14

933 Words
Magkasalubong ang mga kilay na naisandal ni Jaime ang likod sa headrest ng swivel chair matapos niyang basahin ang ilan sa mga dokumentong nasa mesa niya. Sa nakalipas na dalawang linggo ay parang mas lalo pang nadagdagan ang stress niya kahit na nakauwi na ng bansa si Gabriel at ito na ang namamahala ngayon sa mga negosyo nila sa Maynila. Kung tutuusin ay mas magaan ang trabaho niya kapag naroon siya sa sariling bayan. Kung iintindihin pa kasi niya pati ang Mondemar Shipping Company at ang iba pang negosyo ng kanilang ama ay talagang nawawalan na siya ng oras sa sarili at pamilya niya. Maliban sa may kaniya kaniyang negosyo ang mga kapatid niya ay siya rin ang nagiging takbuhan ng mga ito sa tuwing nais ng mga ito na magliwaliw at tumakas sa nakakapagod na trabaho nila. Napaungol siya ng bigla na lang ay kumirot ang sentido niya. Ilang oras lang ang tulog niya kagabi dahil napakarami niyang iniisip. Kung inaakala niya na mababawasan ang trabaho niya kapag umuwi si Gabriel ay nagkakamali pala siya. Dahil may isa pa siyang responsibilidad na dapat harapin. Nagsimulang mag ingay ang telepono sa table niya. Muli siyang napaungol at napilitan na sagutin ang tawag. “Jaime, anak, nasaan ka ba ngayon?” “Nasa office 'ma.” matipid na tugon niya sa ina. Ang tinutukoy niyang opisina ay sa main branch ng grocery store na pag aari niya. Doon siya madalas na manatili kapag nasa Mondemar siya dahil mas komportable siyang kumilos sa sarili niyang opisina. Narinig niya ang pagbuntong hininga ng ina mula sa kabilang linya. Awtomatikong napakunot noo siya at naupo ng tuwid. “Mama may problema po ba?” “Wala naman hijo kaya lang ay alam mo naman na nitong nakaraang mga araw ay medyo nag aabuso ang mga bata.” “Ma, napag usapan na natin iyan 'di ba?” “Alam ko naman, anak. Ang akin lang naman bakit ba hindi na lang ninyo itinuloy ni Allyson ang pagsasama ninyo? Mabait siya at boto ako sa kaniya na maging asawa mo. At least alam ko na kapag wala na ako sa mundo ay mayroong mag aalaga sa inyo ng mga apo ko.” Nahagod niya ang batok at napilitang tumayo. Nagpalakad lakad siya sa kabuuan ng opisina habang patuloy sa panenermon ang kaniyang ina. Nakita niya kung papaano ito nalungkot nang umalis ng mansiyon si Allyson kaya hindi niya magawang kontrahin sa panenermon sa kaniya. Nabigla man ang mga magulang niya ay walang nagawa ang mga ito para pigilan ang naging desisyon niya. Natauhan na siya ngayon. Hindi niya pwedeng pahirapan lang si Allyson dahil galit siya sa mga Bustamante. Nakita niya kung papaano nito inalagaan ang mga anak niya. Inalagaan din siya nito nang minsan na magkasakit siya. “Anak hindi ka ba nanghihinayang? Kasundo siya ng mga anak mo, alam naman natin na ilang beses mo nang sinubukan na hanapan ng bagong mommy ang mga bata pero hindi ka naman nagtagumpay.” Naitikom niya ang mga labi habang nakikinig sa ina. Aminado siya na ilang beses din niyang sinubukan na makipagrelasyon sa ibang babae. Maayos naman sana ang lahat kaya lang pagdating sa mga anak niya ay nagkakaroon na ng problema. Kapag nakikita kasi niya na ayaw ng mga anak niya sa nagiging nobya niya at hindi naman ito nag eeffort na malapit sa triplets ay nakikipaghiwalay na agad siya. Pero si Allyson…naipilig niya ang ulo. Papaano nga ba nito nakakasundo ang mga anak niya? simula nang umalis ito ay unti unti na naman bumabalik sa dati ang ugali ng tatlo. Nagiging bully na naman ang mga ito sa eskwelahan kaya wala na naman tigil sa pagtawag sa kaniya ang teacher at minsan na siyang naipatawag sa opisina dahil sa pakikipag away ng pangalawang anak niya na si Kenshin. Sa maikling panahon naman na nagsama sila bilang mag asawa ay normal pa ba ang nangyayari sa kaniya ngayon? palagi niya itong naiisip. Minsan kahit nasa kalagitnaan siya ng meeting ay matitigilan na lang siya kapag sumasagi sa isip niya ang maamo nitong mukha. Sa cellphone ay paulit ulit niyang pinapanood ang eksena nito sa isang pelikula hanggang sa naging morning ritual na niya iyon. Hindi lang naman ang mga anak niya ang naghahanap kay Allyson, siya rin naman. Mas maswerte pa nga ang mga bata dahil mas madalas na nakasama ng mga ito ang babae. Ang nakakainis lang ay kung kailan ito umalis ay saka lang niya naramdaman ang lahat ng mga iyon. Sa gabi bago siya matulog ay ang babae ang laman ng isip niya. Hindi niya ito magawang iwaglit sa isip lalo pa at bukambibig ito palagi ng mga bata. “At saka anak, aminin mo na kasi sa akin na attracted ka kay Allyson. Hindi ka makakapagsinungaling sa akin.” “Ma!” naihilamos niya ang isang palad sa mukha. Papaano nga ba siya makakatanggi kung ang mismong ina niya ang nakahuli sa kaniya na nanonood ng video ni Allyson sa cellphone niya habang mag isa siyang kumakain ng almusal. “What? totoo naman 'di ba? bakit hindi mo pa kasi ligawan si Allyson? Natotorpe ka na ba ngayon, Jaime?” Oo, inaamin niya na totoong attracted na siya kay Allyson. O baka nga mas higit pa sa atraksiyon ang nararamdaman niya dito. Patunay na ang hindi niya makalimutang halik na pinagsaluhan nila ng minsan na malasing ito. Pero siya manliligaw? “Teka nga anak, marunong ka bang manligaw?” Oh great! Hindi niya lubos akalain na sa ganoong edad niya ay magagawa pang itanong iyon sa kaniya ng sarili niyang ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD