“Mukhang hindi papayag ang babaeng iyon sa ating nais na gawin,” sambit ni Demetrius sa amin habang kami ay naglalakad sa kahabaan ng kalsadang ito papauwi sa tahanan ni Linnea, habang ako naman ay tahimik lamang na nag-iisip sa kanilang tabi at pinakikinggan ang mga sasabihin ni Demetrius kay Linnea.
Ang akala ko ay hindi sasagot si Linnea sa kaniyang mga sinabi, kaya naman nagulat ako nang magsalita siya na para bang alam na niya ang mangyayari – na hindi na nakagugulat pa sapagkat lagi naman siyang ganoon. Lagi niyang nalalaman kung ano pa man ang mga mangyayari, ngunit kadalasan ay hindi niya sinasabi sa amin iyon.
Lagi niyang inililihim ang mga ganoong bagay sa amin, ngunit tila ba sa pagkakataong ito, naisip niya na kailangan din na’ming malaman kung ano ba talaga ang mangyayari. Nahinuha niya na ito lamang ang paraan upang hindi na kami mag-isip pa kung ano ba dapat ang mga susunod pa na’ming mga hakban matapos ang pangyayaring iyon, na para bang hindi papayag ang babaeng nagngangalang Mireya na tulungan kami.
“Bigyan n’yo lamang siya ng sapat na oras,” sagot niya kay Demetrius, na naging dahilan upang mapatingin kaming pareho sa kaniya nang may kunot sa noo at para bang nagtatanong kung gaano katagal ang kailangan na’ming hintayin para pumayag ang babaeng iyon.
“Paano ka naman nakasisigurado na papayag siya?” tanong ni Demetrius, at napatingin naman si Linnea sa kaniya nang nakataas ang kaniyang kilay na para bang tinatanong niya rito kung ano sa tingin niya ang ginawa nito upang malaman niya iyon.
Nagkibit balikat lamang si Demetrius sa kaniya habang nakapamulsang nagpatuloy sa kaniyang paglalakad, kaya naman ang akala ko ay doon na magtatapos ang kanilang pag-uusap ngunit dahil nga si Demetrius ang aking tinutukoy rito, alam ko nang hindi agad ito basta-basta lamang mananahimik hanggang sa hindi nito nalalaman ang nais niyang malaman.
“Alam ko na hindi ka manghihimasok nang ganoon sa buhay ng isang tao, kung hindi ka hinayaan ng taong iyon.” Tumigil si Demetrius sa kaniyang paglalakad at tumuon ang tingin nit okay Linnea. “Alam ko rin na hindi mo nais na basta na lamang basahin ang isipan ng babaeng iyon sapagkat nahihinuha ko na may ideya ka kung ano ang nangyari sa kaniyang nakaraan”
Napa-buntong hininga na lamang si Linnea nang dahil sa sinabi ni Demetrius at natahimik ito na para bang napakalalim ng kaniyang iniisip, ngunit alam ko na may iba pang dahilan kung bakit para bang bigla na lamang nagbago ang ekspresiyon na mayroon siya sa kaniyang mukha ngayon.
“Nakita ko sa kaniyang mukha kanina na nais niya tayong tulungan,” pagpapaliwanag niya bago siya sumulyap sa aking gawi nang nakataas ang isa niyang kilay na para bang may alam siyang hindi ko sinasabi sa isa pa na’ming kasama. “At sa tingin ko ay alam mo iyon, Ambrose.”
Hindi ako makaiwas sa nagtatanong na tingin ni Demetrius kaya naman minabuti ko na lamang ang sabihin ang mga naobserbahan ko sa babaeng kausap na’min kanina – si Mireya na para bang nakikita ko ang takot sa kaniyang mga mata noong binabanggit na’min kung bakit kinakailangan na’min ng tulong ngayon.
“Nakita ko sa kaniyang mga mata kanina na para bang may pumipigil sa kaniyang pumayag sa atin,” pagpapaliwanag ko kay Demetrius, ang natatanging wala atang ideya kung ano ang emosyon na makikita sa mga mata ni Mireya kanina. “Hindi iyon dahil sa atin at sa tingin ko ay dahil iyon sa mga nangyari sa kaniyang nakaraan.”
Binigyan ko ng makahulugang tingin si Linnea na huminga lamang nang malalim, na para bang hindi niya nais na isiwalat kung ano ang kaniyang nalalaman tungkol sa nakaraan ni Mireya. Kagaya nga ng sinabi ni Demetrius kanina, hindi niya nais na manghimasok sa buhay ng ibang taong nakapaligid sa kaniya kung hindi siya pinayagan ng taong iyon, o ‘di kaya naman ay kailangan talaga.
“Hindi ko talaga masasabi sa inyo ang mga tunay na nangyari, ngunit isa lamang ang makukumpirma ko sa inyo ngayon,” sabi niya kaya naman napatingin kami ni Demetrius sa kaniya habang hinihintay na’min kung ano man ang kaniyang mga sasabihin. “Hindi naging maganda ang kaniyang pamumuhay sa bayan na ito at nagkaroon lamang siya ng tahanan nang dahil sa lalaking nagmamay-ari ng kainan na iyon.”
Parehas kaming nagkatinginan ni Demetrius sa isa’t-isa, ngunit hindi na kami nagtanong pa sapagkat alam na’ming hindi naman ganoong kadali ang sabihin kung ano ba talaga ang nangyari sa babaeng iyon. Alam na’min na hindi naman talaga magiging madaling sabihin ang mga bagay na hindi naman nangyari sa aming buhay.
Kaya naman kahit na nais ko talagang malaman ang nakaraan ng babaeng iyon, mas minabuti ko na lamang ang hindi magsalita at magpatuloy na lamang sa pag-iisip kung ano ba talaga ang magandang gawin habang hindi pa siya pumapayag sa aming nais – at kung gaano katagal bago siya talagang pumayag na tulungan kami upang muli ko nang magamit ang aking mahika.
Hindi na kami nag-usap pa matapos sabihin ni Linnea ang mga bagay na iyon tungkol kay Mireya, at alam ko na pare-parehas lamang kaming nag-iisip ng mga bagay na pilit na ginugulo ang aming isipan, kaya naman hindi na rin ako nagsalita hanggang sa makarating na kaming muli sa tahanan ni Linnea.
Pagkapasok pa lamang na’min sa kaniyang tahanan, agad na lumapit si Alana sa amin at alam ko nang magtatanong siya kung ano ang nangyari, kaya naman minabuti ko na rin na sabihin sa kaniya ang nangyari at kung ano ang sinagot sa amin ng babaeng iyon.
“Hindi siya sumagot nang sabihin ni Linnea sa kaniya ang aming pakay,” sabi ko pa sa kaniya, kaya naman agad na kumunot ang kaniyang noo na para bang naguguluhan siya sa mga inaakto na’min sa ngayon, ngunit kahit na ganoon na nga ang nangyayari, hindi siya nagsalita at itinuon na lamang niya ang atensiyon niya sa aming mga sinabi.
“Ano na ang ating susunog na gagawin?” tanong niya sa amin, bago niya kami isa-isang tinignan hanggang sa ibinaling niya ang kaniyang atensiyon sa akin. “Hahanap na ba tayo ng iba pang maaaring makatulong sa atin? Sa iyo, Ambrose?”
Napatingin ako kay Linnea ng tanungin ako ni Alana nang ganoon, at alam ko na hindi iyon nakatakas sa tingin niya sapagkat nakatuon na ang kaniyang paningain kay Linnea na may kalmado na namang ekspresiyon sa kaniyang mukha.
Inaasahan ko nang hindi niya sasagutin ang tinanong ni Alana, at alam ko rin na hihintayin niya ang aking sagot, kaya naman noong ibinaling niya ang kaniyang atensiyon sa akin, alam ko nang nais niyang marinig mula sa aking sarili ang aking desisyon kung hihintayin ba na’min ang sagot ni Mireya o hindi.
Inisip ko ang nakita kong emosyon sa mukha ni Mireya kanina noong hindi niya kami sinagot at tumungo lamang siya na para bang wala talaga siyang balak na sagutin kami, bago ako muling tumingin sa aking mga kasama ngayon at sinabi ang aking desisyon tungkol sa aming problema sa ngayon.
“Hihintayin na’tin ang kaniyang magiging sagot, at pagkatapos noon, tsaka lamang tayo mag-iisip ng ating mga susunod na hakbang,” sambit ko sa kanilang tatlo at wala ni isa sa kanila ang nagsalita o tumutol sa aking desisyon.
Nakita ko kung paano kami tinignan ni Alana, isa-isa, na para bang may hinahanap siyang sagot sa aming mukha, bago siya tumango sa akin na para bang naiintindihan na niya kung bakit ako nagdesisyon nang ganoon.
Hindi na rin siya nagtanong pa at sumunod na lamang siya kay Linnea na nauna nang pumasok sa kaniyang tahanan. Mukhang hindi nito nais pang buksan ang kaniyang tahanan para sa ibang taong nais na magpahula sa kaniya ngayong araw, at alam ko na hindi magiging maganda iyon sapagkat sa tuwing gagawin niya ang bagay na ito, lagi na lamang may mga taong nagrereklamo sa kaniya, na para bang obligado siyang kausapin ang mga ito.
Si Alana naman ay mukhang kinuha ang pagkakataon na iyon upang magtanong sa kaniyang kaibigan sapagkat mukhang nakita na niya na hindi ko nais na makipag-usap sa kahit na kanino man ngayong araw.
“Sa silid ko lamang ako.” Tinapik sa balikat si Demetrius at hindi ko na hinintay pa ang kaniyang sagot at tuluyan na akong pumasok sa aking silid nang walang iba pang sinasabi.
Hindi ko na rin sila pinansin pa at basta na lamang akong nahiga sa aking kama habang puno na naman ang aking isip ng mga bagay na nalaman ko at nangyari kanina. Hindi ko maiwasang isipin kung ano ba talaga ang nangyari kay Mireya at tila ba ilag siya sa mga taong kaniyang nakakasama, ngunit alam ko rin na wala naman akong maisasagot para sa bagay na ‘yon sapagkat alam ko na sa kaniya ko lamang malalaman ang tunay na dahilan – na mukhang hindi ko rin naman malalaman ngayon sapagkat hindi niya rin nais na makisama sa kahit na kanino man.
Mukhang hindi niya rin nais na pumayag nang ganoong kadali lamang, at sa tingin ko ay matatagalan bago pa man siya tuluyang pumayag at talagang tulungan kami sa aking problema sa ngayon. Sa tingin ko nga ay kinakailangan na’min siyang bigyan ng sapat na oras sapagkat nakikita ko sa kaniyang mga mata na para bang may pumipigil sa kaniya na pumayag na tulungan kami.
Nakikita ko sa kaniyang mata na para bang natatakot siya sa maaaring mangyari, kaya naman mas minabuti na lamang niya ang maging tahimik at hindi na lamang magsalita pa tungkol doon. Mas pinili na lamang niya ang maging tapat sa kaniyang sarili kaysa ang paasahin kami sa mga bagay na hindi naman niya sigurado kung pangangatawan talaga niya.
Nang mga oras na kausap na’min siya, hindi ko maiwasan na isipin kung papaano ko siya matutulungan. Nais ko kasing maibsan ang takot na nararamdaman niya, ngunit alam ko rin sa aking sarili na ako ay hamak na isang tao na hindi niya kilala. Hindi ako konektado sa kaniya, kaya naman alam ko rin na wala akong magagawa upang matulungan siya.
Ang natatanging paraan na lamang upang malaman ko ang katotohanan tungkol sa takot na akan kong nararamdaman niya kanina ay ang pagpayag niya na tulungan kami, ngunit kagaya ng ng sinabi ko kanina, mukhang magtatagal ang panahon kung kailan talagang mangyayari iyon sapagkat hindi buo ang kaniyang loob habang kami ay nag-uusap kanina.
Ang natatanging bagay na maaari na lamang niyang gawin ay ang tulungan ang kaniyang sarili. Ang natatanging paraan na lamang upang hindi na siya matakot nang ganoon ay ang harapin ang katotohanan, katulad na lamang ng mga ginawa ni Demetrius noon, ngunit alam ko rin na hindi naman ganoong kadali ang pagtanggap sa lahat ng nangyari – hindi ganoong kadali ang harapin ang katotohanan, dahil iyon din ang nararamdaman ko sa tuwing maiisip ko na may dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin lubusang naaalala ang lahat ng nangyari sa aking nakaraan.
“Sadyang may mga bagay talaga na hindi mo magagawang kontrolin kahit na ano pa ang iyong gawin,” hindi ko mapigilang ibulong sa aking sarili habang ako ay patuloy na nakatitig lamang sa kawalan, na para bang nais ko na lamang ang magpakalunod sa aking sariling mga iniisip – ngunit ang katotohanan ay nais ko lamang talaga mag-isip ng mga bagay na maaari kong gawin para sa taong alam kong nangangailangan ng tulong ngayon.
Nais ko talagang malaman kung paano ko maiibsan ang takot at sakit na nararamdaman niya ngayon, ngunit alam ko rin sa aking sarili na may mga bagay talaga na hindi ko magagawa kahit na kailanman. May mga bagay na hindi ko masosolusyonan kahit na ano pa ang aking gawin – lalo na at hindi naman ako ang nasa sitwasyon na kinahaharap niya sa ngayon.
“Ang natitirang paraan na lamang talaga ay hintayin siyang pumayag na tulungan kami upang matulungan din na’min siya,” sambit ko pa sa aking sarili matapos kong mapa-buntong hiningan nang malalim. “Ngunit alam ko rin na matatagalan bago talaga siyang tuluyan na pumayag sa aming nais.”
Ang akala ko ay iyon talaga ang mangyayari. Ang akala ko talaga ay kinakailangan pa na’ming maghintay nang matagal, ngunit tila ba nagkamali ako sapagkat agad akong napabangon nang marinig ang sinabi ni Alana sa akin nang kumatok ito sa pinto ng aking silid.
“Ambrose, dumating dito si Mireya, ang babaeng sinabi ni Linnea ay ang kinausap ninyo kanina,” sabi niya kaya naman agad akong lumapit sa pintuan ko at agad ko iyong binuksan. Mukhang hindi naman nagulat si Alana sa aking ginawa at sa halip ay mas ngumiti pa ito sa akin at ipinagpatuloy niya ang kaniyang sinasabi, “Nais ka raw niyang makausap.”
Agad akong tumango sa kaniya at tuluyan na akong lumabas ng kaniyang silid, bago kami sabay na bumaba mula sa ikalawang palapag ng tahanan ni Linnea. Hindi pa man kami nakalalayo ay nakita na agad na’min si Mireya na kasama sina Demetrius at Linnea habang tahimik ang mga itong nakaupo sa isang mahabang upuan na naroroon.
Nang makita niya ako ay agad itong tumayo at seryosong tumingin sa aking mga mata, at sinabing, “Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa.” Hindi niya inalis ang kaniyang tingin sa aking mata bago niya ipinagpatuloy ang kaniyang sasabihin. “Nais ki’tang tulungan upang muli mo nang magamit ang iyong mahika.”
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay basta na lamang siyang umalis sa aming harapan, habang kinakaway pa nito ang kaniyang kamay na para bang nagpapaalam na siya sa amin, ngunit mukhang may naalala itong sabihin sapagkat tumigil ito sa paglalakad at muling lumingon sa aking direksiyon.
Ngumisi ito sa akin bago niya sinabing, “Magsisimula tayo bukas sa oras na dumating akong muli sa tahanang ito ni Linnea.”