Hindi kalakasan ang ulan at nakasilip pa rin ang napakaliwanag na mukha ng buwan sa mga maiitim na ulap sa kalangitan. Naniniksik sa kanilang mga kalamnan ang lamig ng gabi at ang simoy ng hangin ay nagpapaalala sa kanila ang nalalapit na selebrasyon ng Pasko. Iilang araw na lang ay magpapasko na pero madalas pa rin ang mga pag-ulan na kadalasang wala na sa mga panahong iyon. Paskong tila hindi na muling mararamdaman pa pagkatapos ng mga pangyayari sa sangkatauhan. Hawak-hawak ang kalibre 38 baril, marahang binuksan ni Caren ang bariles nito para kargahan muli ng mga bala na yari sa pilak. Hindi niya alintana ang patuloy na pagbuhos ng di-kalakasang ulan. Halos basa na ang kanyang pang-itaas na damit at nakaupo sa isang dating mataas na konkretong pader na nababalutan na ng mga na

