Hindi ko alam kung papaano ko ba sasabihin kay Alana ang mga bagay na naalala ko noong nakaraang araw. Hindi ko mawari kung ano ba ang a’king dapat na gawin upang sabihin sa kaniya ang a’king mga nalaman, sapagkat kahit na kakaunti lamang ang bumalik sa a’king isipan noong araw na iyon, alam ko na sapat na iyon para malaman ko kung bakit nangyayari ang mga bagay na ito ngayon.
Ilang araw na rin ang lumipas magmula noong nangyari ang pagbalik ng alaala kong iyon, at sa mga araw na iyon, wala ni isa sa kanila ang nakakaalam kung ano ang tunay na nangyari. Wala ni isa sa kanila ang a’king sinabihan tungkol sa mga bagay na a’king nalaman.
Hindi iyon dahil sa hindi ko sila pinagkakatiwalaan. Hindi rin iyon dahil sa mga bagay na nangyayari nitong mga nakaraang araw, ngunit sa tingin ko ay ginagawa ko iyon sapagkat naguguluhan ang a’king isipan – naguguluhan ako kung bakit kinakailangan ko pang gawin ang lahat nang ito… Para sa anong dahilan? Bakit kinakailangan pang humantong sa ganito ang lahat?
Nilunod ko ang a’king sarili sa pag-iisip kahit na sinabi ko na sa a’king sarili at ipinangako na kailanma’y hindi ko na gagawin pang iyon muli. Kahit na ilang beses ko nang pinaulit-ulit sa a’king isipan na walang magandang mangyayari kung patuloy ko lamang lulunurin ang a’king sarili sa mga isiping hindi ko rin naman alam kung papaano ko malalaman – mga isiping hindi ko rin naman mawari kung papaano ko masosolusyonan.
Ginawa ko ang lahat upang hindi sila makahalata na may mga bagay na bumabagabag sa a’king isipan. Hindi ko ipinakita sa kanila na may naalala akong muli, sapagkat hindi ko sila nais na pag-aalalahanin… at ang akala ko ay nagtatagumpay ako nang gawin ko ang bagay na iyon, ngunit mukhang nagkamali rin ako sapagkat noong mga oras na akala ko ay mag-isa lamang ako sa silid na iyon, narinig ko ang tinig ng boses ni Alana.
“Ano ang iyong ginagawa mag-isa sa lugar na ito, Ambrose?”
Narinig ko sa kaniyang tinig na para bang nagtataka siya kung bakit ako naroroon, kahit na ba wala siyang maisip na dahilan kung bakit naroroon ako. Alam ko na labis ang kaniyang pagtataka, ngunit nang mga oras na iyon, hindi ko rin mawari kung ano ba ang dapat kong sabihin sa kaniya.
Hindi ko alam kung iyon na ba ang tamang oras upang sabihin ko sa kaniya ang bagay na pinaka tatago ko sa kanilang lahat nitong mga nakaraang araw. Hindi ko mawari kung iyon na ba ang tamang oras upang isiwalat ko sa kaniya ang mga alaalang bigla ko na namang naalala.
“Hinahanap ka na ni Mireya,” sambit niya sa a’kin, na naging dahilan upang mapatingin ako sa kaniyang gawi. Tinignan niya lamang ako sa a’king mga mata, bago siya muling nagsalita, “Mukhang nais na niya muling sanayin ka, ngunit hindi naman niya alam kung saan ka hahanapin.”
Unti-unti siyang naglakad papalapit sa a’kin, at hindi ko mawari kung bakit, ngunit tila ba hindi ako naging komportable sa kaniyang mga ginawa – tila ba alam ko nang sa oras na siya ay magtatanong sa a’kin, hindi ko na maiiwasan pang sabihin sa kaniya ang katotohanan na pilit kong itinatago sa kaniya.
“Kaya naman nagtanong siya sa a’kin, at dahil hindi naman na’min nais na pag-alalahanin iyong dalawa kahit na hindi naman kami sigurado kung ano na ang nangyari sa iyo.”
Napa-buntonghininga na lamang ako nang marinig ko iyon mula sa kaniya, dahil kahit na hindi niya diretsahang sinabi sa a’kin ang nais niya talagang sabihin, alam ko na sa a’king sarili na may nais siyang ipahiwatig nang sabihin niya ang bagay na iyon – alam ko na ang tunay niyang pakay kung bakit siya naririto ngayon.
Huminga siya nang malalim nang manatili akong tahimik, at doon lamang niya napagpasiyahan na pilitin akong tumingin sa kaniya sa pamamagitan ng paghawak niya sa a’king magkabilang pisngi, at wala na akong nagawa pang iba kung hindi ang salubingin ang kaniyang mga tingin sapagkat alam ko na rin naman sa aking sarili na wala na rin akong takas kahit na ano pa ang aking gawin.
“Sabihin mo sa a’kin, Ambrose,” sabi niya sa napaka-lambing na boses na para bang nais niya talagang malaman ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito sa ngayon. “May nangyari ba nitong nakaraang araw na hindi ko alam?”
Kahit na nais kong iwasan ang kaniyang mga tingin, hindi ko magawa sapagkat nararamdaman ko na hinding-hindi niya bibitiwan ang a’king mukha. Alam ko na na hindi niya ako hahayaang makaalis sa kaniyang pagkakahawak, kaya naman sinalubong ko na lamang ang kaniyang mga tingin – kahit na hindi ko alam kung papaano ko ba sisimulan sa kaniya ang mga nais kong sabihin, kahit na hindi ko mawari kung ano ba ang dapat kong gawin sa ngayon.
Pinag-isipan ko nang mabuti kung sasabihin ko na ba sa kaniya ngayon ang mga bagay na patuloy na bumabagabag sa a’kin nitong mga nakaraang araw. Pinag-iisipan ko kung ito na ba talaga ang tamang panahon upang sabihin ko sa kaniya ang mga bagay na a’king naalala.
“Hindi ako nagsasalita nitong mga nakaraang araw, dahil sa tingin ko ay iyon ang iyong kailangan…” Muli akong napatingin sa kaniya nang marinig ko ang mga bagay na iyon mula sa kaniya. “Ngunit, hindi ko na nakakaya pang makita kang magkaganito.”
Lumamlam ang tingin sa a’king mga mata nang dahil sa a’king narinig, at hindi iyon nakatakas sa mga tingin ni Alana. Nakita ko kung paano siya mas lalo pang napatitig sa a’king mga mata, ngunit wala siyang sinambit tungkol sa bagay na iyon at ipinagpatuloy lamang niya ang kaniyang sinasabi sa a’kin.
“Hindi napapansin nina Linnea ang pagbabago sa iyo nitong mga nakaraang araw, ngunit ngayon, sila ay nakahahalata na sa iyong mga kinikilos.” Pinaka titigan niya ang a’king mga mata, bago siya nagpatuloy sa kaniyang pagsasalita. “Kaya naman mas minabuti ko nang magtanong sa iyo, kaysa naman hindi ka maging komportable sa mga nagtatanong nilang tingin sapagkat alam na’ting pareho na hindi sila basta-basta magtatanong sa iyo.”
Mas lalo akong natahimik nang marinig ko ang mga sinabi ni Alana sa a’kin, sapagkat kahit na aminin ko man sa a’king sarili o hindi, alam ko na ganoon nga talaga ang mangyayari. Alam ko na nakahahalata na nga sila sa a’king mga kinikilos at alam ko rin na hindi sila basta-basta magtatanong nang tungkol doon kung hindi ako magsasalita.
Nang dahil sa mga sinabi ni Alana sa a’kin, at nang dahil sa mga bagay na a’king naisip nang marinig ko ang mga bagay na iyon mula sa kaniya, napagpasiyahan ko na ito na nga ang panahon upang sabihin ko sa kaniya ang katotohanan. Ito na ang panahon upang sabihin ko ang bagay na patuloy na gumugulo sa a’king puso at isipan.
Tumingin akong muli sa kaniyang mga mata, at hindi ko man alam kung anong uri ng tingin ang ibinigay ko sa kaniya, ngunit tila ba iyon ang naging dahilan upang marahan niyang ibaba ang kaniyang mga kamay na nakasapo sa a’king pisngi kanina – na para bang alam na niyang magsasalita na ako at hindi ko na itatago pa ang katotohanan.
Nakita ko na para bang bibigyan niya ako ng distansiya, ngunit hindi ko siya hinayaang gawin iyon at hinawakan ko ang kaniyang mga kamay upang hindi na siya makalayo pa sa a’kin. Hindi ko inalis ang a’king mga titig sa kaniyang mga mata, bago ko tinawag ang kaniyang ngalan.
Siya ay para bang napaigtad nang dahil sa a’king bigla na lamang pagtawag sa kaniya, ngunit agad din namang sumeryoso ang kaniyang mukha nang makita niya na para bang desidido akong kausapin siya sa ngayon.
“Gaano pa karami ang lihim na hindi mo sinasabi sa a’kin?”
Nakita ko kung paano nanlaki ang kaniyang mga mata nang marinig niya ang tanong kong iyon, at nakita ko kung paano siya umiwas sa a’king mga titig, na para bang hindi niya nais na ipakita ang kung ano mang emosyon na mayroon siya sa kaniyang mga mata ngayon.
“Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na hindi ko masasagot ang tanong mong iyan?” Mababa ang kaniyang boses nang sabihin niya ang mga katagang iyon, ngunit dahil malapit kami sa isa’t-isa, malinaw kong napakinggan ang mga bagay na kaniyang sinasabi. “Kahit na ilang beses mo pang itanong iyan sa a’kin, at kahit ilang beses mo pang gustong malaman, hinding-hindi ko sasabihin ang kahit na ano sa iyo.”
“Dahil ba iyon sa mga ipingako mo sa a’kin?”
Natulos siya sa kaniyang kinatatayuan nang marinig niya ang bagay na iyon mula sa a’kin, at sa tingin ko ay sapat na iyon para malaman ko na isa iyon sa mga dahilan kung bakit niya kinakailangang gawin ang bagay na ito – sapat na iyon upang makumpirma ko ang bagay na patuloy na gumugulo sa a’king isipan nitong mga nakaraang araw.
“Papaano mo iyan nalaman?”
Nakita ko ang pag-asa kaniyang mga mata, na para bang iyon ang pinaka hihintay niyang pagkakataon, ngunit kahit na hindi ko nais na basagin ang pag-asa na iyon sa kaniya, alam ko na kailangan kong sabihin sa kaniya ang katotohanan.
“Nahinuha ko lamang iyon nang dahil sa naalala ko noong araw na iyon,” pagpapaliwanag ko sa kaniya at nakita ko kung paano siya bigla na lamang nalungkot nang sabihin ko ang mga bagay na iyon. “Napag-isip-isip ko na baka ang puno at dulo ng lahat ng ito ay ako rin.”
Parehas kaming natahimik nang matapos kong sabihin iyon at wala ni isa sa a’ming dalawa ang nagsalita. Parehas lamang kaming nag-iisip nang napaka-lalim – na para bang parehas na’ming pinag-iisipan kung ano pa ba ang mangyayari pagkatapos nito, na para bang parehas kami nang nasa a’ming isipan, ngunit hindi na’min iyon sinasabi sapagkat alam na’ming pareho na hindi pa tapos ang pinag-uusapan na’min kanina.
Pinaka titigan akong muli ni Alana, bago unti-unting sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi na para bang may dahilan upang gawin niya iyon – na para bang may napagtanto siya nang dahil sa mga bagay na sinabi ko sa kaniya.
“Sa tingin ko ay ito ang panahon na sinasabi mo sa a’kin noon.”
Napatigil ako nang maalala ko na may ganoon din akong sinabi sa kaniya sa alaala kong iyon. Noong mga oras na iyon na sinabi ko sa kaniyang panghawakan niya ang papel na iyon hanggang sa dumating ang takdang panahon, at kahit na hindi naman na’min sigurado sa isa’t-isa na iyon nga ang tinutukoy na’min pareho sa ngayon, hinintay ko pa rin kung ano ang bagay na kaniyang ibibigay sa a’kin.
“Maraming panahon na rin ang lumipas magmula noong ibinigay mo sa a’kin ito, at sa tingin ko ay ito ang araw na iyong tinutukoy noong araw na iyon,” sambit niya sa akin, bago siya nagsabi ng mga salitang alam ko ay may kaugnayan sa kaniyang mahika, bago ko nakita ang papel na bigla na lamang lumitaw sa kaniyang kamay – ang parehong papel na ibinigay ko sa kaniya noon.
Ang papel na isa sa makapagpapabago sa lahat ng nangyayari sa ngayon. Ang papel na ayon sa alaala kong iyon, ang magiging dahilan upang maibalik ko na ang mahika na nawala sa a’kin – ang mahika na kakailanganin ko para sa mga susunod pang araw na mananatili ako sa mundong ito.
“Hindi ko alam kung ano ang nilalaman ng papel na iyan, maliban na lamang sa sinabi mong iyan ang magiging susi upang magamit mong muli ang iyong mahika.” Napa-tungo siya na para bang hindi niya alam kung itutuloy pa ba niya ang kaniyang sasabihin, ngunit sa huli ay muli niyang itinunghay ang kaniyang ulo at tumingin sa a’king mga mata. “Kailanman ay hindi ko naisipang buksan iyan, dahil pinagkakatiwalaan kita – dahil alam kong alam mo ang iyong ginagawa.”
Kinuha niya ang isa kong kamay, bago niya inilagay ang papel na iyon sa a’king palad, bago unti-unting sumilip ang ngiti sa kaniyang mga labi – bago unti-unting nagkaroon ng kislap ng pag-asa ang kaniyang mga mata, na para bang hindi niya akalaing nangyayari na ang bagay na ito.
Na para bang minsan na rin siyang nawalan ng pag-asa – minsan na rin siyang napatanong kung makakaya pa ba niya ang lahat ng kaniyang ginagawa para mapagtagumpayan kung ano man ang a’ming plano noon.
“Naniniwala ako sa iyo, Ambrose,” sambit niya, at sa hindi ko malamang kadahilanan, naging sapat na iyon upang magkaroon ako ng lakas ng loob upang ipagpatuloy kung ano man ang nasimulan na na’min. “Naniniwala ako na hindi magtatagal at muli mo nang makukuha ang trono na para sa iyo.”
Tumayo ako sa a’king kinauupuan bago ako lumapit pa lalo kay Alana, bago ko dinama ang init ng kaniyang pisngi, na naging dahilan upang mapapikit siya na para bang nais niyang damhin ang a’king ginagawa sa ngayon.
“Pasensiya ka na, Alana,” sambit ko sa kaniya na naging dahilan upang mapatingin siya sa a’kin muli, “kung kinakailangan mong gawin ang lahat nang ito para sa plano na binuo ko…”
Para sa plano na kahit na ano pa rin ang a’king pilit, hindi ko pa rin maalala kung ano iyon. Wala pa rin akong ideya kung ano iyon, ngunit sa tingin ko ay napaka-laking plano iyon sapagkat ang lahat ng iyon ay humantong sa ganito – umabot sa puntong kinailangan ko pang isakripisyo ang a’king alaala at mahika para lamang masigurado na magiging maayos lamang ang lahat.
Hanggang sa umabot iyon sa punto na nahihirapan na rin si Alana nang dahil sa mga bagay na pinagagawa ko sa kaniya.
Marahan siyang napailing at tumingin siya sa a’king mga mata, na para bang nais niyang pagaanin ang a’king loob – kagaya na lamang ng lagi niyang ginagawa para sa a’kin – kahit na hindi naman talaga niya kailangan iyong gawin.
“Hindi mo kailangang humingi ng tawad sapagkat alam ko na makabubuti rin naman sa lahat ang ginagawa na’ting ito,” sabi niya sa a’kin, at sa hindi ko malamang dahilan, gumaan ang a’king pakiramdam nang marinig ko ang bagay na iyon.
Para bang nabunutan ako ng tinik nang dahil sa kaniyang mga sinabi. Na para bang iyon lamang ang a’king hinihintay upang mawala ang mga bagay na bumabagabag sa a’king isipan nitong mga nakaraang araw.
Unti-unti akong ngumiti at hindi ko mapigilang mapahinga nang maluwag habang hindi ko inaalis ang tingin ko sa kaniyang mga mata. Unti-unti ko ring ibinaba ang kamay ko na naka-hawak sa kaniyang pisngi kani-kanina lamang, bago ko hinaplos ang papel na ibinigay niya sa a’kin.
“Maraming salamat,” hindi ko mapigilang sambitin sa kaniya, na para bang iyon na lamang ang natatanging bagay na maaari kong masabi sa kaniya – na para bang iyon na lamang ang natatanging salita na maaari kong sambitin sa kaniya ngayon.
“Tsaka mo na lamang sabihin ang bagay na iyan kapag natapos na ang lahat nang ito,” sabi niya sa a’kin, na naging dahilan upang mapatingin ako sa kaniyang muli. “Tsaka na lamang tayo muling mag-usap nang ganito kapag naayos na na’tin ang lahat sa mundong ito.”
Muli akong napatingin sa kaniya nang marinig ko ang mga bagay na iyon, at doon ko lamang nakita na may masuyo siyang ngiti, na para bang ipinapangako niya na sa oras na maayos na na’min ang lahat sa mundong ito, iyon ang oras na wala na siyang itatagong lihim sa a’kin. Siya ay para bang nangangako na sa oras na maayos na ang lahat, hinding-hindi na niya pipigilan pa ang kaniyang sarili sa kaniyang mga nais na sabihin sa a’kin.
Kahit na nais ko pang magtanong, at kahit na nais kong sabihin sa kaniya na hindi na na’min pa kailangang hintayin ang panahon na iyon, mas pinili ko na lamang ang manahimik at tumango sa kaniya. Sa tingin ko naman ay tama ang a’king naging desisyon sapagkat nakita ko na mas lalo pang sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi.
Bumaba ang kaniyang tingin sa papel na hawak-hawak ko, matapos niyang makumpirma na hindi na ako magtatanong pa tungkol sa kaniyang mga sinabi, at nang dahil sa kaniyang ginawang iyon, muli na naman akong napabaling sa papel na iyon – sa isang papel na hanggang sa ngayon ay hindi ko pa rin mawari kung ano ang nilalaman noon.
“Sa ngayon, sa tingin ko ay mas makabubuti sa a’tin kung titignan na na’tin ang nilalaman ng papel na iyan,” sambit niya, na naging dahilan upang sumang-ayon ako sapagkat alam ko sa a’king sarili na iyon ang pinaka mainam na gawin sa ngayon. “Hindi ko rin mawari kung ano ang nilalaman niyan sapagkat hinihintay ko talaga ang pagkakataon na ito.”
“Kung gayon ay huwag na lamang na’ting patagalin pa ito,” pabulong kong sabi sa kaniya, bago ko unti-unting binuksan ang papel na ibinigay niya sa a’kin – ang papel na ibinilin ko pa sa kaniya.
Noong mga panahong iyon, akala ko ay agad kong malalaman kung papaano ko magagamit muli ang a’king mahika. Ang akala ko ay iyon na talaga ang magiging dahilan upang malaman ko kung paano ko muli maaalala ang a’king mahika, ngunit tila ba mapaglaro talaga ang tadhana sa a’kin – sa a’min – sapagkat noong mga oras na tinignan ko na kung ano ang nilalaman ng papel na pinaka tatago ni Alana, hindi ko alam kung ano ang a’king mararamdaman.
Nakalagay doon ang susi kung papaano ko muling magagamit ang a’king mahika. Nakalahad doon ang paliwanag kung ano ang a’king dapat na gawin upang muli ko nang maalala ang a’king nawalang mahika.
Detalyado iyon, ngunit may isang impormasyon na nawawala sa sulatin na iyon. Isang impormasyon na pinaka importante sa lahat, sapagkat alam ko na mahihirapan kaming hanapin ang ‘susi’ na iyon.
Nag-angat ako ng tingin kay Alana sapagkat alam ko na naghihintay siya sa kung ano mang a’king sasabihin, kaya naman bumulong ako sa kaniya at nagsabing, “Sinasabi rito na kakailanganin ko ng inumin na ito upang bumalik na ang a’king mahika…” Nakita ko ang pagliwanag ng kaniyang mga mata, kaya naman hindi ko na binitin pa ang a’king sunod na sasabihin sapagkat hindi ko siya nais na paasahin pa.
“Ngunit walang nakasaad kung saang lugar ko mahahanap ang inumin na ito.”