Chapter Seven

2164 Words
SUNOD-SUNOD na pagkatok sa labas ng pinto ng kuwarto ni Izaria ang gumulantang sa masarap niyang tulog. Kusut-kusot pa ng kamay niya ang mga mata. Dahan-dahang bumaba ng kama at tumungo siya sa pinto. Pinagbuksan niya ang nasa labas. “Good morning, besh!” bungad na bati sa kaniya ni Virna. “Good morning, too, besh. Ang aga mo yatang nagising,” aniya rito. “Maaga ka diyan. Alas-diyes na kaya, besh. Madilim lang kasi kanina pa bumubuhos ang malakas na ulan. Ayusin mo na nga ‘yang sarili mo tapos bumababa ka na. Nagpa-diliver kasi ako ng mainit na beef mami. Samahan mo akong humigop ng sabaw,” anyaya nito sa kaniya. Napangiti siya. “Sure, besh, magsa-shower lang ako sandali.” “Okay. Sandali lang talaga, huh? Lalamig ang sabaw,” paalala nito at saka umalis. Tumungo naman siya sa banyo para mag-shower. Binilisan na niya para hindi na naman magtampo ang kaibigan sa kabagalan niyang maligo. Parang kapatid na ang turingan nilang magkaibigan. Mas matanda lang si Virna sa kaniya ng isang taon. Sabay silang lumaki sa Maynila pero nang magkaroon na ng sariling negosyo ang kaibigan ay nagdisisyon ito na sa probinsiya manirahan. Pupuntahan lang niya ito kapag naisipan niyang magbakasyon. “Wow! Ang sarap naman ng naamoy ko,” wika niya habang naglalakad siya papuntang kusina. Nakaupo na roon si Virna at naghihintay sa pagdating niya. “Maupo ka na at sabay nating kainin ‘tong inurder ko roon sa kabilang kanto. Kabubukas lang kasi ang mamihan na ‘yon kaya bumili ako. Masarap naman, tikman mo,” alok nito sa kanya. “Talaga?” Naupo siya at magkaharap sila ng kaibigan. “Ano? Masarap ba?” tanong nito nang makahigop na siya ng sabaw. Tumangu-tango siya. “Sobrang sarap!” komento niya. “Sabi ko sa’yo eh. Masarap talaga humigop ng mainit na sabaw kapag ganitong umuulan.” “Kaya ba hindi ka na pumuntang La Union dahil umuulan?” tanong niya. “Hindi naman sa gano’n. Rain or shine, kapag gusto kong pumunta, pupunta ako. Pero tinamad ako ngayong araw.” Masaya nilang pinagsaluhan ang mainit na mami habang nagkukuwentuhan. Ganoon lang kasimple ang samahan nila. Pareho silang hindi mahilig gumala sa mga mall o mamasyal kung saan-saan. Maliban na lamang kung sa may magagandang tanawin sila pupunta dahil nakadadagdag inspirasyon ‘yon para kay Izaria para makapagpinta. Sandaling natigilan sa paghigop si Virna. “Alam mo, besh?” “Hindi pa,” sabat naman niya agad. “Wala akong opisina next week. As in, one week akong magpapahinga,” pagbabatid nito. “Wow! So, anong trip natin?” tuwang tanong niya. “Alam mo na ba na may bagong develop na resort dito sa Barangay Daligan?” masayang balita nito. “Oh, talaga? Saan dito?” Interesado siya. “Malapit lang dito. Puwede lang lakarin mula sa highway. Magbabayad lang tayo ng entrance fee sa may barangay hall. Dati kasi wala naman bayad pumunta roon. Napananatili kasi nila ang kalinisan ng kapaligiran kaya may bayad na.” “Gaano naman kalayo ‘yon dito?” “Kapag manggaling dito, limang minuto lang kung may sasakyan tayo. Magmula highway papasok doon, mga walong kilometro. Hindi naman mahirap ang daan dahil sementado na. ‘Kagutungan Falls’ ang tawag doon. Kapag nandoon na, pababa naman at magbilang tayo ng 200 feet steps, nasa baba na tayo. Maganda talaga roon.” “Akala ko walking distance. Walong kilometro pala. Pero bet ko ‘yon, besh! Gora na tayo!” sabik niyang sabi. “Excited lang? Next week pa ang bakante ko, ano ka ba.” Naudlot ang tuwa niya. Sabik na sabik pa naman siya kapag gala sa kalikasan ang pag-uusapan. Tapos na silang mag-almusal. Panay na lang sila kuwentuhan. “Puwede ko ba’ng yayain si Rainan na sumama sa atin, besh?” suhistiyon niya. Bigla kasing pumasok sa isip niya ang binata. “Haller! Kayo na ba para yayain mo siya?” nakangiwing tanong ni Virna. Sanay na siya sa ekspresyon ng kaibigan. “Grabe siya oh! Kailangan ba na maging kami para mayaya ko siyang mamasyal?” angil niya. “Iza, kunting pakipot naman. Baka isipin niya na malakas talaga ang tama mo sa kaniya. Huwag mo masyadong ipahalata na may gusto ka sa kaniya. Mamaya, paaasahin ka lang niya,” sermon nito sa kaniya. Ngumisi siya. “Hindi naman ako magpapahalata sa kaniya na type ko siya. Kaya ko pa naman kontrolin ang damdamin ko, no!” depensa naman niya. “Aysus! Kontrol daw?” humagikgik ito. “Halos mental ospital na nga ang ending mo kung kiligin ka. Ngiti ka nang ngiti mag-isa,” tukso nito. Napangiti lang siya. “Ah basta, sa ayaw mo at sa gusto, yayayain ko talaga siya. I-try ko lang naman kung gusto niya,” giit niya. “Well, tingnan natin. Kapag niyaya mo siya at sumama kaagad, meaning, may gusto din siya sa’yo. Kapag naman maraming pilit ang ginawa mo para sumama lang, meaning, pinagbigyan ka lang niya. At kung niyaya at pinilit-pilit mo na pero hindi sumama, meaning, nganga! Asa ka pa!” hamon nito sabay ngisi. Laglag ang mga balikat niya sa mga sinabi ng kaibigan. Hindi niya malaman kung ano ang isasagot dito. Napapaisip siya. Kahit paaano ay may punto rin naman si Virna. Pero para sa kaniya, bahala na. Excited pa rin siyang makapunta sa lugar na iyon dahil makakakita siya ng mga magagandang tanawin na puwede niyang ipinta. Pagkalipas ng tatlong oras ay tumila rin sa pagbuhos ang ulan. Habang abala si Virna sa pag-aayos sa kuwarto nito ay naisipan naman ni Izaria na pumunta sa hardin dala ang mga gamit niya sa pagpipinta. Nakita kasi niya ang namukadkad na mga bulaklak ng orchid. Iyon ang naisipan niyang ipinta. Medyo maaliwalas na kasi ang kalangitan pero hindi mainit dahil may ilang ulap na nakaharang sa araw. Tuwang-tuwa siya sa bulaklak na may naiwang butil ng tubig-ulan. Hindi kumpleto ang araw niya kapag wala siyang naipinta. Dahil nasa bakuran lang naman siya. Ayos lang na naka-maiksing denim short kung saan litaw ang maputi at makikinis niyang mga binti. Nasanay rin siya magsuot ng sando kapag nasa bahay lang. Nasa kalagitnaan na siya ng pagpipinta nang biglang tumunog ang bell ng gate. Malapit lang kasi siya roon. Nakatatlong tunog ito bago niya nilapitan. Inakala kasi niya na narinig ito ni Virna kaya hinayaan muna niya. May maliit na pinto ang gate na kasya lang makapasok ang isang tao. Binuksan niya ito para alamin kung sino ang nasa labas. Pagbukas ay nasurpresa siya. Bumilis agad ang t***k sa dibdib niya. Hindi sa masasarap na prutas na nasa basket natuon ang pansin niya. Kung hindi ay sa matatamis naga ngiti ni Rainan. “Magandang hapon, Iza,” magiliw na bati nito sa kaniya. Nakiliti ang puso niya. “Same to you, Rai!” Lumapad ang pagkakangiti niya. “Heto oh, ipinabibigay pala ni Tata Arman para sa inyo ng kaibigan mo,” sabi nito sabay alok ng basket na naglalaman ng sari-saring prutas. “Wow! Ang sarap ng mga ‘yan at masustansiya pa,” wala sa loob na sabi niya. Sa nakangiting mga labi kasi ng binata siya nakatingin. Ewan ba niya, para na siyang na-magnet nito. Nagtitimpi lang siya dahil kung hindi ay susunggaban niya ng halik ang pinkish na mga labi nito. She’s biting the inside of her lower lip. Yummy sana oh! Titig na titig pa rin siya sa mga labi nito. Hindi na tuloy niya napansin ang minsang pagsulyap nito sa kaniyang dibdib. Nakalimutan niyang manipis ang sando niya. Lumitaw roon ang guhit sa pagitan ng malulusog niyang dibdib. “Heto!” Inalok ulit nito ang basket. Nasira ang pamamantasya niya. “S-salamat, Rainan.” Tinanggap niya ito. “Pakisabi kay Tata Arman, maraming salamat. Pumasok ka muna,” wika at anyaya niya rito. “Salamat na lang. Hindi rin naman ako magtatagal. Pinahatid lang kasi niya sa akin ang mga iyan,” dahilan nito. Sayang naman. Hindi pa nga tayo nakakapag-usap nang matagal aalis ka na kaagad. Amoy bagong ligo ka pa naman. Kahit isang yakap lang, solve na sana. Gusto niyang isatinig ang nasa isip niyang ‘yon. Pero naunahan siya ng hiya. “Sige, aalis na ako,” paalam nito. Wala siyang nagawa para pigilan ito. “Maraming salamat ulit,” pahabol niyang sabi. Tumalikod na kasi ito. Bakit gano’n? Parang biglang nawala ang maganda niyang mood. Kanina lang ngumiti siya. ‘Tapos, seryuso na nang umalis? Baka naman hindi talaga ako ang type niya. Pero minsan, sweet naman siya. Paano ko kaya sasabihin sa kaniya na yayain ko siyang mamasyal kami sa falls? Baka kasi mapapahiya lang ako kapag tinanggihan niya. Sumisiksik ang mga salitang ‘yon sa isip niya habang humahakbang. Nakatingin sa ibaba. “Uy, besh! Baka ma-overripe na ‘yang dala mo!” bulalas ni Virna. Nakapamaywang pa ito sa bungad ng pinto. Napatingin siya sa kaibigan. Medyo malayo kasi siya rito. Para siyang nagmamartsa papunta rito. Nahalata nito ang mukha niya na parang may iniisip. “Anong nangyari sa’yo? Para kang nakidlatan diyan,” puna nito nang makalapit siya. Iniabot niya rito ang basket. “Bigay raw ni Tata Arman iyan,” walang kabuhay-buhay ang tinig na sabi niya. “Raw? Eh, sino ang naghatid?” “Si Superman,” payak na sagot niya. Ngumisi ang kaibigan. “Bakit parang nanggaling ka sa lamay? May problema ka ba?” usisa nito. “Oo.” Ipinakita niyang seryuso siya. “Huh? Ano ba ang nangyari?” Nag-alala tuloy ito. “Si Superman kasi,” sagot lang niya. Napangisi na naman si Virna sa halip na malungkot sa pagsisintimyento niya. Pumalatak pa ito. “Ilusyunada ka kasi, besh. Huwag ka na kasing umasa. Masasaktan ka lang. Masyado ka nang obvious eh. Hindi ka naman ganyan dati kay Jake. Now, daig mo pa ang…” “Ang ano?” dugtong niya sa sasabihin sana nito. “Obsess sa lalaki.” Tumalikod ito. “Uy, ‘di naman! Masakit ka magsalita, besh, huh!” Napipikon pero nakangiti na siya. “Pero mas masakit ang pagtalikod niya sa akin na hindi man lang ngumiti,” dagdag niya. Humarap muli sa kaniya ang kaibigan. “Wala ka rin namang pinakikinggan. Diyan ka na nga,” anito. Tumalikod ulit ito at humakbang palayo sa kaniya. Napapailing na natatawa ito sa sinabi niya. “Uy besh! ‘Wag namang ganyan!” saway niya habang bumubuntot sa kaibigan. Pero pagkuwa’y tumigil siya at bumalik. Wala siyang nagawa. Kamot niya ang ulo na bumalik sa ginagawa niya. Tinapos na muna niya ang pagpipinta bago bumalik sa loob. “MADALAS akong padadalhan ni Tata Arman ng mga prutas lalo na kapag marami ang harvest. Hindi lang kasi kapatagan ang lupaing pinamamahalaan niya. Marami rin ang bulu-bundukin na pinagtataniman ng mga sari-saring prutas,” kuwento ni Virna. Magkaharap uli sila sa kusina. Naghahanda sila ng panghapunan nila. Naghihiwa siya ng mga rekado para sa iluluto nilang pinakbet. Paboritong ulam ng mga tagaroon ang pinakbet. Si Virna ang tagasalang ng iluluto sa kalan. “Alam mo, besh, masaya ako kapag kasama ko si Rainan. Parang ayaw ko nang matapos ang mga sandali namin,” pagbabahagi niya. “Eh kasi nga, may gusto ka sa kaniya. Ang tanong, gusto ka rin ba niya?” anito. Kumibit-balikat siya. Tuloy lang siya sa ginagawa niya. “Ewan ko. Pero sabi ni Tata Arman, hindi pa raw niya nakitang ngumiti si Rainan magmula nang makilala niya. Noong naikuwento ko na napangiti ko, natuwa siya. Ibig sabihin daw ay masaya si Arman kapag kasama ako,” nakangiting kuwento niya. “So, naniwala ka naman na type ka na niya?” kontra nito. “Ikaw talaga, besh. Palagi mo nalang kinukontra ang mga sinasabi ko. Hindi ka ba masaya para sa akin?” bahagyang tampo niya. “Imot agad? Siyempre, masaya. Pero ako kasi ang unang masasaktan kapag nabigo ka o nasaktan ka. Padalus-dalos ka kasi at napakalambot ng puso mo. Minsan ka lang nagmahal pero nasaktan pa. Pero ang luha mo ilang taon mong ibinuhos,” sermon nito. Napanguso siya. May punto rin naman kasi ito. Kung kailan minahal niya noon ang dati niyang nobyo ay saka naman siya niloko nito. “So, anong gagawin ko? I-give up ko nalang ba ang nararamdaman ko para kay Rainan? Eh besh, gusto ko na siya,” insist niya rito. Natigilan si Virna, maglalagay na sana ito ng mantika sa kawali. “Wala nagbabawal sa ‘yo para magmahal. Ang sa akin lang, huwag kang padalus-dalos. Kilalanin mo munang mabuti ang lalaking paglalaanan mo ng puso mo, okay?” payo nito saka itinuloy ang ginagawa. Natameme siya sa sinabi ng kaibigan. Alam niyang saksi ito sa lahat ng mga pinagdadaanan niya lalo na ang karanasan niya sa dating kasintahan. Ekseheradong napabuntong-hininga siya habang iniisip ang nakaraang iyon. Magdadalawang-isip tuloy siya kung itutuloy niya ang pag-anyaya kay Rainan. Pero ang puso niya ay hindi sumusuko. Hindi na siya nagpahalata sa kaibigan baka sermon na naman ang aabutin niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD