Sobrang traffic. Ang unang reklamo na lumabas sa aking bibig ng makita ang buhol-buhol na trapiko. Marami ang tao sa labas, mga papunta sa huling araw ng pasok sa taon na ‘to, ang mga istudyante na may dalang naglalakihangTupperware at suot ang mga bago’t magagandang kasuotan.
“Hindi naman ata sila mag-uumpisa hanggat wala pa si Sir at di pa kompleto ang lahat.” Aniko bago tumingin sa hawak kong ulam.
Ako ang nagpresintang magluto ng ulam, iyon na lang ang maambag ko sa kanila dahil wala naman akong pera. Buti nga at pumayag sila, naintindihan naman nila ang sitwasyon ko kahit paano. Hindi na din ako siningil para sa ambag, mukhang naawa sila sa akin.
Pawis na pawis akong nakarating sa classroom, halos kompleto na din ang mga inaasahan na dadalo ngayon at andoon na din si Sir na nag-aayos ng speaker. Nang mapansin ako ng ibang mga tao sa loob ay agad itong mga lumapit bago kinuha ang aking bitbit.
“Akala namin ay tinakas mo na ang ulam.” Natatawang biro ni Regie na isa sa sumalubong sa akin.
“Ano naman ang gagawin ko d’yan?” natatawa kong sagot sa kanya bago inilibot ang tingin umaasa na makita ang mga taong hindi namin inaasahan na magpunta ngayong araw.
Wala sila. Hindi talaga sila nagpunta, ayaw nilang makisama sa iba kahit gusto sila nitong makasama. Bumuga ‘ko ng hangin saka lumapit na sa iba na kumukuha ng larawan, kailangan sa bawat makita nilang larawan ay maalala nila ako—na nakasama din nila ako kahit papaano.
Nag-umpisa na ang program sa pangunguna na ng adviser namin, puro palaro hanggang sa mapagod kaming lahat. Pinagtabi-tabi namin ang mga upuan na parang buddle fight, tsaka isa-isang umuusad ang pagkain papaunta sa aming upuan.
“Ikaw lang talaga mag-isa?” tanong ni Regie sa tabi ko bago inabot sa akin ang Tupperware na may lamang salad. “Buti pa ikaw, hindi kill joy katulad ng mga iba mong kaibigan na maarte.” Komento nito.
Mahina akong napatawa. “Hindi naman tayo magkaaaway para layuan ko kayo.”
Hindi siya sumagot at nag-umpisa na kaming kumain lahat. Naging mabilis lang ang kasiyahan, may susunod na klase pang gagamit ng room kaya tulong-tulong kaming nag-ayos ng mga upuan. Isa ngang himala na nakita nilang maayos ‘yon, madalas ay hindi nag-aayos ang mga panghapon.
“Hazel, sumama ka na sa amin, pupunta kaming dagat ngayon.” pag-aaya ng seatmate ko katabi ang kaibigan niya.
“Sumama ka na. Kami na ang magdadala ng Tupperware basta sumama ka lang.” segunda ng isa.
“Uuwi ako kaagad. Hindi ako nagpaalam na aalis ako ngayon, baka mapagalitan ako pag-inabot ako ng alas-sais sa labas.” Aniko. Iyon ang totoo, wala akong pera para sumama sa kanila at ayaw ko maging kawawa sa pag-uwi.
Sa dami ng taong naggagala at nagshoshopping ngayon ay siguradong aabutin ako ng gabi bago makauwi. Kanina pa nga lang ay ang tindi na ng traffic at wala ng masakyan, mamaya pa kaya kung sumapit na ang dilim at saktong uwian ng lahat.
“Ano ba ‘yan! Magtatampo na talaga ako sa iyo kung hindi sumama sa ami. Ngayon lang ako nag-ayang lumabas sabay hindi ka pa sasama.” Nakanguso na anito.
“Pasensya na talaga. Sa susunod na lang ako sasama,” iiling-iling na tugon.
Nagtatampo ang itsura na umalis sa harap ko at nagpaalam ng aalis. Gustuhin ko man sumama sa kanila ay ikakapahamak ko naman, masyadong malayo ang pupuntahan nila at ayaw ko maistorbo sila kung sakaling maaga akong uuwi.
Nagpahuli akong umalis, siniguradong walang naiwan na kalat at maayos ang lahat. Mag-isa akong naglalakad papunta sa sakayan, nang makasalubong sila Mariel kasama sila Joana na nakabihis at naglalakad papunta sa kabilang direksyon. Masaya silang nagtatawanan, nagplaplano sa susunod na pupuntahan. Dire-diretso silang lahat na para bang hindi ako nakita sa kanilang daraanan kaya’t hindi ko na din sila binati pa para patas ang labanan.
Halos kalahating oras ako naghintay bago makasakay, walang gaanong sasakyan o kung meronman ang lahat ay punuan. Tila ang bagal ng oras, habang ang lahat nagkakasiya, ako ay nag-iisa.
“Ay bastos!” gulat na bulaslas ng may kumalabit sa aking likuran.
“Masyado ka naman seryoso, Hazel. Bakit ikaw lang mag-isa dito? Hindi kayo gagala ng mga kaibigan mo ngayon?” tanong ni Lena. Hindi kami gaanong malapit sa isa’t isa pero nakakapag-usap naman kaming dalawa.
“May kanya-kanya silang mga lakad.” Limitadong tugon. Ayaw ko magsabi ng masama o sobra, baka umikot pa ang kwento at maging kasalanan pa sa bandang huli.
“Ikaw, may lakad ka? Gusto mo sumama sa amin?” tanong niya.
Umiling ako. “Saan ba kayo?” ayaw ko din umuwi pa ng bahay.
“Sa bahay lang, magkakantahan at kakain.” Tugon niya.
“Sige, sama.” Mabilis kong pagsang-ayon.
Malapit lang ang bahay nila, wala pa bente minutos kung lalakarin mula sa amin. Mabilis lang akong makakauwi kung hahanapin ako sa bahay, hindi din nila ako hahanapin kung alam nilang malapit lang ako mas lalo na’t wala akong paalam.
“Maganda ‘yan. Mukha kang kawawa kanina sa classroom, ikaw lang mag-isa.” komento nito.
“Parang hindi naman.” Pagak akong napatawa. Ganon ba ang mukha ko kung wala sila? Kaya ko naman makisama sa lahat at maging masaya kahit wala sila. Ito ang gusto ko madalas sa ugali ko, mabilis akong makahanap ng makakasama kahit saan magpunta. Iyon nga lang ay iba ang closeness sa laging nakakasama.
“Pasok kayo, huwag kayo mahiya.” May ngiting pagpapasok niya sa loob ng bahay.
Maliit lang bahay nila pero mataas ‘yon, kompleto ng gamit sa loob at sobrang linis. “Ang dami niyo naman pong hinanda.” Nahihiyang usal ko sa ina ni Lena.
“Minsan lang kayo magpunta dito, madalang lang din magdala ng kaibigan dito ang anak ko kaya sinusulit ko na habang andito kayo. Tikman niyo ang lahat ng luto ko, sabihin niyo kung pasado ba o nasobrahan ako ng paglagay.” Bibong usal nito bago inaabutan kami ng mga utensils.
“Maraming salamat po sa pagkain.” Pasasalamat ko. “Mukhang masarap po ang lahat ng luto niyo, tita.” Puri ko.
“Iba pa din sa panlasa niyo.” sabay kindat niya.
Lumaki ang ngiti ko. Hindi ko inaasahan na sobrang bibo ng mama niya, kabaliktaran ng ugali ni Lena ilag at tahimik sa tao. Sabay-sabay kaming kumain, naghaharutan sila at ako’y nanahimik sa gilid. Wala akong talento sa pagkanta kaya ginawa ko nalang abala ang sarili ko sa pagnguya.
“Kamusta si Lena sa school niyo?” tanong ng ginang na nag-aabang sa akin sa labas ng banyo. “Hindi siya gaanong nagkwekwento sa ‘kin patungkol sa nangyayari sa school niyo. Narinig ko kanina na officer ka nila—ikaw daw ang humahawak ng mga classmate niyo. Nahihirapan ba siya? Nabubully?”
“Ako nga po ang humahawak.” Pag-amin ko. “Tahimk lang po siya sa klase, hindi masyadong umiimik o nakipaghalobilo sa iba pero pagdating po sa groupings, recitation, or exam isa po siya sa nangunguna. Hindi po siya nagpapatalo sa acads at pinaglalaban ang mga gusto niyo ipaglaban.” Aniko sa lahat ng napapansin ko patungkol kay Lena.
Hindi siya kapansin-pansin sa klase pero nakilala ko siya dahil madalas na tawagin ang pangalan niya ng mga guro. Iilan lang ang kaibigan niya, madalas na nasa gilid at tahimik. Wala akong masabing ibang bagay patungkol sa kanya.
“Mabuti naman kung ganon. Sa totoo niyan ay nag-aalala ako minsan sa lagay niya, magmula bata ay hindi siya nakikipaghalubilo sa iba kaya naiisip ko na baka wala siyang kaibigan sa classroom niyo.” may pag-aalala ang tono ng boses nito bago hinawakan ang braso ko. “Hija, kung may mapansin ka na hindi tama sa kanya ay sabihin mo sa ‘kin, bisita ka lang dito para makapag-usap tayong dalawa.”
Ngumiti ako. “Wala pong problema, tita. Huwag din po kayo mag-aalala masyado, inaayos ko naman po silang lahat at maayos na kinakausap kung may problema.” Pagpapagaan ko ng loob niya.
Gumaan na ang ngiti niya at hinatid ako hanggang makarating kami sa rooftop kung saan lahat sila ay nagkakantahan. Magkausap lang kami ng mama niya sa tabi ng hagdan, nagtatawanan at nagsasabi ng problema patungkol sa buhay-buhay.
Mabilis na gumaan ang pakiramdam ko sa ginang, sobrang bibo nito at tila walang problema. Napag-alaman ko na nag-iisang anak lang si Lena, wala itong ibang kalaro kaya nasanay sa tahimik at mag-isang pamumuhay. Sobrang masikreto din nito na nagiging dahilan ng pag-aalala ng kanyang mga magulang.
“Dito na kayo maghapunan,” malaki ang ngiti nitong pag-aalok sa amin lahat.
Alas-sais na nang hapon, lumubog na ang araw at naghahanda na din kaming lahat sa pag-uwi. Nang nagmamadaling bumalik ang ginang sa kinaroroonan namin.
“Tita, ang dami niyo ng pong niluto kanina. Nakakahiya naman po kung pati sa hapunan ay aabalahnin namin kayo.” Ani ng isa naming kasama. Mukhang na pansin niya din ang walang humapay na pagtaas ng pagkain magmula pa kaninang pagdating namin.
“Ayos lang iyon, huwag kayo mahiya. Nagluluto na ‘ko sa baba, hintayin niyo nalang at papauwi na din ang papa ni Lena maya-maya.” Anito.
Wala kaming magawa lahat kundi ang pumayag dahil nagluluto na pala ito at baka sinama na kaming lahat. Napagod na din sila sa pagkanta kaya sunod nilang pinagtripan ay ang maglaro online, dahil wala din akong talento doon ay nanunuod lang ako sa kanila.
“Pasensya na kayo kay mama, makulit lang talaga ‘yon at hindi tumatanggap ng hindi mas lalo na’t pagkain ang usapan. Hilig niya ang magluto, wala naman siyang ibang mapagluto bukod sa amin ni papa kaya masayang-masaya ‘yon na may titikim na ng luto niya.” paghingi ng paumanhin.
“Wala ‘yon, gusto din naman namin magstay.” Sumang-ayon kaming lahat sa sinabi ng isa namin kasama.
“Nasarapan din ako sa luto ni tita.” Puri ko kaya nag-umpisa na ang tampulan ng tukso.
Kalahating oras ang hinintay namin bago maluto ang pagkain, saktong pagdating ng papa ni Lena na dali-daling bumati sa amin pag-uwi. Kung mabait ang mama’t papa ni Mariel, ang kay Lena naman ay sobrang maalaga sa mga bisita.
“Nagmamadali akong umuwi para mahabol kayo, mabuti nalang at umabot pa ‘ko.” malaking ngiti na usal nito. Pabalik-balik ang tingin ko kay Lena at sa papa niya, kung pagtatabihin silang dalawa ay para silang photocopy. Magkamukhang-magkamukha silang dalawa magmula sa hugis ng mukha as in lahat.
Nakahanda na ang pagkain sa mesa, tinutulungan namin si tita na panay ang tanggi ng tulong namin. Mag-aalas-otso na, nag-aalangan na din ako dahil late na at kanina pa nagchachat si Ellie na umuwi na pero ayaw kong tanggihan ‘to. Nahihiya ako.
“Kain na tayo. Kailangan niyo ng umuwi, gabi na din. Delikado na sa daan kung aabutin pa kayo ng alas-diyes.” Ani ng ginang.
Sabay-sabay kaming kumain lahat. Puno ng tawanan, biruan, at minsan ay nagtatanong patungkol sa standing namin lahat sa klase, syempre ay ibinibida namin si Lena para matuwa ang mga magulang niya. Iniwan na namin ang hugasin at nagmamadali ng umuwi lahat.
“Hazel, ihahatid ka na namin sa inyo baka pagalitan ka.” Ani ng ginang.
“Hindi na po, kaya ko na ang sarili ko.” pagtanggi ko. Ayaw kong makaharap nila si papa, ayos na ‘kong mapagalitan, wag lang silang madamay.
“Huwag ka na mahiya.” Ani Lena, “sasama ako kay mama na ihahatid ka sa inyo.” Anito.
Wala akong magawa kundi ang pumayag, hindi naman sila nakikinig kahit anong tanggi ko. Tahimik lang ako sa tricycle na maghahatid sa amin, sobrang lakas ngkabog ng dibdib ko. Hindi dahil natatakot akong mapagalitan kundi dahil sa mga kasama ko ngayon.
“Oh, bakit ngayon ka lang?” masama ang tinngin ni papa ng makita ako sa harap ng tindahan.
Nag-aayos na sila para magsara at wala din si mama. Yari na.
“Magandang gabi ho,” bati ni tita kay papa, “Pasensya na kung ginabi si Hazel. Nagkasiyahan lang sa bahay, hindi namin namalayan ang oras, pasensya na.” paghingi ng pasensya nito at hindi pa din mawala ang ngiti sa labi.
Mas lalong tumalim ang tingin ni papa sa akin, hindi pinansin ang sinabi ng sinabi ng ginang. Napatingin ako kay Lena, tahimik itong nag-oobserba sa nangyayari.
“Pasensya na, pinakain ko na sila ng hapunan kaya natanggalan. Huwag po kayo mag-aalala, hindi naman po sila nag-inom nga alak at nagkantahan lang kasama ng iba nilang classmate.” Muling usal ng ginang.
“Kausapin mo na lang ang mama niya.” masama ang tingin at pabalang na usal ni mama.
Natameme ako. Gusto ko nalang lumubog sa lupa dahil sa kabastusan na ginawa ni papa. Bumaling ang tingin ko kay tita, ngumiti siya sa akin bago inayos ang buhok kong nagulo dahil sa malakas na hangin.
“Sorry po, tita.” Naluluha kong paghingi ng pasensya.
“Pasensya na din. Pasok ka na sa loob, mauuna na din kami dahil gabi na.” anito bago binaling ang atensyon kay papa. “Mauuna na ho kami.” Paalam niya.
Sa muling pagkakataon ay hindi siya pinansin ni papa at nagpatuloy lang sa ginagawa. Nagpaalam na kami sa isa’t isa, gusto ko silang ihatid pero kabisado na ni Lena ang daan kaya di niya na ‘ko pinayagan pa na ihatid sila hanggang sa sakayan.
Pagpasok ko sa loob ay puno ng sermon sa akin ni papa. Ngayon lang ako umuwi ng ganitong oras, kahit ang kausapin ng maayos ang ginang na nagmabuting loob na ihatid ako ay binastos niya pa ng harap-harapan.
Nakahiga na ‘ko, nakaramdam ng matinding pagod sa buong araw saka binuksan ang social media at saktong naka-online na si Lena.
“Pasensya na sa gina---” hindi pa natatapos ang tinitipa ko ng magmessage siya.
“Hazel, hindi ko na gustuhan kung paano tratuhin ng papa mo ang mama ko. Maayos siyang kinakausap kanina pero binastos niya lang si mama na nagmabuting loob na ihatid ka, siguro ay mas makabubuti na huwag ka na ulit bumalik sa bahay. Pasensya na, pero ang ayaw ko sa lahat ay binabastos ang mama ko at sa mismong harap ko pa.” mahaba niyang mensahe.
“Ako ang humihingi ng pasensya sa inasal ni papa. Nahihiya ako sa iyo---sa ino ng mama mo. Sorry, sorry talaga.” Tanging na tugon ko.
Wala silang ginawa kundi ang pakisamahan ako ng maganda, ang init ng pagtanggap nila sa akin kanina magmula ng makapasok ako sa pinto ng bahay nila. At ito lang ang sinukli ko, ang bastusin sila ni papa ng harap-harapan. Wala na ‘kong mukhang maihaharap, kahit kay Lena na ngayon ay galit na.