“ROSELYN de Padua. Siya ang babaing kakausapin mo. Malinaw ang usapan naming titingnan namin ng mama mo ang beach house, pero nang kakanselahin ko ang schedule nang pagpunta roon ay hindi ko naman siya makontak sa numerong ibinigay niys.” Inilapag ni Don Servando Ledesma sa ibabaw ng mga tsekeng pinipirmahan ni Ronald and isang pilas ng papel na pinagsulatan ng ilang impormasyon tungkol sa babaing binanggit.
Bahagyang niluwagan ni Ronald ang necktie. Naaalinsanganan siya sa naririnig mula sa ama. Siya ang taong ang lahat ng ginagawa ay naaayon sa schedule. “Papa, bakit ako pa ang kailangang pumunta roon gayong kayo ang nakipag-appointment? Alam ninyo namang okupado rin ang oras ko.”
Pinipigil ng binata ang nagbabangong inis bagama’t hindi maikakaila ang pagkunot niya ng noo. At sa halip na dugtungan pa ang pangangatwiran ay inabala nuya ang sarili sa pagbabasa sa mga papeles na nakatambak sa executive desk ng ama.
“Anak, nakita na namin ng mama mo ang property sa pictures. Siyempre, kailangang makita namin mismo ang lugar bago bilhin. Ang kaso’y itinawag ni Paolo na anytime ay puwede na kaming umalis ng mama mo patungong Europe.” Relaxed na isinandal ni Don Servando ang katawan sa lounging chair, waring nasisiyahan sa nakikitang pagkaaburido ng anak.
“Iyon na nga, Papa, ang hindi ko maintindihan sa inyo. Anytime pala ay puwede kayong mag-tour, bakit hindi pa muna ninyo i-postpone? Unahin na muna ninyong tingnan iyong sinasabi ninyong property sa Pagudpud. At habang magkasama kayo ng mama sa biyahe ay sigurado akong makakapagdesisyon na kayo kung bibilhin ninyo —”
Natigil sa mahabang sinasabi ang binata nang mag-angat ng mukha ay nasalubong ang matiim na tingin ng ama. Noon niya napagtantong halos magtaas na siya ng tinig at ang tono niya ay waring nag-uutos sa isang empleyado.
“Ronald, ayokong pagtalunan natin ang isang bagay na hindi naman problema kung tutuusin. Ang gusto ko’y making ka sa akin ngayon. Inuutusan kitang ikaw ang pumunta sa Norte. Anyway, hindi ka naman magtatagal doon. Kung sakali’y pinakamatagal na ang dalawang araw.”
“Dalawang araw? Papunta pa lang sa Laoag ay walong oras na.” Hindi na nga nakontrol ni Ronald ang pagtaas ng tinig. Nasa tono niya ang pagreremind sa ama na kahit isang araw na mawala siya sa sariling kompanya ay napakalaking bagay.
“Two days, Ronald,” kalmanteng sabi ni Don Servando. “At hindi walong oras ang tagal ng lipad ng eroplano papuntang Laoag. Hinihintay na ni Paolo ang tawag mo para mai-confirm ang ticket mo.” Tumayo na ang don at tinungo atng pintuan.
Niyuko ng binata ang kalendaryong nagsasaad ng kanyang mga appointments. Sa himig ng ama ay wala siyang karapatang sumuway. Hinubad niya ang eyeglasses at inihilig ang katawan sa swivel chair.
Hanggang sa susunod na linggo ay puno ang schedule niya sa pakikipag-usap sa iba’t-ibang suppliers ng construction materials, gayundin ang meetings sa kliyente. Idagdag pa ang personal na pagdalo niya sa bidding ng construction ng isang sixteen-storey condominium sa San Juan.
“Ronald —“ Sumungaw ang ulo ni Don Servando sa pintuan na solidong narra.
“Ipo-postpone mo ang tour ninyo, Papa?” Nabuhayan ng pag-asa ang binata na baka nagbago na ang isip ng kanyang ama kagaya ng ugali nito.
“Of course not, hijo,” tila nambubuska pang wika ng matanda. “Ipapaalala ko lang na malaki ang tiwala naming sa iyo ng mama mo. I hope that the moment na makita mo ang lugar, hindi na namin kakailanganin pa ang pagpunta roon. We might as well rely on your opinion. After all, having an architect and engineer son rolled into one, mas tama talagang unahin na lang namin ng mama mo ang mag-abroad. At ipaubaya na rin sa iyo ang pagpapasya. If you feel like buying it, hindi mo na kailangang hintayin pa ang pagbabalik naming. Bayaran mo na.”
Tumaas ang isang sulok ng mga labi ni Ronald. Hearing such words from his father, alam niyang wala na siyang choice kundi sundin ito. Pero may ibang paraan. The least ay siya ang mismong mag-postpone ng appointment para hindi makaagaw sa hectic na schedule niya.
“And another thing,” habol ng matanda na hindi umaalis sa pagkakabara sa sarili sa pintuan, “there is an easy way to identify her. Nakalimutan kong sabihin sa iyong buntis si Roselyn. I guess she’s due this month. Kaya I don’t think na dapat pang i-postpone ang appointment.” At mabilis nawala sa paningin niya ang ama.
Ipinagkibit-balikat niya ang sinabi nito. Tama na ang kuhanin ng ama ang mahalagang oras niya. Pero sa paraang gusto niya. Hinagilap niya sa mesa ang papel na ibinigay nito. Nakasulat na dalawang araw mula ngayon ang takdang-pakikipagkita sana ng mga magulang kay Roselyn de Padua. Nasa bandang ibaba ang cellphone number nito.
Pinindot niya ang intercom. “Yes, Katy. Paki-contact mo itong number na ito at please lang, huwag mong titigilan hangga’t walang sumasagot.” At idinikta niya sa sekretarya ang numero ni Roselyn.
Matapos ibigay ang instruction ay idinayal naman ng binata ang numero sa mansion. “Hello, Mama?”
“Ronald!” Nasa tono ni Donya Felisa ang kasabikan sa anak. “I missed you, hijo. Tatlong araw ka nang palagi sa condo mo tumutuloy at ngayon mo lang naalalang tumawag ditto.” Mas naglalambing kaysa nanunumbat ang nasa kabilang linya.
Maluwang ang naging ngiti ni Ronald. Maliban sa paraang naisip, ang ina ang alas niya kay Don Servando. Kung makukumbinsi niya itong i-postpone ang lakad ng mga ito ay pabor sa kanya. Hindi maaapektuhan ang sarili niyang mga lakad.
“Dito ka na maghapunan ngayon, Ronald. Para naman makasalo ka naming ng papa mo bago kami umalis. Alam mo bang nag-overseas call dito ang Auntie Ligaya mo at napakahigpit ng bilin na doon kami sa kanya sa France mag-stay?”
Nawala ang ngiti ni Ronald. Hindi pa man niya naisasatinig ay nasagot na ng excited na boses ng ina ang balak niyang sabihin. Wala siyang nagawa kundi mangako sa ina sa pagdating niya sa oras ng hapunan. Muli niyang pinindot ang intercom. “Katy, na-contact mo na ba?”
“Sir, puro ‘outside the coverage area!’ ang naririnig ko.”