GULAT na gulat si Izaria nang bumagsak ang katawan niya sa mga braso ni Rainan. Lumipad ang cellphone niya sa hindi malamang direksyon. Kumabog nang husto ang dibdib niya. Inakala niyang tumama na siya sa matitigas na ugat ng puno.
Ewan nga ba niya kung bakit madalas siyang lapitan ng kamalasan. Mabuti na lang at laging to the rescue ang superhero niya. Pinakalma at pinaupo muna siya nito sa malapad na bahagi ng ugat saka nito hinanap ang cellphone niya.
Sinapo niya ang dibdib na tinatambol pa ng kaba. Sinusundan lang niya ng tingin ang paghahanap nito sa cellphone niya. Bumuntong-hininga siya nang makitang hawak na nito.
“Heto.” Iniabot nito sa kaniya ang cellphone niya.
“Thank you so much,” aniya pagkatanggap.
Inusisa kaagad ang aparato.
“Mabuti at hindi nabasag ang screen. May kaunting gasgas lang sa gilid ng casing nito. Mainam na ‘yan kaysa ikaw ang nasaktan,” anito nang makaupo sa tabi niya.
Natuwa siya sa narinig niya. May care rin pala ito sa kaniya kahit papaano.
“Ang dami ko talagang kamalasan kahit saan ako magpunta. Ewan ko ba kung bakit ganito ang kapalaran ko, ” dismayadong saad niya.
“Sa susunod, dapat ka nang mag-ingat dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay may tutulong sa iyo,” seryosong saad nito.
Napatingin siya sa mukha nito.
'Para mo namang sinabi na wala talaga akong puwang sa’yo. Ibig sabihin, malabo kang maging akin. Sabagay, tama ka, hindi forever may tutulong sa akin'
Naisaisip niyang Sabi.
“Oo na, salamat. Pakiramdam ko, ang suwerte-suwerte ko dahil nagkaroon ako ng kaibigan na katulad mo. Ilang beses mo na akong iniligtas.”
“Huwag lang sana mahawa sa kamalasan mo,” anitong hindi makatingin sa kaniya.
Sinarili na lamang niya ang pagkayamot. Napansin niyang nakangisi ito.
“Puwede ba akong magtanong ng kahit ano sa iyo?” paghingi niya ng permiso.
“Oo naman,” mabilis na sagot nito.
“Naranasan mo na ba ang nakipagrelasyon o kaya may girlfirend ka na ba?”
Bigla niyang inisip kung tama ba na itanong ang bagay na iyon.
Kinakabahan siya sa magiging sagot nito at baka magalit o manatiling tahimik. Napansin niya na sumeryuso ang mukha nito. Nag-iisip ito.
“Wala akong matandaan,” diretsang sagot nito.
“Gano’n ba.”
“Bakit mo naman natanong?”
“Wala lang. Akala ko kasi meron hanggang ngayon. Baka kapag malaman niya na magkasama tayo, magagalit siya at awayin ako,” pangunguna na niya.
Napangisi ito. “Advance ka naman mag-isip. E ikaw?”
“Ako? Dati meron. Pero natakot na akong magmahal muli kung masasaktan ako ulit. Siguro gumanti siya kasi matagal ko siyang pinag-aralang mahalin at nang natutunan ko na ay saka naman nahulog ang loob niya sa iba. Hayun, pinalaya ko na lang at pinaubaya sa iba kahit masakit,” kuwento niya sa nakaraan niya.
“Tingin ko wala kang kasalanan sa nangyari. Kasi kung sa umpisa pa lang ay mahal ka niya, maghihintay siya at mamahalin ka hanggang sa huli.”
Natuwa siya sa komento nito. Hindi niya akalain na pakikinggan nito ang anumang ikukuwento niya. Marami rin silang napag-usapan nguni’t puro sa panig lang niya. Mangilan-ngilan lang sa panig nito at limitado pa ang detalye.
Hindi na nila namamalayan ang paglipas ng mga oras hanggang sa mapagtanto na tanghali na pala. Nagpaparamdam na kasi ang sikmura ni Izaria, malamang pagkain ang hinahanap niya.
Inanyayahan niya si Rainan na sumama sa kaniya pabalik sa cottage. Hindi naman tumutol ang binata. Nang malapit na silang makarating ay bahagyang nagpahuli sa paglalakad si Rainan.
Nadatnan ni Izaria si Virna na may kasamang babae. Hindi agad napansin ng mga ito ang pagdating niya dahil parehong nakatutok sa kaniya-kaniyang cellphone habang nag-uusap. Lumapit siya.
“Kanina ka pa ba, besh?” bungad na tanong niya.
Nakuha naman niya ang atensiyon ni Virna at kasabay pa nitong lumingon sa kaniya ang kasama nito.
“Oh, nandiyan ka na pala, besh,” ani Virna.
Tumango lang siya. Napatingin siya sa kasama nito.
“Siya ba si Izaria na kababata mo na binanggit mo sa akin?” tanong ng kasama ni Virna.
“Oo,” tugon ni Virna sa katabi, “Oo nga pala, besh, siya si Janine, ang sinasabi kong kakilala ko rito,” baling nito sa kaniya.
Napangiti siya. “Nice to meet you, Janine.” Inilahad niya ang kanang kamay at ngumiti rito.
“A pleasure to meet you. Naikuwento ka ni Virna sa akin. Ang galing mo naman, kilala na pala ang mga paintings mo,” nakangiting tugon naman ni Janine sa kaniya sabay tanggap sa kamay niya.
“Thank you,” natutuwang sabi niya.
Ilang sandali pa ay lumapit si Rainan. Nabaling ang tingin nilang lahat sa binata. Napamulagat si Virna sa biglang nakita.
“OMG! He’s here?” anas na tanong ni Virna sa kaniya.
“Kumusta kayo?” magiliw na pagbati ni Rainan sa kanila.
Napansin ni Izaria ang nagtatakang mukha ni Virna. Naupo siya sa tabi nito.
“Ano, besh?” tanong niya sabay ng mahina at pilyang pagsiko sa tagiliran ni Virna.
May punto ang tanong niya at relate si Virna roon. Napapangiti naman si Janine na nakatingin lang sa kanila.
“Siya ba ang boyfriend mo, Iza?” maang na tanong ni Janine.
Ewan nga ba kung bakit kay bilis uminit ng mga pisngi ni Izaria sa naitanong ni Janine. Dumuble ang pagkabog sa dibdib niya na parang kaysarap sabihin na boyfriend niya ito kahit hindi pa naman sila.
“Uhm, magkaibigan pa lang sila.” Si Virna na ang sumagot sa tanong ni Janine.
“Ang pogi mo naman,” puri ni Janine sa binata.
Kinilig si Janine at titig na titig sa mga mata ng binata. Hindi ‘yon nakatakas sa paningin niya.
“Siya si Rainan Torres.” Pakilala ni Virna kay Janine para kay Rainan.
Pakiramdam ni Izaria ay na-out of place siya. Bigla na lamang bumigat ang loob niya nang magkainteres si Janine kay Rainan. Tiniis niya ang kung anong kurot sa puso siya nang makitang nakikipagkamay si Janine sa binata. Ngumingiti naman siya pero malapit nang manabang kung hindi pa naghiwalay ang kamay ng mga ito.
Napansin naman ni Virna ang pananahimik niya nguni’t para lang namang nananadya si Virna sa kaniya. Sinusubukan siya nito kung ano ang magiging reaksiyon niya. Maganda at seksi rin naman si Janine at mukhang hindi nagkakalayo ang edad nila.
“Uhm! Mabuti pa, kumain na muna tayo,” pag-iba ni Virna sa usapan.
Nakahanda na ang pagkain sa mahabang lamesa bago sila dumating ni Rainan. Mabuti na lang at dinamihan ni Virna ang baon nila. Maaga kasi itong nagpa-deliver ng isang bucket ng fried chicken at anim na order ng kanin bago sila bumiyahe. Sa canteen na ito ng resort bumili ng maiinom nila pati ng mga kutkutin at mga tsitsirya.
Lumipat sa kabilang upuan si Izaria kung saan nakaupo si Rainan. Self-service na sila dahil nakahanda naman lahat.
“Akala ko hindi ka makapupunta, Rainan,” bulalas ni Virna habang nasa kalagitnaan ng pagkain.
“Tinulungan ako ni Tata Arman para makahabol ako rito,” tugon ng binata.
“Ang sipag mo naman.” Si Janine ang sumingit.
Halos manabang ang fried chicken sa pagkakanguya ni Izaria tuwing pupurihin ni Janine si Rainan. Pakiramdam niya’y mauunahan siya nito kapag may pagtingin man ito sa katabi niya. Mukhang may deskarte ito para mahulog ang loob ng sinumang lalaki.
“Hindi lang masipag iyang si Rainan. Mabait, walang bisyo, at siyempre, guwapo.”
Sinadya ni Virna na papurihan ang binata dahil alam nito na kanina pa siya walang kibo.
Panay ang sulyap sa kanya ni Virna na tila hinahamon siyang magsalita. Kapansin-pansin nga naman ang pananahimik niya.
“Wala ka pa bang girlfriend, Rainan?” tanong ni Janine.
Napatingin si Izaria kay Janine. Gigil na gigil man siya nguni’t nagkunwaring ayos lang siya. Hindi sumagot si Rainan sa itinanong nito. Nagdiwang sa tuwa ang puso niya.
“Kumain ka pa, Janine.” Alok niya kay Janine.
'Kung maka-usyuso naman ito sa buhay ni Rainan, wagas. Gugutumin ka sa kalandian mo niyan. Hindi pa nga siya naging akin, sasabit ka na'
Gigil man siya ngunit iniwasang masabi ang mga naiisip niya. Hindi tuloy siya komportable rito.
Napansin niya na halos hindi nito ginagalaw ang pagkain. Abala kasi ito sa kauusisa tungkol kay Rainan. Ayos na sana sa unang pagkikita nila ni Janine. Medyo bumigat lang nang kaunti ang loob niya rito dahil tulad niya, nagkainteres din ito sa binata.
Paano nga namang hindi? Malakas naman talaga ang dating ni Rainan sa mga kababaihan. Hindi nga lang alintana ni Izaria na may nagnanakaw ng sulyap sa mukha ni Rainan habang namamasyal sila kanina. Mapa-babae man o bakla ay kinagigiliwan ito.
Wala ito sa kamalayan niya dahil siya ang kasama nito at naka-focus siya sa moment nilang dalawa. Pati na si Janine ay madalas na sinusulyapan ang binata. Inanyayahan kasi ni Virna si Janine na sumabay sa kanila para mag-lunch.
Maya-maya pa’y pinagtulungan nilang iligpit ang mga pinagkainan. Nang makapagpahinga sandali ay nagpaalam si Janine para bumalik ito sa trabaho. Okey na sana, masarap na ngiti pa ang pinabaon niya kay Janine dahil babalik na ito sa trabaho. Bagaman at humiling pa kay Rainan na ihatid nito sa itaas dahil sa front desk ang trabaho nito.
“Sige na please, Rainan! Ihatid mo lang ako sandali. Wala namang magagalit kasi wala ka pa namang girlfriend, ‘di ba?” lambing ni Janine sa binata.
Gumimbal ang sistema ni Izaria. Gustong magwala ang puso niya nang hindi tumutol si Rainan na ihatid si Janine.
'Ang landi mo talaga! Pasalamat ka hindi ko pa siya boyfriend. Kapag nagkataon, wala akong ititira sa buhok mo!'
Hanggang sa isip na lang ang galit niya. Wala naman talaga siya sa posisyon para magalit o magselos dahil hindi pa naman sila ni Rainan. Pero nasa posisyon ang damdamin niya para masaktan.
Nagkasya na lamang siya sa pagtapon ng gigil na tingin habang papalayo sina Rainan at Janine. Kahit tumalon pa siya at maglupasay sa tubig ay hindi iyon makatutulong para pakalmahin ang nagwawala niyang damdamin.
“Nabusog ka ba, besh? O nabusog ka sa panggigigil mo?” tanong ni Virna na bumasag sa pananahimik niya.
Nakahalata kasi nito ang kamay niya na kanina pa nanggigigil sa plastic na baso na halos magkandayupi-yupi na sa kahahawak niya. Nang bahagyang kumalma ay hinanap niya ang tubig na laman ng baso. Wala na itong laman dahil nilagok na niya habang sinusundan ng tingin ang pag-alis ng dalawa.
“Ang kawawang baso, napagbuntunan.” Panunukso ni Virna.
Hindi niya alam kung makangiti pa siya sa hirap ng nararamdaman niya. Kalog man si Virna nguni’t nararamdaman nito ang nararamdaman niya.
“Bakit kasi niyaya mo pa si Janine?” Nagmamaktol siya.
Napangisi si Virna. “Malay ko ba na siputin ka ng superman mo,” angil nito.
“Kung alam mo lang, besh, para na akong matutunaw habang nakikita ko silang magkasama at lalo na nang magtawanan sila. Parang ang saya-saya nila.”
May bahid ng lungkot ang tinig niya.
“So, selos na ‘yan, besh. Muntik na nga kitang hindi makita eh, baka nga matunaw ka. Lalo na no'ng sinusundan mo sila nang tingin papalayo. Pero, wala ka namang dapat ikabahala. Hindi naman siguro easy to get si Rainan,” payo nito.
“Pero si Janine ang easy to get. Lalaki pa rin si Rainan.” Nababahala na turan niya.
“Don’t take it seriously. If kayo ni Rainan, sumawsaw man siya sa iba, kayo pa rin sa huli,” giit nito.
“Ano ‘yon? Suka ako tapos bagoong si Janine? Ang hirap maging sawsawan, besh!” maktol na tugon niya.
“Kung mahal mo siya, magtiwala ka,” payo na lang nito.
Bumuntong-hininga siya habang patuloy na iniisip ang nangyari. Minsan, naisip niyang sawayin ang sarili na huwag masyadong papaapekto. At kung puwede lang niyang turuan ang puso niya na hindi na lubusang mahulog ang loob kay Rainan. Para hindi masaktan nang sobra.
Pero kahit anong gawin niya, talagang nahuhulog ang loob niya sa binata.
'Kailangan ko lang talaga magpakatatag. Hindi naman siguro masama kung susubok ako ulit sa pangalawang pagkakataon. Kapag naging kami ni Rainan, may chance pa akong makapag-asawa. Pero kapag hindi, magpi-paint nalang ako ng pinakaguwapong superhero at pagpapantasyahan ko gabi-gabi'
Sanarili na lamang ang kaisipan niyang ‘yon.
“Hintayin na lang natin si Rainan na bumalik saka tayo sabay na umuwi,” wika ni Virna habang nagliligpit ng mga gamit nito.
Inaayos na rin niya ang mga gamit niya. Hindi niya alam kung ano ang iisipin niya kapag makita niya si Rainan. Hindi kasi niya maiaalis ang mga negatibong bagay habang magkasama sina Rainan at Janine. Aminado siyang nalungkot siya.