"Apay saan ka pay nga nagsukat iti pagdige mo?" sita sa kanya ni Roselyn nang mula sa kusina ay bumungad ito sa kuwartong pinagsasaluhan nila tuwing weekend. Ang beach towel na floral ay nakasampay na sa balikat nito. At gaya ng dati ay suot na nito ang uniform nila tuwing Sabado—bathing suit.
At inaasahan nitong ganoon na rin ang bihis niya.
“Naaasiwa ako, eh," sagot niya, at tinapunan ng tingin si Kenneth na tinitisud-tisod ang puting buhangin. “Dati'y solo natin itong beach, kaso'y may iba kang bisita--at lalaki pa.”
“Siya nga ang dapat maasiwa, alam mo ba? Pilit niyang iprinisinta ang sarili niya na sumama.” Nanulis ang nguso ni Roselyn.
“Isinama mo naman,” sumbat niya.
“Ano ba'ng magagawa ko? Baka sabihin ay mayabang ako dahil sa amin ang bahaging ito ng Pagudpud at ipamalitang ipinagmamaramot ko ang Rose Island.”
“Basta, ayokong maligo kung may ibang tao, pagmamatigas niya, at naupo sa gilid ng papag na kawayan.
Kahit anong pagpipilit sa kanya ni Roselyn ay pinanindigan niyang hindi maglalangoy. Napilitan itong bumaba at estimahin si Kenneth bilang bisita.
Ilang sandali pa at narinig niya ang tawanan ng dalawa sa ibaba. Nang sumilip siya ay nakita niyang naghihilahan ang mga ito papunta sa baybayin.
Muli siyang bumalik sa kama at inabot ang isang Mills and Boon novel. Sa pagitan ng pagbabasa ay nariringgan niya ang paminsan-minsang malakas na harutan ng dalawa. Higit ang taginting ng halakhak ng kaibigan niya.
Sumunod ang mahabang patlang na naging tahimik sa ibaba. Bumangon siya at sumilip. Ang dalawa ay nakita niyang nakaupo sa ilalim ng puno ng niyog at waring seryoso sa pag-uusap.
Ipinagkibit-balikat niya ang nakita at muling nahiga. Ang atensyon niya ay nahulog sa pagbabasa at nagulat pa siya nang kumatok ang dalawa sa kuwarto.
“Uuwi na raw si Kenneth. Sabi ko kasi'y dito tayo mag-o-overnight at hindi ko naman siya puwedeng patulugin dito." Kinukuskos ni Roselyn ang basa pang buhok.
“Sige,” aniya na iniangat lang ang ulo mula sa binabasang pocketbook.
"Aalis na ako, Cherilu. Ang daya mo, hindi ka naligo," paalam ni Kenneth. Nakatawa ito, pero may sumbat sa sinabi.
SUMUNOD na weekend ay muli na namang sumama sa Rose Island si Kenneth.
That time ay hindi na siya pinilit ni Roselyn na maligo. Sinisinat na siya noong sinundang araw pa at kaya lang siya nagpilit na tumuloy ng Rose Island ay dahil umiiwas siya sa magulong buhay-politiko ng ama.
Panahon na naman ng eleksyon at lagi nang puno ang malaking bahay nila ng ka-ticket nito at ang buong campaign party ng ama.
Gustuhin man niyang palipasin ang mga sandali sa pagbabasa ng pocketbook ay hindi niya magawa. Namimigat ang talukap ng mga mata niya kasabay ang p*******t ng ulo. Ipinasya niyang matulog na lang.
Naulinigan niya ang pag-akyat nina Roselyn at Kenneth na alam niyang naligo sa dagat.
“Cher!" tawag sa kanya ni Roselyn kahit hindi pa man ito nakakapasok sa kuwarto.
Tangka niyang sumagot, subalit nang magbuka siya ng bibig ay halos bulong lang ang lumabas sa kanya. Masakit ang tuyo niyang lalamunan. Nakamata lang siya sa kaibigan nang pabalagbag na binuksan ni Roselyn ang dahon ng pinto.
“Ano na'ng nangyari sa iyo? Na-hook ka nang masyado sa binabasa mo." Anyo nitong dadamputin ang librong nasa tabi pa rin niya nang matigilan. Sa pag-upo nito sa gilid ng higaan ay naramdaman nito ang mas mainit pa kaysa dating temperatura ng kanyang katawan. "Ay! Cher, nagngato ti gurigor mo!" malakas na wika nito na umabot sa pandinig ni Kenneth na nasa makalabas lang ng silid.
Dagling pumasok ang lalaki kahit na hindi inaanyayahan. “Kailangan ba'ng dalhin natin siya sa ospital?” Nasa tinig nito ang pag-aalala nang malamang mataas ang lagnat niya.
Sunud-sunod siyang umiling. Saka siniko ang kaibigan.
“Bahala na sa amin si Nana Coring, Kenneth. Alam na niya ang gagawin," tanggi ni Roselyn. Kilala sila nitong may phobia sa ospital.
Papalubog na ang araw ay hindi pa rin nagkukusang magpaalam para umuwi si Kenneth. Gaya ng naunang pagsama nito sa Pagudpud ay hindi ito maaaring magpalipas ng gabi roon. Alam nilang magkaibigan na hindi papayag ang mag-asawang katiwala na magpatulog sila roon ng lalaking bisita. At kung makaaabot sa kaalaman ng kani-kanilang mga magulang ay hindi rin magugustuhan ng mga ito ang ganoon.
“Coring, hanggang anong oras ba ang biyahe pa-Laoag?'' malakas na wika ni Tata Apen mula sa kusina,
Makahulugang nagkatinginan ang magkaibigan.
Nasa mukha ni Kenneth na napipilitan lamang na umalis nang makahalata sa parunggit ng lalaking katiwala
Nang oras ng hapunan ay alaga si Cherilu ni Nana Coring habang nakaasiste sa iba pa niyang kailangan si Roselyn. Nawala na ang taas ng kanyang lagnat bagama't nanghihina pa.
Makahapunan ay nagsimula nang magsara ng buong kabahayan ang mag-asawa. Si Roselyn ay inihahanda na rin ang sarili sa pagtulog nang marinig nila mula sa labas ang ugong ng sasakyang huminto. Maliksing bumaba ang dalaga mula sa higaan at tinungo ang bintana. Mula sa maliit na awang niyon ay dinungaw ang dumating.
"Si Kenneth."
MATAPOS magbilin ang doktor ng isang araw pa na complete rest at resetahan si Cherilu ng gamot ay mabilis na itong umalis. Si Kenneth na ayaw pa sanang umalis din kaagad ay walang nagawa kundi ang sumabay sa doktor na kasama nito.
Bagama't nagtataka silang magkaibigan ay hindi na nila pinag-usapan ang tungkol kay Kenneth. Nang patayin ni Tata Apen ang generator na noon ay siyang nagsu-supply ng kuryente sa buong Rose Island ay natulog na rin silang dalawa.
NASA kalagitnaan sila ng almusal kinabukasan ay naroon na uli si Kenneth.
"Parang Intsik, ah!" komento ni Roselyn nang tumalikod si Nana Coring para salubungin ang lalaki. "Ang aga-aga." Hindi nito itinago ang pilyang ngiti.
Si Cherilu ay hindi kumibo at itinuloy ang pagkain. Wala siyang maisip isagot sa sinabi ng kaharap.
"Kumusta na'ng pakiramdam mo?" tanong ni Kenneth nang pabalik na siya sa kuwarto.
“Okay na," tugon niyang ang isang kamay ay nanatiling nakahawak sa seradura ng pinto. Wala siyang balak na harapin ito at ang gusto sana ay ang maigayak na ang mga gamit para makauwi na.
"Hiniram ko'ng sasakyan ng papa. Ako na'ng maghahatid sa iyo."
“Nabanggit ko sa kanya na pabalik ka talaga sa Laoag bago mananghali," sabad ni Roselyn.
"At ikaw?" baling niya rito.
“Maiwan na muna ako." At minsan pa niyang nakita sa mga mata nito ang panunukso.
Habang-daan pabalik sa Laoag ay nakumpirmang dalaga ang hinalang unti-unting bumabangon sa isip. Si Kenneth ay hindi inaksaya ang mga sandali at dumiga sa kanya.
Hindi na bago sa kanya ang maligawan. At gaya sa mga naunang manliligaw, wala siyang maramdamang kakaibang pagtatangi rito.