IV
ALEYNA
Pakiramdam ko ay iniikot ako kung saan. Pagkatingin ko sa paligid ko ay nandito ako sa balkonahe ko. Napakalakas ng buhos ng ulan. Napahawak ako sa uluhan ko at nakapa ko ang isang koronang nakasuot sa'kin.
Pumasok ako sa loob ng aking silid. Habang paharap ako sa salamin ay parang ulan na bumubuhos sa isipan ko ang lahat.
Suot ko ang korona ng mga nagiging reyna ng Egeskorv.
Isa akong reyna na siyang kinatatakutan ng kahariang ito. Taas noo akong nakatingin sa salamin at napahawak sa orasan na siyang suot ko. Hawak ko na ang lahat ngayon. Walang magagawa ang lahat kung hindi sundin ang mga kagustuhan ko.
Napakabilis na lumipas ng panahon. May ilang taon na rin nang mailuklok ako sa pagiging reyna. Kasabay ang labis na sakit na siyang aking pilit na pinahihilom sa nagdaan na panahon.
Ang iniibig ko na si Heneral Argus na siyang hindi napasakin.
Sapagkat may kasintahan siya at ang pinakamasakit na parte ay nakipagisang dibdib siya kay Prinsesa Charlotta-na siyang kapatid ni Prinsipe Charlie.
Siya ang Prinsesa na kapatid ni Charlie. Kahit na ipinagtapat ko ang aking pag-ibig noon kay Heneral Argus. Ito'y kanyang tinanggihan. Sinabi pa niya na hindi niya ako iibigin kailanman.
Nang dahil doon ay lumawak ang hidwaan namin ng Prinsesang kanyang pinakasalan. Naging magiting na Heneral siya ng sandatahang Kronborh.
Napalingon ako nang marinig ko ang pagpapatugnog ng trumpeta.
Ibig sabihin ay natatanaw nila ang hukbong pasugod sa kahariang Egeskorv.
Hindi ako nagkamali na uunahin nila ang teritoryong sakop ko. Pagkatapos ay isusunod nila ang teritoryong hawak ng aking mga kapatid.
Kinuha ko ang aking espada at lumabas ng aking silid. Kailangan kong maghanda para sa pagsugod na gagawin.
Kailaliman ng gabi at umuulan pa. Sinadya nilang itapat sa mga oras na ito.
Sinalubong ako ni Yanra. Sinuotan niya ako ng kalasag na pandigma. Hindi pwedeng 'di ako lalaban.
"Nasaan ang aking Hari?" tanong ko.
"Nagtungo po siya sa silid ng mahal na Prinsipe," sagot niya.
Napahinto ako. Naalala ko ang aking munting Prinsipe.
Siya'y tatlong buwang gulang pa lamang. Isang malaking kasiyahan sa buong kaharian ang pagsilang ko sa kanya. Ang pinakamamahal kong anak.
"Dumating na ba ang susundo sa aking anak?" tanong ko saka lumiko patungo sa silid kung nasaan ang aking anak.
"Paparating na po, Mahal na Reyna," sagot ni Yanra.
Nagpasya ako ilayo muna siya sa kaharian at dalhin muna sa Sentro kung nasaan ang sakop na teritoryo ni Prinsipe Nico. Alam kong ligtas siya roon.
Pagkapasok ko sa kanyang silid ay napangiti ako nang makita siya sa ibabaw ng kanyang ginintuang kuna.
Nilapitan ko siya marahang binuhat at hinele.
"Nasaan ang Hari? Sabi ni Yanra ay nandito siya?" tanong ko sa aliping nagbabantay sa aking anak.
"Mahal na Reyna, kalalabas lamang po ng Hari. Nagtungo po siya sa bulwagan," sagot nito habang nakayukod.
Tumango-tango ako at muling napatingin sa aking munting prinsipe.
"Aking anak...mahal na mahal ka ni Ina, pasensya ka na kung magkakawalay muna tayo ha?" wika ko sa kanya. Nakatitig siya sa'kin. Marahan ko siyang hinalikan sa noo. Patuloy ko siyang hinele.
Nang makatulog na ang aking anak ay muli ko siyang ibinalik sa kanyang kuna.
"Bantayan mo siyang mabuti, parating na ang susundo sa kanya. Babalik ako," utos ko sa alipin.
Yumukod siya bilang pagsangayon.
Lumabas ako ng silid at nagtungo sa bulwagan.
Natanaw ko ang aking Hari na nakaupo sa kanyang trono. May batalyon ng sundalong nakaluhod sa kanya.
"Bakit nangyari 'yon? Sino'ng gumawa?" bulyaw niya sa mga ito. Halata ang galit na tono niya.
Nagtungo naman ako sa trono ko at naupo rin. Napatingin sa'kin ang aking Hari. Napahawak siya sa kanyang sentido.
"Patawad po Haring Charlie kung wala kaming nagawa," sabi ng isang sundalo habang nakaluhod ito.
"Aking Hari, ano ba ang kanilang hinahapis?" tanong ko sa kanya.
Si Charlie ang aking Hari.
Siya ang aking napangasawa. Tutal ay napagkasundo na kaming dalawa noon pa man.
"Mahal kong Reyna, h'wag kang mabibigla sa ibabalita ko sa'yo." Wika niya.
Nakaramdam na ako ng kaba.
"Ano ang bagay na 'yon?" Tila parang ayokong marinig ang kanyang sasabihin.
Mga ilang sandali ang lumipas ay hindi siya umiimik.
"Masalita ka, Aking Hari."
Natitig siya bago sumagot.
"Nasawi ang Heneral habang nakikipaglaban sa Talon ng buhay."
Nabitawan ko ang aking espada sa narinig ko.
Ang Heneral... Si Argus.
"Paano nangyari 'yon?!" Napatayo ako sa labis na pagkabigla.
Hindi ko kayang isipin ang ibinalita sa'kin.
Lumapit sa akin ang isang kawal at may ipinakitang espada na puro dugo. Napatakip ako ng bibig at muling napaupo sa'king trono.
Hindi ito maari... Bakit... Bakit...
Kaya pala papasugod na ang isang hukbo palapit dito sa kaharian. Wala na ang Heneral. Ibinaba ng kawal sa harapan ko ang espada. Kasunod ay may iskrola siyang kinuha at iniabot rin sa'kin.
"Hinabilin niya p na ibigay raw po 'yan sa inyo, mahal na Reyna," .
Kinuha ko naman 'yon. Nanginginig ang kamay ko habang binubuklat ang iskrola. Isang liham mula sa kanya.
Reyna Aleyna,
Alam kong sa oras na mabasa mo ito ay ako'y nasawi na. Patawad kung nabigo ko ang buong kaharian. Patawad sa mga oras na nasaktan ko ang damdamin mo. Noong araw na iniligtas kita sa Talon ng buhay ay siyang pagkabuhay rin ng damdamin ko para sa'yo. Labis akong humihingi ng tawad kung tinanggihan ko ang pag-ibig mo. Batid ko ang kasawian mo. Hindi ko rin nais na labis kang magdusa. Tinanggihan kita at nagsinungaling ako sa aking tunay na nararamdaman sapagkat ako'y may pangakong binitawan para sa Prinsesa Charlotta. Hinayaan ko na maikasal kami dahil ayokong humadlang sa inyo ni Prinsipe Charlie. Ayokong maparusahan kayo pareho kapag hindi ninyo sinunod ang inyong mga Ama at ang batas ng Konseho.
Minamahal kita-ngunit wala akong nagawa kung hindi tanggapin ang ating kapalaran.Mamuhay kayo ng masaya ng mahal na Hari kasama ang inyo anak. Mamuhay kayo ng isang masayang pamilya.
Na siyang pinangarap ko rin para sa ating dalawa noon at siyang kailanman ay hindi na mangyayari.
Mahal kita Reyna Aleyna, hanggang sa muli.
Sana'y muli tayong magkatagpo sa ibang oras, panahon, at pagkakataon. Hihilingin ko sa mga tala na muli kang masilayan. At sa pagkakataong iyon ay sisiguraduhin ko.
Na magiging akin ka na.
Lubos na nagmamahal,
Heneral Argus
Pagkasara ko ng iskrola matapos kong mabasa ay tuloy-tuloy lamang sa pagpatak ang luha ko.
Tumayo ang mga sundalo at tumakbo palabas ng bulwagan.
"Ihanda ang mga kagamitang pang-atake sa mga papalapit na kalaban!"
Utos ni Charlie sa mga hukbong kawal.
Nanatili akong nangangatal. Hindi ko na alam ang aking iisipin. Para kong papanawan ng lakas anumang oras.
Gusto kong sumigaw at iiyak ang lahat ng ito kaso ay hindi ito ang oras para doon.
"H'wag ninyong hahayaan na may makapasok na kalaban!"
Utos muli ni Charlie sa mga ito.
Palakas ng palakas ang tunog ng trumpleta. May mga pagsabog na rin na dumadagundong. Sumasabay pa ang lakas ng kulog at kidlat sa nagaganap ng digmaan.
"Aking Reyna... H'wag kang mag-alala. Ipahahanap ang kanyang katawan," wika nng aking Hari.
Napatingin ako sa kanya. Inalalayan niya ako patayo.
"Salamat... Aking Hari."
"Kinagagalak ko na magiging masaya ka na muli."
Nilulukuban ako ng aking konsensya. Magiging masaya nga ako pero siya ay alam kong kailanman ay hindi na.
Alam kong kay Prinsesa Calila siya magiging masaya kaya nung nais ko na siyang pakawalan bago ko isilang ang aming anak ay ibinalita sa amin na si Prinsesa Calila ay kinitil niya ang kanyang buhay dahil sa labis na kalungkutan. Mula pagiisang dibdib namin ni Charlie, lalo na nung malaman nito na ako'y magsisilang na.
Hindi maitatago ng kanyang mga mata ang labis na kalungkutan. Kasalanan ko iyon.
Isa akong sumpa.
Isa akong malas.
Tapos ngayon ay si Argus naman ang nasawi...
"Nandito lang ako, aking Reyna. Hindi kita iiwan," wika niya habang nakatitig sa akin.
Nasa ganoong tagpo kami nang bumukas ang bulwagan.
Natanaw namin si Prinsesa Charlotta. Nakangisi siya habang may buhat na sanggol.
"Napakagandang eksena. Mahal na Hari at Reyna." Sarkastimong tono niya.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita na ang sanggol na tangan niya ay ang aming anak.
"Bakit mo hawak ang aming Prinsipe? Lapastangan ka!" Galit na sigaw ko.
Nanlilisik ang mga mata niyang napatingin sa'kin.
Palapit na sana kami ni Charlie sa kanya.
"Sige! Subukan ninyong lumapit..."
Inilabas niya ang isang punyal at itinutok sa aking anak. "Kung hindi, papatayin ko ang inyong Prinsipe!" sigaw niya sa amin. Wala na siya sa kanyang sarili.
Pareho kaming napahinto ni Charlie. Parang gusto ng sumabog ng dibdib ko sa labis na kaba.
Bakit kailangang madamay ng anak ko?
"Ano ang nais mo? H'wag mong sasaktan ang anak ko..." wika ko. Nagsimulang maglandas ang luha sa mga mata ko.
Wala pang muwang ang aking anak.
"Ano ang nais ko? Simple lang naman. Iyon ay ang mamatay ka." Buong pagkasuklam na wika niya.
Sa akin naman niyang itinutok ang punyal.