AKIRA'S POV
"Akira, buksan mo ang puso mo sa mga malalaman mo. Ito ang tanging paraan upang matanggap mo ang bagong buhay na nag-aabang sa 'yo."
Napatingin ako sa babaeng hindi ko pa rin nakikilala hanggang ngayon. Siya ang babaeng nagpakalma sa akin noong gabi na magkaroon ako ng siyam na buntot. Wala pa rin siyang pinagbago, ganoon pa rin ang suot niya at ang itsura niya.
"Hindi kita maintindihan. Anong sinasabi mo at pwede ka na bang magpakilala sa akin?" mahinahong sabi ko naman sa kaniya.
Marahan siyang ngumiti. Humakbang siya palapit sa akin at hinaplos ang kanang kamay ko.
"It's time to wake up Princess Akira. It's time to accept who you really are," nakangiting sabi niya sa akin.
Napamulat ako ng mga mata ko at agad na pinagmasdan ang paligid ko. Nasa hindi pamilyar na kwarto ako at hindi ko maalala kung paano ako nakarating dito. Ang huling naaalala ko lang ay ang pagsugod sa amin ng mga itim na Nine Tailed Fox. Ni hindi ko maalala kung natalo ba namin sila o hindi.
Hindi naman ako nakagapos ngayon at mas lalo namang hindi pa ako patay kaya imposibleng natalo kami ng mga kalaban. Hindi ko rin masyadong maramdaman ang katawan ko. Pakiramdam ko ay ang gaan gaan ko at lumulutang ako kahit na nakaupo lang naman ako sa kama. Medyo sumasakit din ang ulo ko.
"Mabuti naman at gising ka na Prinsesa Akira."
Napalingon ako sa nagsalita at medyo nakahinga ako ng maluwag nang makita ko si Inaki na kakapasok lang ng kwarto. May dala siyang isang tray ng pagkain at nang maamoy ko ang vegetable soup ay kusang kumalam ang sikmura ko.
"Kumain ka na muna dahil paniguradong gutom ka na," dugtong na sabi pa niya.
Hindi na ako nagdalawang isip na tanggapin ang pagkaing inaalok niya. Gutom na gutom na talaga ako at pakiramdam ko ay nangangatal na ang buong katawan ko dahil dito. Sinimulan kong kainin ang mga pagkain at hindi ininda ang pagtitig sa akin ni Inaki. Alam kong marami kaming dapat na pag-usapan at marami akong tanong ngunit kailangan ko munang mabusog upang makapag-concentrate ako ng maayos.
Wala pang limang minuto ay naubos ko na ang pagkain. Pagkatapos kong uminom ng tubig ay saka lang ako tumingin kay Inaki.
"Maraming salamat Inaki," seryosong sabi ko sa kaniya.
"Walang anuman Prinsesa Akira," nakangiting sabi naman niya.
Nag-iba ang timpla ng mood ko dahil sa pagtawag niya sa akin na isang prinsesa. At doon ko naalala ang mga bagay na nalaman ko noong gabing sinugod kami ng mga itim na Nine Tailed Fox.
"Pakiusap, huwag mo akong tawagin na prinsesa," ang tanging nasabi ko na lang kay Inaki.
Biglang nawala ang ngiti niya sa kaniyang labi at napalitan ito ng isang seryosong mukha. Bumuntong hininga pa siya bago siya lumapit at tumabi sa akin.
"Alam kong marami kang katanungan at nandito ako para sagutin ang mga iyon. Well, maliban na lang sa tungkol sa pamilya mo dahil ang mga magulang mo ang magpapaliwanag sa 'yo tungkol doon," seryosong sabi naman ni Inaki.
Marahan akong napatango. "Nasaan ako? Ramdam kong wala tayo sa bahay at iba ang pakiramdam ko sa paligid," deretsong sabi ko sa kaniya.
"Nasa dorm kita dito sa mundo ng mga Nine Tailed Fox Akira," sagot naman niya sa akin.
"What?" gulat ko namang paninigurado sa kaniya.
"Yes Akira. Kahit na hindi pa lumalabas ang siyam mong buntot ay nagagamit mo naman na ang kakayahan ng isang tunay na Nine Tailed Fox, kaya naririto ka sa mundo natin, dito sa mundo kung saan talaga nababagay ang mga katulad natin," seryosong sagot naman sa akin ni Inaki.
Napaiwas ako ng tingin. Walang nakakaalam na may siyam na buntot din ako ngunit mas makakabuti siguro kung hindi na nila malaman pa iyon. Kakaiba ang isa kong buntot dahil kulay ginto ito, hindi katulad sa kanila na lahat ay puti o lahat ay itim. Natatakot akong baka mag-iba ang tingin nila sa akin. Baka katulad ko, hindi rin nila matanggap ang kung anong mayroon ako.
"Totoo bang hari at reyna ang Mommy at Daddy ko?" pag-iiba ko ng usapan.
"Oo Akira. Kaya ikaw ay isang prinsesa, ang kaisa-isang prinsesa ng mga White Nine Tailed Fox," nakangiting sabi naman sa akin ni Inaki.
Tumayo ako at lumapit sa may bintana. Sinilip ko ang labas ng kwarto niya at marami akong nakitang mga estudyanteng nagkalat sa labas. Hindi nakalabas ang mga siyam nilang buntot kaya parang mga normal na tao lamang sila. Ngunit ramdam na ramdam ko ang lakas nila at pakiramdam ko ay nadadagdagan ang lakas ko dahil sa aura nilang lahat.
"Iyan ang tinatawag na Special Bond Akira. Ang mga Nine Tailed Fox ay hindi kayang mabuhay ng mag-isa, kailangan niya ang mga kalahi niya upang mapanatili ang lakas niya. Kailangan natin ang isa't isa upang mapanatili ang lahat ng lakas natin," sabi pa ni Inaki na animo'y nabasa niya ang nasa isip ko.
"Noong nasa mundo pa tayo ng mga tao at hindi ko pa alam ang tungkol sa lahi niyo, sa lahi natin, paano kayo nakakatagal doon kung malayo kayo dito, lalo na ang mga bodyguards ko?" nagtatakang tanong ko naman.
"Paminsan minsan ay umuuwi kami dito upang manumbalik ang lakas namin. Hindi mo iyon napapansin sapagkat itinataon namin na natutulog ka," sagot naman niya.
Marahan akong napatango. Ibig sabihin pala, kapag umalis ako dito at bumalik sa dating buhay ko, unti unti akong manghihina?
"Naaalala mo ba ang mga nangyari bago ka mawalan ng malay?" tanong naman sa akin ni Inaki.
Napapikit ako kasabay ng pag-play sa utak ko ng mga pangyayari. Kusang tumulo ang mga luha ko nang makita kung ano ang mga nagawa ko sa mga itim na Nine Tailed Fox. Parang hindi ako ang nasa katawan ko. Ni hindi ko alam kung paano ko nagawa ang mga iyon. Hindi ko alam kung bakit ganoon ako kalakas.
"Alam kong mahirap paniwalaan ang lahat at magulo pa sa 'yo ang mga nangyayari. Ngunit Akira, ito na ang buhay na mayroon ka, malayo sa buhay na kinagisnan mo," narinig ko pang sabi ni Inaki.
"Anong kailangan sa akin ng mga itim na Nine Tailed Fox?"
Narinig ko ang mga yabag ni Inaki na palapit sa akin hanggang sa makarating siya sa tabi ko. Tumanaw rin siya sa may bintana at pinagmasdan ang mga estudyanteng nagmamadali na sa pagpasok.
"Iyon ang hindi pa nakukumpirma ng mga magulang mo. Ngunit malakas ang kutob namin na nais kang gamitin ng Hari ng mga Black Nine Tailed Fox laban sa mga magulang mo. Matagal nang gustong sakupin ng mga kalaban ang lahi natin, at ikaw ang nakikitang kahinaan ng mga magulang mo."
Mapakla akong napangiti. "Kaya ba lagi nila akong iniiwan mag-isa?" sarkastikong sabi ko naman. Kung malaki na pala ang threat sa buhay ko, paano pa ako nagagawang iwan na lang ng ganoon ng mga magulang ko? Kung ako ang kahinaan nila, bakit parang balewala lang naman ako sa kanila.
"Dahil kapag lagi ka naming kasama, mas malaki ang banta sa buhay mo sapagkat malalaman ng mga Black Nine Tailed Fox na ikaw ang anak namin."
Sabay kaming napalingon ni Inaki sa nagsalita. Muling tumulo ang luha ko nang makita ko si Mommy. Ibang iba ang itsura niya ngayon. Naka-dress siya na mahaba na kulay pula, may korona sa ulo niya at ramdam na ramdam kong siya talaga ang isa sa pinakamataas na nilalang dito sa mundong ito.
"Magandang umaga po Mahal na Reyna," magalang na bati naman ni Inaki kay Mommy.
"Inaki, maaari mo ba muna kaming iwan ng anak ko?" nakangiting sabi naman ng aking ina kay Inaki.
"Masusunod po."
Agad na lumabas ng kwarto si Inaki kaya kami na lang ni Mommy ang naiwan dito sa loob. Lumapit naman sa akin si Mommy at saka mahigpit akong niyakap.
"Kumusta ang pakiramdam mo anak? Ayos ka lang ba? May masakit ba sa 'yo?" sunod sunod na tanong niya sa akin.
"O-okay lang po ako Mommy," maiksing sagot ko naman.
Bumitaw sa akin si Mommy at saka ako marahang hinila paupo sa may bed. Bahagyang inayos din niya ang ilang hibla ng buhok na tumabon sa mukha ko.
"Alam kong masama pa rin ang loob mo sa amin ng Daddy mo, ngunit katulad ng lagi naming sinasabi, para sa 'yo ang lahat ng ginagawa namin. At ito na siguro ang tamang panahon para malaman mo ang lahat," nakangiting sabi naman sa akin ni Mommy.
"Hindi ko po maipapangako na matatanggap ko lahat Mommy pero handa po akong makinig sa inyo," seryosong sabi ko naman.
Marahang ngumiti si Mommy at saka siya nagpakawala ng buntong hininga. "Isa akong tao at isa namang Nine Tailed Fox ang Daddy mo."
Gulat na tumingin ako kay Mommy. "Pero may siyam po kayong buntot at nakita ko iyon."
"Dahil mas pinili kong maging kalahi ng Daddy mo. Marami kaming pinagdaanan upang maipaglaban lang namin ang pagmamahalan namin, at isa na doon ang pagdaan ko sa mga ritual at iba't ibang proseso upang magkaroon ako ng siyam na buntot. Pinili kong maging isang Nine Tailed Fox upang wala nang maging hadlang pa sa amin ng Daddy mo," pagkukuwento naman niya sa akin.
"Kung ganoon po ay Nine Tailed Fox na kayo noong ipinanganak niyo ako?" curious na tanong ko naman.
Marahang umiling si Mommy. "Tumagal ng labing walong taon ang ritual at prosesong pinagdaanan ko upang maging isang tunay na Nine Tailed Fox. Kaya isa pa rin akong tao noong ipinagbuntis kita anak. Kaya ang dugong nananalaytay sa 'yo ay kalahating tao at kalahating Nine Tailed Fox.
Ito rin ang dahilan kung bakit hindi namin agad nasabi sa 'yo ang pagkatao ng Daddy mo. Hindi ka rin namin maisama dito sa mundong ito sapagkat hindi pa namin alam kung anong dugo ang mananaig sa 'yo. Naghintay kami hanggang sa sumapit ang ika-labing walong taong kaarawan mo sapagkat ito ang tamang edad para sa pagpapalit anyo ng isang Nine Tailed Fox."
"Ngunit hindi ako nagkaroon ng siyam na buntot noong birthday ko," pagsisinungaling ko naman.
"Alam namin anak ngunit hindi kami nawalan ng pag-asa ng Daddy mo. Kahit naman hindi lumabas ang siyam mong buntot, lumabas naman ang mga kakayahan at abilidad na namana mo sa Daddy mo. Kaya nandito ka ngayon anak, sapagkat isa ka nang kalahi," nakangiting sabi naman ni Mommy.
Hindi ko gustong magsinungaling sa kaniya ngunit sa ngayon ay sasarilinin ko na muna na lumabas na ang siyam kong buntot.
"Paano po pala kung kahit ang mga kakayahan ay wala ako? Paano kung isa pala po akong normal na tao?" wala sa sariling naitanong ko naman.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Mommy. "Kailangan mong pagdaanan ang ritual upang maging isang ganap na Nine Tailed Fox."
Pagak akong napatawa kasabay ng pagtulo ng mga luha ko. "Kung ganoon, wala po pala akong choice kundi ang maging Nine Tailed Fox pa rin? Paano Mommy kung ayaw ko? Paano kung mas gusto ko pa rin ang maging tao? Tutal naman ay nabibisita niyo pa rin ako kahit nandito kayo, hindi ba?"
"Anak, ikaw ang nag-iisang prinsesa ng mga Nine Tailed Fox kaya wala sa option mo ang pagiging isang tao. Kailangan mong harapin ang responsibilidad ng pagiging isang tagapagmana ng trono," seryosong sabi naman sa akin ni Mommy.
"Kung ganoon, bakit nandito ako? Bakit wala ako sa palasyo niyo?" sunod sunod na tanong ko naman.
Bahagyang natigilan si Mommy. Hindi niya siguro inaasahan na magtatanong ako kung bakit dito ako nag-i-stay sa dorm ni Inaki. Ngunit kalaunan ay nakabawi sa pagkabigla si Mommy.
"Alam mo naman siguro ang panganib na dulot ng mga Black Nine Tailed Fox kaya napagdesisyunan namin ng Daddy mo na huwag na munang sabihin sa lahat na ikaw ang prinsesa. Alam kong mahirap anak ngunit kailangan mong pumasok sa academy dito bilang isang normal na Nine Tailed Fox," seryosong sabi pa niya.
"Ibig sabihin po pala ay hindi ko pa rin kayo makakasama dito sa mundong ito," malungkot kong sabi.
Hanggang dito pa rin pala ay manghihingi pa rin ako ng oras sa mga magulang ko. Hanggang dito pa rin pala ay hindi nila maipagmamalaking ako ang anak nila.
"Anak, pansamantala lang naman ito. Ipapakilala ka namin sa lahat sa tamang panahon. Basta magtiwala ka lang sa amin ng Daddy mo," malumanay na sabi naman ni Mommy.
Marahan akong tumango. Pinunasan ko ang mga luhang kumawala sa mga mata ko at saka seryosong tumingin sa kaniya. "Masyado po akong maraming nalaman ngayon. Gusto ko po munang mapag-isa Mommy."
"Akira, anak."
"Okay lang po ako. Gusto ko lang po talagang mapag-isa muna."
Tumango naman si Mommy. Hinalikan niya ako sa noo ko bago siya tumayo. Inilabas niya ang siyam niyang buntot at sa isang iglap ay nawala siya sa paningin ko. Pabagsak naman akong humiga sa kama at tumitig lang sa kisame.
I'm tired. I'm confused. And I'm drained.