"Anong ibig mong sabihin, Sir?" may kalakip na inis ang tanong ko kay teacher CJ.
"Halos lahat ng mga kaklase ni Jordan ay inirereklamo na siya rito," tugon niya sa akin.
"Alam kong malikot ang anak ko Sir, pero hindi siya ang nangungunang makipag-away sa ibang mga bata," pagtatanggol ko pa sa anak.
"Hindi bully si Jordan pero hindi rin makatutulong sa kaniya ang madalas na pakikipagtalo sa kaklase dahil nauuwi iyon sa sakitan," paliwanag naman nito.
"So, ano ang ibig mong iparating tungkol sa anak ko, Sir?" mataray na tanong ko kay teacher CJ.
"Kaya kita ipinatawag dito ay upang ipabatid sa iyo ang problemang kinakaharap ng iyong anak," saad naman niya sa akin.
Ipinikit ko ang mga mata ko saka humugot ako ng buntonghininga bago magsalita. "Hayaan mo, kakausapin ko si Jordan."
"Naghahanap si Jordan ng pansin mula sa mga taong nakapaligid sa kaniya at kinukuha niya iyon sa paraan na laro pa rin para sa kaniya. Ang 'di niya alam, nakasasakit na pala siya!" pahayag pa sa akin ni teacher CJ.
"Sir, kahit anong busy ko sa trabaho ay hindi ako nagkukulang sa atensyon para kay Jordan. Kahit pa nga ang lolo at lola niya na siyang madalas niyang kasama sa bahay ay puro mabubuting pangaral lang din ang itinituro sa kaniya," turan ko naman sa kaniya.
"Nakikita ko naman!" Kunot noong tumingin ako sa kaniya. "Ngunit hindi pa rin sapat kay Jordan ang atensyong ibinibigay ninyo sa kaniya."
"Ano ba ang nais mong gawin ko para sa aking anak?" diretsahang tanong ko kay teacher CJ.
Pilit kong kinokontrol ang pag-alpas ng inis mula sa aking dibdib upang hindi maka-epekto sa pakikipag-usap ko sa kaniya ngunit 'di ko pa rin mapigilan ang pag-alpas niyon.
Alam kong may katotohanan ang mga ipinaliliwanag niya sa akin ngunit hindi ko naman magawang ilaglag ang sarili kong anak sa kaniyang harapan dahil anak ko pa rin si Jordan.
"Gusto ko sanang tulungan si Jordan sa abot ng aking makakaya." Nadagdagan ang pagkakunot ng noo ko kay teacher CJ dahil hindi ko maunawaan ang gusto nitong ipabatid sa akin.
"Hihingiin ko ang pahintulot mo bilang kaniyang ina na habang narito si Jordan sa eskwelahan ay ako muna ang maging magulang niya," pahayag pa sa akin nito.
"Excuse me, Sir. Hindi kita maunawaan sa ibig mong ipabatid sa akin." Sasagot sana siya nang pigilan ko sa pagkumpas ng kamay ko.
"Sa pagkakaalam ko Sir, ikaw talaga ang tumatayong ikalawang magulang ng anak ko sa eskwelahang ito dahil ikaw ang kaniyang guro," mataray na saad ko kay teacher CJ dahil tuluyan nang humulagpos ang inis ko.
"Yes, ako nga ang ikalawang magulang niya rito. Ang nais ko lang namang sabihin sa iyo ay gusto ko rin sanang ipaalam na kung maaari ay ie-extend ko ang oras nang pananatili ni Jordan dito sa eskwelahan," mahinahong tugon niya sa akin.
"P-paanong i-extend?" naguguluhang tanong ko sa kaniya.
"Gusto ko sanang tutukan si Jordan sa kaniyang pag-aaral pati na rin sa behavioral problem niya," paliwanag pa sa akin ni teacher CJ.
"Behavioral problem?!" malakas na bulalas ko. "What do you mean by that, Sir?"
"Tuturuan ko siya ng libre at ako na rin ang bahalang maghatid sa kaniya pauwi sa bahay ninyo," paliwanag pa niya sa akin na hindi man lang natinag sa pagtataray ko sa kaniya.
Sasagot pa sana ako nang mapansin ko ang nawawalang ID ko sa opisina na nakasabit sa kaniyang dibdib.
Dumukwang ako sa mesa upang abutin ang nakasabit na ID sa leeg ni CJ saka hinila-hila ko iyon upang pakatitigang mabuti.
"Ang ID ko!" malakas kong bulalas nang matiyak na ID ko nga sa opisina iyon.
"N-nasasakal ako!" Saka pa lamang ako tila natauhan sa aking ginagawa nang magsalita si teacher CJ.
Binitiwan ko ang ID at napalunok ako ng laway nang mapansin ang nakakailang na posisyon naming dalawa. Nakadukwang ako sa mesa habang pagkalapit-lapit naman ng mga mukha naming dalawa. Nagsalubong ang aming mga mata at tila may sariling isip ang mga iyon na nag-uusap.
"Sorry!" hinging paumanhin ko sa kaniya saka inayos ko ang sarili.
"S-saan mo nakuha ang ID ko?" kapagkuwan ay tanong ko sa kaniya.
"Nadampot ko kahapon sa may eskinita nang magkabanggaan tayo," sagot naman sa akin nito.
Hinubad niya ang suot na ID saka tinitigan at hinaplos pa niya iyon.
"Maaari ko na bang makuha iyang ID ko?Mahirap kasing makapasok sa opisina namin kapag walang suot na ID," ani ko sa kaniya.
"Paano pala kung hindi ko nadampot ang ID mo, pa'no ka makakapasok?" tanong naman niya sa akin.
"Kagaya nang ginawa sa akin ng guwardiya ninyo rito sa eskwelahan, ganoon din ang gagawin sa akin ng mga guwardiya namin sa opisina," tugon ko sa kaniya.
"I see!" Itinango-tango niya ang kaniyang ulo.
"Wala naman kasi kaming magagawa dahil kinakailangan naming sumunod sa patakaran kung ayaw naming mawalan ng trabaho," sabi ko pa sa kaniya.
"Ganoon din ba kahigpit ang pinapasukan mong trabaho?"
"Oo! Kaya kung pwede pakibigay mo na sa akin iyang ID ko at napakasungit pa naman ng amo ko," pakiusap ko pa sa kaniya.
"Paanong masungit?" naaaliw niyang tanong sa akin.
"Ang sabi ng iba kong kasamahan na madalas nakikita si boss, daig pa raw nito ang laging pasan ang mundo. Parati raw iyong nakasimangot at 'di man lang daw uso ang salitang tawa sa mukha niyon."
Daig ko pa ang chismosang marites sa may kanto namin sa pagkukwento sa aking amo dahil may pakumpas-kumpas pa ako ng kamay na nalalaman.
Napamaang ako kay CJ ng malakas na humalakhak ito.
"A-anong nakakatawa?" utal kong tanong sa kaniya.
"Ang cute mo!" natatawang tugon niya sa akin.
Hindi ko alam kung papuri ba iyon o isang uri ng insulto. Nakakatawa nga ang kwento pero pakiramdam ko mas lamang ang nakatatawang itsura ko dahil sa paraan ng aking pagkukwento.
Inalis niya ang ID ko sa pagkakasabit mula sa kaniyang ID lace saka iniabot iyon sa akin.
Nagdikit ang palad namin at muli kong naramdaman ang pagdaloy ng kuryente sa aming mga balat kaya agad kong inilayo ang kamay ko sa kaniya.
"S-salamat!" kandautal kong pasalamat sa kaniya saka isinuksok ko sa loob ng bag ang aking ID kung saan madaling makikita.
"By the way, iyong tungkol kay Jor--" Naputol ang sasabihin nito ng bigla na lamang sumulpot ang umiiyak na bata sa may pintuan.
"Teacher! Teacher!" humihikbing tawag ng batang babae kay CJ.
Bigla akong kinabahan nang pumasok sa isipan ko ang anak.
"Jordan..."