"Chaross, paslangin mo na ang bastarda!" rinig kong utos na naman ng tinig.
Hindi ko maintindihan kung bakit ako nakakarinig ng mga tinig sa utak ko? Tiyak ko ring hindi espiritu ang nagsasalita.
"Maghintay ka lang darating din ako roon," usap dito ni Chaross.
"Huwag mo kaming paghintayin, Chaross. 'Wag kang magsayang ng oras," paalala nito.
Nang marinig ko iyon agad akong sumugod kay Chaross. Hindi ko siya bibigyan ng pagkakataon na maisahan ako.
"Oops, Asya nagmamadali ka na yata? Gusto mo na bang mamatay kaagad?" tila natutuwa niyang sabi.
Hindi ko na lang pinansin ang sinabi niya.
"Asya, ayaw mo na ba akong kalaro?" ngising tanong nito.
"Masyado kang madaldal," inis kong sabi at sinipa siya sa tagiliran nang magdikit muli ang mga sandata namin.
Sumeryoso ang mukha niya kaya napatawa ako sa isip ko. Ano kayang paraan ng pagpaslang ang gagawin niya sa akin? Kung papaslangin niya ako paparusahan siya ng Azthamen. Nakalimutan na niya yata ang batas. Maliban na lang kung isa siyang rebelde. Tanging mga rebelde lang ang kayang sumuway sa batas. Nanlaki ang mga mata ko nang maisip ito. Hindi kaya tama ang iniisip ko? Hindi kaya isa siyang rebelde? Pero, paano siya naging Magium Crafter ng Gránn?
"Anong iniisip mo Asya?" tanong niya.
Pinagmasdan ko lang ang buong wangis niya. Wala namang kakaiba sa kaniya. Wala akong makitang ibang palatandaan na nagpapatunay na isa nga siyang rebelde.
"Mga bagay-bagay na ngayon ko lang napagtanto," makahulugan kong sabi at inatake siyang muli.
Naging mabilis ulit ang mga galaw namin. Pero, habang lumalaban kami naghahanap ako ng palatandaan. Iba na talaga ang kutob ko sa kaniya.
"Ahh!" daing ko nang tamaan ako ng talim ng salapang ni Chaross sa kaliwang pisngi ko.
Ramdam ko ang hapdi roon kaya tiyak kong may sugat iyon. Sinamaan ko siya ng tingin. Pero, nginisian niya lang ako. Sa inis ko ginamit ko na naman ang kakayahan kong maglaho. Lumitaw ako sa tabi niya at hinampas siya sa tagiliran. Napaatras siya sa ginawa ko. Hinawakan niya ang tagiliran niya saka humalakhak. Isang nakakakilabot na halakhak.
"Naaawa ako sa'yo, Asya. Tanging hampas na lang talaga ang kaya mong gawin, ano? Nagtataka tuloy ako kung ano nang nangyari sa espada ni Asilah at sa misteryosong punyal na kamakailan lang ay nasa pangangalaga mo," ani Chaross.
"Hindi ko kailangang sagutin ang mga tanong na iyan," tugon ko at naglaho ulit.
Lumitaw naman ako sa kabilang tabi at hinampas muli ang tagiliran niya. Hindi na niya ito ininda. Lumingon siya sa akin at nanlilisik ang mga matang tiningnan ako. Napalunok ako ng laway dahil doon. Bumaba ang tingin ko sa mga kamay niya. Tila nagpipigil ito sa galit.
"Unti-unti nang nagagalit ang Magium Crafter. Nararamdaman ko ito. Anong gagawin ni Asyanna para makaiwas sa galit nito?" komento ni Hydrox.
"Asyanna Puerre, harapin mo ang kamatayan mo," malamig nitong sabi kaya natigilan ako.
Parang tumigil ang pagtakbo ng dugo ko sa mga ugat ko at parang nanuyo ang lalamunan ko. Lalabagin na niya ang isa sa mga batas ng Azthamen.
"Anong gagawin mo?" usisa ko.
Hindi niya ako sinagot pero may binubulong siya sa hangin. Kaya kinabahan ako. May binibigkas siyang chant. Natitiyak kong malakas na chant ang gagamitin niya dahil mahaba ito. Nakapikit na rin ang mga mata niya kaya alam kong nagpopokus siya sa ginagawa niya. Ginamit ko ang pagkakataong iyon para sumugod. Ginamit kong muli ang kakayahan kong maglaho at sorpresa siyang inatake. Pero, ako ang nasorpresa. Hindi ko siya masaktan. Tila may humaharang na magic shield sa kaniya at hindi ito tinatablan ng salapang.
"Tingnan ninyo! Hindi magawang saktan ni Asyanna ang Magium Crafter. Parang may isang pananggalang ang bumabalot sa kaniya. Ito na kaya ang mahika na sinasabi nila?" komento ni Hydrox.
Pilit kong sinisira ang magic shield na kinapapalooban niya pero hindi ko matibag. Hindi ko maipasok ang sandata ko.
"Anong gagawin ni Asyanna para masira ito?" ani Hydrox.
Nag-isip-isip ako kung paano ko ito masisira. Habang tumatagal kasi lalo akong kinakabahan. Kinakabahan ako sa susunod niyang gagawin. Tinitigan ko ang magic shield at may naalala ako. Natatandaan ko nang makasagupa ko ang mga rebelde. Gumamit sila ng magic trap shield. Pero, nasira ko iyon gamit ang mga palad ko. Susubukan ko iyong muli at baka gumana. Hinawakan ko ang magic shield pero agad akong napabitaw dahil parang may tumutusok mula rito.
Anong uri ng magic shield ang ginamit niya? Bakit nananakit ito kapag hinahawakan? Inisip ko nang mabuti kung anong magic shield ang ginamit niya. Nanlaki na lang ang mga mata ko nang matuklasan ito. Hindi maaari. Pinagbabawal ang magic shield na ginagamit niya!
"Ginagamit niya ang isa sa forbidden magics! Lorde Ornelius! Ama! Pakiusap gumawa ka ng paraan!" malakas kong sigaw kaya umingay ang paligid.
"Ginagamit nga niya ang pinagbabawal na mahika! Ama anong gagawin natin?!" reaksyon din ni Onessa.
Bakas sa mukha ni Lorde Ornelius ang pagtataka. Hindi niya lubos maisip na gagawin ito ng isang Crafter.
"Crafter! Kunin siya!" utos ni Lorde Ornelius sa mga Magium Crafter.
Agad gumalaw ang mga inutusan ng Lorde ng Gránn. Nabawasan ng kaunti ang pangamba ko dahil hindi na maitutuloy ni Chaross ang binabalak niya. Pero, nadagdagan din iyon kaagad nang hindi makapasok ang mga Magium Crafter sa kinaroroonan namin ni Chaross. Napatingin ako sa kaniya patuloy lang siya sa pagbibigkas ng chant. Pero, nadagdagan ang lakas ng magic shield na kinaroroonan niya.
"Asya! Umalis ka na diyan!" rinig kong sigaw ni Kai.
"Asya! Lumayo ka sa kaniya!" sigaw naman ni Sheena.
Tumango ako at ginamit ang kakayahan kong maglaho. Lumitaw din ako kaagad pero naroon pa rin ako. Sinubukan kong muling maglaho pero hanggang sa dulo lang ako ng magic shield na ngayon ko lang napansin. Napapalooban din kami ni Chaross ng isang malakas na magic shield.
"Hindi ako makalabas!" taranta kong sigaw habang pilit na hinahampas ang magic shield.
"Ama si Yanna!" natatakot na sigaw ni Onessa.
"Racial Forces! Sirain ang pananggalang!" utos ni Hydrox kaya agad na umaksiyon ang mga Aer Flyer, Ignis Rider, Frost Byte, Terra Runner, Aqua Sailor, Magium Crafter, Gemium Keeper at Azthic Warrior.
Nagkagulo na rin ang ibang lahi sa nangyayari.
"Asya!" tawag ni Chaross.
Nilingon ko siya at nanlaki na lang ang mga mata. May lumilitaw na mahika sa kamay niya. Isang mapanganib na mahika at isa rin ito sa mga pinagbabawal na mahika.
"Bawal iyang ginagawa mo!" sigaw ko pero tinawanan niya lang ako.
"Bawal o natatakot ka lang?" mapang-asar na tanong niya.
"Tanging mga nilalang ang lumalabag sa batas ang kayang gumawa niyan. Isang rebelde," sagot ko nang hindi sinasagot ang katanungan niya.
"Alam mo Asyanna kung ano-ano ang pinagsasabi mo. Napaghahalataang natatakot ka," sabi niya habang naglalakad papunta sa direksyon ko.
Hindi lang ang kamay niya ang tumataglay ng mahika. Maging ang buo niyang katawan. Nababalutan siya nang maitim na mahika.
"Yanna! Mag-iingat ka!" iyak ni Onessa.
"Racial Forces! Bilisan ninyo! Hindi dapat masaktan ang young Ladynne!" saad ni Hydrox.
Pero, kahit anong gawin nila hindi talaga nila mawasak ang magic shield.
"Kukunin ko ang Argon," presenta ni Lorde Irman kaya sumalungat ang Lorde ng Nassus.
"Hindi mo basta-basta magagamit ang Argon Irman nang walang pahintulot ng mga kasapi ng konseho," ani Lorde Ignacio.
"Isipin mo ang kalagayan ng mga champs lalo na ng lahat. Gumamit ng pinagbabawal na mahika ang isa sa kanila. Mapapahamak ang isa, mapapahamak si Asya, mapapahamak din ang lahat!" giit ni Lorde Irman.
Hindi nakaimik ang Lorde ng Nassus. Tama si Lorde Irman. Hindi lang ako ang mapapahamak. Kaming lahat. Agad na umalis si Lorde Irman para kunin ang Argon. Marahil ay aalamin niya mula sa libro kung paano sirain ang isang malakas at pinagbabawal na mahika. Bukod kasi sa napakadelikado ang mahika, mahirap din itong kontrolin o sirain. Kaya, kakailanganin ang tulong ng libro.
"Ang suwerte mo naman Asya. Kahit na bastarda ka pinapahalagahan ka pa rin lalo na ng Lorde ng Karr," sabi ni Chaross.
"Tigilan mo na ito, Chaross. Maraming mapapahamak," pakiusap ko sa kaniya.
"Walang makakapigil sa'kin," matigas niyang sabi at nagpakawala ng enerhiya.
Napasigaw ang lahat dahil nakakatakot ito. Ramdam ko ang malakas na puwersa nito.
"Magpaalam ka na Asya," sabi niya at nagpakawala ng enerhiya sa direksyon ko.
Sa sobrang bilis nito ay hindi ako kaagad nakaalis sa puwesto ko. Tumilapon ako at napasubsob sa lupa.
"Asya/Yanna!" sigaw nila.