Umalis ako ng silid ni Zefirine at lumabas ng Healing Wing. Kahit gabi na'y pinuntahan ko pa rin ang Kartell Castle. Nang makalapit na ako rito agad akong naglaho at pinasok ang loob. Dahan-dahan lang akong naglakad para walang makapansin sa'kin. Hindi pa ako pamilyar sa pasikot-sikot ng kastilyo dahil hanggang sa pasilyo at sa dating silid lang ni Asilah ako ipinasyal ni Lorde Irman.
"Mga baguhan pala ang maglalaban ngayon sa championship battle," rinig kong usapan sa hindi kalayuan kaya agad akong naglaho.
"Oo nga at parehong Magium pa!" sang-ayon din ng isa.
"Sa tingin ko si Asyanna ang mananalo. Nasaksihan niyo naman diba ang
huling laban niya. Natalo niya si Lorde Onaeus gamit ang misteryosong punyal na iyon," sabi pa ng isa.
"Oo ang punyal na hawak niya. Ngayon ko lang iyon nakita sa tanang buhay ko," sang-ayon ulit nito.
"Sa tingin niyo kakayanin kaya ni Chaross si Asyanna?" tanong nito.
Si Chaross pala ang makakalaban ko sa championship battle. Hindi na masama.
Hindi ko na narinig pa ang usapan nila dahil nakalayo na sila. Kaya naman lumitaw na rin ko at pinagpatuloy ang paghahanap kay Dylenea. Babawiin ko sa kaniya ang mga punyal ni Asilah.
"Ladynne Dylenea, hindi po ba kayo nababahala na baka sumugod dito si Asyanna dahil sa kinuha niyo sa kaniya ang sandata niya," rinig kong tanong sa hindi kalayuan kaya naglaho na naman ako.
"Hindi iyon magtataka. Iisipin niyang si Rashia ang kumuha," sagot ni Dylenea dahilan para lumitaw ako sa harapan niya at sakalin siya sa leeg.
"Young Ladynne Asyanna!" gulat na sabi ng kasama nito.
"Asya?!" bulalas naman ni Dylenea.
Sinamaan ko siya ng tingin maging ang kasama niya. Tumakbo ito palayo kaya naiwan kaming dalawa.
"Anong kailangan mo?" hirap nitong tanong.
"Batid mo kung ano ang kailangan ko," mariin kong sagot.
"Hindi ko alam ang pinagsasabi mo bastarda," giit niya kaya sinakal ko na siya nang mahigpit.
"Saan mo dinala ang mga punyal?" usisa ko.
"Hindi ko alam," hirap niyang sagot.
"Saan mo itinago?" tanong kong muli.
"WALA AKONG ALAM," matigas niyang sabi.
"Hindi ko bibitiwan ang leeg mo hangga't hindi ka nagsasabi ng totoo," banta ko sa kaniya.
"At, may lakas ng loob ka pang sabihin iyan, Asya. Hindi ka ba nag-iisip? Nasa teritoryo kita. Isa akong Azthic at wala kang dalang sandata na magpoprotekta sa'yo," sabi niya kaya natigilan ako.
Sinuntok niya ako sa tiyan at sa isang iglap lang nag-iba ang posisyon namin. Sa likuran ko na siya at sakal niya ang leeg ko.
"Tingnan natin kung makakaalis ka pa rito bastarda," ani Dylenea at may lumabas na kapangyarihan sa palad niya.
Sinakal niya ako nang mahigpit at nakaramdam ako ng kakaibang init, sakit at panghihina.
"Ahhh!" hiyaw ko.
"Sige lang, Asya. Tikman mo ang kapangyarihan ko," ani Dylenea.
"Ahhh!" hiyaw kong muli.
"Sige lang Asya! Damhin mo ang lupit ng kapangyarihan ko! Sige lang!" ani Dylenea at humalakhak nang malakas.
Napahawak ako nang mahigpit sa braso niya dahil hindi ko na kaya ang kapangyarihan niya. Masyado itong malakas.
"Ahhh!" malakas kong sigaw.
Pero, nagulat na lang ako nang sumigaw din si Dylenea. Tila nasasaktan siya.
"Ahhh! Anong ginagawa mo?!" hirap niyang sabi.
"Hindi ko alam!" hirap kong sagot.
"Ahhh!" sigaw naming dalawa.
"Anong nangyayari rito?" gulat na tanong ni Lorde Irman kaya nabitawan ako ni Dylenea.
Ginamit ko naman ang pagkakataong iyon para makatakas. Baka mas malala pa ang mangyari sa'kin. Kahit na naroon si Lorde Irman hindi ko masasabi kung sa'kin siya kakampi. Dahil anak niya iyon. Kahit anong mangyari hindi tatalikuran ng magkadugo ang isa't isa.
Lumitaw ako sa kakahoyan at agad napaluhod.
"Babalikan ko siya. Babawiin ko ang mga punyal," hingal kong sabi.
Tatayo na sana ako para umalis nang may tumapat na espada sa'kin. Sinundan ko ito ng tingin at nanlaki ang mga mata.
"Illyós?!" bulalas ko.
Seryoso lang siyang nakatingin sa'kin.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong ko.
Nasa kakahoyan siya nang ganitong oras. Ano naman ang gagawin ng isang kabalyero sa kakahoyang ito? Puwera na lang kung may mahalaga siyang transaksyon. Nanlaki na naman ang mga mata ko nang mapagtanto kung bakit siya naririto.
"Makikipag-usap ka na naman sa kaalyado mo, tama?" tanong ko.
"Young Ladynne, bumalik ka na sa silid mo bago ka pa maabutan ng mga kasama ko. Dahil hindi ko maipapangako na ligtas kang makaalis sa kakahoyang ito," sabi niya kaya napatawa ako.
"Hindi maipapangako? Bakit sinabi ko bang iligtas mo ako? Hindi diba? At, kahit kailan hindi ako hihingi ng tulong sa'yo para makatakas! Hindi ko kailangan ang tulong ng isang taksil! Akala mo ba hindi ko nakakalimutan ang nakita at narinig ko? Sana lang ay malaman na kaagad ni ama ang ginawa mong pagtataksil para parusahan ka at—"
Hindi ko pa natatapos ang sinasabi ko nang sampalin niya ako. Ramdam ko ang mabigat niyang palad. Tiyak kong bumakat iyon sa pisngi ko.
"Hindi ko kailangang marinig iyan sa'yo Asya. Alam ko ang ginagawa ko," saad niya.
"Alam ang ginagawa? Ha! Paano mo nagawa sa'min ito? Paano mo nagawang pagtaksilan si ama? Illyós, mabuting nilalang ang ama ko, ang Lorde mo!" emosyonal kong sabi.
"Asya, umalis ka na. Paparating na sila," utos niya sa'kin.
"Bakit mo ako pinapaalis? Taksil ka diba? Bakit hindi mo ako ibigay sa kanila? Huwag mong sabihin na pagtataksilan mo rin ang mga kaalyado mo?" ani ko.
"Hindi kita kayang ibigay sa kanila, hindi. May utang na loob ako kay Lorde Ornelius at sa kaniya. Kaya hindi ko hahayaang masaktan ka at mabihag ng mga rebelde. At isa pa, ayokong masaktan si Onessa. Pakiusap lang Asya, umalis ka na," ani Illyós.
"Illyós!" rinig kong tawag sa kaniya.
"Asya umalis ka na!" sabi niya.
"Pakiusap, isipin mo si Onessa at Lorde Ornelius, masasaktan sila kapag nawala ka sa kanila," sabi ni Illyós kaya wala na akong nagawa at naglaho na lang.
Lumitaw ako sa itaas ng puno at umupo roon. Tanaw ko sa ilalim sina Illyós at kasama niyang rebelde.
"Illyós, narinig ko ang pangalan ng bastarda. Nasaan na siya?" tanong ni Necós.
Hindi ko pa nakakalimutan ang ginawa niya sa'kin. Kaya, pagbabayarin ko siya.
"Nakatakas siya," sagot ni Illyós.
"Paanong nakatakas?" nagtatakang tanong nito.
"Malakas siya Necós," sagot ni Illyós.
"Hangal!" sigaw nito at sinampal si Illyós, "Malakas? Malakas ba siya? Hindi Illyós. Hindi na! Wala sa kaniya ang espada nang sumali siya sa Azthia Tournament! Ang espada ni Asilah tiyak kong nawawala! Ang hangal mo! Kung hindi siya nakawala may pain na sana tayo kay Ornelius at sa kaniya. Masyado kang pabaya!"
"Salamat," bulong ko bago tuluyang umalis.
Alam kong may dahilan siya kaya nagagawa niyang pagtaksilan kami.