EXCITED si Izaria na makapunta ng Kagutungan Falls. Subali't hindi lang niya maiwasan ang malungkot dahil alam niyang malabo na makakasama si Rainan sa kanila. Siyempre, hindi mawawala sa mga dadalhin niya ang gamit niya sa pagpi-painting.
“Ano, naka-ready ka na ba? Maghapon tayo roon kaya nagbaon na ako ng maraming pagkain para hindi tayo gugutumin. Nakapapagod lang maglakad dahil may paakyat at pababa,” paalala ni Virna.
Isinara nito ang malaking back-pack na dadalhin nito.
“Oo naman, kanina pa,” sagot niya.
“Dapat lang na maging excited ka pa rin kahit wala kang superman. Sabi ko kasi sa’yo, hindi oobra ‘yang pagpapa-cute mo para imbitahin siya. Eh, masipag pa sa kalabaw ‘yon eh,” sermon nito.
Naikuwento kasi niya rito ang pagpunta niya kay Rainan sa bahay nito. Naglalakad na sila palabas ng bahay.
“Nagbabakasakali lang naman ako,” giit naman niya.
“Well, enjoy nalang natin ang araw na ‘to!” tuwang sabi ni Virna.
May pakembut-kembot pa itong nalalaman. Ngumisi lang siya nang masundan ng tingin ang paglalakad nito. Sumunod naman siya kaagad. Tumungo sila sa carport.
Gamit nilang sasakyan ang puting Montero sports ni Virna. Unang pagkakataon pa lang na makapasyal siya roon. Noong huli niyang pasyal kasi ay wala siyang panahon para mamasyal kung saan.
“Ang ganda pala dito,” natutuwang sabi niya.
Nakatanaw siya sa labas ng bintana. Nakaupo siya sa passenger’s seat katabi nito. Binabaybay nila ang mahabang kalsada. Maraming mga bukirin ang nadadaanan nila.
“Asahan mo na, besh. Basta probinsiya, talagang maraming magagandang tanawin. Ikaw lang ang magsasawa sa katitingin.”
Sa manibela ang atensiyon ni Virna.
“Malayung-malayo ito sa Maynila. Walang traffic at polusyon,” pagkukumpara niya.
“Sabi ko kasi sa’yo, dito ka na bumuli ng lupa at patayuan mo ng bahay,” suhistiyon nito.
“Pag-iisipan ko pa, besh. Wala kasing titira sa bahay ko sa Maynila kapag dito ako titira.”
“Akala ko ba, you love province?”
“Yeah, of course! Kaya nga, pag-iisipan ko pa. Kapag nag-for good sina Mom at Dad dito sa pinas, dito ko sila dadalhin sa province.”
“Good idea! At saka, para masanay naman si Tita Raiza na magsalita ng tagalog. Alam mo naman na wala akong kaalam-alam sa Spanish language. Pakiramdam ko tuloy palagi niya akong sinisermonan kapag sinabi niyang, ‘Dios mio por pabor, hija!’. Eh alam mo naman na alinganga ako minsan.” Pag-alaala ni Virna.
She grinned. “Sabi mo wala kang alam na salitang Spanish, ano pala ‘yong sinabi mo?”
“Common lines ni Tita ‘yon, kabisado ko lang.”
“Pero marami nang alam na tagalog si Mom. Tinuturuan siya ni dad kasi gusto rin niyang tumira dito sa bansa. Ayoko kasi talaga mamuhay sa Spain.”
“Best choice ‘yan, best. Mawawalan ako ng best friend kapag nasa malayo ka. Kung bakit kasi nagtitipid sa pagmamahalan sina mom at dad. See? Ako lang ang anak nila.”
Napangisi siya. “You’re not alone. Unica hija din naman ako ng parents ko. They keep on updating kung may boyfriend na ba ako. Gusto nilang magkaroon ng maraming apo.”
“See that? Naghahanap sila ng maraming apo, pero hindi nila naisip na magparami ng anak.”
Nagtawanan sila. Tuloy ang kuwentuhan nila.
Saglit lang itinakbo ng sasakyan ang walong kilometro. Para lang nakikipagkarera si Virna kung mag-drive ng sasakyan nito kahit walang kasabayan sa daan.
Pagkadako’y naghanap sila ng maparadahan ng sasakyan. Bumaba muna sila para magpa-register sa Barangay Hall. May nakabantay roon at tagasingil ng bente pesos per head. Kanya-kanya sila ng bag. Pero maliban sa back-pack niya ay may bitbit pa siyang eco-bag na may apat na framed canvas.
As usual, may dala siya nito kapag may interesting na lugar na pupuntahan. Hindi naman ito mabigat dahil magaan lang naman ang canvas na may 16x12 inches ang size ng bawat-isa.
Pagkatapos nilang magparehistro ay may sumama sa kanila para i-guide kung saan sila pupunta. Napakalinis ng kapaligiran. Bawat sulok ay may mga basurahan at organized or segregated. Hindi niya matutukan para ipinta ang mga magagandang tanawin. Gumamit na lamang siya ang cellphone para kuhanan ng mga litrato.
“Okay na po, sir. Huwag n’yo na po kami samahan hanggang sa baba. Maraming salamat po.”
Narinig niyang kausap ni Virna ang dapat ay maghahatid sa kanila hanggang sa ibaba. Naintindihan naman ‘yon ng tour guide. Dali-dali niyang nilapitan si Virna. Nahuhuli siya sa paglalakad dahil sa kakukuha niya ng mga picture.
“Teka, besh! Sigurado ka ba na kabisado mo na dito?” may duda niyang tanong.
“Dahil ba pinabalik ko si manong?” Pagtukoy nito sa tour guide. “Oo naman, besh. Nakailang balik na kaya ako rito. Halos gawin kong tambayan rito kapag wala akong trabaho at mag-isa lang ako sa bahay. Kita mo naman, nanlalaki na ang mga muscles ko sa binti,” lakas-loob na sabi nito.
Napatingin siya sa mga binti nito. “Tama ka, besh.” Napangisi siya.
“Ako ang magiging tour guide mo ngayon,” presenta nito.
Pansamantala niyang itinigil ang pagpi-picture dahil pababa sila. Hindi naman nakaliligaw dahil may daan na naagsisilbing guide nila.
“200-feet lang naman, nasa baba na tayo. Maririnig na nga ang agos at pagbagsak ng tubig. Malinaw ang tubig dito dahil natural na nanggaling sa bundok. Natural lahat dahil hindi ginagalaw ng mga tagarito ang natural na anyo nito.”
“Kitang-kita naman, besh. Marami na rin naman akong napuntahan na mga ganito. Pero bawat lugar ay talagang may kanya-kanyang kagandahan. Sanay na ako sa mga ganitong lakaran. Challenging pero worth it sa katulad kong naghahanap ng maipipinta,” wika niya.
Tuloy lang ang kuwentuhan nila hanggang sa makababa. May mga cottage rin. Nagrenta sila ng isa para may mapahingahan kapag napagod sa kalilibot. Hinanap na lang nila kung saan ang numero ng cottage na binayaran nila.
Pagkahanap nila sa cottage at paglapag ng mga bag ay sabik na nagtanggal ng pag-itaas na damit si Virna. Laking gulat niya nang gawin ito ng kaibigan. Naka-ready na pala ang swim suit nito pero ang pambaba ay ang sexy-denim short na suot nito no'ng papunta sila.
Natawa siya sa kaibigang sabik na sabik nang magtampisaw. Malapit lang kasi sa cottage nila ang tila swimming pool na maliit na binabagsakan ng maliliit na waterfalls.
“Tara! Maligo na tayo!” tuwang pagganyak nito sa kanya.
Umiling siya. “Hindi ako maliligo, besh,” tanggi niya.
Nakababa na kasi ang kaibigan sa tubig.
“Ang daya mo naman. Akala ko ba maliligo ka? Sarap maligo, medyo malalim ngayon kasi panay ang ulan nitong mga nakaraan. Kapag tag-araw natutuyuan din dito lalo na kapag summer time,” sabi nito bago nilubog ang sarili sa tubig.
Habang enjoy na enjoy ang kaibigan sa paliligo, inilabas naman niya ang mga gamit niya at may naisip siyang ipipinta.
“Besh!” Tawag-pansin ni Virna sa kanya.
Napatingin siya. “Bakit?”
“May kaibigan akong nagpa-part time rito. Mamaya hahanapin ko siya, maiwan ka muna dito. Matagal-tagal na rin kasi kaming hindi nagkita,” anito.
Maagang nagpaalam ang kaibigan baka bigla na lang itong aalis na ‘di niya mamamalayan.
“Walang problema, besh. Basta huwag ka lang magtatagal.”
“Oo naman.”
Walang kamalay-malay si Virna na ito ang pini-painting niya habang naliligo. Tamang-tama lang na natapos na siya nang umahon ang kaibigan. Hindi muna niya ‘yon ipinakita. Itinabi niya sa ilalim ng bench na yari sa kawayan para patuyuin. Tulad ng sinabi nito, nagpaalam ito na puntahan ang kaibigan.
“Paano mo pala nalaman na nandito pa ang kaibigan mo?” tanong niya rito.
Nagpupunas ito ng basang katawan.
“Ka-chat ko siya kagabi. Janine ang pangalan niya. Dito ko rin siya nakilala noon.”
“Gano’n ba. O sige, mag-iingat ka,” bilin niya rito.
“Sure,” anito at umalis.
Dala lang nito ang pouch na may lamang mahahalagang gamit. Siya naman ay naiwang mag-isa sa cottage. Walang problema sa kaniya dahil may pagkakaabalahan naman siya kahit wala siyang kasama. Kalauna’y naisipan niyang maghanap ng ibang view para ipinta.
Dinala rin niya ang mga importanteng gamit niya at naglakad-lakad para maghanap ng magagandang tanawin. Bukod sa kaniya ay marami rin ang namamasyal roon. Halos ukupado ang mga cottage.
May naliligo, nag-iikut-ikot, at ang iba ay nagtatambay lang sa cottage. Siya lang ang may kakaibang sadya sa lugar na ‘yon. Tanyag siya sa larangan ng sining pero ang gawa lang niya ang kilala. Ordinaryo lang siya sa mata ng mga tagaroon o mga nakasasalubong niya. Gano’n pa man ay mas nais pa niya na karaniwan lang ang tingin sa kaniya ng mga tao.
Wala naman kasi sa itsura niya o pananamit ang pagkakaroon ng marangya niyang buhay. Hindi niya namamalayan na nakalalayo na pala siya sa cottage nila. Nahalina kasi siya sa maganda at maliliit na wayerfalls.
Naghanap siya ng bato na maari niyang upuan dahil ipipinta na naman niya ito. Bubuhayin niya ito sa kaniyang painting. May ilan na nakapapansin sa ginagawa niya at humahanga sa galing niyang magpinta. Nguni’t ang ilan ay walang pakialam at dinadaan-daanan lamang siya ng mga ito.
“Hanggang dito ba naman ginagawa mo pa rin ‘yan?” biglang nagsalita na ikinagulat niya.
Mabuti na lang at hindi nagulo ang painting niya. Malapit na sana niya itong matapos. Pansamantala niyang itinigil at nilingon ang nagsalita. Nasa bandang likod lang niya ito.
“Rainan!” natutuwang sambit niya.
Lumapad ang pagkakangiti niya. Hindi niya akalain na susulpot ito roon. Ngumiti rin ito sa kaniya.
“Bakit nag-iisa ka?” tanong nito matapos umupo sa tabi niya.
Malapad ang batong inuupuan niya at nagkasya sila roon. Gusto niya itong yakapin sa sobrang tuwa nguni’t pinigilan ang sarili.
“Akala ko hindi ka talaga makapupunta. Wala si Virna, pinuntahan ang kaibigan niya na nagtatrabaho rito.”
“Gano’n ba?”
“Uhm, Rainan, akala ko ba busy ka?” nag-aalangan pa na tanong niya rito.
“Ipinagpatuloy ni Tata Arman ang ginagawa ko at sinabing sumunod ako dito,” sagot nito.
Akala ko, kusang loob na pumunta siya. Napipilitan lang yata ito dahil sinabi ni Tata Arman sa kanya.
“Kung gano’n, si Tata Arman pala ang nag-utos sa’yo na pumunta ka rito?”
Hindi muna ito sumagot. Hindi niya alam kung nagustuhan ba nito ang sinabi niya. Napasulyap ito sa dumilim na mukha niya. Napansin nito na para siyang nalulungkot.
“Siyempre gusto ko rin talaga na samahan kayo rito,” biglang sabi nito.
Napangiti siya sabay sulyap sa mukha nito. Ginantihan din siya nito ng matamis na ngiti. Nabuhayan ang loob niya.
“Salamat! Hindi ko inaasahan ang pagdating mo,” masayang wika niya.
“Tapusin mo na muna ang ginagawa mo. Ipapasyal kita mamaya. Marami akong alam na pasikut-sikot dito,” presenta nito.
“Talaga?” Natuwa siya at inspiradong tapusin ang pagpipinta.
Nag-uumapaw ang kaligayahan na nadarama niya nang mga sandaling iyon. Nagpapalitan man ang matatamis na ngiti nila ay kailangan pa rin niyang pigilan ang damdamin niya. Hindi pa siya sigurado at baka hanggang doon lang talaga ang ipinapakita nito sa kaniya. Kailangan pa niyang mapatunayan na ang nararamdaman niya ay nararamdaman din nito.
Nang matapos na niya ang pagpi-painting ay sinamahan muna siya nito para iiwan sa cottage ang painting niya. May mga bantay na nag-iikot para masiguro na walang makagagawa ng anumang kalukuhan sa lugar. Sumama siya kay Rainan sa pamamasyal.
“Saan tayo pupunta?” tanong niya habang nakabuntot sa binata.
“Basta sumunod ka lang,” anito.
Mabato ang mga dinadaanan nila. Medyo madulas dahil nababasa ng mga nagtatalsikang tubig mula sa mga falls. Halos tumakbo na siya para lang maabutan si Rainan. Sa laki ng mga hakbang nito ay siguradong maiiwanan siya kapag babagal-bagal siya.
“Baka puwedeng dahan-dahan lang. Ang bilis mo maglakad eh,” reklamo niya.
Natigilan ito at lumingon sa kanya. Napansin nito na hingal na hingal siyang naglalakad palapit dito. Medyo paakyat pa naman ang dinadaanan nila. Mabuti na lang at naka-rubber shoes siya na panlaban sa mabatong daan. Hanggang tuhod lang ang itim niyang short kaya nasasagi ng balat niya sa binti ang mga damo.
Hinintay naman siya nito at inilahad ang kamay para hawakan niya. Ang sarap sa pakiramdam niya na nahahawakan na niya ang kamay nito kahit gumaspang sa katatrabaho sa bukid. Pakiramdam niya ay ligtas na ligtas siya kapag hawak nito ang kamay niya.
Pati ang pagod ay hindi niya ramdam basta’t kasama lang niya si Rainan. Nag-e-enjoy siya sa lahat ng mga napupuntahan nila. Sayang nga lang at hindi niya naipinta nang aktwal. Nagkasya na lamang sa pagkuha niya picture gamit ang cellphone niya.
Hinayaan muna siya nito na mag-picture nang mag-picture sa ilalim ng napakalaking puno ng balete. Nagagandahan kasi siya sa tanawin nito. Subali’t sa sobrang abala at katitingala sa puno ay natisod sa nakausling ugat ng balete ang mga paa niya. Nawalan siya ng balanse. Siguradong babagsak siya sa lupa.