Episode 1
"Well, well, well. Today is June 11. It's a cloudy day, and also, tomorrow is a holiday! Mabuhay!" Sabay taas ng dalawang bisig sa ere. Parang timang na naglalakad si Ryza sa kahabaan ng Santa Cruz, Manila papuntang botique ni Liza. Kinakausap niya ang sarili at pangiti-ngiti pa siya. Pauwi siya ng Bataan ngayon dahil wala silang pasok bukas sa trabaho. Susundan pa niya ng tatlong araw na vacation leave dahil kailangan niyang dumalo sa kasal ng pinsan niya na gaganapin sa Huwebes.
"See you later Bataan! See you later adobo ni Mudra! Magtutuos tay–Ay s**t!" Kinabahan siya ng konti nang matalisod dahil sa kagaslawan. Alam niyang pwede siyang mapagkamalang sinto sa ginagawa niya pero wapakels siya dahil excited na siyang makauwi.
Mag-tatatlong taon na siyang nagpapakaburo sa Manila. Dinaig na niya ang mangga sa tagal. Iniiwasan kasi niya ang DOM na manliligaw. Ilang beses na itong nabasted pero sadyang malakas ang tama sa kanya. Nang mabalitaan niyang umuwi na ito sa Samar for good noong nakaraang linggo ay halos hindi siya makatulog nang nagdaang gabi dahil walang pagsidlan ang kanyang kasiyahan. Idagdag pa na excited siya sa kasal ni Jessie. Sobrang timing ang mga pangyayari. Kaya heto, kahit maraming dala ay dumaan siya sa botique ng kaibigan. Kailangan niyang bumili ng bagong sapatos at mga accesories. Isa pa, makakadiscount kasi siya doon.
Matapos ang halos tatlong oras na pamimili at pakikipagchikahan kay Liza ay binagtas na niya ang mausok na daan patungong terminal. Konting lakad na lamang naman ang layo nito. May kotse siya at marunong siyang magmaneho pero di kaya ng powers niya makipagsabayan sa traffic at sa mga harabas na driver ng Manila. She’s too scared. Kaya sa Bataan lang siya nakakapagdrive. Siya ang ginagawang driver ni Jessie kapag offshore ang boyfriend nitong seaman.
"Hay. Naiinitan na masyado ang bawat himaymay ng sexy kong katawan.Para na akong malulusaw sa sobrang init!" Nagpasiya siyang bumili muna ng bottled water sa mga sidewalk vendor saka nagtungo sa pila. Inabot na siya ng pagdagsa ng mga pasahero roon dahil rush hour na.
"Nag-undertime na nga at lahat pero gagabihin pa din ako ng uwi. Hanubayan!" Reklamo niya. Hulas na ang itsura niya. Pakiramdam niya ay nabura na din ang make-up niya dahil sa pagtulo ng pawis sa muka. Hindi na din niya nakuha pang suklayin ang buhaghag at kulot na buhok simula ng lisanin ang botique ni Liza.
"My porcelain legs. Oh my gosh! Gusto ko na ihimlay ang balingkinitan kong katawan sa kama ko. Mama!" para na naman siyang timang na nagsasalita mag-isa. Nakita niyang tinitigan siya ng manong sa gilid niya dahil sa kakasalita niya. Binigyan niya lang ito ng matalim na tingin at saka iniikot ang mata pabalik sa harap niya. Kebs!
Matapos ang dalawampung minutong pagpila ay sa wakas, hindi pa rin siya nakakasakay ng bus. Nakakaramdam na siya ng gutom. Hindi naman niya magawang umalis sa pila dahil baka pagbalik niya doon ay sabihing sumingit lang siya.
"Oy! Manong konduktor tunay po ba ‘tong pila na ‘to? Bakit ang tagal? Kaninang alas sais pa ako nakapila e." kinalabit pa niya sa balikat ang lalaki. Bahagya pang tumulo ang laway niya nang makitang gwapo ito.
"Yes Maam! Konting tiis na lang po. Marami po kasing commuter ngayon e. Tomorrow is holiday, you know." kinindatan pa siya nito bago tumalikod at nagtungo sa harapan ng pila.
"Abat inglesero pa ang mokong." sabi niya rito. Masiyadong pre-occupied ang isip niya sa pag uwi kaya dineadma na lang niya ang kindat ng konduktor pati ang baritonong boses nito.
Natatanaw na niya ang pinto ng bus. Malapit na siyang makasakay sa wakas. Nang siya na ang aakyat ay nagdesisyong ipalagay sa compartment ang mga gamit dahil sobrang dami nito para isiksik lahat sa upuan. Luminga siya at nang nakita ang konduktor ng bus ay tinawag niya ito saka naman lumingon ang— poging— konduktor.
"Yes, Ma'am? How may I help you?" Napasimangot na talaga siya sa kakaenglish nito.
"A-ah eh ano. Paki lagay mo naman ito dun sa compartment." nag-aalangang sabi niya. Tinatanong niya ang sarili kung konduktor ba talaga ito. Mas bagay kasi dito ang business attire. Idagdag pang gwapo ito— erase, erase— napakagwapo nito. Pwede itong mag-artista.
"Right away, Maam!" dinampot nito ang mga gamit niya at inilagay doon sa compartment. Siya naman ay naiwang nakatanga habang tinitignan ang likod nito. Bakat kasi sa polo nito ang nagfeflex na muscle sa balikat habang lumalakad. Bakat din kaya yung abs niya?
"Oy miss, mamaya ka na tumulala diyan kapag nakasakay ka na. Naghihintay kami sa likod mo oh!" pukaw ng babaeng nasa mid-thirtees sa likuran niya. Mukhang naiinis ito kaya't nagmadali na siyang pumasok.
Hinihilot-hilot niya ang nananakit na binti ng makaupo na siya sa loob ng bus. Nakapwesto siya sa tabi ng bintana sa pangalawang upuan ng bus. Sa wakas ay umalis na ang bus. Mag aalas otso na noon.
"Lalaki lalo ang muscle ko nito sa binti e." Hinilot-hilot niya ang binting nangangalay. Nang matapos sa ginagawa ay sumandal na siya sa headrest at naalalang ilabas ang pressed powder. Binistahan niya ang itsura sa salamin at nag-ayos ng sarili. "Para akong sumugod sa rally. Hanubeyen!" bulong niya sa sarili.
"San po kayo, Maam?" sabi ng gwapong konduktor sa kanya habang hawak-hawak niya ang lipstick sa kanang kamay at pressed powder sa isa. Bahagya siyang napatigil sa ginagawang pag-aayos.
"Abucay." sabi niya na hindi pa rin lumilingon.
"Student po?"
"Hindi." narinig naman niya ang pagpunch nito sa ticket. Nilingon lang niya ito nang inabot na ang ticket.
"Kayo po, Maam?" baling nito sa katabi niya. Bigla siyang naconcious sa sarili niya dahil sa kumag na iyon. Kaya naman overall make-up na ang ginawa niya. Balak pa sana niyang magplantsa ng buhok pero walang outlet na pwedeng saksakan.
Makalipas ang ilang oras, inip na inip na si Ryza sa loob ng bus kahit kalahati na lang ang pasahero sa loob dahil nagsibabaan na ang mga iyon kanina sa Pampanga Central Terminal. Nasa Guagua pa lamang sila. At halos tatlong oras na silang bumibyahe. Kahit ang ibang pasahero ay naiinis na sa sobrang bagal magpaandar ng bus.
"Wala na po bang ibabagal yan, Kuya?" hindi na nakatiis ang isang pasahero. Gusto niya sanang magsecond-the-motion pero kanina pa kasi niya katabi ang konduktor. Nagpapakamayumi siya nang mga sandaling iyon. And at the same time ay nagpapaka assuming dahil siya ang tinabihan nito samantalang pwede naman itong umupo sa nauunang bangko, bakante na rin kasi iyon. Weird.
Makalipas ang ilang minuto ay palatak na siya ng palatak sa tuwing magpepreno ang bus.
"Ano ba yan? Parang karo naman ng patay oh!" bubulong-bulong na siya sa kinauupuan. Naiinis na talaga siya at nagugutom na. Nakatingin siya sa daan mula sa bintana.
"May problema po kasi ang makina, Maam. Don't worry, as soon as makarating tayo sa susunod na terminal ay itatransfer na po namin kayo ng bus." narinig siya nito sa sinabi kaya dinepensa nito ang makupad na pagtakbo ng bus nila.
"Hindi ba yan chineck bago umalis? Alam nyo namang maraming pasahero ngayon dahil nga uwian ng mga taga probinsiya. Ano ba naman yan? Kung kailan nagmamadaling umuwi. Psh." Naiinis na siya dahil gusto na niya talagang magpahinga. Nakakaramdam na siya ng sobrang pagod.
"Sorry then." ngumisi naman ito at ibinalik sa harap ang paningin. "Kuya, pakibilisan mo na daw ang takbo. Nagmamadali na si Miss Ganda."
"Areglado, Boss." sumaludo pa muna ito at humarurot nga ang bus.
At pareho silang pilosopo. Bagay ngang magkatrabaho. Terno!
Marahas siyang bumaling para tignan ito ng masama ngunit nauna na itong tumingin sa kanya. Nakangiti ito. Pakiramdam niya ay namula ang mukha niya sa pagkakatitig ng lalaki. Bakit ba ang gwapo ng konduktor na ito? Nakakatunaw ng ulirat. Nagulat siya ng itaas nito ang baba niya. Nakanganga pala siya. Anak ng patis! Shame on me!
Inismiran niya ito at nagiwas ng paningin. Antipatiko! Piling pogi! Hmp!
Minabuti niyang ituloy na lang ang pag idlip para di awkward. Kanina kasi ay nagising siya nang maramdamang may tumabi sa kanya. Nang makitang ang mokong ang naupo ay di na siya pumikit pa. Ang landi ng bruha.
____
Nagising siya sa mga tapik sa braso niya. Nang magmulat ay ang gwapong muka ng konduktor ang bumungad.
"Miss, sabihin mo lang kung gusto mong matulog dito sa bus namin." nakakainis ang pagkakangisi nito.
Abat! Magbiro ka na sa lasing wag lang sa bagong gising na nalipasan na ng gutom. Nakakapang init ng ulo ang isang ito. Isinuot niya ang eyeglasses at tumingin sa relong nasa harapan ng bus.
"One o'clock na?" lumingon siya sa likuran at nakitang siya na lang ang pasaherong nandoon. Nang tumingin siya sa labas ay nasa terminal na ito ng Balanga. Lumagpas na siya sa kanila. "Bakit di mo ako ginising? ‘Di ba nga sabi ko sayo sa Abucay lang ako? Tsaka ‘di ba sabi mo itatransfer kami ng bus? Eh bakit nandito pa rin ako?"
"Whoa, wait! I woke you up but you didn’t want to be bothered. Ilang beses kitang ginising pero ang sarap ng tulog mo. Hanggang matapos gawin ang makina ay tulog ka pa rin. Hmm. Ano nga ang tawag dun?" hinawakan nito ang baba at hinimas. Kumunot din ang noo habang nakatingala. "Ayun! Tulog mantika! Right?" ngumisi na naman ito nang bumaling sa kanya.
"Abat! Talaga nga naman, oo." her head started to heat up to its boiling point. She tried to keep her cool once more. Nagpakawala siya ng malalim na buntong hininga.
"Pambihira naman oh! Sana pinilit mo ‘ko magising." Naiinis siya sa gwapong konduktor dahil nangangatwiran pa ito. Passengers are always right. Walang ganoong kasabihan pero para sa kanya ay meron!
"Well, I think it's not our duty anymore. You should be aware of your surroundings especially when you are travelling alone. Paano kung sira ulo pala ang konduktor at ang driver at kung saan ka dinala? Tss. Come on, baba na. Igagarahe na ‘tong bus."
"Tse! ‘Wag mo akong dinadaan sa kakaenglish mo ha! Padaan nga!" tinabig niya ito sa dadaanan niya. Ngunit hindi pa siya nakakalagpas ay kinabig siya nito pabalik at hinapit ang bewang niya saka ninakaw ang pinakaiingatan niyang unang halik. Awtomatiko namang dumapo ang palad niya sa muka nito. Namula iyon sa sobrang lakas ng pagkakasampal. Halos bumakat ang palad niya sa maputing kutis nito.
"Bastos ka ah! Naghahanap ka ba ng gulo?" saka sinipa niya ito sa tuhod.
"Aw!" npaluhod naman ito ngunit nakangisi pa rin ang ungas. Muli pa siyang umambang sisipain ito kaya't ihinarang naman nito ang mga braso sa muka. Bakit di niya makuhang magalit ng todo? Dapat ay galit siya. Dapat magalit siya dahil first kiss niya yun! Tinalikuran na lamang niya ito at nagmadaling bumaba para lamang umakyat muli sa loob ng bus.
"Yung gamit ko sa compartment! Pakikuha! Pakibilis at nauubos ang oras ko!" mahirap pa namang mag intay ng jeep na byaheng Abucay.
"Yes, Maam!" at sumunod na ito sa kanya palabas ng bus. Hindi na niya ito nilingon pero sigurado siyang nakangisi na naman ito.
Nang mailabas na lahat ng gamit niya ay dinampot itong muli at isinakay sa likod ng itim na Hilux. Anong kalokohan na naman ang ginagawa ng bruhitong ito sa gamit niya?
"Oy, oy. Anong gagawin mo diyan?" hindi siya nito pinapansin at tuloy-tuloy lang itong sumakay sa driver's seat. Lumapit siya at kinatok ang salamin ng pinto. Ibinaba naman nito iyon.
"Sakay na. Ihahatid na kita. Wala ka nang masasakyan diyan. Hatinggabi na."
Ano daw? Ihahatid siya nito? Ang ganda ng sasakyan niya. O baka naman ay ipinadrive lang ng amo at nagfifeeling lang ang isang ito. O baka naman rapist ito at miyembro ng sindikato? Kinilabutan naman siya sa huling naisip. Ayaw niyang makuhanan ng laman-loob. Modus ba ito? Oh no!
"At baket? Close ba tayo huh? Ibaba mo nga ang gamit ko kundi papaduguin ko ang nguso mo." ang tapang ng mga binitiwan niyang salita pero medyo kinakabahan na siya. Wala kasing tao sa lugar kung saan nakapark ang sasakyan nito. Ang ibang driver at konduktor ay nakatambay sa karinderya sa tapat ng terminal. Idagdag pang bigla na lang itong nanghahalik.
Inabot nito ang wallet sa dashboard at inilabas doon ang driver’s license. "Jayson Margones at your service, Maam. Sakay na!" Totoo ngang iyon ang pangalan na nasa ID at ‘yun din ang mukha sa picture. Pamilyar ang pangalan nito. Hindi niya mahagilap sa isip kung saan niya nadinig ang pangalang ‘yon. Nang hindi pa rin siya tuminag ay bumaba ito ng sasakyan at pinangko siya paikot sa kabilang pinto.
"Rape! Rape!" sigaw naman siya ng sigaw. Nakita niyang napaatingin sa kanila ang mga driver na kumakain sa karinderya pero nagsipagngisihan lang din ang mga ito. Lalo siyang kinabahan. Mabilis siya nitong naipasok sa loob ng sasakyan. “Rape! Rape!”
"Hoy! I don't do such a thing. I’m a gentleman." Hinatak nito ang seatbelt sa tabi ng mukha niya. Ang isang kamay nito ay nakatukod malapit sa headrest at ang kanan naman ay pilit inilulusot ang seatbelt sa buckle. Naamoy niya ang kaliwang balikat nito na bahagya pang sumayad sa baba niya. Ang bango. Lalaking lalaki ang amoy. They were so close he could almost hug her. Nang matapos ay isinara na nito ang pinto at umikot para pumasok sa driver’s seat. Then he shifted the gear. Natauhan siya nang umandar ang sasakyan kaya’t nagpanic na naman siya.
"Rape! Ra-" Tumakip ang palad nito sa bibig niya kaya napamulagat siya.
"Ang ingay mo. Kung rapist ako, kanina pa lang nung katabi kita habang tulog ka, e chinansingan na kita." malumanay nitong sabi habang naktakip ang kanang kamay sa bibig niya at ang kabila ay sa manibela. Nang mahimasmasan siya ay binitawan na nito ang bibig niya.
"K-kasi naman a-ang creepy mo. Mas creepy ka pa sa DOM kong ex-manliligaw. Bakit mo ako hinalikan kanina? Bakit sapilitan mo akong sinakay dito. Tsaka hindi nga tayo magkakilala e. Sino ka ba? Pulis ang Tito ko kaya wag kang magkakamaling gawan ako ng masama." kahit wala naman siyang pulis na tito. Ni wala nga siyang tito.
"You're just being paranoid, Ryza Sophia! Magiging magkakilala din tayo one of these days. And I kissed you because you're too annoying” nakatingin lang ito sa daan. “But cute." saka ito lumingon sa kanya sabay kumindat. Nag-init ang mukha niya. Feeling niya ay magbublush siya. Ang cute din kasi nito. Creepy but cute.
Pero teka, kilala siya nito eh. Sino ba ang konduktor na ito na de-kotse at higit sa lahat ay gwapo. Bakit kilala siya nito? Ngayon lang yata siya nakakilala ng lalaking mukang artista.
"B-bakit mo ako kilala? Kaano-ano ba kita?" magulo na nga ang buhok niya pero mas magulo kausap ang lalaking ito.
“Hmm… friend-in-law, I think.”
“What? Meron ba nun? Ang weird mo po, koya. Sagutin mo ng maayos yung tanong ko, please.”
Ngumiti lamang ito pero hindi na muli pang nagsalita. Napakarami niyang tanong ngunit nakatungo lang ang mata nito sa daan at paminsan-minsang ngumingiti kapag lumilingon sa kanya. Sa buong byahe ay siya lang ang dakdak ng dakdak. At nilakasan pa nito ang volume ng sound system nito na animo’y nananadyang mang inis.
"Ano ba? Para kang tuod. Hindi mo ba sasagutin ang mga tanong ko ha?" Sa inis niya ay sinigawan na niya ito upang madaig ang lakas ng stereo.
"Alam mo, sumasakit ang ulo ko sa tinis ng boses mo. Can you please shut up for a minute?" lumiko ito sa kanto patungo sa bahay nila. Alam din nito ang bahay niya?
"Stalker ka ba? Ngayon pa lang ako nagkaroon ng gwapong stalker. Sino ka ba talagang ungas ka. Ginugulo mo ang isip ko eh."
"Here. Nandito na tayo sa inyo." sa halip na sagutin siya ay bumaba ito ng sasakyan at binitbit ang mga gamit niya sa tapat ng gate nila.
"Don't bother to ask me for a cup of coffee. I have to go. Bye, Sophia. See you on Thursday." Then he kissed her cheek. Again, she was charmed by his scent. Para itong gayuma. The next thing she knew he's already gone. Bahagya pa niyang nalanghap ang usok ng tambutso nito.
"See you on Thursday daw? Thursday? Anong meron?” binitbit na niya ang mga gamit at pumasok sa loob. “Jess's wedding, right?" So?" ipinilig niya ang ulo sa kaliwa habang naglalakad papasok ng bahay. Mukha siyang tanga sa pag-aanalisa ng pangyayari sa labas ng bahay nila. "Jayson Margones? Hmm…” pinilig naman niya ang ulo sa kanan.
Naupo muna siya sa sofa. Sobrang napagod siya sa byahe. Nakadagdag pa sa stress niya ang Jayson Margones na iyon. Napansin niya sa ibabaw ng center table ang invitation sa kasal nila Jessie at saka ito kinuha. Tinignan niya isa-isa ang mga pangalan ng principal sponsors. Natawa siya nang makita ang pangalan ng ina. Talaga namang ayaw magpakabog. Dumako naman siya sa pangalan ng mga abay. Nakita niya ang pangalan ng bestfriend ni Jessie as Maid of Honor. Siya dapat iyon pero tumanggi siya. Hindi niya feel dahil siguradong di niya maeenjoy ang kasal ng dalawa. Pinasadahan pa niya ang ibang pangalan. Hindi niya kilala ang iba doon. “Oh no!" bulalas niya. She was surprised to see Jayson Margones’s name beside hers. There it is! Ito ang partner niya sa kasal nila Jessie at Kit!