Chapter 01
Aliyah Veda Gonzales
MAAGANG gumising ang buong hacienda kinabukasan. Ang daming ingay sa paligid, may nagwawalis, may naghahanda ng mga bulaklak, may naglilitson, at may mga lalaking nag-aayos ng banderitas sa daan papasok ng gate. Lahat sila abala, lahat nagmamadali. Mamayang hapon kasi darating si Señyorito Johan, galing Maynila doon kasi siya nag–aaral.
Isa ako sa mga pinaka-excited. Kanina pa akong gising, nagluluto ng suman mula pa madaling-araw. Nilagyan ko ng tamang alat at tamis, aya ng gusto ni Jojo. Naalala ko pa 'yong araw na pinuri niya 'yong niluto ko dati. "Mas masarap pa ito kaysa sa binibili sa bayan," sabi niya noon, sabay ngiti. Simula no'n, lagi ko nang niluluto 'yong suman tuwing alam kong uuwi siya. Parang tradisyon na sa akin.
Ngayong araw, sinuot ko 'yong lavender na bestida na nabili ko sa ukay-ukay noong isang linggo. May maliit lang siyang laso sa dibdib, pero nilabhan ko nang maayos at nilunod sa downy para mabango. Pinlantsa ko pa nang maigi para mukhang bago. Pagharap ko sa maliit na salamin, bahagya akong ngumiti kahit alam kong hindi naman ako kagandahan. Kita pa rin 'yong mga pimples ko, pero sabi ko sa sarili ko, "Okay na ito. Malinis naman."
"Veda!" sigaw ni Manang Dolor mula sa kusina. "Dalhin mo nga itong afritada sa mesa bago lumamig!"
"Opo, Manang!" sagot ko agad. Kinuha ko ang bandehado at maingat na naglakad papunta sa dining area. Pero bago pa ako makarating, biglang sumulpot si Gillian kasama ang dalawang alipores niyang laging nakasunod.
"Oh look, who's here?" sabi ni Gillian sabay taas ng kilay. "Uy, mga te, tingnan n'yo naman oh—ready si Miss Suman Girl para kay Señorito Johan niya."
Napahinto ako. Pinilit kong ngumiti. "Excuse me lang, Señyorita Gillian. May dadalhin pa akong ulam—"
"Wait, what's that outfit?" sabat ng isa sa mga alipores niya. "Ukay-ukay couture?"
Nagtawanan silang tatlo. "Girl, kahit anong downy at plantsa gawin mo diyan, halata pa ring galing ukay–ukayan."
Pinagpawisan bigla ang kamay ko habang mahigpit kong hawak ang bandehado.
Nilapit ni Gillian ang mukha niya sa akin, 'yong tipong halos magkadikit na ilong namin. "You really think papansinin ka ni Johan?" bulong niya, pero sapat para marinig ng mga kasama niya. "Look at you, Veda. You're just one of the helpers here. He's way out of your league."
Nanunuyo ang lalamunan ko. Gusto kong sumagot, pero wala akong lumabas na boses.
"Baka nga matakot si Johan 'pag nakita 'yong mukha mo," dagdag pa ni Gillian, sabay turo sa pisngi ko. "You should try covering those pimples first before dreaming about him."
Nagtawanan ulit sila, mas malakas pa kaysa kanina.
Ramdam ko 'yong init sa pisngi ko—hindi lang dahil sa hiya kundi sa sakit ng mga salitang pinakawalan nila. Gusto kong sumigaw, gusto kong sabihin na wala silang karapatang manghusga, pero pinili kong tumahimik.
"Stop dreaming, Veda," huling sabi ni Gillian habang tumatawa. "You're so delusional."
Tahimik akong naglakad palayo, pinipigilan ang sarili kong lumuha. Pero kahit nakalayo na ako, rinig ko pa rin 'yong tawanan nila, parang sinasampal ako paulit-ulit.
Pagdating ko sa mesa, dahan-dahan kong inilapag ang bandehado ng afritada. Huminga ako nang malalim at pinunasan ang pawis sa noo.
"Bakit sinabi ko bang umaasa?" mahina kong sabi sa sarili, halos pabulong. "Hindi naman talaga ako pwedeng mangarap ng gano'n..."
Pero kahit ilang beses kong sabihin 'yon, may parte pa rin sa puso kong umaasang mapansin niya ako, hindi bilang katulong, kundi bilang ako. Bilang si Veda.
Akmang hahakbang na ako paalis nang marinig ko ang boses ni Doña Carmelita.
"Veda!" tawag niya, malambing pero may bigat sa tono, 'yung klase ng boses na kahit sino sa hacienda, agad titigil sa ginagawa.
Mabilis akong lumingon. Napangiti ako nang makita ko siya. Kahit nasa sixty years old na, hindi halata. Ang ganda pa rin niya—matikas, elegante, parang hindi tinatablan ng panahon. Siya ang totoong may hawak ng lahat dito, hindi lang sa hacienda, kundi pati sa buong negosyo ng pamilyang Santibañez.
"Magandang umaga po, Doña," bati ko agad, sabay yuko.
Ngumiti siya, 'yong ngiti na palaging may kasamang init ng loob. "Hija, ikaw pala ang nagluluto ng suman, no? Naamoy ko pa lang sa veranda, alam kong ikaw 'yon."
Nahiya akong ngumiti. "Opo, Doña. Naalala ko lang po kasi, paborito ni Señorito Johan. Kaya....ayun po, ginawa ko ulit."
Tumango siya, bahagyang natawa. "Alam mo, Veda, kung may tao man dito sa hacienda na laging nagpapasaya sa apo kong 'yon, ikaw 'yon."
Parang biglang uminit ang mukha ko sa hiya. "Naku, hindi po, Doña. Maliit lang po 'yong ginagawa ko."
"Small things matter the most, hija." Tumitig siya sa akin saglit, tapos inilagay ang kamay niya sa balikat ko. "Maganda 'yang ugali mo. Mabait ka. Kaya siguro, gusto ka rin ng mga tauhan dito."
Ngumiti ako nang mahina. Hindi ko alam kung anong isasagot, kaya tumango na lang ako.
Habang nag-uusap kami, hindi ko maiwasang mapaisip. Si Doña Carmelita—ang matriarka ng Santibañez—siya 'yong klase ng babae na kahit tahimik, ramdam mo ang respeto ng lahat. Lahat ng desisyon sa negosyo at hacienda, dadaan muna sa kanya.
Ang anak niyang si Señyor Ysmael, oo, Gobernador ng bayan, pero halos sunod-sunuran kay Madam Claudia, ang asawa nitong ubod ng taray at yabang. Si Madam Claudia galing sa angkan ng mga pulitiko. Dati na siyang mayaman bago pa niya pakasalan si Ysmael. May una siyang asawa na napatay sa ambush—isa ring pulitiko.
May dalawa siyang anak mula ro'n—sina David at Gillian—at si Gabbi, anak naman nila ni Ysmael ito ang half–sister ni Johan. Si Gabbi lang ang mabait sa magkakapatid. Pero sa lahat ng apo, si Johan lang ang tunay na Santibañez—at siya rin ang tagapagmana ng lahat.
Malawak ang sakop ng pamilya nila: tatlong bangko sa bayan, dalawang mall, isang private university, at itong hacienda na parang hindi nauubos ang hangganan.
Ako? Isa lang akong iskolar ni Doña. Pinag-aaral niya ako sa university nila. BS Biology ang kinuha kong kurso, balak ko kasing magdoktor balang araw. Utang ko sa kanya halos lahat ng meron ako ngayon.
Nakilala ko si Johan nung sampung taong gulang pa lang ako, at siya naman ay kinse anyos. Hindi ko makakalimutan kung gaano siya kakulit noon, gwapo, dark skin, matangkad na kahit bata pa lang, halata nang may dating. Minsan nga, kapag dumadaan siya parang nahahawi ang daan, hindi mo mabilang kung ilang babae ang napapalingon. Malakas talaga ang dating ni Señyorito Johan.
Playful siya, minsan sweet, minsan naman parang gustong mang-asar. Babaero rin kahit noon pa—may girlfriend na agad kahit kinse pa lang. Pero kahit ganon, mabait siya sa akin. Lagi niya akong tinatawag na "little miss scientist," dahil mahilig daw akong magbasa ng science books kahit hindi ko pa naiintindihan lahat.
Dalawang taon lang kaming sabay dito sa hacienda. Pagkatapos no'n, lumuwas na siya ng Maynila para mag-aral. Si Doña Carmelita na lang ang madalas bumibisita sa kanya sa penthouse niya ro'n—sabi nila, sobrang ganda raw ng lugar, overlooking the city lights.
Pero kahit madalang umuwi si Johan, madalas ko pa rin siyang naiisip.
Hindi niya kasundo ni David, at lagi silang nag-aaway. Marami kasing naiinggit kay Johan. Sa totoo lang kahit hindi ko gustong maniwala, naririnig ko minsan sa mga tauhan—anak daw siya ng dating katulong na naanakan ni Don Ysmael. Pero walang nagkukuwento nang buo. Kapag tinatanong ko, biglang tumatahimik ang lahat.
Ang sabi lang nila, sampung taong gulang si Johan nang unang ihatid dito ng kanyang Lolo Sentri. Simula noon, parang laging may tensiyon sa pagitan nila ni Madam Claudia—para bang allergic siya sa presensya ni Johan.
At ngayon, uuwi na siya dahil graduate na siya sa kolehiyo.
Apat na taon na mula nung huling uwi niya. Hindi ko alam kung bakit kinakabahan ako, pero habang iniisip kong muli ko siyang makikita, parang may kung anong gumagalaw sa dibdib ko, halo ng tuwa, kaba, at takot.
Na baka sa unang tingin pa lang niya, hindi na niya ako makilala.
ANG BILIS ng oras. Mainit pa rin ang paligid kahit pasado alas tres na ng hapon. Sa sala, abala si Doñya Carmelita sa pakikipag-usap kay Mang Pilo tungkol sa mga bulaklak na ilalagay sa entrada. Tahimik lang akong nakatayo sa tabi niya, hawak-hawak ang tray ng juice na ipapainom ko sana sa kanya.
"Dito sa may hagdan," sabi ng Doñya, tinuturo ang paso ng orchids. "Make sure the flowers look alive, hindi 'yung parang pinilit lang."
Tumango si Mang Pilo, ngunit bago pa ito makasagot ay narinig naming bumukas nang malakas ang malaking pinto ng mansiyon.
Lahat kami napalingon.
Ang bruha dumating na galing Paris, pero halatang hindi masaya ang balik niya. Pagkarating sa sala, agad niyang nilingon ang mga abalang kasambahay, ang mesa, ang mga bulaklak. Nakasuot siya ng beige pencil dress na litaw ang kurba, may pearl necklace at malaking sunglass na agad niyang tinanggal paglapit. Ang buhok niya ay kulay chestnut brown, naka-blow dry ng perpekto. Makinis talaga ang balat, pero matalim ang mga mata, parang sanay manghusga.
Si Madam Claudia.
"What is the meaning of this?" malamig niyang bungad, tinatapon ang tingin sa mga nakasabit na dekorasyon at mesa na may mga pinggan at kakanin. "Bakit parang piyesta rito?"
Napatingin ako kay Doñya Carmelita, pero nanatili itong kalmado. "Nagpahanda ako, Claudia. Darating na si Johan mamayang gabi."
Halos manlaki ang mga mata ni Madam Claudia sa inis. "Johan?" ngumisi siya, pero puno ng paghamak. "You mean, the bastard grandson you're so proud of? My God, Mama, hanggang ngayon ba, dinidiyos mo pa rin 'yung anak sa labas ng anak mo?"
Napalunok ako, ramdam ang bigat ng hangin sa paligid. Pero hindi natinag ang Doñya.
"Watch your mouth, Claudia," malamig ngunit matalim ang tono nito. "Si Johan ay apo ko kay Ysmael. Legal na Santibañez, at taga-pagmana ng pangalan namin."
Napasinghal si Madam Claudia, ang ngiti niya ay napalitan ng galit. "Legal? Don't make me laugh! May anak rin akong legal na Santibañez— si Gabbi. At siya ang karapat-dapat sa lahat ng ito, hindi 'yang batang pinagpipilitang iangat mo."
Tumikhim si Donya Carmelita at marahang umiling. "Babae si Gabbi, Claudia. Si Johan ay lalaki. Siya ang magdadala ng apelyido, siya ang tunay na Santibañez."
Halos mamutla si Madam sa inis. "You're unbelievable, Mama. You're blinded by favoritism. Akala mo kung sinong perpekto ang batang 'yon!"
Umiling ang Doñya. "Wala akong favoritism sa kanilang dalawa. Nagkataon lang na lalaki si Johan at anak siya ni Janica at Ysmael."
Natahimik ang paligid. Tanging tunog ng pendulum clock sa dingding ang naririnig. Si Madam Claudia, bahagyang nanginginig ang labi, pero wala na siyang nasabi. Kita sa mukha niya ang pinipigilang galit, 'yung tipong gusto niyang sumabog pero hindi niya magawa sa harap ni Doñya.
"I won't forget this," malamig niyang sambit, bago marahas na umikot at lumakad papa–akyat sa hagdanan.
Naiwan kami ni Doñya Carmelita, tahimik lang, pero nakataas ang ulo ng matanda. Matatag. Parang walang nangyari.
"Let her be," mahina niyang sabi pagkatapos, saka siya umupo sa sofa. "The more she rages, the clearer the truth becomes."
Hindi ako nakapagsalita. Sa totoo lang, nanginginig pa rin ang kamay ko habang hawak ang tray ng juice. Pero sa loob-loob ko, humanga ako kay Doñya Carmelita. Sa harap ng galit at kayabangan ni Madam Claudia, nanatili siyang kalmadi, parang tunay na haligi ng pamilyang Santibañez.
At na realize ko, kung bakit kahit si Señyorito Johan, kahit saan siya mapunta, laging may respeto't takot sa Lola niya.
"Veda," tawag niya.
"Po, Doñya?"
"Kapag dumating si Johan mamaya, siguraduhin mong mainit pa ang suman. I want him to feel welcome. Naiintindihan mo?"
Ngumiti ako kahit kabado. "Opo, Doñya. Naiintindihan ko po."
Nilapag ko ang tray ng juice sa center table at tumalikod na ako habang papalayo ako, hindi ko maiwasang mapaisip, kung ganito kainit ang tensyon bago pa dumating si Señyorito Johan, ano pa kaya kapag nandito na siya?