"Magandang araw Azthamen! Ngayon ang araw na pinakahihintay ng lahat. Ang championship game ng Azthia Tournament! Sino sa tingin ninyo ang magwawagi? Ang Magium Crafter kaya ng Magium Racial Forces?" ani Hydrox kaya naghiyawan ang mga tagasuporta ni Chaross," O, ang young Ladynne ng Gránn at ang bagong Seeker Game Victor?"
Naghiyawan din ang mga sumusuporta sa'kin. Mas malakas kaysa kay Chaross. Dumami ang mga naniniwala sa'kin.
"Azthamen, ang dalawang champs ay magtutuos para sa Azthia Tournament Cup!" ani Hydrox at pinakita ang kakaibang kopa, nagniningning ito sa liwanag, "Matatalo kaya ni Chaross Monter ang young Ladynne? O, masusungkit ni Asyanna ang tropeyo at magiging pangalawa sa listahan ng nakakuha ng dalawang titulo sa araw mismo ng Azthamen? Saksihan natin ang pagtutuos ng dalawang baguhan sa Azthia Tournament,"
Nagkatinginan kaming dalawa ni Chaross. Nakikita ko sa mga mata niya ang determinasyon na manalo. Tiyak kong hindi magiging madali ang laban namin.
"Kilala mo ba siya? May alam ka ba tungkol sa kaniya?" tanong ko sa espiritu pero walang tinig na sumagot.
Naaalala ko na lang na nagalit nga pala ako sa kaniya at itinaboy ko siya.
"Patawad. Hindi ko sinasadya," wika ko ulit pero wala pa ring sagot.
Kaya, napakuyom ako ng mga kamay. Ang tanga ko para itaboy siya. Siya na palaging nandiyan at hindi ako iniwan. Kung maibabalik ko lang ang oras hindi ko na sana siya ipinagtabuyan. Pinigilan ko sana ang galit na nararamdaman ko ng mga oras na iyon.
"Asya, handa ka na bang matalo?" tanong ni Chaross at ngumisi.
Hinawakan ko lang ang sandata ko. Salapang ni Onessa ang gamit ko ngayon dahil wala ako ni isang sandata. Hindi na rin ako umaasang babalik pa ang espada ni Asilah o mabawi ko kay Dylenea ang mga punyal. Haharapin ko na lang ang kapalaran ko. Kung ako ang mananalo, ikatutuwa ko. At kung hindi man, susubukan ko muling sumali.
"Handa na akong masaksihan ang pagkatalo mo, Chaross," matapang kong sabi.
Sumeryoso ang mukha niya sa binitiwan kong mga salita kaya napangisi ako. Oo nga't hindi na ako kasing lakas ng dati. Magiging malakas pa rin ako. Hinding-hindi mawawala ang lakas ng loob na mayroon ako.
"Hindi ko inakalang mayabang din pala ang bastardang gaya mo. Kahit na ang sama ng pagkatao mo sa Azthamen, ang lakas pa rin talaga ng loob mo na sumali sa tournament. Oo nga pala nang dahil lang sa imbitasyon kaya ka nakasali," ani Chaross kaya sinamaan ko siya ng tingin.
Hinawakan ko nang mahigpit ang salapang.
"Hindi ako mayabang. Hindi lang ako natatakot," sabi ko kaya tinaasan niya ako ng kilay.
"Hmm, tingnan natin. Pero, binalaan na kita, Asya," makahulugan niyang sabi.
Hinimas niya ang salapang niya at nginisian ako. Isang ngisi na may binabalak na masama. Binantayan ko lang ang kilos niya. Hindi pa rin kasi siya gumagalaw sa kinatatayuan niya. Kaya, natitiyak kong may pinaplano siyang hakbang laban sa akin.
"Parang nag-uusap ang mga mata ng dalawang champs. Iniisip ko kung ano iyon," kyuryos na sabi ni Hydrox.
Napakatahimik ng paligid. Marahil ay inaabangan talaga nila ang gagawin namin.
"Kaya, matakot ka!" sigaw ni Chaross at mabilis na bumulusok papunta sa direksyon ko ang salapang niya.
Agad akong naglaho at lumipat ng ibang lokasyon. Nakita kong tumigil ang salapang at bumalik ito sa kinaroroonan ni Chaross. Kaya, nanlaki ang mga mata ko. Paano niya nagawang bumalik sa kaniya ang sandata nang walang sinasabi o kahit anong kumpas ng mga kamay niya?
"Nasorpresa ba kita, young Ladynne?" tanong niya at tumawa.
Napuno ng tawa niya ang buong battlefield kaya nagsimulang magbulungan ang mga nasa paligid. Hindi ko siya sinagot bagkus ay inisip na lang kung anong hakbang ang gagawin ko.
"Nakita niyo iyon? Masyadong mabilis ang atake ni Chaross!" manghang sabi ni Hydrox.
"Narinig mo iyon Asya? Napahanga ko ang voleer," pagmamalaking sabi niya.
Hindi ko na lang pinansin ang mga sinabi niya. Kailangan kong magpokus. Alam kong nililito o ginugulo niya lang ang utak ko.
"Bakit di ka makasagot? Natakot ka ba? Nagulat—"
Hindi na niya natapos pa ang sasabihin niya nang lumitaw ako sa likuran niya at sinakal siya gamit ang salapang. Nabitawan niya ang sandata niya dahil sa gulat.
"Hindi ka dapat nagkukuwento habang nakikipaglaban, "bulong ko sa tenga niya, "dahil hindi lahat gusto ng kausap,"
Mas hinigpitan ko ang pagsakal sa kaniya para hindi siya makagalaw nang maayos.
"Kahit sakalin mo pa ako hindi ka mananalo, Asya. Hindi mo ako matatalo," sabi niya at bigla na lang akong siniko sa tagiliran ko at inapakan ang paa ko.
Kaya, nabitawan ko siya. Agad niyang pinulot ang salapang niya at hahampasin sana sa'kin pero agad ko itong naisalag.
"Mas matindi ang labanang nagaganap sa pagitan ng dalawang champs," komento ni Hydrox.
"Huwag kang masyadong magmadali, Asya. Mahaba pa ang oras," ani Chaross.
Hindi ko talaga gusto ang pananalita niya. Lumalabas na isa siyang kalaban. Naaasiwa rin ako sa mga ngiti niya. Ayoko sa kaniya.
"Puwede ba 'wag ka nang magsalita? Ano bang pinunta mo rito? Alalahanin mo hindi tournament para sa pagsasalita ang sinalihan mo," puna ko kaya dumilim ang mukha niya.
Mukhang natamaan siya sa sinabi ko. Kaagad niya akong inatake pagkatapos kong bitawan ang mga salitang iyon. Mabibilis ang mga galaw niya at mabibigat ang mga atake niya. Hindi nga niya nagustuhan ang sinabi ko. Sinundan ko lang ang mga galaw niya. May pagkakataong nagkakadikit ang mga sandata namin pero kaunti lang ang enerhiyang namumuo rito at hindi masyadong malakas. Hindi katulad ng espada at ng punyal ni Asilah.
"Tapusin mo na siya, Chaross," rinig kong sabi ng isang tinig.
Bigla kong naalala ang espiritu na palagi kong kausap na kamakailan lang ay itinaboy ko. Bumalik na ba siya? Pero bakit niya inutusan si Chaross na tapusin ako? Galit pa rin ba siya sa akin. Gusto niya bang maghiganti?
"Espiritu, ikaw ba iyan? Patawad, hindi ko sinasadya," senserong sabi ko sa isip ko pero hindi ito sumagot.
"Chaross, tapusin mo na siya...ngayon na!" rinig ko na namang utos nito.
Pero, hindi na ito ang tinig na narinig ko kanina. At, parang pamilyar ito sa akin. Parang narinig ko na ito dati.
"Sa tingin ko narinig mo ang mga tinig nila," biglang salita ni Chaross.
"Sino ka?" tanging lumabas lang sa bibig ko.
Masama ang kutob ko sa kaniya. May kakaiba sa kaniya.
"Ako si Chaross Monter," ngising sabi niya kaya nagsitayuan ang mga balahibo ko.
Nakaramdam ako ng kilabot sa boses niya.
"Sabi nila tapusin na raw kita. Pero ayoko pa. Naaaliw ako sa labanan natin. Ginaganahan akong makalaban ka," wika niya.
May balak siyang tapusin ako. Pero, bago pa niya iyon maisagawa uunahan ko na siya.
"Ahhh!" sigaw ko at mas binilisan ang galaw ko.
Habang siya nakangisi lang. Tila hindi siya natatakot sa maaari kong gawin.
"Sige lang, Asyanna. Harapin mo ang kamatayan mo," salita ng tinig kaya lalo akong nanggigil.
Hindi nila ako mapapaslang. Hindi si Chaross ang papaslang sa akin. Hindi! Hinampas ko nang malakas ang salapang sa sandata niya kaya lumikha ito ng nakakabinging ingay. Napatakip ng tainga ang lahat maliban sa'ming dalawa. Tila balewala lang sa amin ang ingay na iyon. Pero, pareho kaming napaatras sa puwersang nanggaling dito.