Nanlaki ang mga mata ko nang makitang may ipis na nakapatong sa kanang binti ni Jordan.
"Mommy!" nagtititiling tawag sa akin ng anak ko habang umiiyak.
Lalapitan ko na sana si Jordan nang maunahan ako ni teacher CJ. Agad na dinakot nito ang ipis na nakadapo sa may binti ni Jordan saka itinapon niya iyon sa may basurahan na malapit lang din sa kanila.
"Let's wash your knee, Jordan," saad ni teacher CJ sa aking anak.
Kinarga nito si Jordan saka dinala niya sa may lababong naroon lang din sa may loob ng silid. Ipinatayo nito ang anak ko sa loob ng lababo saka hinugasan niya ang mga tuhod niyon.
Napapanganga ako sa ginagawa ng guro at lihim akong napahanga nito. Bibihira lang sa lalaki ang ganito kamaasikaso lalo na pagdating sa bata maliban na lang kung anak niya.
Nang matapos na niyang hugasan ang mga tuhod ni Jordan, akala ko ay ang bimpong nakasabit sa pader ang ipampupunas nito.
Nagitla ako nang dumukot siya mula sa loob ng kaniyang bulsa ng panyo at iyon ang ipinampunas niya sa mga tuhod ni Jordan.
Nakaramdam ako ng hiya kaya dali-dali akong lumapit sa kanila upang ako na ang mag-asikaso sa aking anak.
"Ako na po ang mag-aasikaso kay Jordan, Sir. Pasensiya na po sa abala," hinging paumanhin ko sa guro.
"It's okay!" tugon naman niya sa akin.
Kahit pa nga sinabi nitong ayos lang ay nakaramdam pa rin ako ng hiya kaya pilit kong kinuha mula sa mga kamay niya si Jordan.
Nang magdikit ang mga kamay namin ay nakadama ako ng libo-libong boltahe ng kuryenteng tumulay sa aking balat.
Napaatras ako palayo kay teacher CJ dahil sa kakaibang kilabot na dulot ng kuryenteng iyon.
"Diyos ko! Ano 'tong naramdaman ko?!" piping bulong ko sa isipan.
Huli kong naramdaman ang ganitong pakiramdam noong huling beses kong mahawakan sa kamay si Josh, ang unang lalaking minahal ko at siyang ama ni Jordan.
"Mommy!" tawag sa akin ni Jordan ang nagpabalik sa lumilipad kong diwa.
"Yes, Baby?" Lumuhod ako upang pantayan ang mukha ng aking anak.
"Pasok na po ako sa room!" ani sa akin ni Jordan sa batang pananalita.
"Let's ask your teacher first, okay?" Nginitian ko ang anak saka pinunasan ko ang pawis sa noo nito.
Tumayo ako upang harapin ang guro niyang si CJ. "Excuse me, Sir! Hindi pa po ba papasok si Jordan sa classroom?"
Matamang tumingin pa muna sa akin ang lalaki bago siya nagsalita. "Okay, papapasukin ko na muna si Jordan sa classroom, then let's talk, Miss Lacsamana."
"Misis Lacsamana, Sir!" mataray na pagtatama ko sa sinabi nito.
May kung anong inis na bumangon mula sa loob ng aking dibdib dahil sa narinig na sinabi nito.
Hindi ako sinagot ni teacher CJ bagkus ay tinitigan niya lamang ako na waring inaaral ang buo kong pagkatao.
Lumuhod ako upang magpantay muli ang mukha naming dalawa ni Jordan. "Magbe-behave ka sa klase ha kagaya nang usapan natin. Promise?!"
"Promise, Mommy!" Yumakap sa akin si Jordan saka pinupog niya ako ng halik sa pisngi.
"I love you, Baby!" madamdaming wika ko sa anak.
"I love you, Mommy!" malambing na tugon naman sa akin nito.
Matapos kong halikan sa pisngi si Jordan ay tumayo na ako upang kuhanin ang bag nito sa may upuan.
"Ihahatid ko lang si Jordan sa classroom. Can you sit here for a minute?" turan sa akin ni CJ.
Tumango na lang ako bilang tugon sa kaniya dahil wala rin naman kasi akong magagawa. Hindi ako ang guro ng anak ko sa paaralang ito at hindi ko rin alam kung saan ang eksaktong kinaroroonan ng silid-aralan ni Jordan.
Matatapos na lang ang buong taon ng anak ko sa grade two ay ngayon ko pa lang napasok muli ang Losyl Academy.
Yumukod ako sa anak upang gawaran siya ng halik sa pisngi. "Mag-aral mabuti, Baby."
Malalim na buntonghininga ang pinakawalan ko nang makalabas na sina Jordan at teacher CJ sa may pintuan.
Inilinga ko ang mga mata sa paligid hanggang sa dumako iyon sa may mesa. Bigla kong naalala ang nawawalang ID ko sa opisina nang makita ang nakaipit na ID ng estudyante roon.
"Saan ko nga ba nailagay iyon?" tanong ko sa sarili.
Naisipan kong kalkalin muli ang loob ng bag ko upang hanapin ang nawawalang ID sa opisina.
Laglag ang mga balikat kong isinarang muli ang bag dahil hindi ko pa rin nakita roon ang ID ko sa opisina.
"Magpapagawa na lang talaga ako ng bago sa HR. Bahala na!" malungkot kong turan sa sarili.
Tumayo ako mula sa pagkakaupo saka inilinga kong muli ang paningin sa buong paligid ng silid.
Napansin ko ang malinis at maayos na pagkakasalansan ng mga dokumento sa cabinet rock na naroon. May mga libro rin na nakatali pa ng straw sa isang tabi at kung 'di ako nagkakamali ay mukhang mga bago pa ang mga iyon.
Hilig ko ang pagbabasa kaya lumapit ako roon upang tingnan ang libro. Kumuha ako ng isa upang basahin iyon.
Nasa kalagitnaang bahagi na ako nang pagbabasa sa libro ng pakiwari ko ay may nakatitig sa aking mga mata.
Inikot ko ang paningin sa paligid at nakita ko si teacher CJ na nakatayo sa may pintuan habang nakahalukipkip na nakatingin sa akin.
Hindi siya payat at hindi rin malaki ang tiyan, para pa ngang alaga nito ang katawan niya sa workout. Ni wala man lang akong nakitang wrinkles sa mukha nito na madalas kong makita noon sa aking mga guro.
"Ang gwapo niya lang talaga para sa isang guro!" natitilihang anas ko sa isipan.
Hindi ko inakalang guro siya nang makabanggaan ko siya sa may eskinita. Palibasa ay nagmamadali rin akong makauwi dahil sa natanggap na text message mula sa service ng aking anak.
Hindi raw kasi nito nakita ang bata sa loob ng eskwelahan kung kaya dali-dali rin akong umuwi ng bahay.
"Kung dalaga lang ako, malamang kanina pa ako nagpa-cute sa kaniya," naiiling kong bulong sa isipan.
"Sorry kung pinakialamanan ko ang mga libro rito," hinging paumanhin ko kay teacher CJ.
"It's okay! Mukhang mahilig kang magbasa ng libro," nakangiting turan naman nito.
Ibinalik ko ang libro sa kung saan ko iyon kinuha. Humakbang ako pabalik sa may upuan upang umupo roon.
"Ano nga po pala ang dahilan Sir at ipinatawag mo ako rito sa eskwelahan?" seryosong tanong ko sa guro.
Narinig ko ang paghugot muna nito ng buntonghininga saka lumapit siya sa aking kinaroroonan.
"I'm sorry to say this... Jordan needs a special attention," walang paligoy-ligoy niyang sagot sa akin.