KAAGAD na nagpasama si Izaria kay Virna nang mabalitaan na nakabalik na si Tata Arman sa bahay nito. Matindi kasi ang pag-aalala niya matapos nilang iwanan ni Rainan sa kagubatan.
"Ano ka ba naman, besh, gabing-gabi na eh, angal ng kaibigan. “Kailangan pa ba talaga nating puntahan si Tata Arman sa bahay niya? Hindi ba puwedeng bukas na lang?" suhestiyon nito.
Minamaneho nito ang scooter at siya ang nakaangkas. Papunta sila sa bahay ni Tata Arman. Kinulit niya pa ang kaibigan para samahan siya nito. Labis kasi ang pag-aalala niya at baka hindi pa siya makatulog sa kaiisip.
Malapit lang naman pero madilim na sa daan dahil lampas alas-sais na ng gabi. Pagkadako ay naglakad pa sila ng limang minuto dahil dadaan sila sa pilapil. Nagdala naman sila flashlight.
“Grabe na 'tong challenge mo sa akin, besh, ha. Para na tayong nagse-search operation nito," reklamo ng kaibigan.
"Pasensiya ka na, besh. Gusto ko lang kasi malaman kung kumusta na siya. Naikuwento ko naman sa'yo kanina kung ano ang nangyari, 'di ba?" mahinahong sabi niya.
"Hindi ito libre, besh huh! Iipunin mo yan at siguraduhin mong sa birthday ko, ibigay mo," kondisyon nito sa kaniya.
"Sure, besh! Whatever you want," kaagad naman na sagot niya.
Nagpatiuna siya dahil si Virna ang may hawak ng flashlight. Mabuti na lang at maganda ang panahon. Mayamaya lang ay narating na nila ang bahay ni Tata Arman na yari sa kalahating bato at kalahating kawayan.
May dalawang aso pang kumakahol pero nakatali ang mga ito. Kumatok sila sa pinto. Hindi nagtagal ay may nagbukas. Bumungad doon si Tata Arman.
"Oh, naparito kayo! May problema ba?" nagtatakang tanong ng ginoo.
Natuwa siya nang makita ang ginoo.
"Magandang gabi po, tata! Kukumustahin ko lang po sana kayo kasi hindi ko po kayo nakita kanina hanggang sa nakabalik kami ni Rainan mula sa gubat," wika niya.
“Nag-aalala po kasi ang kaibigan ko, Tata Arman. Nabanggit ko po kasi kanina sa kaniya na nakasalubong po kita kanina pag-uwi ko. Kaya kaagad na nagpasama sa akin papunta rito," pahayag ni Virna.
Ngumiti ang ginoo. "Pumasok muna kayo mga, hija!" alok nito.
“Naku! H-hindi na po, Tata. Sandali lang naman po kami. Gusto ko lang po magpasalamat sa pagligtas n'yo sa buhay ko. Naikuwento po kasi ni Rainan sa akin na hinila n'yo raw po ang buntot ng ahas na tutuklaw sana sa akin at dinala n'yo pa po sa malayo," malumanay na sabi niya.
“Wala iyon. Matagal ko nang ginagawa ang ganoon pero hindi ko pinapatay. Inilalayo ko lang sila para hindi sila makapanakit at masaktan. Alam ko naman na dilikado ang pagpunta mo roon kaya isinama ko na si Rainan," paliwanag nito.
"Pasensiya na po talaga. Kasalanan ko kasi hindi po ako nakinig sa inyo. Promise, hindi na po mauulit yon," paghingi niya ng paumanhin.
Natuwa naman ang ginoo sa mga sinabi niya. Gusto pa sana niyang itanong kung nasaan si Rainan ngunit hindi na niya itinuloy. Para siyang nabunutan ng tinik nang malamang maayos ang kalagayan ng ginoo.
Hindi nagtagal ay nagpaalam sila sa ginoo. Hindi naman niya masisi si Virna kung pagbubungangaan siya nito. Sanay na siya sa ugali ng kaibigan.
Panay sermon ang inabot nito sa kaniya hanggang sa makabalik sila sa bahay. Aminado naman siya sa pagkakamali niya kaya pinili nalang niya ang manahimik.
“Ngayon alam mo na? Hindi purke may freedom tayo to explore, makipagsapalaran ka na kay kamatayan," patuloy na sermon nito sa kaniya nang makapasok na sila sa loob ng bahay.
"Oo na, besh. Namamaga na kaya tainga ko sa kasesermon mo. Promise, hindi na talaga mauulit na mag-isa akong pupunta sa gano'ng lugar, maliban na lang kung..."
Napalingon si Virna sa kaniya. "Kung kasama mo si Superman mo?" dugtong nito.
Ngumiti lang siya. Halatado siya ng kaibigan na natuwa siya at siguradong si Rainan ang iniisip niya.
"Ilusyunada ka talaga," saway nito. "Kumain na nga tayo, baka gutom lang iyan. Ikaw rin, kapag lumala yan, walang mental hospital dito," biro nito.
Napangisi siya. "I appreciate you, besh. Thank you for being my best friend," tuwang sabi niya.
Pinagsaluhan nila ang ini-take out ni Virna na adobong manok at chopsuey bago ito umuwi. Inisip kasi nito na baka pareho silang gabihin sa pag-uwi at wala nang oras para magluto. Natutuwa siya sa pagiging maasekaso nito sa kaniya. Bumabawi na lamang siya sa mga gastusin sa bahay.
Pagkatapos nilang kumain at makapagligpit ay kaniya-kaniya na silang pasok sa kuwarto. Maaga pa kasi ang biyahe ni Virna papuntang La Union. Samantalang siya ay hawak ang sariling oras.
Hindi pa siya dinadalaw ng antok kaya naisipan niyang iayos ang mga gamit niya sa pagpipinta. Sa guestroom siya ng bahay ni Virna madalas nagkukuwarto sa tuwing maisipan niyang magbakasyon.
Pangarap niyang makabili ng lupa at makapagtayo ng sariling bahay nguni't hindi pa siya nakapagpapasya kung saang probinsiya niya gusto. Abala pa kasi siya sa paglilibot sa bansa dahil sa pagpi-painting niya. Maraming sikat na mga tanawin o tourist spot na siyang napuntahan pero hinahanap pa rin niya ang mga kakaibang lugar na hindi gaanong napupuntahan ng mga turista.
Madalas wala siyang panahon para magbabad sa cellphone kung nasa probinsiya siya. Nagagamit lang niya ito kapag emergency. Bukod sa kaniya, sina Shelly at Ivan ang kinuha niya para maging admin ng f*******: page niya kaya hindi niya kailangan tutukan masyado ang mga inquiry.
Hindi maiwasan na sa isang katulad niyang artist ay magulo o makalat ang kuwarto dahil sa mga kagamitan niya. Nahaharap lang niya ang magligpit kapag hindi siya abala. Late at night na siya nakatulog dahil sa kung anu-ano ang binubutingting niya hanggang sa dalawin ng antok.
Pero ang lalong nagpapuyat sa kaniya ay ang kaiisip sa kaniyang superhero. Pati sa panaginip ay nakasama niya. Madalas na kasi niyang nakakasama sa panaginip si Rainan.
TANGHALI na nang magising siya. Malamang nakarating na si Virna sa kumpanya nito. Self-service naman sila dahil walang katulong ang kaibigan. Lagi lamang may stock sa refrigerator nito at mga kailangan sa kusina.
Naglalakad pa lamang siya patungo sa kusina nang tumunog ang cellphone niya na nasa bulsa ng padyama niya. Dinukot at sinagot niya ang tawag. Kilala niya ito.
"Hello, Shelly! Kumusta na?" bati niya kaagad sa kausap.
“Hello, Friend! As usual itatanong ko na naman about your paintings. Sold out na naman ang huling kinuha namin ni Ivan sa house mo. Sabi ni Manang Rosa, last na raw yong kinuha namin," pahayag nito sa kaniya.
“Gano'n ba. Marami na akong nagawa dito. Ipapadala ko nalang mamaya. Mga 24-hours bago makarating diyan. Hindi pa kasi ako makakauwi. Pakisabi na lang kay Ivan na siya na bahala sa presyo. Kabisado naman niya ang quality ng mga painting ko, kagaya pa rin sa dati," aniya habang nagtitimpla ng kape niya.
Naka-bluetooth ang headphone niya kaya nakakikilos pa rin siya habang may kausap sa kabilang linya.
"Okay, friend, copy that! Miss na kita. Kailan ka ba uuwi? Mag-iingat ka palagi riyan."
"I appreciated, Shelly. I miss you too. Pagdating ko na lang ang pasalubong mo, friend. I'll tell you kung kailan ang uwi ko."
Mahaba-haba rin ang naging kuwentuhan nila bago niya ibinaba ang cellphone. Matalik na kaibigan niya si Shelly mula noong high school. Tatlo sila nina Virna at Shelly na sabay nag-aral ng kolehiyo sa Baguio.
Naghahanda na naman siya ng mga painting tool niya para muli na namang magtrabaho. Habang hinihintay niya na magbunga ang mga palay sa bukirin, naisipan niyang magpinta muna ng mga bestseller niyang abstract at mixed-media. Mas mabilis gawin at mabilis ibenta ang mga ito sa medyo mababang halaga.
Napili niyang sa kubo roon sa bukirin siya pupuwesto dahil mas sariwa ang hangin at tahimik ang lugar. Makatutulong kasi iyon sa konsentrasyon niya. Wala pa kasing mga magsasaka na tumatambay roon maliban lamang kapag nandoon si Tata Arman.
Abala siya sa pagse-set-up ng mga gagamitin niya. Siguradong makagagawa siya ng maraming painting dahil kapag abstract at mixed-media ay natatapos lang niya nang hindi humigit sa sampung minuto. Bihasa na kasi siya sa pagmi-mixed ng mga kulay at talagang mabilis ang mga kamay niya.
Sinimulan na niya ang pagpipinta sa canvas na nakaipit sa easel o stand nito. Parang pinaghalu-halong kulay lang kasi ang ginagawa niyang abstract na kung titingnan ay magulo pero may sense ang dating nito sa mahilig ng ganitong obra. Mula sa puso ang bawat pag-stroke niya sa brush at maganda ang kombinasyon ng mga kulay.
Pagdating sa mixed-media niya ay magulo rin kung titingnan pero may mabubuong kuwento sa bawat anggulo ng painting. Hindi katulad sa mga 3D-painting niya na malinaw at parang tunay kung titingnan.
Marami na ang nagawa niya. Kasalukuyan pa ang pagpipinta niya nang hindi niya namamalayan na may tao pala sa likuran niya at nanonood ito sa ginagawa niya.
Hindi siya nakatingin habang naghahapuhap ang isa niyang kamay para abutin ang isang brush. Nakababad kasi yon sa basong may tubig na ipinatong niya sa ibabaw ng lamesa na yari sa kawayan. Water-based na acrylic paint kasi ang ginamit niya. Malapit lang naman ito sa kinatatayuan niya. Kaunti na lamang ay maabot na niya. Ngunit nagtataka siya nang may nag-abot nito sa kaniya.
"Ay kalabaw ka!" Gulat na gulat siya nang bigla siyang lumingon at tumambad sa paningin niya si Rainan.
Niyon lang niya napansin ang mga ngiti nito. Imbes tumambol ang dibdib sa pagkagulat ay tambol na ng pananabik ang nanaig. Uminit ang mukha niya at dumaloy sa kaugatan ang hindi niya maipaliwanag na init na kumukuryente.
"Ito ba ang kailangan mo?" tanong nito
Tinutukoy nito ang hawak na fan-brush niya.
Tumango siya ngunit naiilang. Nawalan siya ng konsentrasyon sa pagpipinta. Ang lakas talaga ng dating nito sa kaniya at halos ma-freeze siya sa kinatatayuan. Hindi niya maintindihan pero para siyang hinihila para titigan ito sa mga mata, pababa sa mga labi nito. Sumisigaw na ang puso niya para utusan ang katawan niya na yakapin ito tapos tumakbo at maglupasay sa tuwa. Pero ang utak niya ay laging kontrabida sa pamamantasya niya.
'Hindi ko talaga inaasahan na may ganito kaguwapong magsasaka sa lugar na ito. Tamang-tama sana oh, dadalawa lang kami. Puwede ko siyang yakapin o gawin ang gusto ko. Kaso, ang sagwa naman kung ako ang mauna. Hindi ko naman alam kung type niya ako. Pero ako, type ko siya eh at...'
Naputol ang iniisip niya nang pisilin ni Rainan ang ilong niya. Parang close lang.
“Aray ko naman! Bakit ang ilong ko pa?" reklamo niya.
Pero nagustuhan niya ang ginawa nito.
Sige na, isa pa! Ulitin mo. Kahit i-kiss mo pa ako sa lips, carry lang. Kung maiboses lang sana niya.
Napangisi ito. "Alangan naman dila mo ang pisilin ko, pilyong usal nito.
“Nakatutuwa ka pala. Akala ko puro lang kaseryosohan ang alam mo. Masarap ka rin palang kasama," aniya.
Masarap ka rin sanang yakapin, kaso hindi pa tayo. Dugtong ng isip niya.
Sandali muna siyang naupo sa mahabang upuan na kawayan. Malapit lang kasi ito sa kinatatayuan niya kapag . Nakasanayan na kasi niya ang nakatayo kapag nagpi-painting.
Naupo rin ang binata at ilang dangkal lang ang distansiya sa kaniya.
“Madalas kitang nakikita rito na nagpipinta ka. Pero ngayon ko lang nakita kung paano mo ginagawa," bungad na salita nito matapos mamayani ang katahimikang namagitan sa kanila.
Hilig ko talaga ito at naging trabaho ko na rin. Masaya ako sa ginagawa ko, tugon niya. Ikaw, bakit pagsasaka ang kinaaabalahan mo? May katawan at itsura ka naman para makahanap ng magandang trabaho,
“Gusto ko lang maranasan ang ganitong buhay. Nakapapagod pero masaya na maraming nabubusog dahil sa dugot pawis na sakripisyo ng mga magsasaka," seryosong pahayag nito.
"Nakahahanga lang talaga ang katulad mong may pagpapahalaga sa ginagawa."
"Ikaw, masaya ka ba sa ginagawa mo?" tanong nito.
Hindi niya maiwasang titigan ang mukha nito. Pasimpleng napapakagat siya sa ibabang labi kapag matamaan niya ng tingin ang mga mata nito.
"Oo naman. Masaya ako sa ginagawa ko," tugon niya.
Natutuwa siya sa magandang layunin ni Rainan. Iyon na ang unang pagkakataon na naging malapit ang loob nila sa bawat isa. Nakasuot ito ng long sleeve at pantalon na pangsaka nito. May balot na naman ang ulo kung saan mukha lang nito ang makikita.
Sa pagkakataong iyon, mahalaga sa kaniya ang pagiging malapit nila sa bawat isa na noo'y hanggang tingin lang niya. Masarap din palang kausap si Rainan. Pero mas maraming pagkakataon na seryoso ito at tila may malalim na iniisip. Iginalang na lamang niya ang katauhang iyon ng bago niyang kaibigan.
Lingid sa kamalayan niya ang paminsan-minsang pagsulyap nito sa mukha niya. Ang alam lang kasi niya ay siya lang ang may espesyal na pagtingin dito. Hindi rin niya inaasahan na lapitan at kausapin siya nito.