Kabanata 41

2547 Words
Napaiwas na lamang ako ng tingin nang dahil sa patuloy na pagpapahirap ng mga kawal na iyon sa mga tao sa bayan na ito. Hindi pa rin sila natigil at sa tingin ko ay hindi talaga sila titigil kahit na ano pa man ang mangyari.  Papahirapan at papahirapan nila ito hanggang sa mapakikinabangan pa nila ang mga taong iyon upang makuha nila ang kanilang mga nais – kagaya na lamang ng mga sinabi ni Mireya sa a’min kanina.  Akmang sasabihin ko na sana sa kanila na kailangan na na’ming gumalaw sapagkat kung mas patatagalin pa na’min ang pananatili sa iisang lugar na ito, ngunit bago pa man ako makapagsalita ay nahagip ng a’king mata si Alana na para bang makasasakit na ng tao nang dahil sa ekspresiyon na mayroon siya ngayon sa kaniyang mukha. Naka-kuyom ang kaniyang mga kamao na para bang handa na siyang sumabak sa laban kung gugustuhin man niya. May galit sa kaniyang mukha na para bang nais niyang gumawa ng paraan para sa mga taong ito, kahit na alam na na’ming lahat na wala pa kaming magagawa para sa kanila sapagkat pare-parehas naman kaming walang laban – kung ibabase na lamang na’min iyon sa angking lakas na mayroon kami ngayon. Tinawag ko ang ngalan ni Alana upang pakalmahin siya, sapagkat nararamdaman ko na may mangyayaring hindi maganda kung hindi ko siya magagawang pakalmahin ngayon, ngunit tila ba bingi siya at hindi niya naririnig ang a’king tinig. Inulit ko pa ang pagtawag sa kaniyang ngalan, ngunit tila ba sarado ang kaniyang isip – na mas lalo ko pang ikinabahala. Alam ko na hindi iyon napansin ng a’king mga kasama sapagkat maging sila ay nakatitig lamang sa nangyayari at para bang hindi sila makapaniwala na ganoon ang kanilang nakikita sa ngayon. Nang makita ko na papalapit na si Alana noong sa muling pagkakataon ay nilatigo ng isa sa mga kawal ang wala nang malay na tao sa kaniyang harapan, doon lamang ako agad na lumapit sa kaniya upang pigilan siya sa kung ano mang balak niyang gawin. Bumaling ang kaniyang tingin sa a’kin, at tila ba ang Alana na nakilala ko noong gumising ako sa mundong ito ay bigla na lamang nawala at napalitan ng Alana na nasa harapan ko ngayon na mayroong malamig na tingin sa kaniyang mga mata. “Kailangan ko silang tulungan, Ambrose,” sambit niya sa a’kin, at kahit na nais kong sabihin sa kaniya na nais ko ring gumawa ng paraan para sa mga taong nahihirapan sa ngayon, mas pinili ko na lamang ang umiling at pigilan siya sa kaniyang nais na gawin. “Hindi mo ba nakikita ang pagdurusa nilang lahat?” Muli akong nakarinig ng paglatigo at ang malakas na paghiyaw ng mga kawal habang inuutusan ng mga ito na gumalaw na ang mga taong kanilang patuloy na pinahihirapan, at kahit na nais ko pa mang tignan sila, sa tingin ay hindi ko na iyon makakaya pa. Sa tingin ko na kapag ginawa ko ang bagay na iyon, sasabihin ko lamang kay Alana na nais ko ring gumalaw upang mailigtas silang lahat. Alam ko na hindi iyon malayong mangyari at hinding-hindi ko maaaring gawin iyon sa ngayon sapagkat hindi rin kami magtatagumpay sa nais na’ming gawin. “Hindi ako bulag, Alana.” “Kung gayon, bakit mo ako nais na pigilan?” Napatunghay ako at napatingin sa mga mata ni Alana nang marinig ko siyang sabihin ang mga bagay na iyon – na para bang lubusan siyang naiinis na pinipigilan ko siya sa kaniyang nais na gawin. “Bakit hindi mo na lamang ako hayaang gumawa ng paraan?” “Sapagkat alam ko na kagaya ng nangyari sa bayan nina Linnea, wala rin tayong magiging laban kung ipipilit pa na’tin ang iyong gusto, Alana.” “Ngunit…” Umiling-iling ako upang putulin ang iba pa niyang sasabihin sapagkat alam ko na nasasabi lamang niya ang mga bagay na ito nang dahil sa bugso ng kaniyang damdamin.  Alam ko na kung kagaya noon na iniisip niya ang lahat ng posibilidad na mangyari, hindi na niya sasabihin pa ang mga bagay na ito at bagkus, siya ay magsasabi pa na mas pagtuunan na lamang na’min ng pansin ang a’ming kailangan sa bayan na ito.  “Hindi ba at sinabi mo na sa a’kin dati na hindi tayo gagalaw hangga’t hindi tayo sigurado na tayo ay magtatagumpay?” tanong ko sa kaniya, at doon siya napatigil na para bang napagtanto na niya ang kaniyang mga ginawa. “Hindi ba’t sinabi mo na na mas kailangan na’ting pagtuunan ng pansin ang a’ting mga plano bago tayo gumalaw upang iligtas silang lahat?” “Tama si Ambrose, Alana,” pagsingit ni Linnea sa a’ming usapan, kaya naman natuon ang pansin na’min sa kaniya. Pati na rin si Demetrius at si Mireya ay napatingin na sa a’ming gawi na para bang ngayon lamang nila napansin ang pagsasagutan na’min ni Alana. “Wala tayong magagawa base sa taglay na’ting lakas sa ngayon.” Hinawakan ko ang kaniyang balikat na para bang nais kong sabihin sa kaniya na magtiis muna siya habang hindi pa kami sigurado sa lahat ng nangyayari – habang hindi pa na’min lubusang nakukuha ang lahat na dapat ay sa a’min, habang wala pa kaming sapat na lakas upang harapin silang lahat. “Mas makabubuti na lamang kung hahanapin na’tin ang inumin na sinasabi ni Ambrose, base sa sulat na ipinakita niya sa a’tin,” sabi pa ni Linnea sa kaniya, bago ito lumingon sa mga kawal na patuloy pa rin sa pagpapahirap sa mga taong iyon, “nang sa gayon ay baka pagkatapos niyang maibalik ang kaniyang mahika, magkakaroon tayo ng pagkakataon na mailigtas ang bayan na ito – ang mundong ito.” Unti-unting bumaling ang tingin sa a’kin ni Alana, na para bang napagtanto niya ang kaniyang ginawa, at alam kong hindi ko imahinasyon ang nakita kong pagsulyap ng lungkot sa kaniyang mga mata na para bang may dahilan kung bakit niya nararamdaman ang bagay na iyon sa ngayon. Bago ko pa man masabi o pagbigyan ng pansin ang nakita ko sa kaniyang mga mata, ganoon na lamang iyon kabilis na nawala na para bang isa lamang iyong guni-guni. Lalo na at tila ba ako lamang ang nakapansin sa emosyon niyang iyon. Huminga nang malalim si Alana na tila ba pinakakalma niya ang kaniyang sarili, bago siya yumukod sa a’min at humingi ng tawad – kahit na hindi naman talaga niya iyon kailangang gawin sapagkat iyon din naman ang nararamdaman na’min para sa bayan na ito ngunit alam na’ming wala kaming magagawa kung hindi maghintay ng tamang pagkakataon upang gumawa ng paraan para sa kaligtasan nilang lahat. “Humanap na lamang tayo ng taong makatutulong sa a’ting malaman ang kinaroroonan ng inumin na iyon,” sabi na lamang ni Linnea sa a’min, bago siya na ang naunang maglakad na para bang nais niyang sumunod na lamang kami sa kaniya. Ganoon na lamang talaga ang a’ming ginawa sapagkat nakikita na’ming lahat na pamilyar si Linnea sa lugar na ito, kahit na hindi ko mawari kung papaano niya iyon nagawa sapagkat sa tingin ko ay ito ang unang beses na naparito siya sa bayan na ito. Hindi ko na lamang iyon pinansin at pinagtuunan ko na lamang ng pansin ang nilalakaran na’min, habang nauuna sina Demetrius, Linnea, at Mireya sa paglalakad habang palinga-linga sila na tila ba nais nilang makatulong sa paghahanap ng impormasyon tungkol sa inumin na iyon.  “Pasensiya na, Ambrose, kung muntik ko nang hindi napigilan ang a’king sarili.” Napatigil ako nang marinig ko iyong sinabi ni Alana sa a’kin. “Pasensiya na kung muntik na akong makagawa ng makasisira sa plano na’tin.” Tumigil ako sa paglalakad ko at humarap ako sa kaniya nang dahil sa kaniyang mga sinasabi sa a’kin ngayon, at hindi ko mawari kung ano ba talaga ang kailangan kong gawin upang mapagaan ko ang kaniyang loob. “Pasensiya na kung hindi ako makapaghintay,” mahinang bulong niya, ngunit naintindihan ko pa rin iyon at hindi ko maiwasan ang magtaka kung ano ang ibig sabihin niya nang sambitin niya ang mga bagay na katulad noon. “Pasensiya na kung sa tingin ko ay hindi ko na kaya pang maghintay.” Sinambit ko ang kaniyang ngalan sapagkat hindi ko na mawari pa kung ano ang a’king sasabihin sa kaniya – hindi ko mahanap kung anong tamang salita ang sasabihin ko sa kaniya – sapagkat hindi ko mawari kung ano ang tunay na ibig sabihin ng mga salitang kaniyang sinambit. Alam ko na mayroon pang higit na ibig sabihin kaya niya nasabi ang bagay na iyon. Alam ko na may iba siyang dahilan kaya bigla na lamang iyong lumabas sa kaniyang bibig, ngunit hindi ko alam kung sasabihin ba niya ang tunay na dahilan kung ako ay magtatanong sa ngayon. Hindi ko masabi kung ililihim din ba niya iyon sa a’kin o sasabihin talaga niya ang tunay na dahilan. Hindi ko mawari kung ano ang kaniyang gagawin, at bago pa man ako makapag-desisyon kung magtatanong ba ako o hindi, naputol ang a’king pag-iisip nang dahil sa mga salitang lumabas pa sa labi ni Alana. “Siguro nga masyadong matagal na panahon na akong naghihintay kaya nagawa ko ang bagay na iyon.” Napatigil ako nang marinig ko ang bagay na iyon mula sa kaniya. Alam ko na may koneksiyon iyon sa a’ming nakaraan – ang nakaraan na hindi niya masabi sa a’kin ngunit patuloy pa rin niya akong sinusuportahan sa bawat paggalawa ko upang malan ko ang totoo. Alam ko na iyon ang kaniyang tinutukoy, ngunit… ngunit wala akong lakas ng loob upang itanong sa kaniya ang bagay na nais kong itanong. Napangungunahan ako ng kakaibang takot sa a’king puso. Napangungunahan ako ng tila ba mabigat na damdamin sa a’king loob nang dahil sa kaniyang mga sinabi – na tila ba pinipiga ang a’king puso sapagkat kahit na hindi ko alam kung gaano na ba siya katagal na naghihintay sa a’kin, alam ko na hindi iyon ganoong kaikli kagaya ng nasa a’king isipan. Alam ko na mas matagal pa ang panahon na naghihintay siya para sa a’kin, at hindi ko maiwasang makaramdam ng kakaibang sakit sa a’king puso sapagkat hindi ko na mawari pa kung ano pa bang sakit ang naibigay ko sa kaniya. Hindi ko maiwasan na sisihin ang a’king sarili sapakat kung hindi ako ang dahilan, at kung hindi ako ang may kagagawan ng lahat, sino pa ba ang a’king masisisi? Sino pa ba ang may kasalanan? Sino pa ba ang dahilan ng lahat nang ito? Ako… Ako lamang ang dapat na masisi sa mga paghihirap at mga pasakit na nararamdaman ni Alana ngayon. Ako lamang ang masisisi sa mga bagay na naranasan niya para lamang mapagtagumpayan na’min ang planong ito. Ako lamang ang dahilan kung bakit tila ba ang kasiyahan ni Alana ay bigla na lamang nawala nang parang bula. Akmang magsasalita ako sa kaniya – sasabihin ang mga bagay na hindi ko alam kung mapanghahawakan ba talaga niya, hihingi ng paumanhin nang dahil sa mga pasakit na naibigay ko sa kaniya – kahit na hindi ko alam kung hindi pa ba ako huli para sabihin ko ang mga bagay na iyon. Kahit na hindi ko mawari kung iyon ba ang tamang gawin sa mga oras na iyon. Kahit na… kahit na sa tingin ko ay wala na ring saysay kung sasabihin ko pa ang mga pangakong hindi ko naman mawari kung kailan ko pa maisasakatuparan. Bubuka na sana ang a’king bibig upang kausapin siya tungkol sa bagay na iyon, ngunit tila ba may pumipigil talaga sa a’kin sapagkat hindi pa man ako nakasasambit ng isang salita, naputol na agad ang a’king mga nais na sabihin. Naputol iyon nang dahil sa bigla na lamang paghiyaw ng mga tao sa paligid na’min, na para bang sila ay labis na nagagagalak nang dahil sa bagay na hindi ko naman mawari kung ano. Nagpapalakpakan pa sila na para bang sila ay nasisiyahan, at iyon ang naging dahilan upang maputol ang usapan na’min ni Alana. Tumingin ako sa gawi ng mga naghihiyawang mga taong iyon, at doon ko nakita sina Demetrius, Linnea, at Mireya na nakikitingin sa pinagkakaguluhan ng mga taong iyon. Nakikita ko ang pagliwanag ng kanilang mga mukha, na para bang labis na nakaaagaw ng pansin ang pinagkakaguluhan nila sa ngayon.  Tumingin ako kay Alana at tumango kami sa isa’t-isa bago na’min napagpasiyahan na lumapit sa lugar na iyon, ngunit hindi pa man kami nakalalayo ay nakarinig kaming muli ng mga yabag ng mga tao na sa tingin ko ay papunta rin sa pinagkukumpulan nila sa ngayon. “Bilisan ninyo!” “Naririyan na si Olympus!” “Baka maubusan tayo ng kaniyang mga dala-dala!” Iilan lamang iyan sa mga naririnig na’min sa ngayon at kahit na hindi pa man kami nakalalapit sa kinaroroonan ng mga taong nagkukumpulan na iyon, alam kong ang ‘Olympus’ na kanilang sinasabi ay ang dahilan kung bakit sila nagkakagulo sa ngayon. Mas lalo pang nakaagaw ng pansin ko ang bagay na iyon, at mas lalo pa iyong naging dahilan upang mas gustuhin ko pang lumapit doon, kaya naman iyon na lamang talaga ang a’king ginawa – at sa tingin ko ay nakasunod lamang si Alana sa a’kin sapagkat nararamdaman ko ang kaniyang presensiya sa a’king likuran. Alam ko na nagka-interes din siya nang dahil sa bigla na lamang pagkagalak ng mga taong iyon, at alam ko rin na nais niyang makita kung ano ba talaga ang pinagkakaguluhan nila, kaya naman hindi na siya nag-atubili pa at lumapit na rin siya sa kinaroroonan ng mga kasamahan na’min. Tuluyan na kaming nakalapit sa kinaroroonan nina Linnea, ngunit hindi pa rin na’min makita kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga tao sa a’ming harapan sapagkat masyado nang siksikan sa lugar na iyon at nagpapaunahan pa silang makuha ang kung ano mang nasa harapan na’min ngayon. “Ano ang nangyayari?” hindi na napigilang tanong ni Alana sa a’ming mga kasamahan, ngunit umiling lamang ang mga iyon na para bang wala rin silang ideya sa kung ano mang nanyayari sa ngayon. “Hindi rin na’min mawari kung ano ang nanyayari,” sagot naman ni Demetrius sa kaniya habang pinipilit nitong tignan kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga taong iyon. Nakita ko pa ang pagkunot ng noo nito na tila ba may nakita siya sa harapan na’min ngayon. “May lalaki sa harapan ng mga taong ito at sa tingin ko ay nagtitinda siya ng mga bagay na nasa harapan niya. Hindi ko lamang makita kung ano ang mga bagay na iyon.” “Sa tingin ko ay si Olympus ang taong sinasabi mo.” Si Linnea ang nagsabi ng bagay na iyon, na naging dahilan upang mapalingon kami sa kaniyang gawi nang may nagtatakang tingin sapagkat tila ba kilala niya ang lalaking tinutukoy ni Demetrius. “Olympus?” sabay-sabay pa na’ming sabi nina Alana, Demetrius, at Mireya sa kaniya na para bang nais na’ming malaman kung ano ang alam niya sa taong iyon na nagngangalang Olympus. Tumango siya sa a’min bago niya sinabing, “Isa siyang kilalang mangangalakal sa bansang ito.” Nagkaroon ako ng interes nang sabihin niya ang bagay na iyon, at mas lalo pa akong nagalak nang dahil sa mga sumunod na sinabi ni Linnea. “At sa tingin ko ay makatutulong siya sa pakay na’tin sa bayan na ito.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD