“Isa’t kalahating gaga ka rin kasi ate Allyson, nasa harap mo na nga pero pinakawalan mo pa rin.”
Nanulis ang mga nguso ni Allyson habang patuloy naman sa panenermon si Yara sa kaniya. Sa buong araw na magkasama sila ay wala itong ginawa kundi ang sermunan siya. Napakalaking tanga daw niya dahil pinakawalan niya ang pagkakataon na maging isang Mrs. Jaime Mondemar. Akala siguro nito ay ganoon lang kadali ang lahat.
“Tapos sa gabi iiyak-iyak ka? oh, bakit akala mo ba hindi kita naririnig? Kuuuh!”
“Ano ka ba!” tumigil siya sa paglalakad at natitigilang lumingon dito. “H-hindi totoo iyan,” pilit na pagtanggi niya.
“Deny ka pa more, mahiya ka nga sa akin eh ako ang kasama mo sa kwarto,” nanunuksong sinundot pa siya ni Yara sa tagiliran. Nagyuko siya ng ulo ng hindi na niya magawang salubungin ang nanunudyong ngiti ng kapatid niya.
Aminado siya na gabi-gabi siyang umiiyak. Kung kailan naman kasi siya nakawala kay Jaime ay saka naman niya tuluyang inamin sa sarili na gusto niya ito. Sa halip na matuwa nang makaalis siya ng mansiyon ay parang gusto pa niyang bumalik na lang doon at manatili sa piling ng binata.
Namimiss na rin niya ang mga bata. Nangako siya sa mga ito na bibisita siya minsan pero hanggang ngayon ay hindi pa rin niya natutupad iyon. Iniiwasan niya na makita si Jaime dahil ayaw na niyang mas lumala pa ang atraksiyon na nararamdaman niya para dito.
Nakakatawang isipin na kung kailan hindi na niya ito nakikita ay saka naman niya hinahanap hanap ang presensiya nito. Samantalang noong nagpakasal sila ay wala naman silang ibang ginawa kundi ang magtalo. Nang sabihin nito sa kaniya na hindi pala totoo ang pagpapakasal nila at minanipula lahat iyon ng ama nito ay totoong nabigla siya. Natuwa siya noong una pero sa paglipas naman ng araw ay nag iba na ang nararamdaman niya.
“So, ano nga ate wala ba talagang nangyari?”
“W-wala nga sabi, kulit mo! paano naman kami magsesex ni Jaime kung palagi siyang nasa library para magtrabaho.”
“Sus, eh, kung matulog kayong magkatabi may posibilidad ba na isuko mo ang bataan? Ayieee!” napapalakpak pa ito.
Naiinis na kinurot niya ito sa tagiliran. Kahit madalas siyang inisin ni Yara ay nagpapasalamat pa rin siya na hindi siya pinabayaan nito. Sa tuwing napapansin nito na malungkot siya ay todo effort ito sa pagpapatawa sa kaniya. Naipagtapat na niya dito ang nangyari kaya abot hanggang langit ang galit nito kay Demi.
Nang umuwi siya at ipinaliwanag niya sa ina na hindi niya kaya na magtrabaho sa malayo ay naintindihan naman siya nito. Marami naman daw pwedeng mapasukan ng trabaho sa Mondemar ayon na rin sa kaniyang ina. Sa barangay Polancio sila tumutuloy ngayon kasama ang kapatid ni daddy Rodie na si Auntie Winna. Balo na ito at nasa abroad ang nag iisang anak kung kaya sila ng pamilya niya ang naging kasama nito sa bahay. Maayos naman ang buhay nila doon. Medyo liblib nga lang kaya minsan ay hindi niya maiwasan na mainip.
Minsan kasi ay umaalis si Yara dahil may mga kakilala ito na nagpapaservice sa bayan. Ang mga kapatid naman niya ay palaging may pasok. Ang kaniyang ina ay abala sa pagpapagawa ng bahay at si Auntie Winna naman ay pagmamahjong kasama ang mga kapitbahay ang libangan.
Dalawang araw na ang nakakaraan nang tumawag sa kaniya ang ina ni Demi na si Tita Demetria. Ipinaalam nito sa kaniya na ilang linggong naconfine ang kaniyang ama sa ospital dahil nastroke ito. Kaya pala hindi niya ito matawagan noon. Humingi sa kaniya ng pasensiya ang tiyahin dahil sa ginawa ni Demi. Hindi daw alam ng kaniyang ama ang nangyari sa kaniya. Inatake daw kasi ito sa puso dahil nagtalo ang mag ama nang sumunod si Demi sa ibang bansa para kumbinsihin ang mga magulang na huwag ituloy ang planong pakikipagkasundo sa mga Mondemar.
Wala pa rin daw balita hanggang ngayon ang mga ito tungkol kay Demi. Ilang araw lang daw kasing nanatili ang huli sa Los Angeles at umalis din kasama ang kasintahan nito na isang lesbian. Masakit para sa kaniya na ang mismong kapatid pa niya ang nanloko sa kaniya. Pero ano pa ba ang magagawa niya? nangailangan siya ng malaking tulong at sinamantala iyon ni Demi para mapaikot siya.
“Naku, Yariel dalian na natin at baka magalit pa sa atin ang customer mo,” sabi na lang niya.
Debut daw ng customer na aayusan nito at dahil wala siyang magawa sa bahay ay sumama na lang siya kay Yara para makapaglakad lakad na rin siya.
Kaya lang ay mas liblib pa pala sa baranggay nila ang lugar na napuntahan nila. Dalawang sakay ng tricycle iyon mula sa Polancio. At medyo maputin din sa nilakaran nila bago sila makarating sa dulo kung saan may ilog. Napanganga siya nang makita na sira pala ang tulay na tatawiran nila.
“Hindi pa rin ba inaayos ang tulay dito?” naiinis na tanong niya kay Yara. Siguradong nasira ang tulay nang nakaraang bagyo.
“Relax lang ate, next week pa daw ang construction dito dahil katatapos lang sa kabilang baranggay. At saka hindi naman malalim ang ilog.”
“Alam mo naman na hindi ako marunong lumangoy,”
“Kaya pala beast mode,” napahagalpak ito ng tawa. “Oh siya, malalaki naman ang mga bato at diyan dumadaan ang mga tao, ateng. Huwag kang mag alala dahil hindi ka naman basta-basta mahuhulog sa ilog. Sila nga hindi natatakot.”
“Natural, sila kasi expert na. Eh, tayo ba?”
“Tara na nga,” nauna na itong tumawid sa malalaking bato.
Hindi naman siya nahirapan na sumunod sa kapatid niya. Naenjoy pa nga niya ang pagtawid tawid niya sa mga bato. Kaya lang ay narinig niyang may malakas na tinig ang tumawag sa kaniya. Napakunot noo siya at tumingin kay Yara. Imposibleng ito ang tumatawag sa kaniya dahil nakatalikod ito at sige lang sa pagtawid sa mga bato. Nang muli siyang makarinig ng malakas na pagtawag sa kaniya ay napilitan na siyang pumihit sa bandang likuran niya. Nagimbal siya nang makita niya si Jaime na nakatayo sa pinakadulong bato at tila sinusundan siya.
Teka sandali. Namamalikmata ba siya? pakiramdam niya ay tumigil sa pag agos ang tubig sa ilog. Kahit siya ay hindi na makagalaw habang nakatingin siya kay Jaime. Napakabilis ng pintig ng puso niya ng mga sandaling iyon.
“Papa Jaime!” malakas na tili ni Yara na ikinagulat niya. Nadulas ang isang paa niya at bigla siyang gumewang.
Magkasabay pa silang tumili ni Yara bago niya naramdaman ang pagbulusok ng katawan niya sa malamig na tubig ng ilog.