Kinabukasan matapos ang pagpunta ni Mireya sa tahanan ni Linnea, talagang pumunta ito nang napakaaga at sa katunayan ay nakikain pa nga ito ng agahan sa amin na para bang normal lamang sa kaniya na gawin ang bagay na iyon.
Nakikipag-usap pa nga ito sa amin, at ang tatlo ko namang kasama ay malugod lamang siyang tinanggap na para bang siya ay dati na na’ming kaibigan, kahit na ang katotohanan ay kakikilala pa lamang na’min sa kaniya noong nakaraang araw. Umaakto silang para bang magkakaibigan na matagal nang hindi nagkikita, kahit na ang nangyari kahapon ay talagang kabaligtaran n’on.
Hindi na lamang ako nagkomento pa tungkol doon at hinayaan ko na lamang silang umakto na para bang malapit na nilang kaibigan si Mireya, sapagkat nakikita ko na para bang komportable rin siya sa mga ginagawa ng mga kasama ko – o mas magandang sabihin na ginagawa niya iyon upang makisama sa amin.
Nakikita ko sa kasi sa kaniyang mga mata na may pagkailang pa rin siya sa mga taong nakapaligid sa kaniya, ngunit pilit niya iyong iwinawaksi sa kaniyang isipan at pilit siyang umaakto na para bang wala siyang nararamdaman na ganoon.
Alam ko rin na napansin iyon ng mga kasama ko sa tahanang ito na iyon ang ginagawa ni Mireya, kaya naman hindi na lamang nagsabi ang mga ito at umakto na lamang sila na hindi nila napansin na pinipilit lamang ni Mireya ang kaniyang sarili na hindi mailang sa kanila – na labis kong ipinagpapasalamat sapagkat alam ko na medyo matagal din na makakasama na’min siya.
Bukod pa roon, malapit lamang ang kaniyang tinutuluyan dito sa tahanan ni Linnea, kaya naman hindi malayo na magkikita at magkikita pa rin kami kahit na ano pa ang gawin na’min, kaya naman nahinuha ko na mas maganda na rin siguro na ganito ang kanilang inaakto kaysa naman hindi maganda ang pakikitungo nila kay Mireya – dahil alam ko nang walang magandang mangyayari kung ganoon nga ang gagawin nila.
Tahimik lamang akong nakamasid habang pinakikinggan ko ang mga sinasabi nila at ang paminsan-minsang pagtawa nilang lahat na para bang ang mga kuwento na kanilang sinasabi ay alam na nilang lahat. Hindi ko rin maiwasang mapailing habang patuloy akong kumakain ng aking agahan, ngunit nang mapatingin ako sa gawi ng aking mga kasama, nahuli ko na nakatingin si Mireya sa akin.
Para bang inoobserbahan niya ako kaya naman napakunot ang aking noo at nagtatanong na tumingin sa kaniya, na para bang hindi ko mawari kung bakit ganoon siya kung makatingin sa akin. Ang iba pa na’ming kasama ay tahimik lamang na kumakain habang paminsan-minsan ay sumusulyap ang mga ito sa aking gawi o ‘di kaya naman ay sa direksiyon kung nasaan nakaupo si Mireya ngayon.
Nais ko sanang magtanong sa kaniya kung ano ang kaniyang nais at kung bakit ganoon siya kung makatingin, ngunit bago ko pa man maibuka ang aking bibig, nauna na isyang magsalita na naging dahilan upang lunukin ko na lamang ang aking itatanong at pakinggan ang kung ano mang mga sasabihin niya sa akin.
“May nais akong itanong sa iyo, Ambrose,” sabi niya sa akin, at hindi ko na siya tinanong pabalik at hinintay ko na lamang ang kaniyang itatanong sa akin. “Sa aking pagkakaalala ay sinabi ni Linnea na ikaw ay nawalan ng ala-ala, ngunit may kakaunti ka nang naalala nitong mga nakaraang linggo…”
Agad naman akong tumango sa kaniya at patuloy na pinakikinggan ang kaniyang mga susunod na sasabihin, kahit na mukhang alam ko na kung ano ang kaniyang nais na ipunto. Nahinuha ko na kung ano ang nais niyang itanong sa akin ngayon.
“Ngunit… bakit tila ba wala kang ideya kung ano ang iyong mahika?” tanong nito sa akin nang may kunot sa kaniyang noo, na inaasahan ko na sapagkat iyon din ang labis na ipinagtataka ng aking mga kasama ngayon – maliban kay Alana na mukhang hindi rin sinasabi sa akin kung bakit ganoon nga ang nangyayari ngayon. “Sa tingin ko kasi ay kahit na makalimutan mo ang lahat ng nangyari sa iyong nakaraan, maaari mo pa ring magamit at maalala ang iyong taglay na mahika.”
Napalabi ako nang marinig ko ang kaniyang mga sinasabi at hindi ko rin mawari kung ano ang aking dapat na isagot sapagkat alam ko rin sa aking sarili na hindi ko alam kung ano ba dapat ang aking sasabihin. Hindi ko mawari kung ano ba ang bagay na dapat kong sabihin sa ganitong sitwasyon, at mukhang naramdaman iyon ni Alana sapagkat ito na ang sumagot kay Mireya.
“Ang sitwasyon niya sa ngayon ay hindi katulad ng mga nararanasan ng tao sa mundong ito,” sabi ni Alana nang may seryosong tingin sa kaniyang mga mata, na naging dahilan upang mapabaling sa kaniya si Mireya.
May matalim itong tingin kay Alana, at alam ko nang katulad ni Demetrius, pinaghihinalaan din nito si Alana ngayon – at alam ko na dahil iyon sa mga bagay na alam niya tungkol sa akin ngunit hindi niya nais na sabihin sa kahit na kanino man, kahit na ang tao pang iyon ay wala namang kinalaman sa kahit na sino man sa amin.
“Mukhang marami kang alam tungkol sa kaniya.” Tinapunan ako ng tingin ni mireya, ngunit nanatili lamang akong tahimik habang patuloy na pinakikinggan ang pag-uusap nilang dalawa ni Alana – na ngayon ay mukhang tapos nang kumain at nakatuon na ang buong atensiyon nit kay Mireya.
Unti-unting sumilay ang ngiti sa mga labi ni Alana, ngunit alam ko na hindi naman talaga siya nagagalak sa mga sinasabi Mireya ngayon. Alam ko na hindi siya komportable tungkol sa mga bagay na tinatanong nito sa knaiya, ngunit hindi rin naman niya alam kung ano ang kaniyang dapat na gawin upang mapatigil ito sa kaniyang pagtatanong.
“Matagal ko na siyang kilala.”
Lahat kami ay napatigil sa kaniyang mga sinabi. Lahat kami ay napatingin sa kaniyang gawi sapagkat ito ang unang pagkakataon na diretsahan niyang inamin na kilala niya ako. Ito ang unang pagkakataon na inamin niyang kilala niya ako, sapagkat noong kami ang nagtatanong sa kaniya, palagi lamang siya nagbibigay ng mga pahiwatig ngunit hindi niyia talaga inaamin kung ano ba talaga siya sa akin.
“Kung gayon ay baka may ideya ka kung ano ang nararapat na’ting gawin para mapadali ang kaniyang paggamit ng kaniyang mahika.”
Umayos pa ng upo si Mireya na para bang nais niyang hintayin ang sagot ni Alana tungkol sa kaniyang mga sinasabi, ngunit alam ko nang hindi naman talaga ito magsasalita kagaya ng nakasanayan nitong gawin sa tuwing kami ay magtatanong ng tungkol sa akin. Alam ko na hindi ito magsasabi kung alam niyang kailangan pa rin niya itago kung iyon.
Mukhang tama nga ako nang isipin ko iyon sapagkat narinig ko siyang nagsabi, “Hindi ko rin alam kung ano ba ang dapat na’ting gawin. Wala akong ideya kung ano ang nararapat na’ting gawin upang muli niyang magamit ang kaniyang mahika.”
May seryosong tingin sa kaniyang mga mata nang sabihin niya iyon kay Mireya, na hindi ko na ikinagulat pa sapagkat inaasahan ko nang ganoong na naman ang kaniyang sasabihin. Mukhang ganoon din ang inaasahan ng dalawa pa na’ming kasama sapagkat hindi na ito nagkomento pa at kumain na lamang ang mga ito nang tahimik.
Naging ganoon na ang aming agahan. Tahimik na lamangna kumakain ang aming mga kasama at hindi na nagsalita pa. Hindi na rin sila naglolokohan pa at para bang pinakikiramdaman nila ang paligid, na para bang alam nila na may maaaring mangyari sa oras na may isang magsasalita sa aming lahat.
Ngunit natapos na ang aming pag-aagahan ay nanatili pa ring tahimik ang lahat. Hanggang sa nagligpit na ng pinagkainan sina Alana at Linnea, wala pa ring nagsasalita hanggang sa tumayo na si Mireya mula sa kaniyang kinatatayuan at tumingin sa aking gawi nang may seryosong kislap sa kaniyang mga mata.
“Tayo ay magsisimula na kaya naman sa tingin ko ay kailangan mo nang tumayo riyan sa iyong kinauupuan ngayon at pumunta na sa malawak na bakuran ni Linnea.”
Nauna na siyang lumabas ng tahanan ni Linnea habang hindi nito alintana ang mga tingin na itinatapon ng mga taong nakapaligid na sa tahanan ni Linnea. Ako naman ay sumunod na rin sa kaniya, sa lugar kung saan na’min napagkasunduan kung saan ako mag-eensayo upang muli ko na talagang magamit ang aking mahika.
Nang makaabot na ako kung nasaan si Mireya ngayon, narinig ko na nagsalita siya sa mababang boses, “May hindi siya sinasabi sa iyo,” at alam ko na kaagad na si Alana ang tinutukoy niya nang sabihin niya iyon.
“Alam ko,” iyon lamang ang aking sinabi sapagkat matagal ko nang alam na may hindi sinasabi si Alana sa akin.
Matagal na rin magmula noong sinabi niya sa akin na mas makabubuti kung hindi niya isiwalat ang kaniyang nalalaman at mas maayos kung ako na mismo ang aalam ng katotohanan na nais kong malaman, kaya naman hindi na ako nagagalit pa sa tuwing ganoon ang inaakto ni Alana. Hindi na ako nagtatanong pa sa tuwing ganoon ang kaniyang mga ginagawa.
Naramdaman ko ang titig ni Mireya sa akin kaya naman inakala kong nais niyang magtanong tungkol sa kung bakit hinahayaan ko lamang si Alana na gawin ang kaniyang gusto kahit na alam kong may alam ito pagdating sa aking nakaraan, ngunit mukhang hindi ito katulad ng ibang tao na magtatanong na lamang basta-basta sapagkat nakita ko kung paano siya nagkibit balikat na para bang sinasabi niya na wala siyang pakialam.
“Hindi na ako magtatanong pa tungkol doon.” Hindi ko alam kung ipagpapasalamat ko ba na hindi na niya nais pang magtanong pa o hindi, ngunit alam kong nakahinga ako nang maluwagn nang marinig ko iyon sapagkat alam kong hindi ko rin naman alam kung ano ang aking sasabihin.
Hindi ko alam ang aking isasagot lalo na at ang tunay na dahilan kung bakit ginagawa ito ni Alana ay nananatili pa ring isang malaking misteryo sa akin. Alam ko rin na kahit na may ideya ako kung bakit niya ginagawa iyon, hinding-hindi ko pa rin iyon sasabihin sa kahit na sino man – lalong-lalo na at kakikilala ko pa lamang kay Mireya noong nakaraang araw.
Muli akong napatingin kay Mireya at nakita ko na nakatingin na rin siya sa akin, at mukhang hinihintay lamang niya na matuon ang aking atensiyon sa kaniya sapagkat muli siyang nagsalita at sinabing, “Tayo ay magsimula nang mag-ensayo upang malaman mo kung papaano mo muling magagamit ang iyong mahika.”