Chapter Eight

2153 Words
MAAGA pa lang ay tumungo na si Izaria sa bukirin. Wala siyang dalang gamit. Si Rainan ang sadya niya roon. “Nakapagtataka naman na wala kang dala-dalang gamit, anak. Hindi ka ba magdu-drawing?” Si Tata Arman ang unang nagsalita nang datnan siya nito na nakaupo sa kubo at tila may hinihintay. “Hindi po ako magpipinta ngayon dito, Tata,” sagot niya. Palinga-linga siya sa paligid kahit alam niyang si Tata Arman lang ang kasama niya roon. Wala ring makikitang tao kahit sa malayo. “Si Rainan ba ang sadya mo?” hula nito. Uminit ang mga pisngi niya. Napuna kasi nito na hindi siya mapakali. “Paano n’yo po nalaman, Tata?” Ngumiti ang ginoo. Naisip niya, baka nahalata na siya nito. “Alam ko naman na wala kang ibang nakakausap dito maliban sa akin at kay Rainan. Pero ngayon, wala siya,” wika nito, “Nasa public market siya. Namili siya ng mga kakailanganin niya. Tuwing linggo lang kasi siya lumalabas.” “Gano’n po ba?” Malungkot ang tinig niya. Bumuntong-hininga siya. Napuna ito ng ginoo. “May mahalaga ka ba na sasabihin sa kaniya?” tanong nito. “Maaari mo namang sabihin sa akin at ipararating ko na lang sa kaniya kung hindi mo siya mahintay. Kapag araw ng linggo, hindi siya pumupunta rito sa bukid.” “Naiintindihan ko po.” Napipilitan ang mga ngiti niya. “Kung gusto mo, hintayin mo siya sa bahay niya,” suhistiyon nito. Napatingala siya sa mukha ng ginoo. Nakatayo kasi ito at halos isang dipa lang ang layo sa kaniya. “Parang nakakahiya naman po kasi kapag ako ang pupunta sa bahay niya. Gusto ko po kasi na personal kong sabihin sa kaniya,” may pag-aalangan na sabi niya. Ibinaba niya ang tingin. “Wala namang problema kung puntahan mo siya sa bahay niya. Mabuting tao si Rainan. Hindi ‘yon mag-iisip ng masama sa iyo. Kanina pa siya umalis, baka ilang minuto lang nandoon na siya sa bahay niya.” “Maraming salamat po, Tata. Kaso, hindi ko po alam kung saan ang bahay niya,” aniya. “Walang problema. ‘Di ba nakarating ka na sa bahay namin? Sa likod lang niyon, mga sampung metro lang ang layo. Nag-iisang bahay lang ang nandoon. Doon siya nakatira. Hindi kasi kita masasamahan dahil may pupuntahan pa ako.” Pagbibigay nito ng direksiyon kanya. “Maraming salamat po ulit, Tata,” masayang tugon niya. “Walang anuman, anak!” Hindi rin naman nagtagal ang ginoo at pansamantala itong namaalam sa kaniya. Una’y nagdadalawanag-isip pa siya kung itutuloy niya o hindi ang pagpunta sa bahay ni Rainan. Ilang sandali pa ay tumayo siya. Hindi niya maipaliwanag kung bakit parang inuutusan siya ng puso niya na puntahan ang binata. Ngunit, may parte rin sa isip niya ang kumukontra. Kaya ko ‘to! Hindi naman siguro ako mapapahiya nito. Parang ang awkward, kasi ako ang girl. Hindi ko dapat siya pupuntahan kasi siya ang boy. Ah basta! Whatever, tutuloy ako! Ekseheradong bumuntong-hininga siya nang makatayo. Nilakasan niya ang loob at sinimulang maglakad. Nag-aaway man ang puso at isip niya nguni’t tuloy ang mga paa niya patungo sa hinahanap niyang bahay. Gamit niya ang scooter ni Virna nang papunta siya. Iniwan lang niya ito sa tabi ng daan dahil hindi ito makadaan sa pilapil. Binalikan niya ang scooter ngunit hindi siya sumakay rito. Malapit lang naman kasi roon ang daan papasok sa kinatatayuan ng bahay ni Tata Arman. Sa likuran lang niyon ang bahay ni Rainan. Binagtas niya ang kahabaan ng pilapil hanggang sa makarating. Diri-diretso ang paglalakad niya hanggang sa matanaw na niya ang bahay ni Tata Arman. Walang tingin-tingin sa kaliwa o kanan hanggang sa may sumalubong… “Ay, asong bundat!” gulat na gulat niyang bulalas nang bigla siyang kahulan ng asong nakatali sa puno ng mangga. Malamang aso iyon ni Tata Arman. “Tao po! Tao po!” tawag niya para lang may makapansin sa kanya. Imbes na harapin siya ng kung sinong tao na naroon ay may isa pang aso’ng nagpakita. Galit na galit ito at umalingawngaw ang kahol. Hindi iyon nakatali at sumasalubong sa kaniya. Nanlaki ang mga mata niya at nangangatal sa takot, baka kagatin siya nito. "My god! Tata Arman naman, bakit hindi n’yo sinabi na may mag-e-entertain pala sa akin dito?" Habang hinay-hinay siyang umaatras ay dahan-dahan din na sumusugod ang puting aso. Nangangatog na ang mga tuhod niya at halos mamutla na siya. Tuloy sa pagkahol ang aso at naki-duet pa ang asong nakatali. “Tulong! Tao po!” sigaw niya. “Alis! Tigilan mo akong aso ka! Mahilig naman ako sa hayop ah. Mapagmahal ako sa mga katulad n’yo, pero bakit hindi n’yo ako magawang mahalin? Ako na lang ba ‘tong magmamahal?” Napapahugot tuloy siya para maibsan lang ang kaba. Kung anu-ano na ang pinagsasabi niya sa asong galit na galit sa kaniya at halos sunggaban na siya nito. “No! No! No! Diyan ka lang!” sinenyas niya ang kanang kamay para pigilan ang aso. “Kapag ako nakagat mo, ipapalitson kita kay Tata Arman!” hamon niya. Ngunit, lalong tumapang ang aso. Tatakpan na sana niya ang mukha niya nang… “Easy lang, Whitey!” boses ng lalaki na nagsalita buhat sa likuran niya, pamilyar ito sa kaniya. Biglang umamo ang puting aso at kumaway-kaway na ang buntot nito. Kumalma ang aso nang makita ang nagsalita sa bandang likuran niya. Lumingon siya at nakita niyang sinisenyasan ni Rainan ang aso na umalis ito. Sumunod naman kaagad ang aso. You save me again, my hero! Kumalma siya. Ibinaba ang mga kamay na nag-hang. “Kaya pala eh!” bulalas nito. Nakasulyap ito sa t-shirt niya. “A-ano’ng kaya pala na sinasabi mo?” nagtatakang tanong niya. May bitbit ang magkabilaang kamay nito. Nginusuan na lamang ang nasa damit niya. Tiningnan din niya ang suot. Kaya pala galit na galit ang aso, may larawan ng tigre na labas ang mga pangil sa damit niya. Niyon lang niya napansin iyon. Natutop ang bibig at natawa sa sarili niya. “Bakit ka nga pala naparito?” tanong nito habang naglalakad. Papunta ito sa sa bahay nito bitbit ang mga pinamili. Sinundan niya ito. “Ikaw sana ang sadya ko,” aniya. Saglit natigilan sa paglalakad ang binata. Huminto rin siya. “Ako? Bakit naman?” Hindi muna siya nagsalita. Nakaramdam siya ng hiya. Hindi niya alam kung paano umpisahan. “Tara! Sumunod ka,” anyaya nito. Halos tumalon sa tuwa ang puso niya sa sinabi nito. Tahimik na sumunod siya rito. Hindi niya maiwasan ang mapalingun-lingon baka susundan siya ng aso at bigla na lamang siyang sunggaban. “Huwag kang mag-alala, hindi ka na papansinin ng aso. Basta huwag ka nang magsuot ng ganyang damit kapag pupunta ka dito,” anito. Saglit lang ay nakarating na sila sa bahay nito. Bahay na gawa sa semento ang kalahati at kalahating kawayan. Maganda ang loob nito. May sariling banyo. Kumpleto ang kagamitan nguni’t isang kuwarto lang ang mayroon. Namangha siya sa ganda ng loob nito. Naka-tiles pa ang sahig at kumpleto ang mga appliances nito. Parang hindi siya makapaniwala na nag-iisa lang si Rainan dahil malinis at maayos ang loob nito. “Maupo ka,” alok nito nang mapansin na nakatayo lang siya. Yari rin sa kawayan ang sala set nguni’t pinaganda ng mga palamuti. May foam na natahian ng pambalot ang mga upuan. “Napakasimple at napakaganda naman ng bahay mo. Ganito lang din kasimple ang gusto ko basta tahimik at malayo sa siyudad,” napapangiting komento niya. “Mas presko kasi kapag ganitong bahay,” tugon nito. “Unique!” Hinayaan muna niya na makapag-ayos ng mga pinamili ang binata. Tahimik nga ang lugar na iyon dahil wala nang ibang kapitbahay maliban kay Tata Arman. Wala rin madalas natatao sa bahay ng ginoo dahil abala sa bukid. “Ano ba ang sasabihin mo?” tanong nito. Lumapit ito at naupo kaharap niya. Bigla siyang sinalakay ng kaba nang tanungin siya nito. Hindi niya kasi alam kung paano niya sisimulan. May naisip ito, biglang tumayo, at bumalik sa kusina. Nagkaroon siya ng pagkakataon para humugot ng lakas ng loob. Pinagsalikop niya ang mga daliri. Ugali niya ‘yon kapag nate-tense siya. Maya-maya’y bumalik ang binata. “Oh, magmeryenda muna tayo,” alok nito. May dala itong natimplang orange juice at tig-isang balot sila ng hamburger. Natuwa naman siya sa pag-asekaso nito sa kaniya. “Thank you,” aniya pagkatanggap niya sa iniabot nitong baso na may juice at isang balot ng hamburger. May center table sa gitna nila. Naupo ito. “Tungkol pala sa sasabihin mo, ano ‘yon?” tanong ulit nito. “Uhm, gusto ko lang sana itanong, kung may panahon ka ba bukas? Yayain ka sana namin ng kaibigan kong si Virna para mamasyal sa Kagutungan Falls.” Nasabi rin niya ang pakay niya. Hindi muna nagsalita ang binata. Nagpatuloy ito sa pagkain. Kinakabahan siya sa magiging sagot nito. Medyo sumeryuso pa naman ang mukha nito. Bumagal ang pagnguya niya sa kinagat niyang hamburger. “Hindi ba matutuloy ang pamamasyal n’yo kung hindi ako kasama?” tanong nito. Akala niya ay papayag na ito. Kailangan pa pala niyang sagutin ang tanong nito. “O-oo naman! Matutuloy pa rin. Pero mas masaya kasi sana kapag marami. Kung puwede nga lang yayain si Tata Arman kaso, marami raw siyang gagawin sa bukid,” tugon niya. “Hindi ko maipapangako. Katulad ni Tata Arman, marami rin akong gagawin bukas. Kailangan kasi na mag-spray ng insecticide sa mga palay,” seryusong rason nito. Hindi man niya ipinahalata kay Rainan, pero gusto niyang magluksa sa naging sagot nito. Mukhang malabo niyang mapapayag ang binata. Gusto niyang pagsisihan ang pagpunta niya. “Gano’n ba? Nauunawaan ko. Baka sa susunod na pagkakataon, makakasama ka na,” nasabi na lamang niya. Halos hindi siya makatingin sa mga mata nito at pilit nilalabanan ang lungkot na nangingibabaw sa puso niya. Humarap siya na parang wala lang sa kaniya ang naging sagot nito. Pero sa kaluub-looban niya ay gusto na niyang kumaripas pauwi. “Gusto mo pa ba?” alok nito ng juice. Umiling siya. “No, thanks. Okey na ang isang baso,” tanggi niya. Mukhang na-tense siya kaya isang lagukan na lang niya ang nangalahating juice sa baso niya. Ngumiti pa rin siya. Kahit paano ay naaliw siya dahil sa pag-asekaso nito sa kaniya. Kailangan lang talaga niyang maunawaan na puro trabaho ang priority nito. Naalala niya ang napag-usapan nila ni Tata Arman. Kailangan niyang limitahan ang pakikipag-usap niya rito. Hindi niya tuloy alam kung ano pa ang puwede niyang sabihin na hindi makaka-offend dito. Ang alam niya nang mga sandaling ‘yon, magaan ang loob niya kay Rainan. Masaya siya kapag kasama niya ito. Hindi nga lang niya maiwasan ang mag-isip kung ano ba talaga ang totoong pagkatao nito. “Nagustuhan mo ba ang burger?” tanong nito. Tumango siya. “Masarap. Mahilig din ako sa mga ganitong meryenda.” Napansin niya ang mga ngiti nito. Niyon niya lang nakita ang buong itsura nito. Katulad din niya na itim ang buhok nguni’t ang higit na kapansin-pansin ay ang bluish na mga mata nito. At ang mga balat nito ay tulad din sa kaniya na maputi nguni’t halata ang pagiging sunog sa araw. “Mag-isa ka lang ba talaga dito?” Iyon na lamang ang naisip niyang itanong kahit gustung-gusto niyang alamin ang tunay na pagkatao nito. “Mukha ba’ng may iba pa?” Pilosopo ‘to ah! Sabat ng isipan niya. Napangisi na lamang siya. “Oo nga, mag-isa ka lang.” “Sandali lang, ilalagay ko lang sa lababo ang mga ‘to.” Tumayo ito at hawak ang walang laman na mga baso. Eksaktong pagtayo nito ay tumambad sa paningin niya ang hinaharap nito na humulma sa pantalon nito. Bakit kasi napansin pa niya ‘yon? Abot-kamay lang niya ‘yon kung gugustuhin niyang dakmain. Agaw-pansin naman kasi ang umbok na ‘yon. OMG, stop it, Iza! Huwag kang green. Normal lang ‘yon sa malaking lahi. Kay Superman nga obvious, sa labas pa ang underware. Siya pa kaya? Enough na, okay? Panay ang saway niya sa sarili niya bago pa man tuluyang kumalat sa buong kaugatan niya ang init na pumailanlang sa katawan niya. Ilang saglit lang ay bumalik ito. “May sasabihin ka pa ba?” tanong nito. Mukhang itinataboy na ‘ko nito ah “Uhm, w-wala na. Salamat pala sa time mo at sa meryenda,” nakangiting sabi niya. “Huwag mo nang alalahanin ‘yon.” “U-uwi na pala ako. May gagawin pa kasi ako,” paalam niya. Nagdahilan na lamang siya. Mukhang wrong timing ang pagpunta niya kaya hindi niya ito napapayag. “Sige, mag-iingat ka,” bilin nito. Hinatid na siya nito sa labas kung saan niya ipinarada ang scooter. Maayos na nagpaalam siya rito. Hinintay muna siya nito na makasampa siya sa scooter at umusad bago ito bumalik.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD