“Ambrose! Bilisan mo ang iyong paglakad!” narinig kong pagsigaw ni Alana, kaya naman mas minabuti ko na lamang ang pagtuunan ng pansin ang a’ming paglakad kaysa ang lumingon pa sa pinanggalingan na’min kanina. “Baka mapansin nila na nakaalis na tayo sa tahanan ni Linnea! Siguradong magiging malaking gulo kung iyon nga ang mangyayari sa a’tin!”
“Kumalma ka, Alana,” sambit naman ni Linnea, na nananatiling kalmado kahit na siya naman talaga ang tunay na pakay ng mga taong nanloob sa kaniyang tahanan. “Mas lalo lamang tayo makaaagaw ng pansin kung magmamadali tayo. Mas makabubuti kung umakto na lamang tayong mga taong papalabas ng bayan na ito, sapagkat sa tingin ko naman ay hindi lamang tayo ang magtatangkang umalis ng bayan na ito ngayon.”
Agad naman akong sumang-ayon kay Linnea sapagkat iyon nga ang dapat na’ming gawin ngayon. Iyon ang pinaka mabuting gawin kaysa naman ang mas lalo pa kaming mapansin ng mga taong iyon.
“Suotin na lamang na’tin ito,” sambit ni Mireya, kaya naman napatingin kami sa kaniyang gawi at doon na’min nakita na inaabot niya sa a’min isa-isa ang isang balabal na maaari na’ming ipangtakip sa a’ming mga mukha. “Nang sa gayon ay hindi nila tayo agad na makilala at makaalis tayo nang walang anumang problema.”
Agad kaming pumayag sa kaniyang mga sinasabi, sapagkat alam na’min na makatutulong naman talaga iyon upang hindi agad kami makita ng mga taong iyon. Sinuot na’min ang balabal na iniabot sa a’min ni Mireya at binagalan na’min nang kaunti ang a’ming lakad upang hindi kami makakuha ng atensiyon ng iba.
Ang akala na’min ay magtatagumpay na kaming makaalis sa bayan na iyon, ngunit napatigil kami sa paglalakad nang makita na’ming may mga sundalo na pagala-gala sa kung saan-saan – na para bang may hinahanap silang tao na hindi ko naman mawari kung sino.
Nakita ko kung papaano lumingon si Linnea kay Mireya, at kahit na hindi nila sabihin, alam ko na may kinalaman kay Mireya iyon. Tila ba nag-uusap sila gamit lamang ang kanilang mga mata, at matapos ang pangyayaring iyon, narinig ko ang malakas na pagbuntonghininga ni Mireya, bago siya na ang nagturo sa a’min ng a’ming daraanan.
Hindi na kami sa kalsada dumaan kung hindi sa isang eskinita na kakaunti lamang ang tao at walang sundalo ang gumagala roon. Tahimik lamang na’ming sinusundan si Mireya, kahit na ang katunayan ay nais ko nang itanong kung bakit pa kailangan na’ming gawin iyon kahit na mas malapit ang daan kanina na tinatahak na’min.
Kahit na nais ko siyang tanungin, mas pinili ko na lamang siyang hintaying magsalita sapagkat alam ko na sasabihin naman niya sa a’min ang katotohanan, at nais lamang niyang magkaroon ng sapat na oras bago niya sabihin iyon – nais lamang niyang pag-isipan nang mabuti ang mga salitang nais niyang sabihin, at maipaliwanag niya sa a’min nang maayos kung bakit naging ganito ang takbo ng pag-alis na’min sa bayan na ito.
“Isa ako sa pakay ng mga sundalong iyon,” sabi sa a’min ni Mireya makalipas ang ilan pang mga minuto na tahimik lamang kami sa paglalakad sa kahabaan ng daan na iyon.
Napatingin kami sa kaniya, at doon ko nakita na para bang natatakot siya nang dahil sa mga taong iyon. Nakikita ko rin kung paano kumuyom ang kaniyang mga kamao na para bang pinipigilan niya ang kaniyang sarili na makagawa ng kung anuman sa ngauon.
“Nais nila akong makuha dahil sa mahika na a’king taglay.” Lumingon siya sa a’ming tatlo nina Alana at Demetrius. “Hindi naman siguro lingid sa inyong kaalaman kung ano ang nangyari sa a’kin noon dito sa bayan na ito, hindi ba?”
Sabay-sabay kaming tumango sa kaniya sapagkat naalala na’min ang mga sinabi sa a’min ni Linnea noon. Noong mga oras na sobra ang ginawa sa kaniya ng mga taong naririto sa bayan na ito, at iyon din ang naging dahilan upang katakutan siya – ngunit kahit na sa gayon pa man, hindi pa rin siya tinitigilan ng mga taong nais na gamitin ang kaniyang mahika.
“Natigil iyon noong dumating si Draco, ngunit ngayon na wala na muli siya sa bayan na ito at hindi ko alam kung nasaaan siya napunta…” Narinig ko ang paghinga niya nang malalim na para bang hindi na niya kaya pang ituloy ang kaniyang mga sinasabi. “Siguradong narinig nila iyon at ngayon ay nagsisimula na naman silang hanapin ako.”
“Iyon din ba ang dahilan kung bakit nagkakagulo sa bayan na ito?” Si Demetrius ang nagtanong ng bagay na iyon, kaya naman agad kaming tumingin kay Mireya sapagkat nais na’ming malaman kung siya nga ba talaga ang dahilan kung bakit nagkakagulo ang bayan na ito.
“Hindi siya ang dahilan.” Si Linnea ang sumagot sa katanungan ni Demetrius kaya naman napabaling kami sa kaniyang gawi. “Noong una ay inakala ko rin na iyon ang dahilan – na siya ang pakay ng mga kawal na iyon – ngunit tila ba may iba pa silang misyon kaya sila naririto.”
Nakita ko kung papaano marahang napatigil si Alana nang dahil sa mga sinabi ni Linnea, ngunit hindi ito nagsalita at pasimple lamang itong tumingin sa a’king gawi – na para bang alam niya ang dahilan kung bakit naroroon ang mga kawal na iyon ngunit hindi niya masabi kung ano ang tunay na dahilan na iyon.
“Pilit kong inalam kung ano ang kanilang pakay sa bayan na ito, ngunit limitado lamang ang a’king naging galaw sapagkat iyong mga taong nasa labas ng a’king tahanan ay agad akong sinusundan sa tuwing ako ay magpupunta sa labas,” sabi niya, kaya naman lahat kami ay natahimik muli sapagkat alam na’min pareho na wala talaga kaming malalaman tungkol sa dahilan kung bakit bigla na lamang nagkaganito ang bayan na ito.
Walang nakaaalam ng tunay na dahilan kung bakit naririto ang mga sundalong iyon, maliban na lamang kay Alana na sa tingin ko ay may ideya kung bakit sila naririto ngunit mas pinili nito ang manahimik na lamang at hindi magsalita tungkol doon.
Muli akong tumingin sa kaniyang gawi, ngunit hindi ko makita nang maayos ang kaniyang mukha sapagkat natatakpan iyon ng balabal niya, ngunit kahit na sa gayon pa man, hindi ko na kailangan pang mag-isip nang malalim upang malaman na may kinalaman na naman sa a’kin ang nangyayari ngayon.
Alam ko na isa ako sa mga dahilan kung bakit naroroon ang mga kawal na iyon, ngunit hindi niya iyon sasabihin hanggang sa hindi pa niya nasisigurado iyon. Hindi niya iyon sasabihin hanggang sa hindi pa niya nalalaman ang katotohanan.
Ililihim na naman niya iyon, ngunit sa tingin ko naman ay hindi na ganoong katagal na ililihim niya iyon sa a’min. Sa tingin ko ay hindi na ganoong katagal na panahon na hindi niya sasabihin kung bakit konektado na naman ang nangyayaring ito sa a’kin.
Hindi ko mapigilan ang hindi mapa-buntonghininga sapagkat alam ko na hindi naman siya magsasalita kahit na tanungin ko siya, kaya naman mas minabuti ko na lamang ang magpatuloy sa paglalakad habang nakikinig sa pa-minsan-minsang pinag-uusapan nina Mireya, Linnea, at Demetrius.
Ganoon lamang ang a’ming ginagawa hanggang sa makarinig kami ng pagsigaw ng mga tao, na naging dahilan upang mapatingin kami sa gawi ng mga taong iyon at laking gulat na lamang na’ming lahat na nakatingin ang mga iyon sa a’ming gawi habang nakaturo pa ang ilan sa kanila sa a’min – o sa tingin ko ay mas magandang sabihin na nakaturo sila kay Linnea na ngayon ay may seryosong tingin sa kaniyang mukha.
“Mukhang sa pagkakataong ito, kakailanganin na talaga na’ting tumakbo,” sabi niya sa a’min, kaya naman sabay-sabay kaming tumango sapagkat alam na’ming lahat na iyon na lamang ang a’ming maaaring gawin sa oras ngayon. “Sumunod kayo sa a’kin at may daanan akong alam na maaari na’ting malusutan.”
Agad kaming tumango sa kaniya, bago na’min narinig ang boses ni Mireya. “Mukhang kailangan pa rin na’ting mag-ingat sapagkat mukhang malalaman din ng mga kawal na kasama ninyo ako.”
Tumango kaming muli sa kaniya sapagkat alam na’min na hindi iyon nalalayo sa maaaring mangyari sa a’min ngayon. Alam na’ming lahat na malaki ang posibilidad na mapapansin nilang kasama na’min si Mireya at nakasisiguro ako na hindi maganda ang magiging kalalabasan noon – hindi magiging maganda ang resulta kung pati siya ay hahabulin na rin ng mga tao sa bayan na ito.
Nakikita na’min na tumatakbo na papalapit sa a’min ang mga taong iyon, kaya naman hindi na kami nag-aksaya pa ng oras.
Noong mga panahon na sumigaw si Linnea ng “Halina kayo at sundan ninyo ako!” agad kaming sumunod sa kaniya at wala sa a’min ang lumingon sa a’ming likuran. Patuloy lamang kaming tumatakbo habang paminsan-minsan ay sinusubukan na’ming iwasan sila, ngunit dahil hindi naman sila nagpapapigil at patuloy pa rin sila sa pagdami.
“Kasama rin nila si Mireya!”
Sabay-sabay kaming napamura nang malutong nang dahil sa sinabi ng taong iyon at mas binilisan pa na’min ang a’ming pagtakbo sapagkat alam na’ming lahat na hindi magandang pangyayari ito.
“Bilisan pa ninyo!” pasigaw na sabi sa a’min ni Linnea, kaya naman mas lalo pa na’ming binilisan ang a’ming pagtakbo – kahit na kami ay nauubusan na ng hininga sapagkat walang tigil kaming tumatakbo papalayo sa mga taong iyon.
“Mireya! Sumuko ka na!”
Ang mga kawal na kanina lamang ay naglalakad sa kahabaan ng daanan na iyon ay bigla na lamang kaming hinahabol ngayon. Naririnig na’min ang mabibilis na yabag ng mga paa ng mga iyon, na mas lalong ikinakaba ng a’ming mga kasamahan, ngunit hindi pa rin sila nagpatinag at nagpatuloy pa rin sila sa pagtakbo.
“Walang mangyayari sa iyo kung patuloy ka lamang tatakas sa a’min!”
“Manahimik kayo!” Sigaw ni Demetrius sa kanila bago siya gumamit ng mahika, na bahagyang ikinatigil na’ming lahat.
Nakita ko kung paano siya nagkibit balikat na para bang wala lamang sa kaniya ang kaniyang ginawa, kahit na alam ko sa a’king sarili na ginawa niya iyon dahil alam niyang walang mangyayari kung patuloy lamang kaming tatakbo sa mga taong iyon.
“Naisip ko kasi na hindi sila titigil kaya naman mas makabubuti na lamang kung gagamitan na’tin sila ng a’ting mga mahika,” sambit niya, bago siya muling tumakbo.
“Sa tingin ko rin ay mainam na gawin iyon, basta lamang ay sisiguraduhin na’ting hindi sila mamamatay nang dahil doon,” sabi naman ni Alana bago ito sumunod kina Linnea at Demetrius. Ganoon na rin ang a’king ginawa, pati na rin si Mireya na mayroon pa ring seryosong ekspresiyon sa kaniyang mukha. “Ginagawa lamang kasi nila ito dahil wala na silang ibang pagpipilian pa kung hindi ang sundin ang sinasabi ng mas nakatataas sa kanila.”
Alam ko na hindi lamang ako ang nakarinig noong huling pangungusap na sinabi ni Alana, ngunit wala ni isa sa a’min ang nagbigay ng pansin tungkol doon sapagkat patuloy pa rin kami sa pagtakbo papalayo sa mga tao sa bayan na ito, pati na rin sa mga kawal na hindi pa rin tumitigil sa paghabol kay Mireya.
Pa-minsan-minsan ay gumagamit na rin ang a’king mga kasamahan ng kanilang mga mahika upang mapabagal ang mga humahabol sa a’min, ngunit hindi pa rin iyon naging sapat upang hindi na sila magpatuloy pa.
Sa tingin ko pa nga ay mas lalo lamang sila nagkakaroon ng kumpiyansa na habulin kami. Mas bumibilis pa sila, at noong napalingon ako sa kanilang gawi, ganoon na lamang ang a’king gulat nang makita ko na nagsisimula na silang gumamit na rin ng mahika.
Akmang sasabihin koi yon sa a’king mga kasamahan, ngunit ganoon na lamang ang a’king gulat nang mapagtanto ko na si Alana ang tinutukan nila ng kanilang mga mahika. Sa kaniya nakatuon ang pansin ng mga kawal na iyon, at huli na ang lahat noong isinigaw ko ang kaniyang ngalan.
Huli na ang lahat noong lumingon siya sa a’kin at napansin ang mahika na ginamit ng mga kawal laban sa kaniya.
Wala akong nagawa kung hindi ang sumigaw na lamang sapagkat hindi ko rin mawari kung ano ba ang dapat kong gawin, at nang mga oras na iyon, noong mga oras na nakita ko na nasa tiyak na kapahamakan si Alana, doon ko lamang napagtanto na para bang wala akong kwenta – sapagkat wala man lang akong nagawa upang pigilan sila.
Wala man lang akong nagawa kung hindi ang tignan siya. Nakatayo lamang ako roon nang walang ginagawa na kahit ano pa man upang mailigtas siya. Nakatayo lamang ako roon habang pinagmamasdan ko ang nangyayari – habang iniisip ko kung ano pa ba ang maaaring mangyari sa mga oras na hindi ko pa rin maaalala ang lahat sa a’kin.
Nagising lamang ako sa a’king mga iniisip nang marinig ko ang pagtawag ng a’ming mga kasamahan sa ngalan ni Alana. Doon lamang ako nabalik sa realidad, at doon ko lamang napagtanto ang nangyari.
Siya ay naabot ng mahika na ginamit ng mga kawal na iyon, ngunit hindi siya napuruhan nang husto sapagkat mukhang ginamit niya ang kaniyang mahika upang mailigtas ang kaniyang sarili. Ang natatanging ebidensiya lamang na siya ay inatake ng mga taong iyon ay ang sugat sa kaniyang mukha at braso, ngunit bukod doon, wala na akong iba pang nakitang sugat na natamo niya.
Doon lamang ako lumapit sa kaniya, at ganoon na rin ang ginawa ng a’ming ibang mga kasama. Ang isipin na tumakbo sa mga taong iyon ay nawala na sa a’ming isipan sapagkat ang pinagtutuunan na’min ng pansin ngayon ay ang kalagayan ni Alana.
Tinawag ko siya sa kaniyang ngalan noong oras na nakalapit na ako sa kaniya. Inalalayan ko siya, at tinanong kung ayos lamang siya at siya ay tumango lamang sa a’kin, na para bang nais niyang siguraduhin ko na ayos lamang talaga siya.
“Hindi mo kailangang mag-aalala sa a’kin, Ambrose,” sabi niya pa sa a’kin at binigyan ako ng ngiti, ngunit hindi ko magawang suklian iyon sapagkat tila ba umuulit sa a’king isipan ang mga nangyari sa kaniya kanina. “Ang kailangan mong alalahanin ay ang iyong sariling kaligtasan.”
Napakunot ako nang dahil sa kaniyang mga sinabi sapagkat hindi ko mawari kung bakit kailangan ko pang mag-alala sa a’king sarili sa ganitong sitwasyon, kahit na siya naman talaga ang napuruhan nang dahil sa pag-atake ng mga kawal na iyon.
Agad siyang bumaling sa mga kasamahan na’min kaya naman nawalan na ako ng oras upang makapagtanong sa kaniya, at hindi ko na rin naman mawari kung ano ang a’king dapat na isipin nang marinig ko ang mga sumunod niyang sinabi.
“Kailangan na na’ting makaalis sa bayan na ito sa lalong madaling panahon sapagkat mas lalo lamang tayong mapapahamak kung magpapatuloy ito,” sambit niya, at kahit na alam kong may punto siya nang sabihin niya iyon, hindi ko pa rin maiwasang mapatanong sapagkat alam kong may dahilan kung bakit niya sinasabi ang mga bagay na iyon.
Nais ko pa ring magtanong sa kaniya tungkol doon, ngunit hindi ko na rin iyon nagawa sapagkat nagsimula nang maglakad ang a’ming mga kasamahan – kaya naman wala na akong nagawa pang iba kung hindi ang alalayan si Alan habang naglalakad kami papalayo sa mga kawal na iyon.
“Ano ba talaga ang nangyayari, Alana?” tanong ni Linnea sa kaniya, na para bang hindi na rin niya maisip kung ano ba talaga ang nangyayari sa ngayon. “Hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lamang ikaw ang inaatake nila kahit na si Mireya naman talaga ang kanilang pakay. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lamang ikaw ang inatake nila, kahit na wala ka namang ginagawang iba. Ni hindi mo nga ginamit ang iyong mahika, hindi ba?”
Natahimik si Alana nang matapos sabihin ni Linnea ang mga bagay na iyon, at ang akala ko ay hindi na naman niya sasagutin iyon, ngunit tila ba nagkamali ako sapagkat ang mga sumunod niyang sinabi ay ang naging dahilan upang mapa-tingin ako sa kaniya at mapaisip kung ano ba talaga ang kailangan kong gawin para sa mundong ito.
Hindi ko mawari kung bakit tila ba napakalaki noon hanggang sa umabot na iyon sa puntong kinakailangan pa nilang gawin ang mga bagay na ito. Hindi ko mawari kung bakit kinakailangan pa nila kaming atakihin nang ganito.
“Mukhang nahinuha na nila na ako ay nagtatago sa mundong ito,” sambit niya, na naging dahilan upang mapatingin kaming lahat sa kaniya. “Nahinuha na nila na ang takipsilim na kinakatakutan nila ay maaari pa ring mangyari, kahit na mahabang panahon na ang lumipas magmula noong malaman nila ang tungkol sa bagay na iyon.”