“Sa tingin ko ay iyon muna ang ating gagawin para sa araw na ito,” sabi sa akin ni Mireya nang makita niya na para bang hinihingal na ako nang dahil sa walang tigil na’ming pagsasanay na kaninang umaga pa ata na’min ginagawa.
Nais ko pa sanang sabihin na makakaya ko pa naman, ngunit nang makita ko na ang ekspresiyon na mayroon sa mukha ni Mireya ngayon, hindi na lamang ako nagsalita pa at tumango sa kaniya. Nakita ko pa nga na bumaling ito sa direksiyon ni Alana, ang nag-iisang tao na laging sumasama sa amin sa tuwing kami ay nagsasanay upang magamit ko nang muli ang aking mahika.
Agad namang napansin ni Alana ang titig sa kaniya ni Mireya sapagkat tumayo ito sa kaniyang kinauupuan at tinungo niya ang kinaroroonan na’min nang may seryoso ring ekspresiyon sa kaniyang mukha.
Siya ay nakaupo lamang kanina sa ‘di kalayuan sa kinaroroonan na’min. Tahimik lamang siyang nagmamasid sa bawat pinapagawa sa akin ni Mireya, ngunit alam ko rin na nais niyang sumabat sa mga pinagagawa nito pero hindi ko siya hinahayaan sapagkat alam ko rin naman na makatutulong ito sa akin.
Kaya naman kahit na alam kong nais niyang pigilan si Mireya sa tuwing tila ba napakaraming pinagagawa nito sa akin, agad akong tututol sa kaniya sapagkat alam kong magiging daan iyon upang mas mapalapit pa ako sa katotohanan – magiging daan iyon upang muli ko nang magamit ang aking mahika.
Tinignan muna ako ni Alana, na para bang inoobserbahan niya ang bawat galaw ko, bago siya bumaling kay Mireya na ngayon ay pinagmamasdan lamang si Alana, na para bang alam na niya na may sasabihin ito tungkol sa aking mga ginawa ngayong araw para magamit ko nang muli ang aking mahika – katulad ng ginagawaniya nitong mga nakaraang araw na sumasama siya sa aking pagsasanay.
“May pagbabago ba kay Ambrose?” tanong ni Alana kay Mireya, na para bang wala ako sa kanilang tabi at agad niyang tinanong ang bagay na iyon sa taong nagsasanay sa akin nitong mga nakaraang araw.
Umaasang napatingin ako kay Mireya, ngunit agad na nawala ang pag-asa kong iyon nang makita ko na marahan itong umiling upang sagutin si Alana. Nakita ko pa nga ang pagtapon ng tingin nito sa akin, bago siya muling bumaling kay Alana na may malungkot din na tingin sa kaniyang mukha ngayon.
“Bukod sa mas lumakas siya ngayon, wala nang nagbago pa sa kaniya,” sabi ni Mireya sa kaniya, kaya naman agad akong nalungkot sapagkat ilang araw na na’min itong ginagawa ngunit tila ba wala pa ring nagbabago – maliban na lamang sa pagiging malakas ng aking katawan. “At kagaya ng dati, hindi ko pa rin nararamdaman na may mahika na dumadaloy sa kniya. Hindi ko pa rin maramdaman na bumalik na ang kaniyang mahika.”
Unti-unting tumingin si Alana sa akin habang pilit niyang binubura sa kaniyang mukha ang pag-alala na nararamdaman niya ngayon, ngunit hindi iyon nakatakas sa aking paningin at mas lalo ko pang nakikita ang kaniyang pag-aalala para sa akin.
“Ganoon din ba ang iyong nararamdaman, Ambrose?” Tinanong niya ang bagay na halos araw-araw na niyang tinatanong sa akin magmula noong pumayad si Mireya na sanayin ako upang magamit ko nang muli ang aking mahika.
Nais ko sanang pagaanin ang kaniyang loob, ngunit alam ko rin sa aking sarili na mas makabubuti kung magiging tapat ako kay Alana kaysa ang magsinungaling pa sa kaniya para lamang hindi ko na makita pa ang ganoong ekspresiyon sa kaniyang mukha.
Tumango ako upang sagutin ang kaniyang tanong bago ako nagpaliwanag sa kaniya, “Wala pa rin akong nararamdaman na kakaiba. Sa tingin ko nga ay walang nagbago sa akin.”
Hinawakan ko pa ang aking dibdib na para bang nais kong pakiramdaman ang aking sarili ngayon – na para bang nais kong tignan kung may mararamdaman ba akong kakaiba katulad na lamang ng lagi nilang sinasabi sa akin.
“Hindi normal na ganito ang nangyayari sa iyo, Ambrose,” sabi sa akin ni Mireya, na alam ko naman na ngunit para bang ang sakit na marinig iyon mula sa iba – na para bang hindi ko na mawari kung ano pa ba ang aking kailangang gawin upang maibalik ko na sa akin ang aking mahika. “Ngunit hindi tayo susuko hanggang sa hindi na’tin nalalaman kung papaano mo muling magagamit ang iyong mahika.”
Napatingin ako sa gawi ni Mireya nang sabihin niya iyon, ngunit hindi na ito nakatingin sa amin ni Alana at ito ay naglalakad na papalayo sa amin. Kinakaway pa nga niya ang kaniyang kamay na para bang nais niyang sabihin na aalis na siya at sa kainan naman na iyon siya maglalagi.
“Hahanap ako ng ibang paraan at sasabihin ko sa iyo bukas kung nagtagumpay ako sa paghahanap,” iyon lamang ang sinabi niya habang patuloy pa rin siyang naglalakad papalabas ng lugar na iyon.
Hindi na nga niya hinintay pang magsalita kaming dalawa ni Alana at basta na lamang itong umalis nang hindi man lang nagpapaalam. Kaming dalawa naman ay nagkatinginan bago siya sinundan sapagkat hindi na’min mawari kung ano ang ‘ibang paraan’ na kaniyang tinutukoy sa amin.
Mukhang mabilis siyang naglalakad sapagkat naabutan na na’min siya sa harapan ng tahanan ni Mireya nang may seryosong tingin sa kaniyang mukha. Sinundan ko ang taong tinitignan niya, at tumaas ang aking kilay nang makita ko na isa iyong lalaki na may ngisi sa mga labi habang nakatingin kay Mireya habang kumakaway pa.
May kakaiba sa kinikilos nito, ngunit hindi ko naman mawari kung ano iyon. Sa tingin ko pa nga ay mas bata lamang siya nang kaunti kay Mireya. Wala itong pakialam sa mga tingin ng tao sa kaniya at patuloy lamang itong nakatingin kay Mireya, na para bang wala namang pakialam sa kaniya.
“Ano ang ginagawa mo rito?” mataray na tanong ni Mireya sa taong iyon na para bang hindi niya talaga inaasahan na makita ang lalaking iyon sa harapan ng tahanan ni Linnea – o mas magandang sabihin na para bang naiinis siya dahil naririto ang lalaking iyon sa tahanan ni Linnea.
Tumigil sa pagkaway ang lalaking iyon kay Mireya at mahina itong napatawa ngunit hindi ko makita ang inis sa kaniyang mukha. Sa tingin ko pa nga ay para bang nasisiyahan ito na ganoon ang pakikitungo ni Mireya sa kaniya – para bang sanay na siya na ganoon ang ugali ni Mireya pagdating sa kaniya.
Napakunot ako at nais ko pa sanang itanong kay Alana kung may ideya ba siya kung sino ang taong iyon, ngunit napatigil ako nang magtanong siya sa akin ng kaparehas na tanong na nasa aking isipan ngayon.
“Sino ang taong iyon?” pabulong na tanong ni Alana sa akin nang lumapit siya nang kaunti sa aking direksiyon – na para bang hindi niya nais na marinig ng iba pang mga tao ang kaniyang tinanong sa akin.
“Wala rin akong ideya kung sino siya,” sagot ko naman sa kaniya sapagkat hindi ko talaga mawari kung sino ang lalaking iyon at ano ang koneksiyon niya kay Mireya sapagkat tila ba inis na inis ito sa kaniya.
Pinagmasdan na lamang na’min ang dalawang iyon sapagkat alam din naman na’ming dalawa ni Alana na hindi na’min masasagot ang tanong niya dahil parehas kaming walang alam kung ano ang tunay na katauhan ng lalaking iyon. Mas mabuti na lamang kung pagmamasdan na’min ang dalawang iyon, at kung may mangyari mang masama… sa tingin ko naman ay makakaya siya ni Mireya.
Nitong mga nakaraang araw kasi na nagsasanay kami para sa aking mahika, nakita ko kung gaano siya kalakas. Kahit na hindi naman niya ginagamit ang kaniyang mahika, nakakaya niya pa rin akong higitan kahit na ano pa ang aking gawin – iyon din ang dahilan upang mapaisip ako kung gaano pa siya kalakas kung gagamitin niya ang kaniyang taglay na mahika.
Tahimik lamang kaming nakamasid ni Alana sa nangyayari sa harapan na’min, na ngayon ay nakakuha na ng atensiyon ng mga tao at ngayon ay nakapaligid na sa kinaroroonan nila. Pati sina Linnea at Demetrius na magkasama ngayon ay nakatingin na sa kanila sapagkat ang mga taong nakapaligid sa kanilang dalawa kanina ay nakatuon na ang atensiyon ngayon kina Mireya at sa lalaking iyon.
“Sinusundo na ki’ta, Mireya,” sabi nito kay Mireya, na nagpakunot sa noo nito bago ito tumingin sa kaniya nang may inis sa kaniyang mukha na para bang hindi nito nagustuhan ang naging rason ng lalaking iyon.
“Hindi ba’t sinabi ko na sa’yo na hindi mo na kailangan pang gawin iyon?” naiinis na tanong sa kaniya ni Mireya, kaya naman hindi ko maiwasang lumapit nang kaunti sa kanilang gawi sapagkat sa tingin ko ay sa ano mang oras, magkakaroon ng away sa pagitan ng dalawang ito. “Atsaka hindi ba’t sinabi ko na rin sa’yo na makikita lamang ako ng mga nais na kumuha sa akin kapag ginawa mo ito?”
Napatigil ako at nagkatinginan kami ni Alana nang dahil sa kaniyang mga sumunod na sinabi, bago kami tumango sa isa’t-isa at bumalik sa pakikinig sa usapan nilang dalawa sapagkat nahinuha ko na maaaring may malaman kami tungkol kay Mireya kung gagawin na’min ito – kahit na alam na’ming pareho na hindi ito tama at mas makabubuti kung magtatanong na lamang kami.
Para namang walang pakialam ang lalaking iyon nang dahil sa kaniyang mga sinabi sapagkat nagkibit balikat lamang ito at nakapamulsang tumalikod sa kaniya. Mas lalo namang lumalim ang kunot sa noo ni Mireya bago siya sumunod sa lalaking iyon at nag-usap sila, ngunit naririnig ko pa rin ang bawat salitang binabanggit nila.
“Sa tingin ko naman ay walang mangyayaring masama sa iyo.” Tumingin ang lalaking iyon sa kaniya, at nakita ko kung paano sila nag-usap sa kanilang mga tingin ngunit agad din iyong nabali nang mas lalong sumama ang tingin sa kaniya ni Mireya.
“At sa tingin mo hindi mapapahamak ang mga taong naninirahan sa tahanang ito?”
Lumingon ang lalaking iyon sa gawi na’min ni Alana, bago ito ngumisi na para bang may kung ano man sa amin ngunit wala naman akong ideya kung bakit niya bigla na lamang ginawa ang bagay na iyon.
“Hindi ba at isa iyon sa mga dahilan kung bakit ka pumayag na tulungan sila?”
Nakita ko kung paano napatigil si Mireya nang dahil sa mga sinabi ng lalaking iyon, bago ito unti-unting lumingon sa aming gawi na para bang may nais siyang kumpirmahin at para bang ikinakatakot niya na narinig na’min ang mga bagay na sinabi ng lalaking iyon sa kaniya – kaya naman mas minabuti ko na lamang ang magtago sa maraming taong naroroon at magpanggap na walang alam sa mga narinig na’min.
Hinila ko rin si Alana, at mukhang naintindihan naman niya kung bakit ko iyon ginawa sapagkat hindi siya nagsalita at sa halip ay lumapit na lamang siya kina Demetrius at Linnea, na ngayon ay nakaupo lamang sa dalawang upuan na naroon habang seryoso nilang pinakikinggan ang mga bawat sinasabi ng dalawang taong nagtatalo na iyon.
“Pumunta na lamang tayo sa iyong kainan, Draco,” naririnig kong sambit ni Mireya sa kaniya bago na’min narinig na sila ay tuluyan nang umalis sa lugar na iyon at mukhang babalik na lamang si Mireya bukas – katulad ng aming napagkasunduan kanina.
Nang masigurado na’min na wala na nga ang dalawang iyon ay tsaka lamang kami humarap kay Linnea nang may nagtatanong na tingin, at mukhang naintindihan naman kaagad niya ang aming nais na itanong sapagkat siya ay napabuntong hininga at nagbaba ng tingin sa kaniyang mga kamay.
Ang mga taong nakapaligid naman sa kanila ni Demetrius kanina ay unti-unting nagsialisan hanggang sa iilan na lamang ang natitira, at alam ko na hindi lamang ako iyong nakarinig noong nagbubulungan sila na kailangan na nilang umalis doon sapagkat napag-alaman nila na naroroon si Mireya – na para bang may masamang mangyayari kung sila ay mananatili pa nang mas matagal sa lugar na iyon.
“Iyon ang may ari ng kainan kung saan nagta-trabaho si Mireya,” pagpapaliwanag sa amin ni Linnea, na naging dahilan upang muli akong mapatingin sa kaniyang gawi at napagdesisyunan ko na pakinggan na lamang ang kaniyang sinasabi. “Siya ang tumulong kay Mireya noon, at bukod pa roon, sa tingin ko ay si Mireya na lamang ang inyong tanungin.”
Mukhang sa tingin ni Linnea ay panghihimasok na naman sa buhay ni Mireya ang kaniyag gagawin kung mas marami pa ang kaniyang sasabihin kaya naman mas minabuti na lamang niya ang putulin ang pagpapaliwanag niya hanggang sa katauhan ng lalaking iyon – at iyon din ang dahilan kung bakit hindi na rin kami nagtanong pa at iniba na lamang na’min ang aming usapan sa iba pang bagay na nangangailangan ng aming atensiyon.
“Ano na nga pala ang nangyari sa iyong pagsasanay, Ambrose?” tanong sa akin ni Linnea, kaya naman agad akong napabuntong hininga sapagkat muli ko na namang naalala ang mga sinasabi sa akin ni Mireya kanina.
Mukhang nahinuha ng tatlong iyon na hindi ko sasagutin si Linnea kaya naman si Alana na lamang ang nagpaliwanag sa kanilang dalawa kung ano ang nangyari – kahit na halos araw-araw na lamang niyang sinasabi iyon sa kanila.
Napatango-tango naman ang dalawang kasama na’min, habang sumusulyap-sulyap pa ang mga ito na para bang nais nilang makita kung ayos lamang ako – kaya naman mas minabuti ko na lamang na hindi ipakita sa kanila ang aking pagkadismaya at nagkunwari na lamang ako na normal na lamang sa akin na marinig ang bagay na iyon araw-araw.
Tinawag ni Alana ang aking ngalan kaya naman napatingin ako sa kaniyang gawi nang may nagtatanong na tingin sapagkat hindi ko inaasahan na tatawagin niya ako – ngunit mukhang tapos na siyang magpaliwanag sa dalawa pa na’ming kasama at ako naman ngayon ang nais niyang kausapin.
“Alam ko na hindi ka nasisiyahan na wala pa ring nagbabago pagdating sa iyong mahika,” sabi pa niya sa seryoso niyang boses kaya naman napaayos ko ng upo habang pinakikinggan ko nang mabuti ang kaniyang mga sinasabi. “Ngnunit nais kong ipaalala sa iyo na kakailanganin mo rin na mas lumakas pa sapagkat isa lamang ang masasabi ko tungkol sa iyong mahika.”
Tinignan niya ako sa aking mga mata, bago niya sinabing, “Iyon ang maituturing na pinaka malakas na mahika sa lahat at iisang tao lamang ang nagtataglay n’on.” Hinarap niya ako nang tuluyan bago niya ipinagpatuloy ang kaniyang sinasabi, “At ikaw iyon, Ambrose.”