“Hihinrayin na’min ang iyong sagot,” iyon ang sinabi ni Linnea sa akin nang ilang minuto na nilang hinihintay ang aking sagot tungkol sa mga bagay na sinasabi nila sa akin – tungkol sa pagtulong ko sa lalaking kasama niya ngayon na nagngangalang Ambrose.
Inaya na ni Linnea ang dalawa niyang kasama at hindi na niya hinintay pang magsalita ako. Tumango lamang siya sa akin nang isang beses, bago sila tahimik na umalis nang walang sinasabi sa akin – na labis ko namang ipinagpapasalamat sapagkat ang aking isipan ay bigla na lamang bumalik sa aking nakaraan.
Hindi ko maiwasang mag-isip nang dahil sa kanilang mga sinabi. Hindi ko maiwasang mapabalik sa mga bagay na nangyari sa akin noon, at sa mga bagay na hindi ko naman inaasahan ngunit nangyari pa rin sa amin – mga bagay na naging dahilan kung bakit hindi ko na nais pang makipag-usap sa iba hanggang sa ngayon.
Tinignan ko ang aking pinto kung saan lumabas ang tatlong tao na nais kumausap sa akin, at hindi ko maiwasang isipin na sana… sana hindi na lamang pala ako nakipag-usap sa kanila. Sana… sana mas pinili ko na lamang ang talikuran sila kaysa ang tumango at pumayag na kami ay magkausap ngayon sapagkat bumalik sa akin ang lahat – ang ala-alang pilit kong tinatakbuhan.
Kumuyom ang aking kamao habang pinipilit kong tanggalin sa aking isipan ang mga pangyayaring iyon mula sa aking nakaraan, ngunit kahit na ano pa man ang aking gawin, hindi ko pa rin maiwasang magbalik sa mga pangyayaring nais ko nang makalimutan sa ngayon.
“Sana pala ay hindi na lamang ako pumayag na makipag-usap sa kanilang tatlo.”
Ito… ito ang unang beses makalipas ang maraming taon magmula nang nangyari ang bagay na iyon na bumalik sa akin ang sakit at ang galit na naramdaman ko noong mga panahon na ‘yon. Ito ang unang beses na hindi ko magawang maging matatag sapagkat para bang pinipisil ang aking puso sa sobrang sakit.
Hindi ko maiwasang humawak sa aking dibdib habang habol ko ang aking hininga, na para bang hindi ko na mawari pa kung ano ang dapat kong gawin. Mariin ko pang ipinikit ang aking mata habang pinipilig ko ang aking ulo na para bang nais kong tanggalin iyon sa aking isipan, ngunit para bang mas lalo pang naging malala ito sapagkat nakikita ko na ang mga nangyari noon – na para bang kahapon lamang noong nangyari iyon sa amin.
Nakita ko ang aking masayang pamilya. Ang aking ama at ina na masayang pinagmamasdan kami ng aking kapatid habang kami ay naglalaro sa dalampasigan – nap para bang walang unos na nangyayari, na para ang malayo kami sa gulo ng mundong ito.
Napakasaya na’min sa ala-ala kong iyon, ngunit hindi ko mapigilang masaktan sapagkat alam kong sa aking isipan ko na lamang makikita ang mga bagay na katulad noon. Doon ko na lamang makikita pa ang mga taong mahahalaga sa akin, sapagkat alam ko nang kahit kailan ay hindi ko na sila makikita pa.
Alam ko nang kahit kailan, hindi na mangyayari pa ang mga bagay na katulad noon.
Hindi maalis sa aking isipan ang ala-ala ko na iyon, ang kasiyahan na naramdaman ko noon, ngunit kagaya nga ng sabi nila, ang kasiyahan ay may kaakibat na kalungkutan. Ang mga pangyayari na puno ng galak ay may kasunod na unos.
Matapos ang pangyayari na iyon sa aming pamilya, kailanman ay hindi na kami muling nagkaroon pa ng katahimikan. Kailanman ay hindi na na’min muling naranasan pa ang mga pangyayari na katulad noon, na para bang ang unang beses na nangyari iyon ay siya ring huli para sa amin.
Nagulo ang aming buhay matapos ang pangyayaring iyon. Ang aming tahanan na akala na’min ay nasa tahimik na lugar ay bigla na lamang pinasok ng mga taong iyon. Ang aming magulang ay lumaban sa abot ng kanilang makakaya, ngunit kahit na sila pa ang tinuturing na pinaka malakas na taong nabubuhay sa mundong ito, hindi iyon naging dahilan upang mapagtagumpayan nilang protektahan ang aming pamilya.
Hindi nila nagawang mailigtas ang aming pamilya at sila ay namatay nang dahil doon.
Kitang-kita ng aking mga mata ang nangyari noong araw na iyon. Nakita ko kung paano na lamang nila walang awang pinaslang ang aking ama at ina, habang sila ay tumatawa na para bang nasisiyahan pa silang kinuha nila ang buhay ng mga taong nais lamang mamuhay ng tahimik at walang gulo.
Nakita ko rin kung paano nila kinuha ang aking kapatid, na wala pa namang muwang noong mga oras na iyon. Ginawa ko ang lahat para sa kaniya, para sa mailigtas ko ang natitira kong pamilya – ang natatanging dahilan kung bakit nais ko pa ring lumaban kahit na alam kong hindi ako magtatagumpay – ngunit wala na akong nagawa pa nang bigla na lamang nila akong inatake at ako ay nawalan ng malay.
Hindi ko alam kung ilang oras o araw bago ako magising noong mga panahon na iyon. Hindi ko alam kung ano ang nangyari matapos ang pag-atake na iyon sa aming tahanan, ngunit nang ako ay magising, naririto na ako sa bayan na ito.
Mag-isa lamang ako at walang sinuman ang nakakikilala sa akin. Kahit na ano pang tanong ang aking gawin, hindi rin nila mawari kung bakit bigla na lamang may isang bata ang nasa loob ng kanilang bayan, ngunit kahit na sa gayon pa man, may isa pa ring tao ang kumupkop sa akin at nag-alaga sa akin.
Labis akong nagpapasalamat sa kaniya, sapagkat tinulungan niya ako kahit na hindi niya ako kilala o mas maganda sigurong sabihin ko na hindi naman talaga wala lamang sa kaniya iyon sapagkat makalipas ang ilan pang mga taon, napag-alaman ko kung bakit niya ako binihisan, kung bakit niya ako kinupkop, at kung bakit ninais niyang mas palakasin ko pa ang aking mahika na taglay.
Nais niyang gamitin ako sa labanan. Nais niyang ilaban ang isang batang babae na wala pa naman talagang ganoong lakas upang lumaban, at iyon ay dahil sa dugo na dumadaloy sa akin – iyon ay dahil sa mga magulang ko na tinuturing bilang pinaka mahusay sa paggamit ng kanilang mahika.
Sa kaniyang isipan, ako ay magiging katulad din nila, kahit na hindi ko rin mawari kung papaano nila nagawang maging ganoong kalakas. Sa isipin niya, magagamit niya ako upang mailigtas ang kaniyang sa mga nangyayari – upang makatakas siya sa kaguluhang nangyayari sa mundong ito – ngunit hindi ko siya hiyaan.
Nang isang gabi na siya ay mahimbing lamang na natutulog sa kaniyang sariling tahanan, ginawa ko ang lahat upang makatakas ako sa kaniya, ngunit hindi pa man ako nakalalayo sa kaniyang tahanan, nahuli na agad niya ako at agad na ginapos ang aking kamay upang hindi ako makatakas.
Hindi pa rin ako sumuko matapos ang pangyayaring iyon, kahit na hindi ko naman talaga mawari kung bakit tila ba nais kong mabuhay pa sa mundong ito – kahit na ang mga bagay at tao na pinaka importante sa akin ay nawala na lamang nang dahil sa mga nangyari noong araw na iyon.
Muli ako nakakita ng pagkakataon upang makatakas sa kaniya, at noong mga oras na iyon, ipinangako ko sa aking sarili na mapagtatagumpayan ko ang pagtakas sa kaniyang puder kahit na ano pa man ang mangyari – kahit ano pa man ang aking kailangan na gawin upang maisakatuparan ko ang bagay na iyon.
Hindi iyon naging madali para sa akin, sapagkat alam kong dadalhin ko ang bigat ng aking loob hanggang sa ako ay nabubuhay sa mundong ito nang dahil sa aking balak na gawin, ngunit pakiwari ko ay mas masahol pa sa aking gagawin ang kaniyang mga balak sa akin kaya naman hindi na ako nagdalawang isip pa at ginawa kong talaga ang aking plano.
Pinaslang ko siya, at ipinalabas ko na may mga tao lamang na pumasok sa kaniyang tahanan kaya nangyari ang bagay na iyon – upang wala na ring makapagsasabi na ako ang may kagagawan ng bagay na iyon.
Ang akala ko pa nga noong mga araw na iyon ay makararamdam ako ng konsensiya nang dahil sa aking ginawa, ngunit hindi man lang ako nakaramdam ng bagay na ganoon kahit na kakaunti man lang. Hindi ako nakaramdam ng kahit ano bago ako tuluyang lumisan sa tahanan na iyon.
Naging usap-usapan ang nangyari sa bayan na ito, ngunit kagaya nga aking inaasahan, walang nag-imbestiga ng tunay na nangyari. Walang nagtangka na buksan ang kaso sapagkat iisa lamang ang kanilang iniisip kung bakit nangyari ang bagay na iyon – at iyon ay may pumasok sa kaniyang tahanan at siya ay hindi pumayag sa kagustuhan ng mga ito kaya naman siya ay pinaslang na lamang.
Ginawa ko ang lahat upang hindi mapabaling sa akin ang tingin ng mga taong naninirahan sa bayan na ito. Kinailangan ko pang palabasin na ako lamang ay isa ring biktima sa mga nangyari, at dahil ako ay nasa murang edad pa lamang noong mga oras na ‘yon, hindi sila naghinala at pinabayaan na lamang nila ako sa mga balak kong gawin.
Namuhay ako nang mag-isa, palipat-lipat sa kung saan mang lugar na sa tingin ko ay magiging ligtas para sa akin, at habang ginagawa ko ang bagay na iyon, hindi ko nakaliligtaang mas palakasin pa ang aking mahika sapagkat alam kong makatutulong iyon sa akin upang mabuhay sa lugar na ito.
Mas lalo akong lumakas, ngunit ang kaakibat ng paglakas ng aking mahika ay ang mga tingin ng mga taong nais na gamitin ang aking mahika upang matakot sa kanila ang mga taong nakapaligid sa kanila, upang hindi sila mahawakan ng kahit sino pa man, ngunit kahit na sa gayon pa man, hindi ko sila hinahayaang mahuli ako at magawa nila ang kanilang gusto.
Hindi ko sila hinayaang gawin na lamang ang kung ano mang nais nila. Lumaban ako, kahit na ang kaakibat noon ay ang mapanghusgang tingin ng mga tao, ang takot na makikita sa mukha nila sa tuwing ako ay kanilang makikita, at ang mas marami pang tao na nais na kuhanin ako para sa aking mahika.
Ngunit hindi naman sila nagtatagumpay sa kahit na ano pa mang gawin nila. Hindi ko sila hinahayaan at patuloy lamang akong namumuhay nang mag-isa sa bayan na ito nang walang permanenteng tahanan, hanggang sa dumating ang may ari ng kainan na aking pinapasukan ngayon.
“Nais mo bang pumasok sa aking itatayong kainan?” naalala ko na iyon ang mga bagay na tinanong niya sa akin habang nakalahad pa ang kaniyang kamay, ngunit hindi ko iyon tinatanggap habang malalamig na tingin lamang ang aking ibinabato sa kaniya.
“Hindi mo ba alam kung sino ako?” tanong ko pa sa kaniya noon sapagkat iyon lamang ang aking nakikitang dahilan kung bakit tila ba naiiba siya sa mga taong naririto sa bayan na ito – iyon lamang ang nakikita kong dahilan kung bakit hindi niya ako iniiwasan, hindi katulad ng mga mamamayan ng lugar na ito.
“Alam ko kung sino ka,” may ngiti sa kaniyang mga labi nang sabihin niya ang bagay na iyon, kaya naman tumalim ang aking tingin sapagkat ang akala ko ay nais lamang niya akong mapapayag upang magamit niya ang aking taglay na mahika.
“Hindi ako interesado,” iyon na lamang ang aking naging sagot sa kaniya sapagkat alam ko nang katulad lamang din siya ng mga taong nais akong makuha para sa kanilang pansariling kaligtasan.
“Masisiguro ko sa iyo na hindi ako katulad ng mga taong nais ka lamang makuha nang dahil sa iyong kapangyarihan.” Napatigil ako nang marinig ko ang bagay na iyon sa kaniya, at ang naging dahilan upang unti-unti akong mapatingin sa kaniya nang may nagtatanong na tingin. “Ilang araw na kitang inoobserbahan at nais ko lamang na makatulong sa iyong sitwasyon.”
Hindi ako sumagot sa kaniya habang patuloy lamang akong nakatingin sa kaniyang nakalahad na kamay sa akin – iniisip kung sa pagkakataon bang ito ay mapagkakatiwalaan ko na wala talaga siyang balak na gawin sa akin.
“Hindi mo kailangang pilitin ang iyong sarili na pagkatiwalaan ako, kung hindi mo iyon nais.”
Hindi ko alam kung ano ang nag-udyok sa akin upang kuhanin talaga ang nakalahad niyang kamay, ngunit sa tingin ko ay iyon ay dahil sa kaniyang huling mga sinabi. Iyon ay dahil sa mga bagay na sinabi niyang kailanman ay hindi ko pa naririnig sa iba.
Magmula noong araw na iyon, sa lugar na ito na ako tumutuloy at nagta-trabaho ako sa kaninan niya, ngunit mukhang kahit na ano pa ang aking gawin, hindi pa rin talaga mananahimik ang mga taong nais na kumuha sa akin sapagkat patuloy silang pumupunta sa kainan niya.
Patuloy pa rin silang pumupunta at pinipilit akong sumama sa kanila, ngunit hindi ako pumapayag at ipinapakita ko sa kanila na kahit na ano pa man ang kanilang gawin, hinding-hindi sila magtatagumpay sa kanilang nais.
Pinayagan pa nga ako ng may ari ng lugar na ito na gawin ko ang lahat ng aking gusto para lamang mailigtas ko ang aking sarili, kahit na ang ibig sabihin pa noon ay posibleng araw-araw na magkakaroon ng gulo sa loob ng kaniyang lugar.
Hanggang sa ngayon, ganoon pa rin ang nangyayari. May mga tao pa ring pumupunta sa akin para lamang sabihin na nais nilang gamitin ang aking mahika, ngunit hindi ko naman sila hinahayaan at ginagawa ko ang lahat upang hindi nila ako makuha – kahit na hindi ko naman talaga alam kung bakit patuloy pa rin akong lumalaban hanggang sa ngayon.
Huminga ako nang malalim bago bumalik ang aking isipan sa kasulukuyan. Muli ko na namang naisip ang mga sinabi sa akin ni Linnea, ang isa sa pinaka makapangyarihan sa lugar na ito nang dahil sa kaniyang taglay na mahika na maaaring makasira ng isang tao kung nanaisin pa niya iyon.
Hindi ko alam ang aking magiging sagot sapagkat hindi naman iyon katulad ng mga taong pumupunta rito nang dahil sa nais nilang makuha ako. Hindi iyon ang kanilang pakay, ngunit kahit na sa gayon pa man, hindi ko pa ring magawang sumang ayon at pumayag sa kanilang mga ninanais.
Napa-buntong hininga ako at pinunasan ko ang aking luha na hindi ko na namalayan pang tumulo na pala mula sa aking mga mata. Pilit kong pinakalma ang aking sarili, bago ko napagpasiyahan na pumunta na lamang sa aking trabaho upang mawala sa aking isipan ang mga bagay na gumugulo sa akin ngayon.
Naglakad ako papalabas ng aking tahanan, ngunit ganoon na lamang ang aking gulat nang makita ko ang lalaking tumulong sa akin – na hanggang sa ngayon ay hindi ko pa rin mawari kung ano ang tunay niyang ngalan sapagkat ang sabi niya sa akin noon ay hindi ko na kailangan pang malaman iyon.
“Hindi mo ba tatanggapin ang kanilang alok sa iyo?” tanong nito sa akin, na naging dahilan upang mapa-buntong hininga muli ako.
“Bakit ko sasabihin sa iyo?” tanong ko sa kaniya. “Hindi pa rin ki’ta napagkakatiwalaan, hindi ba?” sabi ko pa sa kaniya ng mga bagay na lagi kong sinasambit sa kaniya sa tuwing may mga bagay na nangyayari na halos katulad nito.
At katulad ng nakasanayan na’min, tumawa lamang siya bago sumunod sa aking paglalakad papunta sa kaniyang kainan upang maipagpatuloy ko nang muli ang aking trabaho para sa ngayong araw.
“Hindi ba’t sinabi mo na baka may dahilan kung bakit naririto ka pa rin sa mundong ito hanggang sa ngayon? Kahit na napaka-rami nang beses na may nagtangka sa iyong buhay.” Napatigil ako nang dahil sa kaniyang mga sinasabi, bago ko siya nilingon nang may seryosong tingin sa aking mga mata.
“Ano ang iyong ibig sabihin?”
Nagkibit balikat lamang siya bago siya kumaway at sinagot ang aking tanong ng mga bagay na hindi ko inaasahang sasabihin niya sa akin kahit na kailanman.
“Hindi mo ba naisip na baka ang bagay na iyon ay ang pagtulong mo sa mga taong iyon?”
Naiwan akong nag-iisip nang dahil sa mga bagay na sinabi niya. Hindi ko maiwasang maisip na baka… na baka tama nga siya nang sabihin niyang ito ang bagay na aking hinihintay – ang kailangan kong gawin kung bakit naririto pa rin ako hanggang sa ngayon.