24

2535 Words
AKIRA'S POV "Akira, bumangon ka na dyan. Tara na kasi," pangungulit sa akin ni Inaki. Nagtalukbong ako ng kumot dahil ayokong bumangon at sumama sa kaniya. Kanina pa kasi niya ako kinukulit na sumama sa kaniya dahil igagala raw niya ako sa Academy bago magsimula ang pasukan. Bakasyon pala kasi dito sa mundo nila at ang pasukan ay sa isang linggo pa. Kaya lang pala maraming estudyante noong nakaraan ay dahil nag-aasikaso ang mga ito ng mga papel nila para sa darating na pasukan. Inayos na rin itong dorm ni Inaki. Dalawa na ang bed at dinagdagan din ng cabinet. Dito na talaga ako maninirahan dahil mas kampante raw ang magulang ko kung si Inaki ang makakasama ko sa araw araw. Estudyante rin pala kasi si Inaki sa Academy dito kaya siniguro ng mga magulang ko na magkaklase kami ng babaeng ito. "Sige na. Tutulungan kitang ma-contact si Miro kapag sumama ka sa akin ngayong araw," dugtong na sabi pa ni Inaki. Agad akong napabangon dahil sa narinig sa kaniya. Simula kasi nang mapunta ako dito sa mundong ito ay hindi ko pa nakakausap si Miro. Kahit sinabi na sa akin ni Inaki na isa rin daw Nine Tailed Fox si Miro, hindi pa rin ako makapaniwala. Dahil kung nandito na rin si Miro, paniguradong ako na agad ang una niyang hahanapin para makausap at makita. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring Miro ang nagpapakita sa akin. Maski nga si Shin ay hindi ko pa rin nakikita. Simula kasi nang magising ako, hindi pa ako naglalakas loob na lumabas ng kwarto. Hindi rin naman nag-eeffort si Shin na bisitahin o kumustahin ako. Sabagay, sino nga ba naman ako para kumustahin niya? Isa lang naman akong trainee niya noon at ngayong tapos na ang pagiging trainor niya sa akin, wala nang dahilan pa para kausapin ako. "Alam mo, hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na mahal na mahal mo si Miro," dugtong na sabi pa ni Inaki kaya agad akong napatingin sa kaniya. "What do you mean?" nagtatakang tanong ko naman. Parang bigla namang nagulat si Inaki sa sinabi niya sapagkat napatutop siya sa kaniyang bibig. "Ah, kasi ano. Alam mo namang kilala ko siya. At hindi ko inaasahan na mai-inlove siya. I mean, hindi ko naman sinisiraan si Miro sa 'yo. Hindi lang talaga ako makapaniwala. I'm sorry," alanganing paliwanag naman niya sa akin. Napatawa naman ako dahil sa itsura ng mukha ni Inaki. Halatang kinakabahan siya sa magiging reaksyon ko sa sinabi niya. "Well, maski ako naman ay nagtataka rin. Alam mo bang dakilang bully si Miro at ako ang paborito niyang i-bully noon," nakangiting sabi ko naman sa kaniya. "Talaga? So paano naging kayo?" Nagpakawala ako ng buntong hininga. "Hindi ko rin alam. Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Simula nang magising ako na nasa LA na ako at wala akong masyadong maalala, biglang nag-iba na rin ang relasyon namin ni Miro." "W-wala kang maalala? At alam mong mayroong alaala na nawala sa isipan mo?" alanganing tanong naman niya sa akin. Marahan akong tumango. "Hindi man sabihin sa akin ng mga magulang ko, alam kong may ginawa sila sa akin noong gabing iyon. At mas lalo kong napatunayan iyon dahil alam ko nang may kakayahan silang gawin iyon. Hindi ko lang alam kung anong nangyari at bakit kailangan nilang burahin ang mga alaalang iyon," seryosong sagot ko naman. "Saka na lang natin isipin 'yan. Tara na, sumama ka na sa akin." Tumayo si Inaki at hinawakan ang kamay ko. Pilit niya akong hinihila patayo ngunit hindi ako nagpapadala sa kaniya. Seryoso akong nakatingin sa kaniya nang biglang may pumasok sa isipan ko. "Bakit pakiramdam ko ay alam mo iyon? Pakiramdam ko ay may kinalaman ka rin sa pagbubura ng alaala sa akin," nagdududa kong tanong sa kaniya. "Akira, kung may alam man ako, wala akong karapatang sabihin sa 'yo iyon dahil kung may dapat mang magsabi o magbalik ng alaala mo, ang Hari at Reyna iyon. Kaya please lang, tara na lang," nakangiting sabi naman niya. Marahan akong napatango. May punto nga naman siya doon. Baka kapag pinilit ko pa siyang magsalita ay siya naman ang malagay sa alanganin at ayokong mangyari iyon sa kaniya. Hindi na ako nagsalita pa at nagpahila na lang ako sa kaniya palabas ng kwarto. Isang mahabang hallway ang bumungad sa akin nang makalabas kami ng kwarto. Marami pang ibang pinto na sa tingin ko ay mga kwarto rin ng iba pang estudyante. Walang mga estudyante ang nasa hallway. Hanggang sa makababa kami sa may parang lobby. Ang itsura kasi ng dorm ay may dalawa itong palapag. Sa second floor ay mga kwarto ng mga estudyante. Sa ground floor naman ay ang lobby kung saan may place para magbasa ng libro, may kusina at may maraming table na parang nasa cafeteria. Maraming estudyante ang nakatambay ngayon sa may mini library at nagbabasa ng libro. Napakaraming libro ang nakalagay sa book shelves at nakakaramdam ako ng excitement na matingnan ang lahat ng libro. Ang iba naman ay nasa kusina at tahimik na kumakain. "Karamihan sa mga Nine Tailed Fox ay mahilig magbasa ng libro," narinig kong sabi ni Inaki sa akin. Marahan naman akong napatango. So kaya pala mahilig din ako sa mga libro dahil parte iyon ng lahing dumadaloy sa dugo ko. "Ang dorm na ito ay tinatawag na Dorm C. May apat kasing Dorm ang academy. Ang Dorm A ay para sa member ng Faculty. Ang Dorm B ay para naman sa mga Fox na nag-eexcel sa klase. Dito nakatira ang mga estudyanteng itinadhana bilang maging isang Celestial Fox," pagpapaliwanag pa sa akin ni Inaki. "Celestial Fox?" curious na tanong ko. Pamilyar sa akin ang salitang iyon ngunit hindi ko maalala kung saan ko narinig iyon. "Yes. Ang mga Celestial Fox ay ang mga malalakas na Nine Tailed Fox na magpoprotekta sa kaharian natin. Sa grupo ng mga Celestial Fox din nanggagaling ang mga nagiging myembro ng Konseho at myembro ng mga tagaturo dito sa Academy," sagot naman niya sa akin. "Konseho? Ano naman iyon?" "Ang Konseho ang katuwang ng Hari at Reyna sa pamumuno dito sa mundo natin. Mayroon tayong apat na Myembro ng Konseho, sila sina Ginoong Duran, Ginoong Nandro, Ginoong Alberto at Ginang Celia." Nakalabas na kami sa dorm at bumungad sa akin ang napakalawak na garden. Apat na building ang pumapalibot sa garden na ito at isa na nga dito ay ang dorm na tinitirhan namin ni Inaki. "Iyan ang Dorm A. Maliit lang iyan sapagkat kakaunti lang naman ang member ng Faculty ng Academy. Ang katabi niya ay ang Dorm B para sa mga top na estudyante. At itong dorm natin ay ang Dorm C, para sa mga babaeng estudyante at lastly, ang Dorm D na para naman sa mga lalaking estudyante." Inilibot ko ang paningin ko at inisa isa ang mga dorm na binanggit ni Inaki. Mas maganda pa ang mga ito kumpara sa mga establishment ng Kitsune Academy. "Teka pala, bakit may dorm dito? Malayo ba ang academy sa mismong bayan ng Nine Tailed Fox?" curious na tanong ko naman. "Yes, malayo ang kabihasnan sa school upang protektahan din ang city. Hindi kasi ordinaryong school ito Akira. Dito sa school na ito, sinasanay ang lahat ng kakayahan at abilidad ng mga estudyante. Kaya more on training ang klase natin," nakangiting sagot naman niya sa akin. "So nasaan ang mismong school?" Agad akong hinila ni Inaki papunta sa may gilid ng Dorm A. May maliit kasing hallway doon at pagdating namin sa dulo noon ay bumungad sa amin ang isang napakalaking building. Sa palibot ng building na ito ay mga malawak na field na halos kasinglaki ata ng sampung pinagsama-samang soccer fields. "Welcome to NTF Academy, Princess Akira," nakangiting sabi pa sa akin ni Inaki. "Wow!" ang tanging nasabi ko na lamang. Hindi maikakailang napakaganda ng school na ito. Mas maganda pa ito sa Kitsune Academy at paniguradong pagkakaguluhan ito ng mga mayayamang estudyante sa mundo ng mga tao. "Well, halata naman siguro na ang building sa gitna ay ang mga classroom at ang malawak na damuhang ito ay ang training field. At kapag may mga conference o meetings, or events, ang field na ito ay nagiging isang malaking gymnasium," paliwanag sa akin ni Inaki. "Kailan nga ulit ang pasukan?" tanong ko naman sa kaniya. "Next week. Pero sabi sa akin ni Reyna Rachelle, naayos na ang papers mo at naka-enroll ka na. Makikilala ka ng lahat bilang si Aki Mendoza, isang Nine Tailed Fox na lumaki sa mundo ng mga tao. Baka mamaya or bukas ay ide-deliver na sa dorm ang uniform mo at mga ibang gamit na gagamitin mo sa academy," nakangiting sagot naman niya sa akin. "Paano ko ipapaliwanag sa lahat ang hindi paglabas ng siyam kong buntot?" kinakabahang tanong ko naman. Marahang ngumiti naman sa akin si Inaki. "Medyo problema nga 'yan dahil wala pang Nine Tailed Fox ang may kakayahan na gamitin ang mga abilidad niya nang hindi pinapalabas ang siyam niyang buntot. Ipinaliwanag naman na iyon ni Ginoong Duran sa Faculty Members. Ang kailangan mo na lang harapin ay ang mga tanong na ibabato sa 'yo ng kapwa natin estudyante. Pero don't worry, kasama mo naman ako. We can handle them," confident na sagot naman niya sa akin. Hindi ako confident sa sagot niya. Paniguradong pagkakaguluhan ako ng mga estudyante kapag nalaman nilang may kakayahan ako pero wala akong siyam na buntot. May siyam na buntot naman ako ngunit wala akong lakas ng loob na ipakita sa lahat iyon. Hanggang sa mundong ito ay kailangan ko pa ring magpanggap. Nakakatawa lang na puro pagpapanggap ang buhay ko. Maski ako ay hindi ko na yata kilala ang sarili ko. "So ready ka na ba gumala sa mismong city?" pag-iiba naman ng usapan ni Inaki. "Akala ko ba dito sa school mo lang ako itu-tour?" Humakbang palayo sa akin si Inaki at saka humarap na nakapamewang pa. "Oo kaso ito na 'yon e. Malilibot mo rin naman ito kapag nag-start na ang pasukan. Ang city ang kailangan mong makita upang mas ma-familiarize ka sa bagong mundo mo," nakangiting sagot pa niya sa akin. Muling hinawakan ni Inaki ang kamay ko at hinila papunta sa may gate ng academy. Wala namang bantay doon at hindi sarado ang gate kaya mabilis kaming nakalabas. "Dahil bakasyon pa, open pa ang gate na ito at malayang malaya na maglabas pasok ang mga estudyante. Ngunit sa oras na mag-start na ang klase, sarado na ito. At makakapunta lang tayo sa city kapag weekends," paliwanag pa niya sa akin nang mapansin niyang kumunot ang noo ko nang makita kong nakabukas lang ang gate. "So paano tayo makakapunta sa city? May sasakyan ba dito o maglalakad lang tayo?" tanong ko naman. "Walang sasakyan dito. Ngunit may kalesa naman as means of transportation. Bilang estudyante kasi, hindi natin basta basta magagamit ang abilidad natin. Hindi tayo basta pwedeng mag-teleport na lang." Bahagya akong napangiti nang may ma-imagine ako. "Ang weird lang. Isang fox na nakasakay sa kalesa na hinihila ng kabayo." Napatawa rin si Inaki sa sinabi ko. May tumigil na isang kalesa sa harap namin at agad naman kaming sumakay doon. "Anyong tao pa rin naman tayo so hindi ganoon ka-weird tingnan," nakangiting sabi sa akin ni Inaki nang magsimula na kaming umalis sakay ng kalesa. "So anyong tao na may siyam na buntot tayo, hindi ba? Hindi ba tayo nag-aanyong fox talaga?" biglang naitanong ko sa kaniya. "Pili lang ang mabiyayaan ng fox spirit. Ang fox spirit ang nag-aallow sa lahi natin na mag-anyong fox na may siyam na buntot. Kalimitan ay mga malalakas na fox ang may kakayahan na ganoon, like Celestial Fox, ang mga royal bloods katulad ng magulang mo," sagot naman niya sa akin. "So bukod pala sa kailangan kong palabasin ang siyam kong buntot, kailangan ko ring mapalabas ang fox spirit ko," wala sa sariling sabi ko naman. "Don't worry. Mapapalabas mo rin ang nine tails mo at ang fox spirit mo," nakangiting sabi naman ni Inaki. Umiwas ako ng tingin. Kakaiba na nga ang siyam kong buntot, baka ang fox spirit ko rin ay kakaiba ang itsura. Paano ko matatanggap ang sarili ko kapag nagkaganoon? Paano ako matatanggap ng mga kalahi ko? Isang katahimikan ang namagitan sa amin ni Inaki. Hanggang sa lumipas ng halos sampung minuto at tumigil ang kalesang sinasakyan namin. Nagbayad lang si Inaki at bumaba na kami. "Anong klaseng pera pala ang mayroon sa mundong ito?" hindi ko napigilang itanong. Ipinakita ni Inaki ang hawak niya. Isang pilak at isang ginto na kasing liit ng butil ng bigas. "Ito ang pera natin. Ang pilak ang mas mababang halaga at ang ginto ang mas mataas ang halaga. Lahat ng estudyante ng academy ay may allowance na ibinibigay at iyon ay depende sa ranking mo sa school. Since bago ka palang, ang allowance na matatanggap mo ay ang minimum. Sa tingin ko ay ibibigay nila sa 'yo iyon kasabay ng uniform mo." "Magkano naman ang minimum na iyon?" "Ang alam ko ay limampung pilak at tatlumpung ginto. Teka, nandito na tayo. Tara dali!" Hinigit ako ni Inaki papunta sa siyudad ng mundong ito. Sa mismong pamilihan kami naroroon. Maraming mga stall ng tindahan ang nandito at kung ano-ano ang mga paninda nila. Sa hindi kalayuan ay may parang park na maraming nakatambay at karamihan sa kanila ay mga pamilya. Marami pang mga sanga-sangang daan sa palibot na sa tingin ko ay mga daan papunta sa mga residential area ng lugar na ito. At ang mas nakaagaw ng atensyon ko ay ang palasyong tanaw na tanaw dito sa pwesto ko. Hindi naman ito kalayuan sa siyudad ngunit kitang kita na napapalibutan ito ng pader na napipunturahan ng kulay asul. Ang buong palasyo naman ay napipinturahan ng kulay gray. "Iyan ang palasyo ng Hari at Reyna. Iyan ang palasyong namumuno sa mga White Nine Tailed Fox," bulong sa akin ni Inaki. So ito pala ang tirahan ng mga magulang ko. Yung mga araw at buwan na akala ko ay nasa business trip sina Mommy ay nandito pala sila, isinasagawa ang ritual upang maging ganap na Nine Tailed Fox si Mommy. "Ibig bang sabihin ay hindi totoo ang mga business ng magulang ko sa mundo ng mga tao?" seryosong tanong ko pa kay Inaki. "Totoo iyon Akira. May mga katiwala sila na namamahala sa mga businesses nila. At ang mga kinikita nito ay napupunta sa mundong ito. Kaya kung mapapansin mo, napakaunlad ng lahi natin dahil sa maayos na pamamalakad ng Daddy at Mommy mo," nakangiting sagot naman sa akin ni Inaki. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit may mga allowance na kayang ibigay ang academy sa mga estudyante. At sa nakikita ko nga, maunlad ang syudad at maraming produkto ang nakakapasok sa mundong ito. "Marami pang plano sina Haring Alejandro at Reyna Rachelle sa nasasakupan nila. Inihahanda nila ang lahat upang kapag naipasa na nila ang pamamahala sa 'yo, maunlad na ito at mas lalong mapapaunlad mo pa," dugtong na sabi pa ni Inaki. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa sinabing iyon ni Inaki. Hindi ko alam kung maa-appreciate ko ang mga ginagawa ng magulang ko para sa akin. Paano ko matatanggap ang mundong ito kung mismong sarili ko ay hindi ko kayang tanggapin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD