orasan sa may bedside table ko at alas sais pa lang ng umaga. Masama akong tumingin sa kapatid kong ang lawak ng ngiti sa akin.
"Nathan, ang aga mong mambulahaw. Anong problema mo?" inis kong sambit sa kaniya.
Pabagsak namang umupo sa bed ko si Nathan. "Ang aga kasi ng bisita mo."
Kumunot naman ang noo ko. "Bisita?" puno nang pagtatakang tanong ko sa kapatid ko. Wala naman akong inaasahang bisita ngayong araw at sa ganitong kaaga pa.
"Oo, nasa baba si Kuya Kean. Pinapagising ka sa akin ni Mama at Papa," kaswal na sagot naman sa akin ng kapatid ko.
"Ano? Si Kean?"
Agad akong bumaba ng bed ko at mabilis na lumabas ng kwarto ko. Naririnig ko ang mga tawanan sa may kusina na nagpabilis ng t***k ng puso ko. Hindi ito ang usapan namin ni Kean kahapon. Anong ginagawa niya dito ngayon?
Pagbaba ko sa may kusina ay sabay sabay pa na napatingin sa akin sina Mama, Papa, Nathalia at Kean. Napatawa si Nathalia sa akin habang si Kean naman ay nakangiti.
"Kean, anong ginagawa mo dito?" gulat kong tanong sa kaniya.
"Anak, sana man lang ay naligo ka muna at nagbihis. Hindi ka ba nahihiya sa bisita mo?" sabi naman sa akin ni Mama.
At doon ko lang napagtanto ang itsura ko. Sa sobrang pagkataranta ko ay napa-pantulog pa ako at gulo gulo ang buhok ko. Napatampal na lang ako sa noo ko at mabilis na bumalik sa kwarto ko. Nakasalubong ko pa si Nathan sa hagdan na tatawa tawa pa sa akin.
"I hate you!" inis kong sabi sa kaniya.
"Anong ginawa ko?" nakangiting tanong niya. Inirapan ko na lang siya at nagderetso na sa kwarto ko. Agad akong pumasok sa CR at tiningnan ang sarili sa salamin. Gulo gulo ang buhok ko at may muta pa ako. Then ang suot kong pantulog ay manipis na t-shirt at short. At ang pinaka nakakahiya ay wala akong suot na bra. Hindi naman ako masyadong pinagpala sa dibdib so siguro naman ay hindi niya napansin ito. Shocks. Ano ba itong pinag-iisip ko?
Mabilis na lang akong naligo. Nagbihis na rin ako ng pang-alis dahil alam ko namang dahil sa dare kaya siya nandito. Pero wala talaga sa usapan namin na susunduin niya ako. Hindi ko na tuloy napigilan na ma-meet niya ulit ang magulo at baliw kong pamilya. Hindi na ako magtataka kapag sinabi niya sa akin na hindi na siya pupunta dito sa bahay, kahit kailan.
Pagkatapos kong magbihis ay tahimik akong bumaba. Nang nasa may dulo na ng hagdan ako ay saglit akong tumigil dahil sa seryosong usapan na nagaganap sa kusina.
"So single ka ngayon Kean?" narinig kong tanong ni Mama kay Kean.
"Yes po Tita," maiksing sagot naman ni Kean.
Sinungaling! Girlfriend niya si Crista so bakit niya ito itatanggi kina Mama?
"Wala namang problema sa amin hijo na ilabas-labas mo ang anak namin. Alam naman naming isa kang mabuting binata. Isa lang ang mahihiling namin sa 'yo, ingatan mo siya dahil alam mo naman, matagal nawalay sa amin ang panganay namin," sabi naman ni Papa.
Napapikit na lang ako dahil sa kahihiyan. Iniisip na agad ng mga magulang ko na may something sa amin ni Kean. Hindi ko kasi in-open sa kanila ang dare. Hihingi na lang ako ng dispensa kay Kean mamaya.
"Kuya Kean, nanliligaw ka na ba ulit kay Ate?" narinig ko naman na tanong ng kapatid kong si Nathalia. Mabilis ko silang nilapitan sa may kusina at hindi ko na hinayaan pang sagutin sila ni Kean.
"No Nathalia. Hindi nanliligaw si Kean," matigas kong sabi.
I look at Kean and mouthed "sorry". Ngumiti naman siya sa akin kaya naupo ako sa may tabi ng kapatid ko at palihim siyang kinurot sa tagiliran niya. Tumingin naman siya sa akin kaya sinamaan ko siya ng tingin.
"Nagpaalam na sa amin itong si Kean. May pupuntahan daw kayo ngayong araw," sabi sa akin ni Mama.
"Yes Ma. Hindi ko na nasabi sa inyo kagabi dahil maaga akong nakatulog," sabi ko naman.
"Basta mag-iingat kayo sa pupuntahan niyo," sabi naman ni Papa.
"Yes Pa. Kean, tapos ka na bang kumain? I think we should go." Hindi ko na hahayaan pang mas humaba ang pakikipag-usap ni Kean sa pamilya ko. Baka kung ano pang sabihin nina Mama na hindi naman naaayos sa sitwasyon.
"Yes, pero ikaw, hindi ka ba muna mag-aalmusal?" tanong naman niya sa akin.
"Hindi ako mahilig mag-breakfast. Let's go. Ma, Pa, alis na po kami." Tumayo na ako kaya tumayo na rin si Kean.
"Sige po Tito, Tita, alis na po kami," paalam naman ni Kean sa mga magulang ko.
"Mag-iingat kayo," sabi ni Papa.
"Kuya, balik ka ha. Maglalaro tayong basketball," sabi naman ni Nathan.
Hinila ko na palabas ng bahay si Kean. Pagkalabas namin ay agad kong binitawan ang kamay niya dahil bigla akong na-conscious. Bigla akong nakaramdam ng hiya dahil hinawakan ko ang kamay niya.
"Okay ka na ba? Wala ka nang hang-over?" malambing niyang tanong sa akin.
"Yes. Pero teka, ano palang ginagawa mo dito? Ang usapan natin ay pupunta na lang ako sa resort," sabi ko naman sa kaniya.
"Bago ko sagutin 'yan, mag-picture muna tayo."
Kinuha ni Kean ang cellphone niya sa bulsa niya. Yeah, the stupid dare. Pagkatapos naming mag-selfie ay isinend na niya iyon sa group chat ng batch namin. Ako naman ay nakatayo lang habang hinihintay na sagutin niya ang tanong ko.
"Marunong ka namang umangkas sa motor 'di ba?" tanong niya sa akin.
Kumunot naman ang noo ko. Itinuro niya ang isang motor na nakaparada sa labas ng gate ng bahay. So kaniya pala ang BMW R 1250 RT na nakita ko sa resort niya kahapon. Lumabas siya ng gate at lumapit sa motor niya. Agad naman akong sumunod sa kaniya.
"Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko Kean," sabi ko sa kaniya.
Humarap naman siya sa akin at iniabot ang isang helmet. "Hindi naman masyadong busy sa resort. And tutal naman ay ang tagal mong nawala sa probinsya natin, I will be your tour guide for this day," nakangiti niyang sabi sa akin.
Kinuha ko naman sa kaniya ang helmet at marahang napangiti. "Seryoso ka?"
"Mukha ba akong nagbibiro?" Kinuha niya rin ang helmet niya at sinuot na ito. Mabuti pala na hindi ako nag-dress ngayon dahil sasakay pala ako sa motor. Isinuot ko na rin ang helmet ko. Agad namang lumapit sa akin si Kean.
"Hindi ka pa nakakasakay ng motor 'no?" tanong niya sa akin habang inaayos niya ang helmet ko. Sobrang lapit ng mukha niya at pasalamat na lang ako dahil may suot na kaming pareho na helmet. Hindi niya makikita ang pamumula ng mukha ko.
Pagkatapos niyang ayusin ang helmet ko ay sumakay na siya sa motor niya. Tumingin pa siya sa akin. "Tara na?"
Tumango naman ako at agad na sumakay sa likuran niya. Ang totoo ay first time kong makakasakay ng motor. Kaya nang makasakay ako ay hindi ko alam kung saan hahawak. Alanganin kong inilagay ang kamay ko sa magkabilang balikat ni Kean. Nagulat na lang ako nang kunin ni Kean ang mga kamay ko at ilagay ito sa may bandang tiyan niya.
Biglang bumilis ang t***k ng puso ko nang maramdaman ko ang matigas na abs ni Kean. Shocks. Ano na naman ba itong mga iniisip ko?
"Kapit ka lang ng mahigpit Agatha," sabi niya sa akin habang inii-start niya ang motor niya. Sinunod ko na lang ang sinabi niya kahit parang may tambol na naman sa dibdib ko.
Nagsimula nang tumakbo ang motor at nakahinga ako ng maluwag dahil hindi naman pala ganoon nakakatakot ang umangkas. Pinagmasdan ko ang dinadaanan namin at papunta ito sa sentro ng isla, ang Boac.
"Saan tayo pupunta Kean?" tanong ko sa kaniya.
"Actually, hindi ko rin alam. Road trip na lang muna tayo," sagot naman niya sa akin.
Hindi na ako nagsalita pa. Kung makakarating kami sa Boac, aabutin kami ng 45 minutes to 1 hour na biyahe bago makarating doon. Isa sa maganda dito sa isla ay halos puro bundok at dagat ang makikita sa daan. Isa akong nature-lover kaya paniguradong mae-enjoy ko ang biyahe namin ni Kean.
Maganda rin ang panahon kaya buhay na buhay ang kulay ng kagubatan at dagat. Maganda sana itong picturan ngunit natatakot ako na baka mahulog ang cellphone ko, or worst, ako mismo ang mahulog.
Nangangalahati na kami sa biyahe ng biglang tumigil sa Kean sa gilid. Agad akong bumaba at tinanggal ang helmet. Ganoon din ang ginawa niya. Pinagmasdan ko ang paligid at nasa gilid kami ng bundok. May ilang mga sasakyan naman ang dumadaan dahil ito ang main road na nagkokonekta sa dalawang munisipalidad ng probinsya.
Hindi ako nagtanong o nagsalita. Nakatingin lang ako kay Kean na may kinukuha sa bag niya. Napakunot ang noo ko nang inilabas niya mula sa bag niya ang dog food.
Muli kong inilibot ang aking paningin at napansin ang mga ilang stray dog na palapit kay Kean. Kumakawag ang buntot ng mga ito at ang iba ay tumatakbo pa palapit. Inilapag niya ang dog food sa may semento at agad na pinagsaluhan ng mga stray dog ang pagkain nila.
Isa ito sa nagustuhan ko kay Kean noon. Katulad ko ay mahilig din siya sa aso.
"Mukhang kilala ka na nila," nakangiti kong sabi kay Kean.
"Kapag kasi napapadaan ako dito, lagi ko silang binibigyan ng pagkain," sabi naman niya sa akin.
Halos nasa anim na aso ang tahimik na kumakain ng dog food. Nakangiting pinagmamasdan sila ni Kean kaya muli akong napangiti.
"Nasaan ba ang mga amo nila?" tanong ko pa sa kaniya.
Mukhang hindi naman talaga asong kalye ang mga ito dahil malilinis ang mga aso. Wala silang mga sugat at malalago ang kanilang mga balahibo.
"Hindi ko alam kung may amo ba talaga sila. Pero nang una ko silang makita, sobrang papayat nila at halatang kulang sa pagkain. Ngayon ngayon na lang gumanda ang mga katawan nila," sagot naman niya sa akin.
Pagkatapos niyang pakainin ang mga aso ay isa isa nang sumalubong ang mga ito sa kaniya. Kaya kinuha ko ang cellphone ko at pinicturan si Kean habang masayang nakikipaglaro sa mga aso. Isinend ko ito sa group chat para updated sila na magkasama pa rin kaming dalawa.
Pagkatapos pakainin ni Kean ang mga aso ay umalis na kami at ipinagpatuloy ang biyahe. Nang makarating kami sa sentro ng isla ay naghanap ng makakainan si Kean.
Alas otso pa lang ng umaga pero dahil daw hindi ako kumain ng almusal sa bahah ay kailangan naming kumain ngayon. Sa isang tapsi-han kami pumunta.
Si Kean na ang umorder ng pagkain namin habang ako naman ay nakaupo lang sa may table. Nang makabalik siya ay nag-picture ulit kami para i-send sa GC.
"Nagbabalak ka bang magtayo ng branch mo dito?" biglang tanong sa akin ni Kean.
"Oo. Pero iniisip ko rin na masyadong mahigpit ang kompetisyon dito. Sa sobrang dami na ng mga kainan dito," sagot ko naman.
Napatango naman sa akin si Kean. Ang totoo kasi ay undecided pa rin ako kung saan ko unang ilalagay ang second branch ng Reyes Cuisine. At balak kong tingnan ang lahat ng municipality ng probinsya pagkatapos ng dare namin ni Kean. Titimbangin ko muna kung saang municipality ang magbu-boom agad ang resto.
"Ang hirap maging business owner 'no?" natatawa niyang sabi sa akin.
"Oo. Nakakaubos ng utak. Pero masaya naman dahil nakakapagbigay ka ng trabaho sa iba," nakangiting sagot ko naman.
Being a business owner is really hard. Maraming iba't ibang aspeto ang kailangang isaalang-alang at isipin.
"Nakaka-enjoy din naman. Minsan nakaka-pressure lang talaga lalo na kapag mahina ang business," sabi naman niya.
"Totoo 'yan. Alam mo bang dumaan din ako sa depression noong mga panahong bumaba ang sales ng resto namin. Ang hirap kasi sa part ko dahil nasa Manila ako. Pero mabuti na lang at naka-survive naman kami nina Papa. And as of now, maayos na ang resto."
"Ang layo na ng narating mo Agatha," nakangiting sabi niya sa akin.
Unconsciously ay napatitig ako sa mukha ni Kean at kusang bumalik sa isipan ko ang mga naging usapan namin noon.
AGATHA'S FLASHBACK
"Babe, anong pangarap mo?" biglang tanong sa akin ni Kean. Lunch break ngayon ay nandito lang kami sa classroom. Hawak hawak niya ang kamay ko habang deretsong nakatingin sa akin.
"Ang totoo, gusto ko talagang maging writer. Pero bago 'yon, gusto ko munang tuparin ang pangarap ni Papa, ang magkaroon ng restaurant," sagot ko naman sa kaniya.
"Sigurado akong matutupad mo 'yan. Tutuparin natin ang pangarap mong magkaroon ng restaurant. At kapag naging writer ka na, magpapatayo tayo ng sarili nating publishing house. Paniguradong sisikat ang mga libro mo."
Napatawa naman ako sa sinabing iyon ni Kean. "Masyado ka namang proud sa akin. Sa tingin mo ba ay magagawa ko lahat ng iyon?"
"Oo naman. And you have me every step of the way. I love you Agatha."
"I love you too Kean."
END OF FLASHBACK.
"Heto na po ang order niyo."
Naputol ang pag-iisip ko nang biglang dumating na ang order namin ni Kean. Hindi na ako nag-abalang magsalita pa at tahimik na lang kaming kumain.
Tama nga si Kean, matutupad ko ang mga pangarap ko. Ang kaibahan nga lang ay hindi ko siya kasama sa pagtupad sa mga pangarap kong iyon.