Chapter 5

1472 Words
“Bilisan mo nga. Pag ako na-late, hindi na kita isasabay sa susunod,” inis na sabi ni Joshua sa kanya habang pababa siya ng itim na kotse na naghahatid-sundo kay Joshua sa San Miguel University. Matapos ang isang linggo, naiayos na lahat ni Donya Feliza ang kailangan niya para makapag-enroll sa SMU. Isa ito sa pinakakilalang eskwelahan sa San Miguel, pagmamay-ari ng mga Tragora—ang pinakamayamang pamilya sa buong bayan. At maswerte siya dahil ang mga Tragora ang kumupkop sa kanya. Halos malula siya nang makita kung gaano kalaki at kalawak ang eskwelahan. Naalala niya, tuwing dinadaanan nila ng nanay niya ang SMU, madalas niyang sabihin na dito siya mag-aaral para makakuha ng magandang trabaho at makabili ng bahay na singlaki ng eskwelahan. Pero hindi na niya magagawa iyon. Sa murang edad, nawalan na siya ng ina. At ngayon, mamumuhay siyang kasama ang bagong pamilya niya. “Aya! Ano ba? Bilisan mo nga maglakad dyan!” sigaw ni Joshua sa kanya. Sinulyapan niya ito at halos tumakbo na siya para lang habulin. “Sandali lang, Kuya,” humihingal niyang sabi at bumunggo sa backpack na nakasabit sa likod ni Joshua. “Aray ko,” reklamo niya at hinawi ang mahabang buhok. “Huwag mo akong tatawaging ‘Kuya’ dito sa school! I don’t like it. Kahit sa bahay, huwag mo muna akong tatawaging kuya. We’re not brother and sister! Hindi kita kapatid! Wala akong kapatid!” galit na sita nito, at nakasimangot na tinalikuran siya. Tumakbo ito papasok sa malaking building. “Bakit ba ang sungit niya?” bulong niya at sinundan na lang ito. Pagdating nila sa classroom, kaagad silang nilapitan ng magandang guro. Nakangiti ito at binati pa si Joshua. “Good morning, Mr. Tragora,” bati ng guro kay Joshua. Hindi man ngumiti si Joshua, nilingon niya siya na nasa likuran pa rin. “Ms. Tagle, she’s Aya. Siya ‘yong inenroll ni Lola last week,” walang ngiting pakilala nito sa kanya. Kaagad siyang ngumiti nang lingunin siya ni Ms. Tagle. “Ah… yeah, hello Aya. How are you?” magiliw na sabi ni Ms. Tagle, na marahil ay magiging teacher niya. Nasa Grade 4 na siya, at lagi siyang honor sa dati niyang eskwelahan—public school lang iyon. Hindi tulad ng SMU na private school, at siguradong lahat ng nag-aaral dito ay mayayaman tulad ni Joshua at matatalino. “Aya, get in. I need to go to my first class,” utos ni Joshua sa kanya at pasimple siyang tinulak papasok sa classroom. “Ah, sige, Ku—Joshua, salamat,” alanganin niyang sabi. “Be a good girl, Aya,” sabi pa ni Joshua bago tumakbo palayo para pumunta na sa classroom niya. “Let’s go, Aya. Ikukuha na kita ng upuan,” magiliw na sabi ni Ms. Tagle at giniya na siya papasok. --- “Hi,” bati ng batang babae sa kanya pagtapos ng klase. “Hello,” sagot niya at ngumiti sa batang naka-all pink mula ulo hanggang paa. Pink na headband, pink na necklace, terno ang bracelet at hikaw. Pati ang trolley Barbie bag nito pink, pati ang medyas na puti—hindi pwedeng walang halong pink. “I’m Mariella, but you can call me Ella. We’re classmates. We were in the same class earlier,” nakangiting sabi nito at iniaabot ang maputing kamay na halatang hindi pa nagtatrabaho. Hindi tulad niya na lagi nang nagbubuhat ng paninda nila ng nanay niya sa palengke, at minsan naghihigib din ng tubig para sa bahay nila. “Ayana. Pwede mo akong tawaging Aya,” nakangiti niyang sagot. “Can we be friends?” tanong nito at ngumiti. Lumitaw ang magagandang ngipin na halatang alaga ng dentista. “Oo naman,” nahihiya niyang sagot. “Yey! Sa wakas may kaibigan na ako,” sabi nito at nagtatalon pa sa tuwa. “Bakit, wala ka bang kaibigan?” nagtataka niyang tanong at nilingon ang ilang kaklase nila na tulad ni Ella—malinis at halatang galing sa magandang pamilya. “They are all not friendly as you look. Let’s go, hati tayo sa baon ko,” yaya nito at hinila na ang trolley bag at dinampot ang pink na lunch box. “Sige,” nakangiti niyang sagot at sinabit sa balikat ang Barbie backpack niya. Pagpasok nila sa malaking cafeteria, maingay sa loob. Halos nagkukwentuhan ang mga naroon. May nagtatawanan nang malakas, may nagsasalita nang malakas, habang may tumutugtog sa loob. Parang isang mamahaling restaurant ang pinasukan nila, hindi school canteen. Hindi tulad sa dati niyang eskwelahan na lima lang yata ang mesa, kaya laging naguunahan ang mga estudyante para makaupo. Isama pa na mainit sa loob. Samantalang sa SMU Cafeteria, naka-aircon. “SMU Cafeteria” ang nakasulat sa harap ng pinto, hindi “School Canteen.” “Hati tayo sa baon ko. Specialty ito ni Mommy, saka favorite ko—kami ng Kuya ko. Pero ngayon nasa high school na si Kuya, ayaw na niyang nagbabaon. Mas gusto na niyang bumibili na lang dito sa cafeteria, o kaya kumakain sa labas kasama ng mga barkada niya,” kwento ni Ella habang hinahati ang malaking sandwich na puno ng gulay, meat, at cheese—tulad ng mga nakikita niya sa TV na kinakain ng mga mayayaman. “Ang laki naman pala niyan. Paano mo uubusin iyan?” tanong niya nang matapos hatiin ni Ella ang sandwich. “Pag natikman mo ito, malalaman mo kung paano ko nauubos yan,” nakangiting sabi nito at nilabas ang baunan ng tubig na katerno ng lunch box. “Mukha nga siyang masarap,” sabi niya at kinagatan ang sandwich. “Ikaw, anong baon mo?” “Hindi ko alam kung ano ang pinadala ni Tita Maristel,” sagot niya at binuksan ang Barbie lunch box. Sandwich, apple, at fruit juice ang nasa loob. “Wow, masarap din pala ang baon mo. Sino may gawa ng sandwich? Mommy mo ba?” “Ah, hindi. Si Tita Maristel ang naghanda niyan.” “Bakit, nasaan ang Mommy mo?” tanong nito habang kinakain ang sandwich. “Wala na ang Mommy ko,” malungkot niyang sagot at binitawan ang sandwich. “OMG! I’m so sorry, Aya,” paumanhin nito at niyakap pa siya. “Okay lang iyon,” nakangiti niyang sabi at nilabas sa lunch box ang baon. “Hati rin tayo sa baon ko.” “Oo, ba. Sige,” mabilis na sagot nito at binilisan ang pagkain habang nagtatawanan sila. Matapos nilang maubos ang baon, nagkwentuhan pa sila. Isang oras ang lunch break nila. Kaagad siyang napalagayan ng loob kay Ella. Halos pareho sila ng hilig—paborito din nito si Hannah Montana at memorize din ang mga kanta. Crush din nito si Troy Bolton, at walang kanta ng _High School Musical_ na hindi nito alam. “Oh wait, I need to give this,” biglang sabi nito at may kinuha sa pink na trolley bag. “Sandwich? Gutom ka ulit?” nagtataka niyang tanong nang makita ang isa pang sandwich na singlaki ng pinaghatian nila kanina. “Nope. I’m going to give this to Vincent!” excited na sabi nito at pasimple pang sinuklay ang mahabang buhok, inayos ang pink na headband, at ngumiti habang nakatingin sa may pinto ng cafeteria. Kasalukuyang papasok ang mga estudyanteng marahil nasa high school na—kasingtangkad na ni Joshua, at pareho ng school uniform. “Sino si Vincent?” “Siya!” sagot nito sabay turo sa binatilyong naghahanap ng mauupuan, kasama ang tatlo pang estudyante, habang pinagtitinginan sila ng mga naroon. “Bakit, artista ba siya?” “What?! No, but he’s so handsome. Pwede nga siyang maging artista o kaya model,” masayang sagot nito. “Ah…” “What do I look? Maganda na ba ako?” “Ah? Maganda ka naman eh,” alanganin niyang sagot dahil hindi niya maintindihan ang kinikilos nito mula nang pumasok ang tinatawag nitong Vincent. “Wait me here, Aya. Ibibigay ko lang ito,” excited na paalam nito at tumayo na. Nag-ayos pa ulit ito ng buhok at uniporme. Alanganin siyang ngumiti at sinundan ito ng tingin. Nakita niyang lumapit ito sa mesa ng binatilyong tinatawag nitong Vincent, binati ito, at agad namang ngumiti at binati rin si Ella. Nag-usap pa sila bago iniabot ni Ella ang sandwich. Tinanggap ito ng binatilyo at ngumiti. Nag-usap pa ulit sila bago lumakad pabalik si Ella. Bago pa makabalik si Ella, napansin niya agad ang pamilyar na binatilyong papasok sa cafeteria. Si Joshua. Mag-isa lang ito, may hinahanap. At tulad ni Vincent, marami ring nagtitilian kay Joshua na bagong dating. Nagkatinginan pa sila ni Joshua bago ito pumuwesto sa mesa ng grupo ni Vincent. “Nakausap ko nanaman siya,” masayang sabi ni Ella nang makabalik sa pwesto nila. “Aya, may crush ka na ba?” biglang tanong nito. “Crush?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD