Book 1 - Cherilu 18

1194 Words
HINDI ito pumayag na siya ang magmaneho pauwi. Lilipat na siya sa driver's seat matapos nitong ihinto ang sasakyan sa Fort Ilocandia nang humarang ito sa pinto niya. “Babalik din ako sa Manila ngayon. Would you like to come with me?" Itinuro nito ng tingin ang loob ng hotel. She wanted to. At least for a short moment na posibleng magkasama pa sila. Pero alam niyang hindi na dapat. Hindi siya makatingin nang diretso sa mata nito nang umiling. “Kilala ka nga pala rito. And chances are, may makakita sa iyong pumapasok sa kuwarto ng hotel.” Nakakaunawa ang tinig nito subalit nakalakip din doon ang lungkot. “Huwag kang aalis sa boutique. I'll call you bago ako magpahatid sa airport.” Malambing siya nitong pinisil sa baba at tumalikod na. Hindi siya umalis hangga't hindi ito nawawala sa kanyang paningin. ISANG linggo makaraang bumalik si Ronald sa Maynila ay ipinaayos nito sa abogado ang bilihan ng Rose Island At siyempre pa'y masaya si Roselyn. Nayakap nito si Cherilu sa tuwa. “Job well-done, Cher. At babawi ako sa iyo sa oras na malakas na ako. At siyempre'y bibigyan kita ng commission.” Hanggang tainga ang ngiti nito. “Kahit hindi," natatawa niyang sabi. “Kundi ko pa alam, bukas-makalawa dadramahan mo na naman ako. 'Cher, just this once?,” gagad niya sa paborito nitong linya. “Makaalis na nga." “At nagmamadali ang ale. Siguro'y may paguusapan kayo ni Kenneth.” Hindi na niya napansin ang makahulugang-tingin nito sa kanya. SI KENNETH. Mag-iisang linggo na rin buhat nang huling magpakita ito sa kanya. At natatandaan niyang abut-abot ang hingi ng pasensya nito sa hindi pagdalaw sa kanya na hindi niya halos napansin. Dahil masokupado ang isip niya kay Ronald… “AREN'T you going to break your engagement? Hawak nito ang manibela at pabalik na sila sa Laoag. Wala ang tono ng pag-uutos sa tanong na iyon, mas higit ang pagbibigay ng ideya sa kanya. “I want to,” she answered honestly pagkaraan ng mahaba ring sandali. “Pero hindi ba pabigla-biglang desisyon iyon?” “At nagdududa ka pa rin sa nararamdaman mo?I thought I have helped you enough to realize that with my kisses.” At muling naghatid ng friction sa likod niya ang masuyong pagdama ng thumb finger nito sa sulok ng kanyang mga labi. “Sige, I'll give you time. At maliban sa paminsan-minsang phone calls ay hindi muna kita guguluhin.” “One day, I was doing my best to sell the Rose Island, then suddenly I woke up having this feeling for you. Nabibilisan ako. Mabilis masyado.” “That's why they have the word 'whirlwind.' And sweetheart, kung ano man ang nararamdaman mo para sa akin, ganoon din ako sa iyo. Got it, Cheri?” Cheri. Marahan siyang tumango. Several times, he had called her that. At sa pakiramdam niya ay walang pinag-iba iyon pag tinatawag siya nito sa ibang term of endearment. NANG hapon ding dumalaw siya kay Roselyn ay ipinasya niyang tumuloy kina Kenneth matapos magbilin sandali sa Cher Fashion. Nakapagpasya na siyang tanggihan ang iniaalok nitong kasal. At isosoli niya ang singsing na mula noong araw na inihatid niya si Ronald sa Fort Ilocandia ay hinubad na rin niya sa kanyang daliri. She wished na maging madaling tapusin ang relasyon nila. Alam niyang mahirap ipaliwanag kay Kenneth, ngunit mas mahirap na makipag-steady pa siya rito gayong may mahal na siyang iba. She sighed. Siguro'y hindi makakasapat ang paghingi niya ng tawad para pawalan siya nito matapos ang maraming taon, subalit hindi rin naman siya papayag na hindi makalaya rito. Napalunok siya nang mapansin sa driveway ang kotseng gamit ng mama nito. At inisip na kaya hindi siya napupuntahan ni Kenneth ay maraming pinaaasikaso ang ina nito. Nakapasok na siya sa sala nang sabihin ng katulong na nasa library ang mag-ina. Naupo siya't nagbuklat-buklat ng magazine na naroon sa pag-aakalang tinawag ng katulong si Kenneth. Nang dumungaw siya'y nakita niyang abala na ito sa pagdidilig. Nailing na lang siya at kusa nang tinungo ang library sa second floor ng bahay. Kung matagal man ang pag-uusap ng mag-ina ay aabalahin niya si Kenneth kahit ilang saglit. Palagay niya ay lalong lalaki ang panlolokong ginagawa niya kung ipagpapabukas pa ang pakikipagkalas niya rito. Umaakyat pa lang siya ay dinig na niya ang malakas na tinig ng ina nito mula sa nakaawang na pinto, sa wari ay nanggagalaiti. “Singkuwenta mil?! Bakit kailangang gastusan mo ng ganoon kamahal ang singsing na ibinigay mo kay Cherilu? Nangunot ang noo niya nang marinig ang pangalan. At ayaw mang pakinggan ang sinasabi nito ay nanaig ang kuryusidad niya. Humakbang pa siya papalapit at hinintay ang isasagot ni Kenneth. "Hangal!” Muli ay tinig ng ina nito. “Kung noon ay barya lang sa atin nag ganyang halaga ay hindi na ngayon. Alam mong pabagsak na tayo, Kenneth. At kagaya ng negosyo natin ay malapit na ring magsara ang bangkong pinagtatrabahuhan mo dahil sa pagkalugi. Hindi mo ba naisip na napakalaking bagay sa atin ang halagang itinapon mo lang sa isang engagement ring?" Parang pangangapusan siya ng hininga sa paghihintay sa isasagot ni Kenneth. Na mula kanina'y hindi pa niya naringgang umimik. “Mama, think about it as business.” Narinig na lang niya ang bosesnito na puno ng kaarogantehan. At si Cherilu, na nasa kabilang pinto lamang ay nawalan ng kilos. “Hindi ba't may tinatawag tayong investment? Maano na ba iyong ilampung libo kung higit pa roon ang balik sa atin? Solong anak si Cherilu at aware ka namang lumalago ang negosyo niya. Sa sariling ipon niya nanggaling iyon, ha? At isipin mo pa ang mamanahin niya? Makakabawi tayong pareho, Mama. Ano'ng kailangan mong ipag-aalala?” Daig pa ni Cherilu ang binaril sa narinig. Ni minsan ay hindi siya nag-akalang may ganoong pag-iimbot si Kenneth sa kabuhayan niya. Hindi niya akalaing may ganoon katusong ugali si Kenneth. Nanginginig ang mga kamay na dinukot niya sa bag ang singsing na pinagtatalunan ng mag-ina. Parehong parang natuka ng ahas ang mag-ina nang itulak niya pabukas ang pinto. “C-Cher, this is a—" “Surprise? nanunuya niyang sabi. “Ako man ay nasorpresa sa mga narinig ko. At heto--”Inilapag niya ang singsing sa kalapit na silya. “Fifty thousand pala ang value nito. I suggest, i-invest ninyo sa iba. Pero huwag na huwag sa akin.” Magtatangka pa sanang humabol si Kenneth, ngunit sa isang matalim na sulyap niya ay parang dahon ng makahiya itong nasaling at tinanaw na lamang ang pag-alis niya. Puno ng guilt at pagsisisi ang mukha nito pero wala siyang pakialam. Ni hindi na siya nag-aksaya ng panahon na tapunan pa ito uli ng tingin. Pauwi ay kay gaan ng pakiramdam niya. In no effort at all ay natapos ang relasyon nila ni Kenneth. Sa kabilang banda ay gusto niyang magdamdam. All the while na tinanggap niya ito ay hindi niya inisip na pera niya ang hinahabol nito. Ngunit kagyat niya iyong binura sa isip. At napalitan ng planong tawagan si Ronald pag-uwi sa bahay. Napasimangot siya nang makailang beses na i-dial ang number nito ay puro busy tone ang narinig niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD