1
Ang bayan ng Mondemar ang masasabing isa sa pinakamaunlad na bayan sa Pilipinas. Hango ang pangalan ng bayan mula sa isang napakayamang dayuhan na si Juancho Miguelito Mondemar. Malaki ang naitulong nito sa pagpapaunlad ng bayan kung kaya nang pumanaw ito ay isinunod dito ang pangalan ng dati ay kilala sa tawag na Tierro Cristobal.
Sa maunlad at tahimik na bayan na iyon naninirahan ang pamilya ni Allyson. Doon nagpasiyang manatili ng kaniyang ina matapos siya nitong maipanganak at matuklasan nito ang panloloko ng magaling niyang ama.
“Mahal mo lang ang sarili mo! for once Ryan, isipin mo naman iyong nararamdaman nila. Hindi iyon puro sarili mo na lang ang iniisip mo. I-im happy with Miguel, hindi mo ba nakuha iyon? can’t you..can’t you just be happy for me? huhuhu…” isinandal ni Allyson ang likod sa malamig na pader at umiiyak na napadausdos siya. Walling na ang ginawa niya para lang makakuha siya ng emosyon sa pag arte.
“Cut! Saan nanggaling ang huhuhu?” naiiritang tanong ni Yara sa kaniya. Napangiwi siya sa sinabi ng kapatid.
“Haguhol ang tawag sa ginawa ko,” pagdadahilan niya.
“Iyong ‘huhuhu’? so kung natatawa ka pwede ang ‘hehehehe’ at kapag kinikilig ka ay ‘hihihihi’? hindi acceptable iyan. Baka mainis sa'yo ang direktor.”
“Oo na!” nakasimangot na dumiretso ng tayo si Allyson.
May audition siya bukas sa isang TV network at ang nakakaiyak na linya ni Claudine Baretto sa pelikulang Dahil Mahal Na Mahal Kita ang napili niyang script para sa audition. Favorite movie kasi niya iyon at fan siya ng love team nila Rico Yan at Claudine Baretto noong araw.
“Eh, kaya naman pala hindi napipili itong si Ate Ally sa mga audition,”
“Hoy, ikaw ha,” pinandilatan niya ng mata ang kapatid. “Don’t me!”
Aminado naman siya na wala pa siyang masyadong ibubuga pagdating sa pag arte. Pero kaya nga nagsisikap siya at panay ang sali sa audition para mas gumaling pa siya. Gusto kasi niya na siya ang magtuloy ng naudlot na pangarap ng kanilang ina. Noong dekada otsenta ay naging parte ng showbiz ang mommy Laura niya. Pero nang magbuntis ito sa kaniya ay parang mataas na pader na gumuho ang pangarap nito.
Pinamaywangan niya ang kapatid. Naroon silang dalawa sa sala ni Yara. Habang nakatayo siya ay komportableng nakaupo naman ito sa mahabang sofa at pinanonood ang pag arte niya. Daig pa niya ang sumabak sa totoong audition dahil napakaarteng judge ni Yara. Kahit ang paghikbi niya ay pinipintasan nito.
“Push mo iyan,” maarteng sabi nito.
“Hay naku!” tinampal niya ang noo at ginaya ang madalas na expression ng batang si Onyok sa teleserye na Ang Probinsiyano.
Napalabi siya nang mapansin ang suot na miniskirt ng kapatid. Sa totoo lang ay hindi pa rin niya gaanong matanggap na ang sumunod sa kaniya ay isa palang miyembro ng federasyon. Sa edad niyang bente sais ay hindi na imposible na panay ang parinig sa kaniya ng ina na gusto na nitong magkaroon ng apo. At dahil siya ang panganay ay obligasyon niya na ibigay ang gusto nito. Pero hindi pa siya handa sa pag aasawa at napag usapan na nila ng nobyo niyang si Barry ang tungkol sa bagay na iyon. Si Yara ang inaasahan niyang tumupad sa pangarap ng kanilang ina dahil nag iisang lalaki ito sa kanilang apat na magkakapatid. Bente kuwatro na si Yara at ang sumunod ditong kambal ay bente dos naman ang edad.
Pero malabo pala na umasa siya kay Yara dahil tuluyan na itong nagladlad ng pink na kapa. Nang magdesisyon ito na magtayo ng parlor sa katabing pwesto ng bahay nila ay hindi na nakatanggi pa ang ina. Mas mabuti na raw na may income sila at malakas din naman ang kita ng parlor ng kapatid niya.
“Bakit ba nakasimangot ka na naman Allyson?”
“Mommy, pagsabihan mo ang panganay mo. Ang lamya umarte, paano ba naextra sa movie ni Coco Martin iyan?”
Naupo ang kanilang ina sa tabi ni Yara. Iniunat nito ang isang braso at pinisil pisil iyon. Suot nito ang paborito nitong pulang duster kaya lutang na lutang ang makinis nitong kutis. Napangiti siya. Sa kanilang apat ay siya ang masasabing kamukha ng kanilang ina.
“Aba’y hayaan mo na nga, kahit naman sinong artista ay hindi agad magaling sa una,”
“Tama,” pagsang ayon niya. Kahit papaano ay nagbunga ang pagsisikap niya dahil nakuha siyang extra sa isang pelikula na si Coco Martin ang bida. Tindera sa palengke ang role niya. Minsan na rin siyang lumabas sa reenactment ng crime scene sa isang TV show. Maliit na mga role pa lang naman iyon pero ipinagmamalaki niya.
Ang totoo niyan ay todo push siya sa pangarap niyang maging artista dahil alam niya sa sarili niya na iyon lang ang madaling paraan para kumita siya ng pera. Graduate lang kasi siya ng vocational course naniniwala siya na kahit kumayod siya ng bongga ay hindi siya agad yayaman. Hindi siya matalino at average lang naman ang mga grades niya noong nag aaral pa siya. Pero madiskarte siya at maraming raket kung kaya regular siyang nagbibigay ng pera sa ina.
Sa ganda niyang iyon na namana niya sa ina ay naniniwala siya na madali siyang sisikat. Kung hindi nga lang siguro maagang nagbuntis ang ina ay baka isa na ito sa mga tinitingalang aktres ngayon sa bansa. Mula sa likod ng sofa kung saan nakasabit ang pahabang salamin sa dingding ay masusing pinagmasdan niya ang sarili.
Perfect!
Napangiti siya at hinayaan na mag usap ang kapatid at ina. Kontentong tiningnan na lang niya ang sarili sa salamin. Hindi nagsisinungaling ang salamin sa kaniya dahil totoo naman na maganda siya. Sa tuwing tumitingin nga siya mommy niya ay mas lalong tumataas ang confidence level niya.
Ang sabi ni mommy Laura ay namana daw nito at nilang magkakapatid ang maputi at mula mulang kutis mula sa amerikanong lolo nito na isang sundalo. Maliit lang ang mukha niya at marami ang nagsasabi na iyon ang pinakaasset niya. Parang sa tsokolate ang kulay ng mga mata niya na binagayan ng makapal at malalantik na pilikmata. Medyo makapal ang kilay niya pero bumagay iyon sa kaniya dahil mas lalo daw siyang nagmukhang aristokrata. Matangos at maliit ang kaniyang ilong na may maliit na guhit sa ilalim ng tungki. Ang mga labi naman niya ay manipis at sadyang mapula kahit hindi siya maglagay ng lipstick.
Five-four lang ang taas niya kaya madalas na nagsusuot siya ng sapatos na may mataas na takong para magmukha siyang matangkad. Masipag siyang magjogging sa umaga kaya hindi na nakapagtataka na maganda at sexy ang hubog ng katawan niya. Matambok ang kaniyang pang upo at malulusog din ang kaniyang mga dibdib. Hindi man sila mayaman para gumastos siya sa pagpapaganda at mapanatili ang magandang kutis ay marami naman siyang alam na beauty tips na hindi na kailangan pang gumastos ng malaki.
Certified wais siya. Ipinapaligo niya sa katawan ang pinakulong lipton tea para mas gumanda pa ang kutis niya. Madalas din siyang magwater therapy dahil alam niya na malaki ang maitutulong niyon sa kalusugan niya. Lahat ng beauty tips niya ay matatagpuan lang sa kusina kaya malaki ang natitipid niya.
“Ang ganda talaga ni ate Allyson, ano? bobita lang pero maganda, mudra. Kamukha talaga ni ate Demi,”
“Naku, Yariel, huwag na huwag mong mabanggit sa akin ang pangalan ng pinsan mong iyon at pati na ang taksil niyang mga magulang,” nakaismid na turan ng ina.
Mula sa pagsipat sa maputing kilikili ay tumingin siya sa ina. “Mommy naman, twenty six years ago na po iyon, hindi ka pa rin makapagmove on?” nakakunot noong tanong niya.
“Anong move on? Sa ginawa ng magaling mong tatay sa akin at sa tita Demetria mo, sa tingin ninyo magpapatawad na lang ako basta-basta? nunca!”
Aray! napangiwi na naman siya. Ang masakit na katotohanan ng kaniyang pagkatao ay hindi sinasadyang mauungkat na naman ngayon. Anak siya sa pagkadalaga ng kaniyang ina at si Yara naman at ang kambal ay mga anak nito sa yumaong asawa na si daddy Rodie.
Noong dekada otsenta habang abala sa umuusbong na career si mommy Laura ay nakilala nito ang kaniyang ama na si Peterson Bustamante. Isang mayaman na negosyante na nakabase sa Maynila. Naging masaya naman daw ang relasyon ng mga magulang niya noong una. Pero biglang nag iba ang lahat nang matuklasan ng kaniyang ina na may ibang babae pala ang papa Peterson niya. Ang higit na nagpahirap sa ina ay ang katotohanan na ang karibal nito sa puso ng kasintahan ay ang sarili pa pala nitong kakambal.
Playboy daw talaga ang kaniyang ama at kahit masakit tanggapin ay hindi naman talaga tama na pinagsabay nito ang kaniyang ina at si tita Demetria. Nasayang ang limang taon na relasyon ng mga magulang niya. Mas pinili ng kaniyang ama na pakasalan si tita Demetria dahil na rin sa pagbubuntis ng huli. Sa labis na sama ng loob ng kaniyang ina ay hindi na nito ipinaalam sa pamilya na nagdadalang tao din ito at nagpakalayo layo na lang.
Hindi na muling bumalik pa sa pag aartista ang mommy niya at nagpasiyang mamuhay na lang ng tahimik sa bayan ng Mondemar kung saan nito nakilala ang true love nito na si daddy Rodie. Kahit hindi naman sila mayaman ay masaya siya at kontento sa pamilya na mayroon siya.
Natuklasan man ng totoo niyang ama ang tungkol sa kaniya ay hindi iyon naging dahilan para payagan ito ng kaniyang ina na makalapit sa kaniya. Ang naaalala lang niyang una at huling beses na nakita niya ito at ang pamilya nito ay noong limang taong gulang siya. Dumalaw ito kasama si tita Demetria at ang nag iisang anak na si Demi sa lugar nila dahil gusto daw siyang makita ng kapatid. Pero nagmatigas ang kaniyang ina at sa labas pa lang ng bahay nila ay may dala na itong lighter at gasolina. Napilitan tuloy bumalik agad ng maynila ang papa Peterson niya at hindi na muling sinubukan pang lapitan siya.
Sa ngayon ay inilihim niya sa ina ang tungkol sa pagkakaroon niya ng koneksiyon kay Demi at sa kanilang ama. Ayaw niyang magalit sa kaniya ang ina at palayasin siya sa bahay nila. Mabait man ito ay walang kahit sino ang magtatangka na galitin ito. Ayaw niya sanang suwayin ang mahigpit na bilin nito na iwasan ang ama at half sister niya. Pero bilang isang anak na naghahanap ng atensiyon ng ama ay hindi niya mapigilan ang sarili. Sa f*******: niya nahanap si Demi at agad na nakapalagayan niya ito ng loob. Dahil nga kambal ang kanilang mga ina ay hindi maitatanggi na magkamukhang magkamuha din sila. Kahit sa height at hubog ng katawan ay hindi sila nagkakalayo. Parang silang dalawa ang mas batang version ni tita Demetria at ng mommy Laura niya.
“Kahit na ba mommy, malamang pamanahan ng ex jowa mo si ate Ally, kapag nagkataon ay hindi na niya kailangan magpakahirap sa audition na iyan. Kaya na niyang magproduce ng sarili niyang pelikula.”
“Hindi! hanggang nabubuhay ako ay hindi ako tatanggap ng kahit isang singko duling sa mga Bustamante! Kung hindi nga lang napakabata ko noon at walang alam sa kalakaran sa mundo ay hindi ko ipapagamit ang apelyido ng gagong iyon sa ate mo ‘eh. Natakot lang ako dahil ang sabi ng mga matatanda sa akin ay baka mahirapan sa kung anong mga papeles ang ate Ally mo kapag tumanda siya at walang nakalagay na pangalan ng ama sa birth certificate.”
Siyang tunay. Dahil natuklasan lang naman ng kaniyang ama ang tungkol sa kaniya noong nanganak na ang ina sa kaniya at kinailangan nitong pumirma sa likod ng birth certificate niya. Pagkatapos nang naganap na pirmahan ay basta na lang ito pinalayas ng mommy niya noon. Ang sabi sa kaniya ng ama ay ilang beses daw nitong sinubukan na magbigay ng sustento noong baby pa siya pero naging mariin ang pagtanggi ng kaniyang ina.
Ngayon ay gusto daw nitong bumawi sa kaniya at balak pa siyang bigyan ng buwanang sustento pero tumanggi siya. Ayaw niyang tuluyan siyang magkasala sa ina. Ang tanging gusto lang naman kasi niya ay ang makilala ang isa pa niyang pamilya. Kahit mayaman ang mga ito at sabik siyang makaranas ng marangyang buhay ay hindi niya itataya ang pagmamahal niya sa ina at mga kapatid.
Maliban sa pagsabak niya sa audition ay may mga raket din naman siya. Manikurista siya sa parlor ni Yara at umeextra din na kahera sa computer shop at grocery store ng isang kakilala. Minsan na rin siyang namasukan na yaya kaya may experience siya sa pag aalaga ng bata. Ang kaniyang ina naman ay may maliit na sari-sari store. Ang kambal na sila Hariet at Mariet ay parehong nag aaral sa kolehiyo sa pamamagitan ng full scholarship mula sa mga Mondemar.
“Ateeeee! Mommyyyyy!”
“Ano iyon?!” maging si Yara ay tumili na rin nang marinig ang malakas na pagsigaw ng kambal. Humahangos na pumasok sa loob ng bahay si Hariet habang si Mariet naman ay nasa likuran nito at namumutla.
“Bakit ba kayo sumisigaw?” tumayo ang kanilang ina at nilapitan ang dalawa.
“A-ang..ang..”
“Ang alin?” bulyaw niya kay Hariet. Daig pa niya ang ibinitin patiwarik habang naghihintay sa sasabihin nito.
“N-nasusunog ang bahay nila kapitan, ate! malapit na sa atin ang sunog!”
“D-diyos ko!” nanginig ang buong katawan niya dahil sa matinding takot.
“Dalian na ninyo, mga anak. Dalhin lang ninyo ang mga importanteng gamit at lalabas na agad tayo ng bahay. M-mas mabuti nang mailigtas natin agad ang mga sarili natin.”
“Mommy!” palahaw nilang apat. Kung madadamay sa sunog ang bahay nila ay mawawalan sila ng tirahan at kabuhayan.
Papaano na sila?