“S-Sorry po, h-hindi po ako related sa sinabi niyong Wilfred,” naiilang na sagot ko.
“Ganoon ba hija? I'm sorry for making assumptions. Teka, paano nga ba kayo nagkakilala nitong apo ko?”
“S-Sa conference po. Doon po kami nagkita ni Damian.” Iyon ang natatandaan ko na dapat kong isagot kapag tinanong kami kung saan kami nagkakilala.
Nasisiyahan namang napangiti ang mga kaharap namin. “Are you also running a business?” tanong din ng Mommy ni Damian.
Hindi ko alam ang sasabihin. Natural ay ini-expect nila na tulad nila ay nanggaling din ako sa mayamang pamilya. Hindi ko na maalaman kung sino ang sasagutin ko sa dami ng tanong nila. Mahirap pala talaga ang magsinungaling. Sigurado akong hindi ko mapapanindigan kung sasabihin ko sa kanilang isa din akong mayaman. Kasinungalingan na ang palabas naming relasyon ni Damian, siguro naman ay hindi ko na dapat pang dagdagan iyon. Nang hindi na ako makasagot ay saka nagsalita si Damian.
“Mom, Lolo, baka naman iwan ako nitong si Elyse sa dami nyong tanong. She is—"
“Isa lang po akong simpleng babae. H-Hindi po ako nanggaling sa mayamang pamilya tulad ng inaasahan nyo,” lakas-loob na amin ko. Bigla ay natahimik silang lahat. Iniwasan ko namang tingnan si Damian sa takot na baka galit siya. “S-Simple lang pong namumuhay sa probinsya ang pamilya ko, at..at isang hamak na empleyado lang po ako.” Bahala na kung hindi nila ako matanggap. Wala na rin namang saysay kung magsisinungaling ako sa pagkatao ko, tutal pareho naman kami ni Damian na hindi handang humarap sa pamilya niya ngayon.
Wala pa ring nagsasalita sa kanila. Ang Lolo at Lola ni Damian ay nakamasid sa akin habang ang Mommy naman niya ay nakatiim ang mga labing sumulyap sa asawa. As usual ay seryoso pa rin ang Daddy ni Damian. Sinulyapan ko si Damian sa tabi ko, inaasahan ko nang galit siya sa akin ngayon. Sakto naman na lumapit sa amin ang waiter na may dalang serving trolley. Inilapag niya sa tapat ko ang pagkain at parang bumaliktad ang sikmura ko sa amoy niyon. Mabilis kong itinakip ang kamay sa bibig para pigilan ang pagduwak. Nanlalaki naman ang mga matang napatingin sa akin ang Lola Elena ni Damian.
“E-Excuse me po. I’ll just go to the restroom.” Iyon lang at patakbo akong nagtungo sa restroom. Iniwan ko ang mga kasamahan ko sa table na nagtataka.
Pawis na pawis ako sa pagsusuka sa CR ngunit ang isip ko ay nakatuon pa rin sa mga sinabi ko sa pamilya ni Damian. Matanggap kaya nila ako? Nakakahiya kay Damian, effortless na nagustuhan siya ng pamilya ko. Ano na kaya ang mangyayari sa kasunduan namin kapag tumutol sa akin ang pamilya niya? Nang kumalma na ang tiyan ko ay saka ako nagdesisyong lumabas ng restroom. Hindi ko inaasahan na naroon si Damian sa labas at naghihintay sa akin. Taliwas sa inaasahan ko, wala ang galit sa kaniyang mga mata. Nagulat pa ako ng iabot niya sa akin ang panyo niya. Nag-aalangan na tinanggap ko iyon at ipinunas sa noo ko na may mga butol na ng pawis dahil sa pagsusuka.
“S-Sorry,” nakatungo at mahinang usal ko.
“For what?” tanong niya. Noon ko siya tiningnan at may nabasa ako sa mga mata niya na hindi ko matukoy. Naroon din ang pag-aalala niya. “Are you okay now?”
“Okay na ako. Nahihiya ako sayo. Hindi ko pa kasi nababasa ‘yong binigay mo sakin eh kaya inamin ko na ang pagkatao ko. Paano kung hindi nila ako nagustuhan?”
“Elyse, hija.” Nabosesan ko ang Lola Elena ni Damian na sumunod pala sa amin. Nag-aalalang nilapitan niya ako. “Are you okay? Kanina ka pa namin hinihintay. The food is ready.” Ang mga mata niya ay mataman akong pinagmamasdan.
“O-Okay lang po ako.” Hindi ko magawang salubongin ang mga tingin niya.
“Lola, Elyse is not feeling well. Baka umuwi na kami—”
“Nonsense Damian!” putol niya sa apo pagkatapos ay hinawakan ang dalawa kong kamay. Pinakititigan niya ako saka nagtanong. “Tell me hija. Are you pregnant?”
What? Paano niyang nahulaan? Napalunok ako ng laway. Hindi ako nilubayan ng mga mata niya. Pakiramdam ko kapag nagsinungaling ako ay mabilis niyang malalaman. “Y-Yes po.”
Kaylakas ng t***k ng dibdib ko habang hinihintay ang magiging reaction niya. Sa pagkagulat ko ay napapalakpak pa siya sa tuwa. “Thanks God! Sinasabi ko na nga ba at tama ako! Halika hija, let’s tell them the good news! Huwag kang matakot, I’m sure matutuwa sila.”
Sinulyapan ko si Damian na marahang napailing sa Lola niya. “You rascal! Halika dito at harapin mo kami ng Lolo Milo mo! Kailan mo pa balak sabihin sa amin?” baling din sa kaniya ng matanda at inakay ako pabalik sa table namin. “Milo! Matutuwa ka sa balita nila sa iyo!”
“Meron pa ulit?” natatawang tanong naman ng matanda.
“Come on, Elyse, Damian. Tell them.”
Hinawakan ni Damian ang nanlalamig kong mga kamay. Bahagya siyang ngumiti sa akin saka hinarap ang pamilya. “Actually, Elyse is pregnant.”
Napanganga ang Mommy niya at nabitawan pa ang kutsara na hawak, ang Daddy naman niya ay kunot-noong tiningnan kami. Ang pinakamasaya sa lahat ay ang Lolo Milo niya.
“Magiging Lolo ka na rin Rafael!,” bulalas ng matanda at umalingawngaw ang malakas niyang tawa sa kabuoan ng dining area.
Dahan-dahang tumayo ang Mommy ni Damian at naglakad palapit sa akin. Hinawakan niya ako sa balikat at nagtama ang aming mga mata. Ang inaasahan ko ay magagalit siya pero bagkus ay nasisiyahan siyang ngumiti. “Congratulations hija! Oh Damian, you are serious after all.”
“What makes you think I'm not being serious, Mom?” tanong naman ni Damian.
Mukhang nalimutan na yata nila ang sinabi kong nagmula lang ako sa simpleng pamilya dahil maging ang Daddy niya ay lumapit sa akin at binati na rin ako.
“My God! Hindi halatang buntis ka lalo na kanina sa suot mong dress. Ilang buwan na ba ang tiyan mo?” excited na tanong na rin ng Mommy niya.
“Pa-three months na po tita,” nahihiyang sagot ko. Hindi ako makapaniwala! Dahil nalaman nilang buntis ako ay tila nagbago ang ihip ng hangin.
“Oh my! Rafael, six months na lang at lalabas na ang apo natin!” bulalas niya. Tipid na ngumiti lang and Daddy ni Damian sa amin.
“Siyanga pala Damian, kailan nyo balak magpakasal? Nakipag-usap ka na ba sa mga magulang nitong si Elyse?” tanong ni Don Milo.
“Ahm, about that Lo, hindi pa—”
“Ano? Hindi mo pa nasasabi sa pamilya niya?” dumagondong ang boses nito.
“Milo, relax! Naririnig tayo ng marami,” saway naman ng asawa niya.
“How dare you, Damian! Nauna mo pang sabihin sa amin bago sa pamilya nitong si Elyse. Where is your delicadeza? Nakakahiya sa kanila. Saan nga ba ang sinasabi mong probinsya hija?”
Mukhang hindi maganda ang tinatakbo ng usapan namin. “S-Sa Quezon po. Okay lang naman po, b-balak naman po namin ni Damian magpaalam sa kanila—”
“No! Hindi ‘yon okay. May lakas ng loob itong apo ko na buntisin ka pagkatapos ay hindi maharap ang magulang mo! This Saturday ay ba-byahe tayo sa Quezon at magpapaalam ng maayos.”
Napanganga ako sa narinig. Diyos ko, ano kayang sasabihin nila Nanay!
“Masyado ka naman yatang nagmamadali Papa,” saway ng Daddy ni Damian.
“Bakit? Hahayaan nyo bang umabot ng ilang buwan ang tiyan niya bago nyo ipakasal? Pagtapak niyan ng apat na buwan ay halata na ‘yan.”
“By the way, nakapagpa-ultrasound ka na ba hija? Sino ang OB-Gyn mo?” tanong ng Mommy ni Damian na halatang excited sa magiging apo.
“Yes po Tita. Si Doctora Sy po ang kinuha ni Damian.” Kinuha ko sa bag ang result ng ultrasound na palagi kong dala at inabot sa ginang. Panabay naman na napasinghap ito at ang Lola Elena nang mapagmasdan iyon.
“Look at that cute little Damian,” masayang bulalas ng mga ito. Kung paano nila nalaman na lalaki ‘yon ay hindi ko na alam.
“Elyse, hija, is it possible for us to meet with your parents on Saturday??” ulit naman ni Don Milo. Sinulyapan ko si Damian na bahagya namang tumango kaya napipilitang sumang-ayon na rin ako. Napailing naman ang Daddy niya na parang hindi sang-ayon sa mga nangyayari.
“Oh siya! Make sure that you are available on Saturday, Rafael, Dona.”
“Yes Dad,” sang-ayon na lang ng dalawa.
“Elyse, hija, you should tell your parents that we’re coming to discuss your wedding,” ani Daddy ni Damian.
“Yes po,” sagot ko. Ang totoo ay hindi ko na magawang lunokin ang pagkain dahil sa sobrang kaba. Kung ano-anong eksena na ang pumapasok sa isip ko sa gagawing biglaang pakikipag-usap ng pamilya ni Damian sa pamilya ko. Ngayon pa lang ay iniisip ko na kung paano kakausapin sila Nanay.
Ano ba itong pinasok ko?