Matapos ang labanan namin ni Onaeus nagtungo kaagad ako ng Healing Wing para ipagamot ang sugat ko. Kahit nasugatan ko si Onaeus naisahan niya pa rin ako sa braso ko.
"Ang verakchus ang ilagay niyo," utos ko kaya nagkatinginan ang dalawang healer.
"Pero, young Ladynne baka hindi mo kayanin," sabi ng isa.
"Narinig niyo ang sinabi ko," ani ko at umupo sa higaan.
"Masusunod young Ladynne," sagot nito at hinanda ang lunas para sa sugat ko.
"Sabihin niyo lang po kung hindi niyo kaya young Ladynne," sabi ng healer.
Tumango ako bilang tugon. Maya-maya, nilagyan na nila ng verakchus ang sugat ko. Kinagat ko lang ang ilalim na parte ng labi ko para labanan ang hapdi at kirot na nararamdaman sa sugat ko. Matindi nga ang epekto ng gamot. Parang sinisipsip ang laman ko.
"Young Ladynne, magpahinga lang po muna kayo rito para makabawi ng lakas ang katawan mo," utos sa'kin ng healer.
Napabuntong hininga na lang ako at humiga sa higaan.
"Pakisabi na lang sa kanila na gusto ko munang mapag-isa," sabi ko.
"Masusunod young Ladynne," tugon nito at inabot ang punyal na malapit sa kaniya.
Agad kong hinawakan ang kamay niya. Tiningnan ko siya nang seryoso at binaling ang tingin sa punyal.
"Huwag mong hahawakan ang punyal na iyan kung ayaw mong masaktan," banta ko at binitiwan ang kamay niya.
Inabot ko ang mga punyal at nilagay ito sa tabi ko.
"Paumanhin, young Ladynne," sabi nito at umiwas ng tingin.
"Makakaalis na kayo," walang ganang sabi ko at tumingin sa bintana.
Nahagip ng mga mata ko na yumuko sila bago lumabas ng silid.
"Kilala mo ba sila?" tanong ko sa espiritu.
"Isa lang sa kanila ang nakikilala ko Asya," sagot ng espiritu.
"Sino?" tanong ko ulit.
"Si Rashia, ang nagtangkang humawak sa punyal," sagot nito.
Napaisip ako sa sinabi niya. Mukhang interesado ang healer sa punyal ni Asilah. Batid nang lahat ang taglay na lakas ng punyal. Nasaksihan nila ito nang gamitin ko ito. Kaya natitiyak kong interesado siya rito.
"Sinu-sino pa ang may alam sa punyal?" tanong ko.
"Tanging mga Spellure lang ang nakakaalam nito dahil ang pagkakaalam ng lahat espada lang ang sandatang mayroon si Asilah," sagot nito.
"Magpapahinga na ako. Gisingin mo ako kapag may nangyari. Lalo na sa punyal na ito," ani ko at hinimas ang punyal ni Asilah.
"Makakaasa ka Asya," pagsisiguro niya.
Kaya, pinikit ko na ang mga mata ko at nagpadala sa antok.
Kinagabihan...
"Asya! Asya! Gising! Asya!" rinig kong sigaw kaya naalimpungatan ako.
"Ano ba iyon? Pagod pa ako," medyo paos kong sabi.
Kinapa ko ang kinaroroonan ng punyal. Pero, laking gulat ko nang wala na ito sa tabi ko.
"Nasaan na iyon?!" tarantang tanong ko at halos pasigaw na.
"Iyan nga ang sasabihin ko Asya. Nawawala ang punyal ni Asilah," sabi nito kaya nagsalubong ang mga kilay ko.
"Akala ko ba ikaw ang bahala sa punyal? Ang sabi mo makakaasa ako sa'yo. Bakit nawawala ang punyal? Bakit hindi mo binantayan nang mabuti? Bakit hindi mo ako kaagad ginising?" inis kong sabi.
"Paumanhin, Asya," tugon ng espiritu.
"Paumanhin? Iyon lang? Punyal ang nawala! Punyal ni Asilah na kakambal ng espada! Alam mo namang iyon na lang ang natitirang pag-asa ko. Ngayon, ano na lang ang gagamitin ko sa tournament? Baka may alam ka pang malakas na sandata, ano?" sabi ko.
"Paumanhin talaga Asya—"
"Umalis ka na! Layuan mo na ako! Ayaw na kitang makausap o makasama! Ayoko nang marinig ang tinig mo!" galit kong sabi at napakuyom ng mga kamay.
Kung alam ko lang na mawawala ang punyal hindi ko na sana pinaubaya sa kaniya ang pagbabantay dito.
"Kung iyan ang nais mo, Asya," sabi nito.
"Oo, layuan mo na ako," tugon ko pero hindi ko na narinig ang tinig nito.
Dapat lang dahil naging pabaya siya. Sinuntok ko ang higaan dahil sa inis. Sino naman ang kumuha ng punyal na iyon? Napaisip-isip ako at napagtanto ang mga nangyari. Malamang siya ang kumuha. Tumayo ako at inayos ang sarili. Babawiin ko sa kaniya ang punyal ni Asilah. Paparusahan ko rin siya sa ginawa niya. Pagnanakaw ang ginawa niya. Lumabas ako ng silid at tinungo ang daan papunta sa kaniya.
"Oh, narito ang bastarda," sabi ni Onaeus nang makasalubong ko siya.
May benda siya sa katawan. Hawak niya rin ang espada niya.
"Wala akong panahon para makipag-usap sa'yo," walang ganang sabi ko at nilagpasan siya.
Pero, agad niyang hinablot ang braso ko kung saan nagkasugat ako. Mabuti na lang at naghilom na ang sugat doon.
"Kinakausap pa kita," mariin niyang sabi.
Binawi ko ang braso ko at nagsalita, "Puwes, ayaw kitang kausap,"
Pagkatapos kong sabihin iyon ay nagsimula na akong maglakad. Pero, hinablot niya ulit ang braso ko kaya pumiglas ako. Bigla niya na lang akong tinulak kaya napaupo ako sa sahig. Sinamaan ko siya ng tingin. Pasalamat siya at wala akong gana na makipag-away sa kaniya ngayon.
"Alam mo sinasayang mo lang ang oras ko," sabi ko at naglaho.
Lumitaw ako sa isang lugar na tanging mga healer lang ang puwedeng pumasok.
"Young Ladynne, ano pong ginagawa ninyo rito? Bawal po kayo rito," saad ng isang healer.
"Nasaan si Rashia?" tanong ko nang hindi pinapansin ang tanong nito.
"Bakit niyo po siya hinahanap? May mali po ba sa lunas na binigay niya? Hindi pa rin po ba naghihilom ang sugat ninyo?" tanong nito.
"Nasaan si Rashia?!" pasigaw kong tanong kaya natahimik siya, "Ano! Nasaan siya?! Saan ko siya mahahanap?!"
"Sa i—kat—long palapag. Gina—ga—mot niya ngayon si—si young La—dynne Zefi—rine," nanginginig nitong sagot.
Lumabas na ako ng silid na iyon at nagtungo sa silid ni Zefirine.
"Asya! Mabuti at napadalaw ka!" masayang sabi ni Zefirine pero hindi ko siya pinansin.
Nagtuloy-tuloy ako sa direksyon ni Rashia. Kabado itong nakatingin sa'kin.
"Nasaan ang punyal?!" pasigaw kong tanong.
"Young Ladynne, maayos na po ba ang lagay ninyo?" tanong nito kaya sinakal ko siya sa leeg.
"Asya!" reaksyon ni Zefirine.
"Saan mo dinala ang punyal?!" gigil kong sabi.
"Young Ladynne hindi po kita maintindihan," saad nito kaya binitiwan ko siya at tumalikod na.
Pero, bigla ko rin siyang sinuntok sa tiyan.
"Asyanna! Bakit mo sinaktan ang healer?" komento ni Zefirine.
"Kinuha niya ang punyal ko!" galit kong sabi.
Hindi ko puwedeng sabihin na kay Asilah ang punyal dahil tanging mga Spellure lang ang nakakaalam tungkol sa bagay na iyon.
"Totoo ba iyon?" baling na tanong ni Zefirine sa healer.
Umiling ito at sumagot, "Hindi po young Ladynne,"
"Sinungaling!" sigaw ko at nanlilisik ang mga matang tumingin sa kaniya.
"Hindi po talaga ako! Si Ladynne Dylenea po ang kumuha!" sabi nito kaya uminit ang ulo ko.
Gagawa at gagawa talaga siya ng paraan para makuha ang nais niya.