Kabanata 40

2412 Words
Agad kaming umalis ng lugar na iyon kinaumagahan matapos mangyari ang tila ba napaka-habang araw na iyon. Hindi na kami nagtagal pa sa lugar na iyon sapagkat alam na’ming mas mainam na kung mabilis kaming kumilos dahil alam na’ming lahat na hindi pa talaga ligtas para sa a’min na manatili sa iisang lugar lamang. Alam na’min na naroroon pa rin ang banta ng panganib na baka masundan pa kami ng mga taong iyon – na baka sa pagkakataong mahanap nila kung nasaan kami, mapagtatagumpayan na nilang kuhanin ang mga taong nais nilang kuhanin. Alam na’min na sa pagkakataon na mangyayari ang bagay na iyon, baka mas lalo pang hindi kami magkaroon ng tiyansang makaalis pa. Hindi rin nalalayo na malalaman nila kung saan ang a’ming pupuntahan. Hindi nalalayo na baka roon naman sila maghintay upang makuha nila sina Alana at mapagtagumpayan nila ang kanilang masamang balak, kaya naman kahit papasikat pa lamang ang araw, agad na kaming umalis sa lugar na iyon. Kumain lamang kami sandali at nagpalipas ng ilan pang mga minuto bago na’min napagpasiyahan na ipagpatuloy na ang a’ming paglalakbay. Nakakaya na rin naman ni Linnea na makagalaw at magpatakbo ng kabayo, hindi kagaya kahapon na talagang hinang-hina siya nang dahil sa mga nangyari. Ngayon ay parang bumalik na siya sa kaniyang normal na lakas, na labis na’ming ipinagpapasalamat sapagkat alam na’ming kinakailangan talaga na’min siya upang mapagtagumpayan na’min ang paglalakbay na ito. “Ako na lamang muli ang magtuturo ng daan sa inyo,” sabi sa a’min ni Mireya noong makita niyang handa na kaming umalis sa lugar na iyon. Tumingin pa siya kay Linnea, na para bang nanghihingi siya ng permiso sa kaniya. “Ayos lamang ba iyon, Linnea?” tanong pa niya rito, kaya naman agad na napataas ang isang kilay ni Linnea. “Bakit parang nais mo pa atang kuhanin ang opinyon ko tungkol sa bagay na iyan?” Kumunot pa ang noo ni Linnea na para bang labis siyang nagtataka na tinanong siya nang ganoon ni Mireya. “Para namang may magbabago kung ako o ikaw ang magtuturo ng daan sa a’ting lahat.” Mahina kaming natawang tatlo nina Alana at Demetrius nang dahil sa sinabi ni Linnea, at bahagya namang napatigil si Mireya at napaisip nang sa tingin ko ay ang kaniyang mga sinabi niya kay Linnea kanina. “Tama ka nga,” narinig ko pang bulong nito, at hindi ko mapigilan ang hindi mapailing sapagkat hindi ko mawari kung papaano ba napunta sa ganito ang usapan na’min – hindi ko mawari na aabot pa sa ganito ang pinag-uusapan nilang dalawa ni Linnea. “Hindi bali na lamang kung balak mo kaming iligaw,” pabirong sabi sa kaniya ni Linnea, kaya naman hindi na na’min napigilan pang tumawa sapagkat nakita na’min kung papaano nagbago ang ekspresiyon sa kaniyang mukha. Unti-unti ring sumilay ang isang ngiti sa labi ni Mireya, at alam kong hindi lamang ako ang nakapansin ng bagay na iyon. Alam ko na lahat kami ay nakita ang pagsilay ng isang ngiti sa labi ni Mireya, kagaya na lamang noong nangyari nang nakaraang gabi. “Mas maganda kung palagi kang nakangiti, Mireya,” sabi sa kaniya ni Alana, ngunit tila ba nahihiya siyang nag-iwas ng tingin sa kaniya nang dahil sa mga sinabi niya.  Sinusubukan pa nga niyang kontrolin ang ekspresiyon na nasa mukha niya, ngunit hindi niya iyon magawa sapagkat nakikita ko ang isang maliit na ngiti sa kaniyang mga labi – na para bang ang sinabi ni Alana ay naging sapat na upang sumilay ang ganoong ngiti mula sa kaniyang mga labi. “Hindi ako sanay na ipakita ang tunay na nararamdaman ko sa a’king mukha,” sambit niya, habang nakaiwas pa rin ng tingin sa a’ming lahat. “Sapagkat alam ko kung papaano lamang bigla iyong mawawala sa oras na sumobra ang iyong kagalakan.” Natahimik kaming lahat nang sabihin niya ang bagay na iyon, at alam ko ang kaniyang tinutukoy. Alam ko kung ano ang kaniyang nais na sabihin, sapagkat kahit na tila ba magkakaiba ang nangyari sa kanilang lahat, alam ko na may pagkakapareho pa rin iyon kahit na saang anggulo mo pa man tignan. Natatakot siya – natatakot sila – na maging masaya sapagkat sa tingin nila ay kaakibat nito ang labis na sakit matapos iparanas sa kanila ang kasiyahan na kahit kailan ay hindi nila inaasahang mararamdaman. Natatakot sila na baka kagalakan na nararamdaman nila ngayon ay bigla na lamang babawiin sa kanila – na para bang isa lamang iyong panaginip, isang panaginip na hindi na nila muling mararanasan pa. Alam ko na hindi lamang siya ang natatakot nang dahil doon. Alam ko na kahit na pilit na itinatago ng a’king mga kasamahan ang kanilang mga opinyon tungkol sa bagay na iyon, alam ko na pati rin sila ay natatakot na makaramdam ng kasiyahan sapagkat ang nasa isip nila ay kaakibat nito ang labis na kalungkutan pagkatapos ng lahat nang iyon. “Hindi mo kailangang pigilan ang iyong sarili na makaramdam ng kasiyahan,” sabi ko sa kaniya na naging dahilan upang mapatingin siya sa a’kin nang may labis na pagkagulat sa kaniyang mukha. Hindi ko na lamang iyon pinansin at tumingin na lamang ako sa iba pa na’ming mga kasama. “Pati na rin kayo.” “Ngunit, hindi ka ba natatakot na baka ang kasiyahan na iyon ay magiging sanhi upang makaramdam ka ng labis na kalungkutan pagkatapos?” “Ngunit hindi ba at mas mahalaga na nakaramdam ka ng kasiyahan kahit sandali man lang?” Lahat sila ay napatigil nang dahil sa a’king sinabi, at doon ko nakita ang pagsilay ng masuyong ngiti sa labi ni Alana na para bang inaasahan niyang sasabihin ko ang bagay na iyon – ngunit sa tingin ko ay may iba pang dahilan kung bakit siya napangiti nang ganoon, isang dahilan na hindi naman niya sasabihin sa a’kin o sa kahit na kanino man sa a’min. Hindi pa rin nawawala ang gulat sa mukha ng iba pa na’ming mga kasamahan, kaya naman mas minabuti ko na lamang na anyayahan silang simulan na ang a’ming paglalakbay nang makarating na kami sa bayan na tinutukoy nina Linnea at Mireya. “Sabi nang ako ang magtuturo ng daan.”  Napatingin ako kay Mireya nang sabihin niya iyon na para bang naiinis siya, ngunit iba naman ang nakaguhit sa kaniyang mukha sapagkat may ngiti sa kaniyang labi na para bang ang mga sinabi ko kanina ay naging sapat na upang mapangiti siya nang ganoon.  Hindi ko maiwasang mapailing sa kaniya, bago ko binagalan ang a’king pagpapatakbo bago ko sinabi sa kaniya, “Kung gayon ay mauna ka na, Mireya.” Naging tahimik ang paglalakbay na’min. Wala ni isa sa a’min ang nagsalita at lahat kami ay nakatuon lamang ang pansin sa dinaraanan na’min. Wala rin kaming natagpuang panganib habang binabaybay na’min ang daan na iyon. Napaka-tahimik ng paglalakbay na’ming iyon kaya naman hindi ko maiwaksi sa a’king isipan ang nararamdaman kong kaunting pangamba sa mga pangyayari na a’ming matatagpuan sa oras na makarating kami sa lugar na iyon – sa bayan kung saan kami maaaring makakuha ng sagot kung saan ba na’min makikita ang inumin na iyon.  Pilit kong iwinawaksi sa a’king isipan ang kabang nararamdaman ko. Pilit kong sinasabi sa a’king sarili na kasasabi ko pa lamang sa a’king mga kasamahan na hindi dapat sila matakot sa kasiyahan na kanilang nararamdaman, ngunit habang papalapit kami nang papalapit sa lugar na sinasabi nina Mireya at Linnea, mas lalo ring lumalala ang kaba na a’king nararamdaman. At ang kaba kong iyon ay isa pala talagang hindi magandang pangitain sapagkat noong mga oras na nakapasok na kami sa bayan na iyon, doon ko nakita at napatunayan kung bakit tila ba hindi mawala-wala ang kaba na a’king nararamdaman. Hindi ko maiwasang hindi mapaigtad nang makarinig ako ng malakas na paglatigo ng isang kawal na naka-pwesto hindi kalayuan sa kinaroroonan na’min sa ngayon.  Lumingon ako sa a’king mga kasamahan, at doon ko lamang nakita na nakatakip na ang mukha ni Alana at ni Mireya, na mukhang nag-iingat na sapagkat baka pati ang mga kawal na iyon ay nasabihan na nang tungkol sa kinaroroonan nilang dalawa. Kami namang tatlo nina Demetrius at Linnea ay hindi na nagtakip pa ng a’ming mga mukha sapagkat alam na’ming mas makaaagaw pa ng mga atensiyon nila kung lahat kami ay may takip sa mukha. Alam ko na magiging dahilan lamang iyon upang mahinuha nilang may pinagtataguan kami, at hindi na’min iyon maaaring hayaang mangyari sapagkat ikapapahamak na’ming lahat iyon. Bumaba na kami sa kabayo na a’ming dala-dala at ikinubli na’min iyon sa kagubatan na naroroon upang hindi iyon makita ng kung sino man – upang hiindi iyon makuha ng ibang tao sapagkat kakailanganin na’min iyon upang makapaglakbay pa kami sa mas malalayong lugar. “Libutin muna na’tin ang lugar na ito,” sabi ko sa kanila, habang pinipigilan ko ang a’king sarili na mapaigtad nang dahil sa mga latigo na naririnig ko pa rin hanggang sa ngayon. “Nais ko lamang makita kung ano ang nangyayari sa bayan na ito.” Kahit na may ideya na ako at nakita ng mga sarili kong mga mata ang mga nangyayari talaga sa bayan na ito, at kahit na alam kong magiging masakit lamang sa a’king puso kung talagang makikita ko kung ano ang nangyayari, nais ko pa ring malaman kung bakit nagkakaganito ang lahat. Nais ko pa ring makita ang lagay ng bayan ito – kahit na alam ko nang hindi talaga maganda ang mga pangyayari na makikita ko. “Ihanda na lamang na’tin ang a’ting mga sarili sa a’ting mga makikita,” sabi ni Linnea sa a’ming lahat na agad naman na’ming sinang-ayunan sapagkat alam kong iisa lamang ang nasa isipan na’min ngayon. Kung ano man ang makikita na’min sa loob ng bayan na ito, at kung mas malala pa iyon sa mga nakita na’min kanina, alam na’ming lahat na hindi na’min makakaya iyong makita. Baka nga gumawa pa kami ng paraan upang mapatigil iyon, kahit na alam naman na’ming sa lakas na mayroon kami ngayon, hindi kami magkakaroon ng pagkakataon na makagawa talaga ng paraan upang mailigtas ang mga taong iyon. Huminga ako nang malalim, at narinig ko namang nagpakawala nng malalim na hininga ang iba ko pang mga kasama na para bang kinakailangan nila iyong gawin upang makapaghanda sila sa kung ano mang mas malala pang makikita na’min sa loob ng bayan na iyon. “Halina kayo at pumasok na sa bayang ito,” sambit ko sa kanila, at tahimik lamang silang sumunod sa a’kin noong naglakad na ako papasok sa bayan na iyon.  Hindi pa man kami nakalalayo sa a’ming paglalakad, para nang pinipiga ang a’king puso nang makita ko ang nangyayari sa mga tao sa bayang iyon – para bang hindi ko na makaya pang makita ang mga pangyayari na iyon. “Wala ngang kaguluhan na nangyayari sa bayan na ito, ngunit mas masahol naman ang ginagawa nila sa kanilang mga tao.” Sumang-ayon ako sa mga sinabi ni Demetrius sapagkat kahit na walang gulo sa bayan na ito, at wala kang maririnig na kahit na ano pa man, masasabi mong mas malala ang sitwasyon ng bayan na ito kaysa sa mga magulong bayan na napuntahan na’min. Kung ako ang tatanungin kung ano ang mas gugustuhin kong makita doon sa dalawa? Kung ang nangyayari ba sa bayan na ito o ang kaguluhan sa mga bayan na napuntahan na na’min? Sa tingin ko ay mas pipiliin ko na lamang makita na nagkakagulo ang lahat kaysa naman sa ganito ang nangyayari. Sapagkat sa kaguluhan na nangyayari sa mga bayan na narating na na’min, mayroon pa ring mapipili ang mga tao kung lalaban sila o hindi – mayroon pa rin silang pagpipilian kung makikisama sila sa gulo o hindi. Ngunit… ngunit sa bayan na ito, tila ba wala ka nang mapipili pang iba. Tila ba kahit na piliin mong lumaban, wala ka na ring tiyansa pang makakuha ng kalayaan na nais mong maranasan. Tila ba wala ka nang pagkakataon pang piliin ang iyong sariling opinyon. Tila ba ninakaw na sa iyo ang iyong tiyansang hanapin ang kahulugan ng salitang ‘kalayaan’ para sa iyo. Muling kumuyom ang a’king kamao nang muli akong makarinig ng paglatigo ng isang kawal sa isang tao na hindi na makatayo pa sa labis na pagod at kagutuman. Pinipigilan ko ang a’king sarili na makaagaw ng atensiyon sapagkat hindi ko naman mawari kung makakaya ko bang kalabanin ang mga taong ito. Kahit saan ka man tumingin, at kahit saan ka pa man mapabaling, ganoon at ganoon din ang sitwasyon na iyong makikita. Ganoon pa rin ang estado ng mga taong pilit na pinapahirapan ng mga kawal na iyon upang sila lamang ay makapagtrabaho. Isang malakas na paglatigo muli ang a’king narinig, at ang sigaw na dapat ay kasunod na mariring matapos ang paglatigo na iyon ay hindi nangyari – na para bang wala nang lakas pa ang pinahihirapan nila. Na para bang wala na silang buhay, ngunit hindi pa rin iyon naging sapat upang tumigil na sila sa pagpapahirap sa mga taong iyon.  Parang may pumipiga sa a’king puso habang patuloy kong pinakikinggan ang mga tawanan ng mga kawal na iyon na para bang wala lamang sa kanila ang kanilang mga ginagawa. Nakikita mismo ng a’king mga mata ang mga nangyayari, at para bang hindi ako makahinga para sa mga taong patuloy nilang pinahihirapan. “Narinig ko nang ganito ang nangyayari sa lugar na ito,” sabi ni Linnea sa a’min, na naging dahilan upang mapatingin kami sa kaniya, “ngunit hindi ko inaasahang ganito pala kalala ang sitwasyon na a’ting makikita.” “Paano nila nakakayang ganituhin ang kapwa nila mga tao?” tanong ni Demetrius, habang nakatingin pa ito sa mga nangyayari sa a’ming harapan ngayon. “Mas masahol pa sa hayop ang pagtrato nila sa kanila.” Nararamdaman ko ang galit na nararamdaman ni Demetrius sa ngayon, at hindi ko rin maiwasang hindi mapatanong kung bakit nila ginagawa ang bagay na ito? Ano ang nakukuha nila sa pagpapahirap na ito? Paano nila nakakayang makita na may nahihirapan habang sila ay nagsisiya? “Ginagawa nila iyon upang makuha nila ang kanilang kagustuhan.” Napatingin kami kay Mireya nang sabihin niya ang bagay na iyon. Hindi ko maiwasang makaramdam ng paglubog ng a’king puso sapagkat alam na na’ming isa iyon sa mga dahilan kung bakit nangyayari ito. “Ginagawa nila ito upang makamtan nila ang nais nilang makuha at wala silang pakialam kung ang ibig sabihin noon ay may mahihirapan para sa kanilang mga nais.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD