II
ALEYNA
"Ako si Heneral Argus Herald Maldeva, nandirito ako upang maging isa sa mga hukbong sundalo ng kahariang Egeskorv."
Pagpapakilala niya sa sarili niya ngunit nananatili akong nakatitig sa kanya. Saang bansa nagmula ang makisig na binatang ito?
"Prinsesa Aleyna ?" untang ni Charlie. Isinara niya ang nakanganga kong bibig.
"Pasensya ka na sa mahal nating Prinsesa. Siya'y kagigising pa lamang mula sa pagkakabagok, aking kaibigan," sabi ni Prinsipe Charlie.
Tumingin ako sa kanya at siniko siya. Napaubo siya sa ginawa ko. Tumikhim ako at ngumiti sa Heneral.
"Niligtas mo ang buhay namin ng Prinsipe Charlie. Maraming salamat sa'yong katapangan," wika ko at yumukod ng bahagya sa kanya.
Nagsalita ang Amang Hari. "Ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-uusap sa ating hapag, sapagkat nakahanda na ang ating mga pagsasaluhan."
Tumayo siya sa kanyang trono at nagpatiunang naglakad. Nauna akong tumalikod at sumunod sa aking Amang Hari. Nasa likuran ko si Yanra at ilang alipin.
Kung alam ko lang na isang Heneral Argus ang makakaharap ko, edi sana ay ginandahan ko ang aking kasuotan. Pwede bang magpalit muna ako?
Kaya dahil doon ay lumiko ako patungo sa aking silid. Nagtataka man sila Yanra ay wala silang nagawa kung hindi ang sumunod sa'kin.
Pagkapasok ko sa aking silid ay hinarap ko sila Yanra.
"Ihanap ako ng pinakamagandang kasuotan, ngayon din!" Utos ko sa kanila.
Yumukod sila at sumunod sa utos ko.
Nagtungo ako sa aking pang buong katawan na salamin. Nangiwi ako sa aking hitsura.
Mukha akong kawawang nilalang na kung saan pinulot. Bakit ba kasi hindi ko naisipang mag-ayos muna kanina bago lumabas ng aking silid?
Sobrang gulo at haba ng itim na buhok ko. Inalis ko ang benda na nakapaikot sa ulo ko. Pinalitan ko iyon ng gaza pang medisinal. Wala pa rin akong maalala sa nangyari kahit na ano'ng kalkal ko sa isipan ko.
Inayusan ko ang sarili ko at isinuot ang tiara ko. Napatitig ako sa sarili ko habang nilalagyan ko ng kaunting pangkulay ang aking labi. Isa na pala akong ganap na dalaga. Kaya labis ko na napansin ang mga pagbabago sa sarili ko maging sa katawan ko.
Ang mga mata ko ay mula sa aking Ina. Sinasabi ng aking mga kapatid at kamukha ko siya. Para raw siyang nabuhay sa pamamagitan ko. May katotohanan naman ang sinasabi nila sapagkat nakita ko sa mga likhang pinta ang wangis ng aking Ina.
Hindi ko na siya nakagisnan sapagkat yumao siya dahil sa panganganak sa'kin. Kaya mga ilang taon din na itinago ng Aking Amang Hari ang aking mukha upang itago sa aking mga kapatid maging sa buong mamamayan.
Isa sa pinakamalungkot na sandali na pinaramdam nila sa'kin na hindi na dapat ako nabuhay sapagkat namatay ang aming Ina dahil sa'kin.
Isa raw akong sumpa.
Isang malas na siyang ikasasawi ng lahat.
Kaya sa murang edad ko ay naisip ko na kitilin ang buhay ko.
Kaya, salamat kay Prinsipe Charlie...
Siya ang pumigil noong binalak kong gawin 'yon sa sarili ko.
Doon din nagsimula ang aming pagkakaibigan.
Tick...
Tock...
Tick...
Tock...
Napahawak ako sa orasang kwinta na bigay niya. Lumalakas na naman ang tunog nito. Pumikit ako at may kung anong rumerihistro sa isipan ko.
"Sa bawat tumatakbong oras ay katumbas ng pagtakbo ng buhay natin," wika ni Prinsipe Charlie. "H'wag mong sasayangin ang oras mo, laging tatandaan na kahit na ano'ng oras o panahon, nandoon ako." Nakangiting sabi niya.
Napangiti rin ako sa kanya.
"Sinabi mo na rin 'yan noong mga bata tayo."
"Tanda mo pa pala, mabuti naman," sabi ni Charlie.
"Sabi mo pa nga noon, gusto mong maging oras upang maging mahalaga ka. Eh, mahalaga ka naman sa'kin."
Napatingin siya sa'kin at ngumiti ng matamis.
"Edi ako ang oras mo. Para kahit saan ka magpunta, nandoon ako. Nandito lang ako, Prinsesa Aleyna. Kaya 'wag ka na malungkot ha?"
Napatingin siya muli sa Talon ng buhay.
"Sa bawat pagtakbo ng oras...nandoon ako, kasama ka," wika niya.
"Kasama ka..."
"Kasama ka..."
"Kasama ka..."
"Prinsesa Aleyna?"
Napamulat ako ng mga mata. Nakahiga ako sa aking kama. Pagkatingin ko sa labas ng bintana ay madilim na.
Napatingin ako kay Yanra. "Ano'ng nangyari?" tanong ko sa kanya.
"Mahal na Prinsesa, ika'y nawalan ng malay habang inaayusan mo ang 'yong sarili kanina. Marahil ay dahil sa pinsala sa'yong ulo," sagot niya.
Pero ang huli kong naalala ay ang tunog nitong orasan.
Napakapa ako may dibdib ko. Nanlaki ang mga mata ko nang wala akong maramdaman na kahit na ano'ng suot.
"Nasaan ang suot kong kwintas, Yanra?" Nanlalaki ang mga mata kong tanong sa kanya.
"Mahal na Prinsesa? Ano po ang inyong sinasabi? Wala ka naman pong suot na kahit na ano'ng palamuti."
Nangunot ang noo ko at nagpatuloy sa paghahanap ng kwintas.
" Hindi! May suot ako, kwintas siya na orasan, luma na siya. Bigay ni Prinsipe Charlie sa akin 'yon," sabi ko at patuloy na hinahanap ang kwintas.
Bakit naman iyon biglang mawawala ng gano'n nalang?
"Patawad mahal na Prinsesa, ngunit wala ka po talagang suot na ganon kanina pa."
Sa pagkayamot ko ay pinagbabato ko ang mga unan.
"Pwede ba? Tulungan mo nalang ako na hanapin iyon, Yanra!" Bulyaw ko na sa kanya.
Umikot ako sa kama ko at hinanap ko sa ilalim. Pero wala pa rin. Kaya nagtungo sa mga lagayan ko ng kasuotan, sa mga drawers ko at mga kahon kung saan nakalagay ang mga ko.
Pero wala talaga ang kwintas.
"Mahal na Prinsesa, huminahon po kayo baka kayo'y mawalan na naman ng malay." Pag-aalala ni Yanra.
Dahil sa pagkayamot ay hindi ko napigilang sigawan siya. "Manahimik ka! Kailangan kong mahanap 'yon!"
Napayuko siya maging ang dalawang alipin ko.
"Hindi 'yon pwedeng mawala ng gano'n nalang! Hanapin niyo! Sundin niyo ang utos ko!" Patuloy kong bulyaw sa kanila.
Gulong-gulo na ako sa mga nangyayari. Pakiramdam ko ay hinahalukay ang utak ko. Kailangan nga ay nagpapahinga pa ako pero hindi ko ito pwedeng ipagsawalang bahala sapagkat alam kong mahalaga ang bagay na iyon na siyang bigay ni Prinsipe Charlie.
"Ano'ng nangyayari? Sa labas palang ng 'yong silid ay dinig ko na ang malakas na boses mo, mahal na Prinsesa Aleyna."
Napatingin ako sa pumasok sa aking silid.
Si Prinsipe Charlie.
Nakakunot noo siyang palapit sa'kin. Yumukod sila Yanra at naglakad na palabas ng silid ko.
"Maayos na ba ang pakiramdam mo at nakakapagbulyaw ka na d'yan?" aniya at pinameywangan ako.
"Paano ba naman ako hindi maiinis, iyong kwintas na ibinigay mo sa'kin ay nawawala!"
"Iyong suot mo ba kanina?" tanong niya.
Bakit siya nakikita niya?
"Oo 'yon na nga," sabi ko.
Natawa siya.
Napakunot noo ako. "Mahal na Prisipe, may nakakatawa ba?"
"Mahal na Prinsesa, mukhang kailangan mo ngang magpahinga pa...kasi wala ka namang suot na kwintas kanina pa," wika niya.
Labis na akong nagtaka. Ako lang ba ang may nakikita na hindi nakikita ng iba?
"H'wag mo akong binibiro ng ganyan, Prinsipe Charlie." Banta ko sa kanya.
"Maniwala ka, wala kang kwintas na suot."
"Eh, tiningnan mo pa nga 'yon kanina ah! Dito oh!" Itinuro ko ang bandang dibdib ko.
Lalo siyang bumalinghit ng tawa.
"Paano kita hindi tatawanan, wala kang bra na humarap sa'min kanina ni Heneral Argus. Nakabakat ang pasas, Prinsesa Aleyna." Natatawang sabi niya.
Natulos ako sa kinatatayuan ko at napatitig sa kanya.
Nasa kahiya-hiyang sitwasyon pala ako kanina...
Anak ng—
Bigla ay pinaghahampas ko ang braso niya.
"Ang bastos mo talaga kahit kailan Prinsipe Charlie!"
Pinagsasalag niya ang hampas ko habang patuloy na tumatawa.
"Tuwang-tuwa ka pa sa katarantaduhan mo ah!" Tinulak-tulak ko siya.
"Oo na, patawad. Ikaw naman kasi, sa susunod 'wag kang haharap ng gano'n ha?" sabi niya. Hininto ko naman ang paghampas sa kanya.
Nagtungo ako sa balkonahe ng aking silid. Sinundan niya ako.
"Nasaan na pala ang 'yong kaibigan?" tanong ako. Napatingala ako sa ganda ng sinag ng buwan.
"Siya'y nasa kampo ng kaharian. Marahil ay magpapahinga na siya."
"Hindi man lang ako nagkaroon ng pagkakataon na makausap siyang muli."
Bakit ba kasi ako nawawalan ng malay ng biglaan?
"Pwes, kinagagalak naman niya na malaman na ika'y nasa maaayos na ang kalagayan."
"Charlie, sa'yo ko lang muna sasabihin ito. H'wag kang mabibigla."
Hindi ko alam marahil ay dala ito ng pagtibok ng aking puso para sa Heneral Argus.
Napatingin siya sa'kin. "Ang alin?"
Itinapat ko ang palad ko sa parte kung nasaan ang puso ko. Dama ko ang bilis ng t***k nito.
"Ang aking puso ay isinisigaw na si Heneral Argus."
Nabitawan niya ang hawak niyang espada at napanganga.
"Anak ng bibe, agad-agad? Ano wari ang 'yong puso? Kasing bilis tumatakbong kabayo?" Gulantang na wika niya.
Napakibit balikat ako.
"Iniibig ko na nga siya eh..."
Napasapo siya ng noo. "Mahabaging Santa Elena..."