MADILIM na nang makauwi sina Izaria at Virna. Sa exit pa lang ng resort ay nagpaalam na sa kanila si Rainan dahil nakamotorsiklo ito. Nakaramdam ng pananakit ng katawan si Izaria lalo na ang mga binti niya. Hindi na sila gaanong nakapag-usap ni Virna dahil pareho silang napagod.
Kaniya-kaniya na silang pasok sa kuwarto para makapagpahinga. Matapos makapag-hot shower si Izaria at makabihis ng pantulog ay hindi siya kaagad nakatulog. Inayos muna niya ang mga painting niya habang hinihimay-himay ng isip ang naging sandali nila ni Rainan sa resort.
Maganda na sana ang umpisa at kalagitnaan pero nag-ending sa nakalulungkot na tagpo. Nabaling ang inis niya kay Rainan dahil pumayag pa ito na ihatid si Janine. Naisip tuloy niya na baka wala naman talagang ibang hangad si Rainan sa kaniya kung hindi ay maging magkaibigan lang sila.
Ibinagsak niya ang likod sa malambot na kama matapos niyang iayos ang mga painting. Nakatitig sa puting kisame na tila may malalim na iniisip. Kinapa niya ang kaliwang dibdib.
'Hindi ko alam kung magiging hopeless romantic din ako katulad ng iba. Umaasa kahit wala naman. Ano pala ang ibig-sabihin ng mga paglalambing niya sa akin? O baka gano’n talaga siya sa kahit sinong babae. Kasi nakita ko rin naman kung paano niya pakisamahan si Janine kanina. Inalalayan pa niya no’ng muntik nang madapa. O baka naman sinadya rin ng babaeng ‘yon. Kailangan ko ba talaga siyang iwasan? O kaya ilayo ko na lang ang loob ko sa kanya bago pa ako masaktan? Ano ba ang gagawin ko? Nahihirapan akong isipin.'
Sinundan na ng sunud-sunod paghikab hanggang sa nakatulugan ang iniisip niyang iyon. Dala ng matinding pagod kaya humimbing ang tulog niya.
SAMANTALA, sa ganoong oras din nang gabing iyon, nakahiga si Rainan sa kawayang papag na may kutson. Hindi pa siya dinadalaw ng antok. Nakaunan sa mga palad na tila binubuhat ang ulo niya. Sa kisame nakatitig habang may malalim na iniisip.
Malinis ang maputing kisame, nguni’t may naiimahe ang mga mata niya roon. Isang mukha na halos gabi-gabi niyang nakikita. Nararamdaman niya kung gaaano siya kasaya kapag maalala ang mukhang iyon. Hindi man niya naipapakita, nasa kalooban niya ang tuwang nangingibabaw.
'Izaria, ano’ng meron sa’yo? Magmula nang makita ka, malaki ang nagbago sa damdamin ko. Hindi lang dahil nakaaakit ang ganda mo. Bawat lalaki, pangarap ang magandang katawan tulad ng sa’yo. Masaya ako kapag kasama ka. Pero hindi ko maintindihan kung bakit kailangan kong itago ang nararamdaman ko para sa’yo.'
Madalas niyang nai-imagine ang mukha ni Izaria tuwing nagpapahinga siya o bago matulog. Para sa kaniya, isang simpleng babae si Izaria na walang ibang ginawa kung hindi ay ubusin ang oras sa pagpi-painting. Wala talaga siyang interest sa mga painting, pero sa artist na katulad ni Izaria ay mukhang interesado na siya.
Abala siya sa kai-imagine sa dalaga nang biglang tumunog ang iPhone12 na nakalagay sa cellphone stand nito. Nasa ibabaw ito ng lamesita malapit sa kama niya. Umagaw ito sa atensiyon niya nguni’t sinipat lang ng tingin.
Wala siyang plano na damputin ito kahit abot-kamay lang niya. Magmula kasi nang dumating siya sa probinsiya ay nawalan na siya ng interes sa cellphone.
Bagaman hindi tumitigil sa pagtunog ang cellphone niya. Kusot ang mga kilay na bumangon at dinampot ang aparato. Malinaw sa full-screen ang local caller at may larawan pa. Ini-loud-speaker na lamang niya.
“Hello, Kuya Rai! Why did you declined my calls?” bungad ng caller.
Si Jean ang tumawag, nakababatang adopted sister niya. Magmula kasi nang bumiyahe siya mula Maynila ay hindi na siya tumatanggap ng mga tawag. Hindi na rin niya binubuksan ang f*******: account niya.
“Bakit?” tipid na tanong niya.
“We’ll be there tomorrow with Tito Marco, kasama namin si Dr. Lyn Tan, ang mama ni Cheska,” paalala nito.
Hindi na siya sumagot sa kabilang linya. In-off na lamang niya ang cellphone. Wala na siyang magagawa kung nakaplano na ang pagbisita ng mga nabanggit ng kapatid niya sa kanya.
Si Dr. Lyn Tan ang naging Psychiatric niya magmula nang makaranas siya ng serious trauma dahil sa aksidente na ikinamatay ng mga magulang niya. Malaking depresyon ang dinanas niya. Halos wala na siyang gawin kung hindi ay layuan lahat ng mga taong kakilala niya. O kahit pa kamag-anak niya. No communication, no friends, and nothing at all. Nais niyang mamuhay nang malayo sa kung ano’ng buhay niya noon.
Naging stressful para sa kaniya ang isipin lahat ng mga masasakit na nakaraan. Nabanggit ng kapatid niya si Cheska, nguni’t bigla siyang nawalan ng interes para kumustahin ito. Wala siyang matatandaan sa nakaraan nila ni Cheska. Pero ang alam lang niya ay may relasyon sila dati ni Cheska.
Hindi na bumalik sa isip niya si Izaria. Nawalan siya ng ganang mag-imagine. Nakatulog siya na dala ng sama ng loob niya.
ALAS-OTSO na nang magising si Izaria. Nag-iwan na lang ng message si Virna sa kaniya na maaga itong umalis patungong kumpanya nito. Inilapag muna niya ang mug ng kape sa lamesita. Nasa balkon siya kung saan madalas siyang tumambay tuwing umaga.
Akmang mag-uunat siya ng mga braso nang biglang may dalawang magkasunod na magagarang sasakyan na dumaan. Natatanaw lang kasi niya ang kalsada. Nilampasan ang malaking gate at nawala sa paningin niya.
“Wow, ang gagara! Tinalbugan ang brand new grandia ko, huh,” komento niya matapos humigop ng kape.
Tinutukoy niya ang sasakyan niya.
Katulad ng dati, gagayak na naman siya para ipagpatuloy ang pagpipinta. Tumungo siya sa bukid dala-dala ang mga painting material niya. Subali’t nakaramdam siya ng lungkot dahil tahimik at walang katau-tao sa bukirin. Gayunpaman, ipinagpatuloy pa rin niya ang pagpipinta. Napakagandang tanawin kasi ang mga berdeng palay sa kalawakan ng bukirin.
Para sa kaniya, malungkot man o masaya, tuloy ang trabaho niya. Hindi na niya namalayan ang pagdating ni Tata Arman.
“Ganito katahimik kapag hinihintay ang pagbunga ng mga palay,” biglang salita ni Tata Arman.
Sandaling natigilan siya sa ginagawa.
“Napansin ko nga rin po,” malungkot na saad niya.
“Siguro napansin mo rin kung bakit wala si Rainan, ano?”
“Nasaan po ba siya?”
“Dumating ang mga bisita niya galing Maynila. Maliit ang bahay ni Rainan para sa mga bisita kaya naisipan niyang anyayahan ang mga ito sa Max’s Reastaurant sa Candon City. Malapit lang iyon kapag may sasakyan,” kuwento ni Tata Arman.
Nahiya na si Izaria na magtanong pa baka isipin nito na interesado talaga siya. Ipinagpatuloy niya ang pagpipinta.
“Puwede ba akong magtanong, anak?”
Natigilan siya muli. “Opo naman, Tata.”
“Hindi pa ba nanliligaw sa iyo si Rainan?” tanong nito na biglang nagpainit sa mga pisngi niya.
Hindi siya makatingin sa ginoo. “Hindi po, Tata. Baka hindi ako ang tipo ng babae na gusto niya.” May lungkot sa tinig niya.
Napangisi ang ginoo. “Imposible naman, Anak. Sa ganda mong iyan, hindi ka niya magugustuhan. Nakikita ko naman kung gaano siya kasaya kapag magkasama kayo.”
Lalo siyang nakaramdam ng hiya. Lihim na tumatalon sa tuwa ang puso niya. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin sa ginoo.
“Dumating ang kapatid at tito ni Rainan, at may kasama pang doktor. Hindi ko masyadong namukhaan ang isang babae na kasama ng doktor na bumaba sa kotse,” balita ng ginoo.
Napatingin si Izaria sa ginoo nang mabanggit ang mga bisita ni Rainan.
“May doktor po ba, kamo?” nagtataka niyang tanong.
“Hindi pa kami gaanong nakapag-usap ni Atty. Marco, ang tito ni Rainan. Nabanggit lang niya sa akin noon na may pinagdadaanan si Rainan, pero hindi sinabi kung ano’ng sakit.”
Bigla siyang nag-alala. Hindi niya inaasahang malaman na may problema si Rainan. Gusto niyang malaman ang mga pinagdadaanan nito. Ngunit wala pa siya sa posisyon para manghimasok sa buhay nito. Hinayaan muna niyang makapagkuwento si Tata Arman. Pinag-iisipan niya kung dapat ba na puntahan niya kung saang kainan nagtungo si Rainan kasama ang mga bisita.
“May family house ang lolo’t lola ni Rainan dito. Pero hindi niya naisip na dalhin doon ang mga bisita niya.”
“Gano’n po ba, Tata?”
Inalam niya sa ginoo kung saan matatagpuan ang restaurant na binanggit nito. Hindi na ito nagtaka sa pagtatanong niya. Para na niya itong ama kung kausapin niya. At halos kabisado na nito ang mga ginagawa niya.
Hindi niya napigilan ang sarili. Umuwi siya para gumayak. Pupunta siya kung saan naroon si Rainan.
BINABAGTAS na niya ang daan papuntang siyudad ng Candon sakay ng kaniyang van. Nagmukha siyang espiya sa ginagawa niya. Sa bilis ng takbo, wala pa’ng trenta minutos ay narating na niya ang Max’s restaurant na nasa kaliwang side lang ng highway.
'Hindi ko alam kung tama ‘tong ginagawa ko. Mali na kung mali. Katangahan man ‘to, bahala na. Hindi ko maintindihan pero parang may tumutulak sa akin para gawin ko ‘to. Hindi naman siguro ako mahahalata nito.'
Marami ang pumapasok sa nasabing restoran. Nakisabay na rin siya ngunit hindi siya nagpahalata. Nakasuot siya ng pink na hawaiian hat at shade na natatakpan pati mga kilay. Hindi siya sanay sa mapulang lipstick pero gumamit siya nito para hindi siya makilala ni Rainan sakaling magkros ang landas nila.
Naka-rose-pink na mahabang palda with laces. Pinaresan niya ng black tube with baby-pink na long-sleeve blazer. Nagsuot din siya ng ilang mga alahas para magmukha siyang sosyal. Malayo ito sa simpleng ayos niya sa sarili.
Nakita na niya ang puwesto ng grupo ni Rainan. Sinadya niyang lumapit roon. Inukupahan niya ang pangdalawahang lamesa. Malapit siya grupo na nasa long table. Nakita na niya ang binata pero sinadya niyang maupo sa bandang likuran nito.
Napakasimple lang ni Rainan sa suot nitong T-shirt na brown at ordinaryong pantalon na medyo may kalumaan na.
Nakapag-order na siya bago siya umupo roon. May pinag-uusapan ang grupo. Hindi niya ma-gets sa umpisa. Apat ang bisita ni Rainan at may babae sa tabi nito.
'Sino ‘tong babae’ng ‘to? Walang binatbat ‘tong porma ko. Wagas manamit, labas pati dibdib. Meron naman ako niyan, mas malaki pa sa kanya, pero kailangan pa bang ipasilip niya kay Rainan ‘yan? Maigsi pa ang skirt. Imposibleng hindi sisilip si Rainan sa mga legs niya. At kung makadikit ang hita niya sa hita ni Rainan parang in-rugby!'
Mga lihim niyang komento habang nakasilip sa pamamagitan ng naka-off-screen niyang cellphone.
Nakita na rin kasi niya kanina pagpasok ang babaeng katabi ni Rainan. Maganda ito at seksi. May isa pang girl na katabi ng may edad na ginoo. At ang ginang sa bandang kanan ng ginoo.
“Sinadya ni Cheska na sumama para malaman ang status ninyong dalawa.” Ang ginang sa bandang kanan ng ginoo ang nagsalita, si Rainan ang kausap.
Nagimbal ang sistema ni Izaria sa narinig. Kinakabahan siya sa susunod na maririnig niya. Umagaw pa sa pansin niya ang pamumulupot ng mga braso ng babae sa braso ni Rainan. Humimlay ang ulo ng babae sa balikat ni Rainan. Napalunok siya ng laway.
“Sabi ni Dra. Lyn, malaki ang improvement ng pagpunta mo dito sa Ilocos. Hindi na ganoon kalala ang traumatic experience mo sa nangyaring aksidente.” Boses ng ginoo ang narinig ni Izaria. Inisip niyang baka iyon ang tito ni Rainan.
“Oo nga, Kuya Rai. Puwede ka nang bumalik sa Maynila.” Mula naman sa tabi ng ginoo ang nagsalita. Wala siyang ideya kung sino iyon.
“So, matutuloy na pala ang kasal natin, babe?” Masayang boses ng babae ang narinig ni Izaria na biglang nagpasikip sa lalamunan niya.
“We can settle the wedding anytime. May kilala akong magaling na organizer sa kasal. Kayo na ang mag-decide kung saan ang reception,” suhistiyon ng ginang.
Walang tinig ni Rainan na narinig niya. Kitang-kita niya mula sa replika ng glass wall ng restaurant kung paano yapusin ng babae si Rainan. Hindi niya maintindihan ang magiging damdamin niya, basta na lamang siyang tumayo at dinampot ang sling bag na nakapatong sa lamesa.
Gusto na niyang maglaho sa kinatatayuan niya. Nagkunwari siyang may kausap sa cellphone para hindi mapansin ang pagkabalisa niya.
“I’m coming! Just a minute. Iti-take out ko na lang ang inurder ko,” kausap niya sa cellphone.
Nakalapat pa sa tenga niya ang cellphone na kunwari’y may kausap siya roon. Pero nagmamasid at nakikinig siya sa usapan ng grupo.