Pagkatapos niyang mag-empake ay umupo siya sa kama at pinagmasdan ang kwintas na dating ibinigay ni Ezekeil. Sa pagpayag niyang sumama dito sa Maynila kasama si Ethan ay naroon na rin ang posibilidad na bumalik ang damdamin niya sa binata, na hindi malayong mangyari kung ang pagbabasehan ay ang pagkasabik ng makita niya ito kahapon matapos ang matagal na panahon. Hindi pa rin nahihilom ang sakit at hindi niya tiyak kung ano ang pakay ni Ezekeil. Pero tila may bato-balaning hinihila siyang muli para ilapit ang sarili dito. “Alagaan mo ang anak ko, Hannah.” Tila naririnig niya sa balintataw ang tinig ng kapatid. Eksaktong alas sais ay nasa tapat na ng gate nila ang sasakyan ni Ezekeil. Bumaba ito at magalang na bumati sa Lola niya pagkatapos ay kinuha ang maleta niya at isinakay sa

