NADAGDAGAN ang inspirasyon ni Izaria sa pagpi-painting. Napadalas ang pagtatambay niya sa kubo kung saan madalas niyang natatanaw si Rainan. Hindi man sila madalas nakakapag-usap, makita lang niya ito kahit sandali ay buo na ang araw niya.
Matapos ang huli nilang pag-uusap ay naging abala na muli ito sa palayan. Panahon kasi ng pag-aabuno sa palayan kaya wala itong panahon para kausapin siya nang matagal. At kapansin-pansin na kahit marami ang kasama ng binata ay madalas itong naka-distansya at bihirang nakikipag-usap. Si Tata Arman lamang ang palagi nitong nakakausap.
“Nawiwerduhan pa rin po ako kay Rainan, Tata,” kausap niya sa ginoo.
Napansin kasi niya ito na nasa likuran niya. Kagagaling lang nito sa pag-aabuno at sandaling nagpahinga.
Kagagaling lang ng ginoo kung saan naroon si Rainan. Nasa gitna ng palayan habang nagsasaboy ng abuno sa mga nakatayong palay. Madalas kasi niyang sulyapan ang galaw ng binata.
“Ganyan talaga siya.” Pagtukoy ng ginoo kay Rainan.
“Napansin ko lang po kasi na parang hindi niya kinakausap ang mga kasamahan niya, maliban po sa inyo. Mabuti nga po at kahit papaano ay nakikipag-usap siya sa akin,” aniya.
“Marami siyang pinagdadaanan pero nakikiusap siya na huwag kong sabihin sa iba kung ano ang mga iyon.”
“Bakit naman daw po, Tata?”
Sandali niyang itinila ang pagpipinta. Bahaya siyang humarap sa ginoo.
“Mukhang ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa buhay niya. Biglang nag-iiba ang mood niya kapag malaman niyang buhay niya ang pinag-uusapan.” Humalukipkip ang ginoo at natuon ang tingin kay Rainan. “May mga bagay o pangyayari na ayaw niyang makita, malaman o maranasan. Sa ganitong lugar niya nais manatili. Alam kong hindi siya sanay sa buhay bilang magsasaka. Nakiusap kasi siya na turuan ko at sanayin.”
“Kakaiba naman siya. Ano po ba ang alam ninyo tungkol sa kanya?” Na-curios siya.
“Napansin kong interesado kang malaman tungkol kay Rainan. Ipangako mo lang na hindi ka magbabanggit sa kaniya na nag-usap tayo tungkol sa kaniya. Sapat lang ang naipakilala kita sa kaniya.”
Tinanggap niya ang kondisyon nito. “Pangako po, Tata. Wala po akong babanggitin sa kanya.”
“Hinatid siya ng kaibigan kong si Marco na nagtalaga sa akin upang mamahala sa lupaing ito. Wala kaming maayos na usapan nang panahong iyon dahil nagmamadali si Marco na umalis. Abogado kasi siya at maraming inaasekaso. Ipinagkatiwala niya si Rainan sa akin at turuan ko raw kung paano mamuhay dito sa probinsiya. Pero ang bilin ni Marco, hayaan ko na lang si Rainan na magkuwento tungkol sa kaniyang pagkatao. Magmula no’n, hinahayaan ko lang si Rainan sa gusto niyang gawin,” salaysay ng ginoo.
Hindi siya nakontento sa kuwento nito. “Ano naman po ang napansin n'yo kay Rainan noon, Tata?”
“Mabait naman siya, tahimik, at kusang kumikilos kahit hindi inuutusan. Pero hindi ko siya nakitaan na masaya o ngumiti man lang. Palagi siyang seryuso at mas gusto niyang nagtatrabaho sa lahat ng oras. Kapag kumain at matulog lang ang tanging pahinga niya.”
Naupo muna ang ginoo. Seryusong nakikinig siya sa kuwento nito.
“Hindi naman siya bayolenteng tao. Madalas lang mag-isa at hindi basta-basta nakikipag-usap sa iba. Ayaw rin niya na isama ko siya sa bahay. Mas gusto niyang mag-isa lang siya, kaya nagpagawa ako ng munting tirahan para sa kanya,” patuloy na salaysay nito.
Naalala ni Izaria ang sandaling nagkausap sila ni Rainan. Ang sabi ng ginoo ay hindi pa niya ito nakitaan ng pagngiti. Ngunit noong mga nakaraang araw ay halos matulala siya sa tamis ng mga ngiti nito.
“Tata Arman, may sasabihin po ako…”
“Ano iyon, anak?” Napatingin sa kaniya ang ginoo.
“Noong nakaraang araw po, nakapag-usap kami ni Rainan. Ngumiti pa nga po siya at alam kong masaya siya,” kuwento niya rito.
Napangiti ang ginoo. “Oh, talaga? Mabuti kung gano'n,” tuwang sabi ng nito. “Ibig-sabihin niyan, napapasaya mo siya. Ipagpatuloy mo lang na makipagmabutihan sa kaniya baka makatulong.” Himok nito.
Ngumiti siya. “Kung ano man po ang pinagdadaanan niya, sana malampasan niya. Masaya rin akong makitang masaya siya.”
Natutuwa si Tata Arman sa hangad niyang lumigaya si Rainan. Tumayo na ito at babalik sa gitna ng palayan.
“Oh paano, maiwan na muna kita rito. Pupuntahan ko lang ang mga kasamahan ko roon,” paalam nito.
“Sige po, Tata. Maraming salamat po sa oras,” nakangiting tugon niya.
Ipinagpatuloy niya ang pagpi-painting. Kaunti na lang ay matatapos na niya ang pinipintang palayan. Marami ang nagsasaboy ng abuno sa mga tumubong palay. Pagkatapos, naglagay na naman ng panibagong canvas. Pipintahan niya ng ibang larawan. Kapag may naipinta siya na may imahe ni Rainan ay kaagad niya itong tinatago. Nahihiya kasi siyang makita nito at baka isipin nito na pinagpapantasyahan niya. Hindi nga ba?
Sinimulan na niya ang panibago niyang painting. Oil paint pa rin ang gamit niya. Mixed-media na naman ang naisip niya.
Hindi na siya nasamahan ni Virna dahil abala ito sa negosyo. Ayos lang naman sa kaniya dahil sanay na siya kahit mag-isa. Hindi na niya alintana na unti-unti nang nagsialisan sa palayan ang mga magsasaka. Wala kasi roon ang atensiyon niya. Sariling ideya niya ang pinagmumulan ng ipipinta niya kaya naka-focus siya sa frame.
Ganado siya sa pagtitipa ng brush sa canvas at binubuo ang larawang naghalu-halo ang imahe. Hindi niya inaasahan ang pagdapo ng ibong tagak sa itaas ng frame na pinipintahan niya. Natuwa siya rito at hahawakan sana niya ngunit biglang lumipad.
Napapangiti na lamang na nasundan niya ng tingin ang paglipad nito papalayo. Saka lang niya napansin na wala nang katao-tao sa palayan. Natapos na niya ang painting. Nilibot ang paningin, mag-isa na lang siya. Sinulyapan niya ang digital watch sa braso niya. Alas onse na ng umaga.
Kaya pala wala na sila. Ang bilis naman nilang magpulasan, baka gutom na.
Tinutukoy niya ang mga magsasaka.
Naisipan na rin niyang i-pack-up ang mga gamit para umuwi muna. Abala siya sa paglalagay ng mga gamit sa loob ng back-pack. Nakagugulo pa ang pagharang ng buhok sa mga mata niya. Lumuwag kasi ang pagkakaipit niya rito gamit ang hair-clam. Panay ang ipit niya ng ilang buhok sa itaas ng tainga niya, pero bumabalik pa rin sa mukha niya.
Naiirita na siya sa nagulo niyang buhok lalo na at maalon pa naman ito. Dagdag pa ang malakas na ihip ng hangin. Lalong nililipad-lipad ang ilang bahagi ng buhok sa mukha niya. Hindi niya maiayos nang mabuti dahil may bahid ng naghalong kulay ng pintura sa mga kamay niya.
Humihip pa nang humihip ang hangin. Ekseheradong bumuntong-hininga siya dahil halos magkandabuhul-buhol na ang mga buhok at tumatakip na sa mukha niya. Malapit na siyang maubusan ng pasensiya. Pero bago iyon mangyari ay biglang may nagtanggal ng clam sa buhok niya buhat ito sa likuran niya.
Napakislot siya pero hindi muna lumingon. Hinayaan niyang ayusin nito ang nagulo niyang buhok. Tiniis niya ang paminsan-minsang sakit na tila nasasabunutan siya. Kamay kasi nito ang pinangsusuklay sa buhok niya. Nararamdaman niya na medyo may puwersa ang pagkakaayos nito. Hanggang sa natapos din. Magulo parin tingnan pero mas okey na kaysa kanina na nagliliparan sa mukha niya.
Nang maramdaman niyang binitawan na nito ay saka siya hinay-hinay na umikot paharap sa kung sino man ito. Tumingala pa siya para sulyapan sa mukha. Isang dangkal na lang ay maglalapat na ang mga dibdib nila.
“R-Rainan?” nauutal niyang sambit.
Sumungaw ang matatamis na ngiti nito na bumuhay sa dugo niya. Naiilang man siya pero masayang-masaya siya nang mga sandaling iyon. Dumaloy na naman ang tila mainit na kuryente sa buong kaugatan niya. Tinatambol ng kung ano'ng kaba ang dibdib niya. Hindi niya alam kung aatras siya o lalo niya itong dikitan.
“Okey ka lang ba? Ginulat ba kita?” mahinahon na tanong nito.
Hindi mo lang ako ginulat, pinabilis mo pa ang pagtibok ng puso ko. Bakit kasi nanghihina ako sa mga ngiti mo? Magdahan-dahan ka naman kasi, baka bigla kitang halikan. At kapag niyakap kita diyan, hinding-hindi na kita pakakawalan pa. Aw! Sarap sana talaga kung mangyayari ang iniisip kong ‘to.
Niyugyog nito ang magkabilaang balikat niya. Bumalik ang isip niya sa reyalidad. Pinilig niya ang ulo para sawayin ang sarili sa kung anu-anong naiisip niya. Feeling niya’y nilindol ang mundo niya.
“Huh? Ah-eh, pasensiya na!” nautal pa na bulalas niya. “Hindi ko lang kasi inaasahan na gagawin mo ito sa akin. Anyway, salamat sa pag-ayos mo sa buhok ko.” Naiilang tuloy siya.
Ipinagpatuloy na lamang niya ang pagliligpit ng mga gamit upang hindi ito makahalata sa nararamdaman niya.
Mabuti nalang matitigas ang ribs ko, baka makatakas ang puso ko at maglupasay sa sobrang tuwa. Bakit kasi ganito ang feelings ko? In love na ba talaga ako? My god! Paano pa kaya kapag na-in love rin ito sa akin? Baka sasabog kaming dalawa sa init… este sa tuwa. Kaloka!
Hindi na siya nagsasawa sa kai-imagine niya.
“Tulungan na kita.” Magiliw na presenta nito.
Natigilan siya. “Thank you!” nakangiting sabi niya, saka nagpatuloy.
Hindi na niya tinanggihan ang pagtulong nito sa kaniya. Pero ang umi-epal niyang utak ay panira sa moment niya. Tinuturuan na naman ng utak niya ang puso na maging matatag at huwag muna padadala sa nararamdaman niya. Minsan na kasi siyang nasaktan kaya kailangan niyang magdahan-dahan.
“Rainan, maraming salamat sa pagtulong mo,” nakangiting saad niya rito.
“Masaya lang ako kapag may natutulungan ako.”
Kakaiba naman kasi ang impact ng ginagawang kabutihan nito para sa kaniya. Masyado niyang dinidibdib kaya lalo siyang nahuhulog. Mabuti sana kung sasaluin agad nito kapag puso na niya ang mahuhulog dito.
“Sige, maiiwan na muna kita. Babalik na lang ako ulit bukas." Pansamantala siyang namaalam dito.
Ayaw pa sana niyang matapos ang mga sandaling ‘yon. Kailangan lang kasi niyang umuwi dahil nangako siya sa mga magulang niya na magbi-video call sila before lunch. Wala kasing signal ng cellphone sa kinaroroonan niya.
“Bye, Rainan!” Nakangiting paalam niya.
Kumaway lang ito na tanda ng pamamaalam sa kaniya. Ngunit nang bahagya na siyang nakalayo ay nilingon niya ito. Nakatalikod na ang binata.
“Rainan!” hiyaw niya.
Natigilan ang binata mula sa paghahakbang nito at papauwi na rin sana. Subali’t hindi ito lumingon.
“Puwede ba kitang maging kaibigan?” nakasigaw niyang tanong. Mahigit sampung metro na kasi ang distansiya nila.
Hinintay niya ang sagot nito. Pero wala siyang narinig na sinabi nito. Pero lumingon ito na nakangiti at nakita ang pag-thumb's up nito. Saka ito nagpatuloy sa paglalakad.
“Yes!” Tuwang-tuwa siya.
Napalundag siya sa sobrang saya. Nguni't nagkamali sa pag-apak ang isang paa niya kaya nawalan siya ng balanse. Lumagapak ang mga tuhod niya sa lupa. Nakalimutan niyang nasa pilapil pa pala siya. Mabuti na lang at hindi siya nalaglag sa palayan.
Dali-dali siyang tumayo at inikut-ikot ang paningin baka may nakakita sa kanya. Malayo na si Rainan nang tingnan niya. Malamang wala itong alam sa nangyari sa kaniya. Nagdahan-dahan siya sa paglalakad hanggang sa makauwi.
“OMG! Ba't ganiyan ang itsura mo?” gulat na tanong ni Virna nang makita siya.
Napanganga si Virna nang bungaran niya ito sa sala habang nakaupo sa sofa.
Nagawa pa niyang magbiro. “Ang ganda ko pa rin besh, noh?”
Napansin kasi siya nito na nabahiran ng putik ang dilaw na pantalon niya. Pati ang mga siko niya at mga kamay ay may putik din. Ngumisi lang siya at sinenyasan ito na mamaya na sila mag-usap. Yakap pa rin niya ang mga frame.
“Hinabol ka ng baka, ano?” natatawang tanong ng kaibigan.
“Nope! Nag-exercise lang ako,” nakangising katuwiran niya.
Napailing na lamang ang kaibigan habang sinusundan siya nito ng tingin hanggang sa makaakyat siya sa second floor para mag-shower. Habang naliligo at pumupusitsit sa katawan niya ang tubig galing sa showerhead ay pikit-mata niyang iniisip ang naging sandali nila ni Rainan sa kubo.
Hindi siya matapos-tapos sa kangingiti. Paulit-ulit kasi niyang naaalala ang ginawa nito sa buhok niya, pati ang matatamis na mga ngiti nito.
Heaven! In loved na nga talaga ako sa kaniya. Kung totoo man, sana, pareho kami ng nararamdaman. Kapag hindi, ang sakit naman isipin na ako lang ang may gusto sa kaniya. Wala na akong pakialam kung ano pa man ang estado niya sa buhay, mahalaga masaya ako sa kaniya. Pero, paano kung may kasintahan na pala siya, tapos lalapit-lapit ako sa kanya? Baka kalbuhin ako at imudmod sa putikan. Haist! Ano ba 'tong naiisip ko. Bahala na nga.
Naisip din niya ang kahiya-hiyang eksena niya kanina. Kung nakita lang siya ni Rainan, baka kumaripas na siya ng pagtakbo. Kaysa makitang pagtatawanan siya nito o kung ano man ang iisipin sa kanya.
Gosh! Nakaka-turn-off ‘yon ‘pag nagkataon. Haist! Ingat-ingat din kasi pag may time, self! Puro ka lang kasi puso, utak din paminsan-minsan.
Sunod-sunod na katok mula sa labas ng pinto ng kuwarto ang umawat sa pakikipagtalo niya sa utak niya. Sandali niyang isinara ang shower.
“Naliligo pa ako, besh!” Sumigaw siya para marinig ng kumakatok.
“Ay grabe ka, besh! Ilang oras ka na ba diyan sa banyo? Halika na at sabayan mo akong mananghalian,” tawag ni Virna sa kaniya.
“Ten minutes na lang, besh!” hataw pa niya.
Nakalimutan tuloy niya na nandiyan si Virna, ang alam niya ay nasa trabaho ang kaibigan. Epekto tuloy ng pamamantasya niya. Dali-dali siyang naligo at isinara ang shower.
“Uy, besh! Nandiyan ka pa ba?” sigaw na tanong niya.
Wala na siyang narinig na nagsalita. Binilisan na lamang niya para makababa na sa kusina. Kinabahan siya bigla nang hindi na ito sumagot. Pagkababa niya ay naghihintay na ito sa kaniya.