TULAD ng nakagawian, kapag wala silang team practice, maaga pa lang ay makikita na si Troy sa isa sa mga indoor basketball court ng Friend Jungle, isang sports club and fitness center na pag–aari ng kanyang mga magulang at mga kaibigan ng mga ito.
Itinayo ang pasilidad na iyon limang taon na ang nakalipas para maging hangout nilang magkakaibigan. Esklusibo iyon sa barkada nila sa unang mga taon. Nang magtagal ay binuksan na rin iyon sa publiko para sa gustong maging miyembro. Ang kinikita ng lugar ay diretso sa maintenance at sa Jason Monteclaro Youth Foundation, ang foundation na sinusuportahan ng kanyang mga magulang.
Troy was preparing for the coming season of the PBA. Last year ay nakabalik na siya sa PBA pero dahil matagal siyang hindi nakapaglaro, hindi na siya ganoon ka-productive. Hindi na rin siya binibigyan ng mahabang playing time ng coach niya. Pinangangambahan niyang ma-trade siya sa ibang team kung hindi niya maibabalik ang dating laro. Gusto niyang bumawi sa team niya at sa mga supporter niya na nanatiling sumusuporta sa kanya kahit na tumamlay na ang kanyang basketball career. Iyong ang dahilan kaya araw-araw siyang nagpa-practice bukod pa sa team practice ng Energy Lightnings. Gayunman, alam niya na kahit pa maibalik niya ang dating laro at successful naman ang kanyang mga negosyo, ramdam niya na parang may kulang pa rin sa buhay niya.
Napagawi ang tingin niya sa b****a ng basketball gym nang marinig ang maingay na pagpasok ni Gian kasama sina Lorraine at Earl. Awtomatiko siyang napangiti nang makita ang bata. Hawak ang bola na sinalubong niya ang tatlo.
“Hey, Earl, it’s nice to see you here,” sabi niya sa bata. Nakilala niya si Earl nang dumalo siya sa birthday ni Juris dalawang araw na ang nakalipas. Inaanak ni Lorraine ang bata. Naalala niya ang naramdamang strange feeling nang unang makita si Earl. Magaan kaagad ang loob niya sa bata. Sumali siya sa larong habulan nina Earl at ng mga pamangkin niya kaya palagay na ang loob ng bata sa kanya.
“Hello, Tito Troy,” nakangiting bati ni Earl.
Bahagya siyang yumuko at nakipag-high five sa bata. Pagkatapos ay binalingan niya si Gian at nakipag-high five dito at nagtapikan ng balikat bilang batian ng barkada nila.
“Hi, Lorraine. May rematch daw kayo ngayon ni Justin?” sabi niya.
“What? Seryoso talaga sila sa rematch?” gulat na sabi ni Lorraine. Sa barkada nila, isa si Justin sa pinakamagaling sa billards kaya hindi makapaniwala ang lahat nang matalo ito ni Lorraine.
“Yeah. Hinihintay na nila kayo sa billiards hall.”
“Mommy Lorraine, I want to play basketball with Tito Troy,” ungot ni Earl nang makita ang bola na hawak niya.
“Sure, maglaro tayo. Marunong ka ba?” sabi niya bago pa man makasagot si Lorraine.
Agad na tumango si Earl.
“Are you sure, Troy? Medyo makulit ‘tong si Earl pero marunong namang sumunod kapag pinagsabihan,” nag-aalinlangang sabi ni Lorraine.
“Yup. Ako na’ng bahala,” sabi niya at inakbayan si Earl.
“All right.” Binalingan ni Lorraine si Earl. “Earl, huwag kang makulit, ha? Sa billiards hall lang muna kami.”
“Okay po, Mommy Lorraine.”
“Thanks, bro,” sabi ni Gian kay Troy. Muli silang nag- high - five ni Gian bago naglakad ang dalawa papunta sa billiards hall na nasa kabilang kuwarto ng building.
Dinala naman ni Troy si Earl sa bleacher para makapagbihis. Earl was already wearing basketball shorts and rubber shoes kaya ang suot na lang nitong T-shirt ang pinalitan nila ng baon nitong basketball sando. Ilang sandali pa ay masaya na silang naglalaro ng basketball.
“ANG GALING mong mag-basketball, Earl,” puri ni Troy pagkatapos muling tumira ni Earl ng fadeaway shot. “Sino’ng nagturo sa ‘yo?” Nagulat siya nang matuklasang magaling palang mag-basketball si Earl. The kid had the future to be a pro if he wanted to. Matangkad kasi ito sa age na five years old, parang seven years old na. Malalaki rin ang mga kamay nito at magaling humawak ng bola.
“My Daddy John. He used to be a basketball player here in the Philippines and also a coach,” sagot ni Earl.
“Really? What his complete name?” tanong niya bago dinampot ang bola.
“John Campos.”
Nagulat si Troy sa narinig. “Daddy mo si John Campos?” nakakunot-noong tanong niya. Parang imposibleng ama ni Earl ang dati niyang coach dahil nasa sixty years old na si Coach John kung nabubuhay pa ito ngayon.
“No. Daddy po siya ni Mommy Lorraine. But he was like a father to me,” paliwanag ni Earl.
“Ah…” tumatango-tangong sabi niya. “You know what? He was my coach when I was still in college. He was really good and nice.”
“Really? That’s awesome,” sabi ni Earl. “Is it true that you’re a professional basketball player?”
“Yes. I’m playing for the Energy Lightnings in the PBA. Doon din dating naglaro ang Daddy John mo.”
“Yeah. We used to watch PBA when we were still in Portland but I think I never saw you play,” may pagdududa sa boses na sabi ni Earl.
Bahagyang napangiwi si Troy. “Na-injure kasi ako kaya hindi ako gaanong nakapaglaro in the past years. Pero babawi ako next conference.”
“Okay. Can you teach me how to play basketball if you have time? Wala na kasi si Daddy John,” malungkot na sabi nito.
Hinaplos niya ang ulo ni Earl. “Sure. Basta punta ka lang dito every weekend morning. Tuturuan kita.”
Nagliwanag ang mukha ni Earl. “Promise?”
“Promise.” Nakipag-high-five pa siya sa bata. Pagkatapos ay inihagis niya rito ang bola. Maagap naman nitong nasalo iyon at muling inihagis sa ring. Muling pumasok ang tira. Si Earl na rin ang humabol sa bola.
Lumapit si Troy sa bleacher at kinuha ang baon niyang bottled water. Humihingal si Earl nang lumapit sa kanya.
“Ano pagod ka na?” tanong niya habang iniaabot sa bata ang bote ng tubig.
Tinanggap nito iyon. “I’m hungry,” sagot ni Earl bago uminom ng tubig.
Natawa si Troy. “Para kang ako, mabilis magutom.” Kinuha niya sa bag ng bata ang baon nitong extrang T-shirt. Tinuyo muna niya ang pawis nito bago pinalitan ng damit.
Pinupulbuhan niya si Earl nang matanaw ang pagdating ni Frances kasama si Juris at ang sister-in-law nitong si Denise. Kaagad niyang kinawayan ang tatlo para lumapait.
“Hi, Troy. Anak mo?” pabirong tanong ni Denise nang makalapit ang mga ito.
Hinalikan muna ni Troy si Denise bago sumagot. “Yup,” ganting biro niya. “Kamukha ko, ‘di ba?”
“Oo. Para kayong mag-ama.”
“Hey, Earl. Sino’ng kasama mo?” tanong ni Frances kay Earl.
“Si Mommy Lorraine po,” sagot ng bata.
“Eh, bakit kayo ang magkasama?” tanong pa ni Frances.
“May rematch kasi si Lorraine ng billiards kay Justin kaya kami muna ang magkasama,” paliwanag ni Troy.
“Hay, naku! Ang aga ngang sinundo ni BJ si Justin sa bahay kanina dahil sa rematch na ‘yan. Mabuti na lang dinaanan kami ni Ate Denise,” nakasimangot na sabi ni Frances.
“Hindi mo ba susuportahan ang asawa mo?” tanong ni Troy.
“Sisilip lang kami doon ‘tapos maglalaro na si Juris sa playground.” Binalingan ni Frances si Earl. “Earl, maglaro kayo ni Juris mamaya, ha?”
“Okay po.”
“Susunod na lang kami. Kakain muna kami. We’re hungry,” sabi ni Troy. Hinawakan niya ang kamay ni Earl at dinala ang bata papunta sa kiosk.
“MOMMY LORRAINE, Mommy Lorraine, nakita ko si Tito Ethan sa TV.” Napahinto si Faith sa paghuhugas ng plato nang marinig ang sinabi ni Earl. Tumatakbong pumasok sa kusina ang kanyang anak para ibalita kay Lorraine ang nakita.
“Sinong Tito Ethan?” nakakunot ang noong tanong ni Faith bago man makapagsalita si Lorraine.
“Kapatid po ni Tito Troy. Artista pala siya. He is the host of Today’s People,” sagot ni Earl.
Nagulat si Faith sa sinabi ng anak. Mabilis siyang nagpunas ng kamay at lumapit kay Lorraine. “Anong ibig sabihin ni Earl?”
“Uhm… Earl manood ka na lang uli ng TV. Mag-uusap lang kami ng mommy mo,” utos ni Lorraine.
“Okay po,” sagot ni Earl at mabilis na lumabas ng kusina.
“May inililihim ka ba sa akin, Lorraine?” kompronta niya sa kaibigan. “Si Ethan Escobar ba ang nakita ni Earl sa TV at magkakilala sila?”
Rumihistro ang guilt sa mukha ni Lorraine. Humugot muna ito ng malalim na hininga si Lorraine bago nagsalita. “Oo. Pati si Troy ay kilala na ni Earl.”
“What?” bulalas ni Faith. “Paanong nangyari ‘yon?”
Nagsimulang magkuwento si Lorraine. Matagal na pala nitong alam na barkada ni Troy ang mga founder ng Offsprings Clinic at minor stock holder pa roon ang lalaki. Pero nagkakilala ang mag-ama nang um-attend sina Lorraine at Earl sa birthday party ng anak nina Doc Justin at Ces ilang linggo na ang nakalipas. Mabilis na nagkasundo sina Troy at Earl dahil parehong mahilig sa basketball. At sa tuwing isinasama ni Lorraine si Earl sa Friend Jungle ay nagkikita ang mag-ama at tinuturuan si Earl na magbasketball. Sinabi rin ni Lorraine na Ces ang best friend ni Troy na inakala niyang girlfriend ni Troy noon.
“Bakit hinayaan mong mangyari ‘yon? At wala ka man lang sinasabi sa akin?”
“I’m sorry, Faith. Hindi ko sinabi dahil alam kong magpi-freak out ka. Baka bigla kayong bumalik ni Earl sa Portland.”
“Gagawin ko talaga ‘yan. My godness, Lorraine! Paano mo nagawang maglihim sa akin?”
“I’m sorry, okay? Wala naman akong pinagsabihan sa sikreto natin. Kahit pa si Gian, walang alam. Ginawa ko lang naman ‘yon dahil wala akong nakikitang mali sa pagkakalapit ng mag-ama.”
“Walang mali? Lorraine, nakita na ni Troy si Earl. Kung magkakaroon ng confrontation, hindi imposibleng malaman niya ang totoo. Natatakot ako sa mga posibleng mangyayari. Baka kunin niya sa akin ang anak ko.”
“Faith, calm down. Hindi basta-basta mangyayari ang ikinakatakot mo. Hindi basta-basta makukuha ni Troy si Earl. Isa pa, mukha namang mabait talaga si Troy at mabuting tao. Hindi niya gagawin ang kinakatakot mo. I think ito na ang tamang panahon para harapin mo siya at sabihin ang tungkol sa anak ninyo.”
“No way! Sinabi mong kaibigan ni Gian si Troy. Stop seeing Gian para matigil na ang ugnayan natin sa kanila,” utos niya.
Si Lorraine naman ang nagulat. “What? Hindi ko magagawa ‘yan. Mahal na mahal ko na si Gian.”
“Makakalimutan mo rin siya.”
“Bakit kailangang madamay kami ni Gian? Faith, mali ang naisip mong solusyon sa problema.”
“That is the best thing to do. Stop seeing Gian. Better yet, mag-resign ka na sa trabaho at sumama sa amin ni Earl pabalik sa Portland.”
“Faith…” Parang hindi malaman ni Lorraine ang sasabihin.
“Kung talagang mahalaga kami ni Earl sa ’yo, gawin mo ang sinabi ko.”
“I THINK you’re imagining things. Ano naman ang dahilan para pagtaguan ka ng ex mo?” napapailing na sabi ni Frances kay Troy habang sakay sila ng kotse ng binata patungo sa Offsprings Clinic.
Nag-meeting sila sa main branch ng Frances’ nang umagang iyon. Nang matapos ang meeting ay nagboluntaryo si Troy na ihatid si Frances sa klinika ng asawa nito.
Sandaling sinulyapan ni Troy si Frances bago sumagot. “I don’t know. Pero malakas ang hinala ko na nagsisinungaling ang mga kasambahay ni Faith. They knew where she is. Gusto ko lang naman siyang kumustahin.”
“Iyon lang ba talaga ang dahilan?”
Hindi kumibo si Troy. Bukod sa curious talaga siya kung ano na ang nangyari kay Faith mula nang maghiwalay sila, nagtataka talaga siya kung bakit lagi itong umiiwas sa kanya sa tuwing magkikita sila.
“Wala ka bang kilalang kaibigan ni Faith na puwede mong mapagtanungan kung nasaan siya o kung paano siya makakausap?”
“Meron. Si Lorraine na girlfriend ni Gian. Best friend siya ni Faith. Pero tinanong ko na siya kung alam niya kung saan naroon si Faith pero matagal na raw silang walang contact sa isa’t-isa.”
Kumunot ang noo ni Frances. “Best friend ng ex mo si Lorraine?”
“Oo. Sinabi ni Faith sa akin noon noong nasa Palawan kami. Anak si Lorraine ng dati kong coach sa basketball , si Coach John.”
“Ano nga uli ang last name ni Faith?”
“Ignacio.”
“What?” gulat na bulalas ni Frances. “As far as I know, best friend ni Lorraine ang isang doctor sa Offsprings and her name is Faith. Dr. Faith Ignacio.”
“Are you sure?” gulat na bulalas din ni Troy.
“Yes. And I think naka-duty siya ngayon sa clinic. Makikita mo siya.”
Napuno ng pag-asa ang dibdib ni Troy. Mahigit dalawang linggo na niyang binabalik-balikan si Faith sa bahay nito. Hindi niya akalain na sa Offsprings lang pala niya ito makikita - kung saan nagtatrabaho ang karamihan sa mga kaibigan niya. Pero hindi niya maiwasang mag-isip kung bakit kailangang magsinungaling ni Lorraine na may komunikasyon pa ito kay Faith?
Hindi nagtagal ay nakarating na sila sa Offsprings Clinic. Pinauna na ni Troy sa pagpasok si Frances nang makitang walang bakanteng parking space sa harap ng building. Pagkatapos mag-park sa likuran ay may-pagmamadaling pumasok na siya sa klinka. Pagdating sa lobby, kahit pa alam niyang makikita niya roon si Faith ay nagulat pa rin siya at napahinto nang makitang kausap ito ni Frances sa harap ng counter. Pero lalo siyang nagulat nang makita si Earl na nakahawak sa kamay ni Faith.
Biglang napatingin sa direksyon niya ang bata. Kaagad lumiwanag ang mukha nito nang makita siya.
“Tito Troy! Tito Troy!” masiglang sigaw ni Earl na bumitiw kay Faith at tumakbo papalapit sa kanya.
Napalingon sina Faith at Frances sa direksyon niya. Kitang-kita niya ang pagkagulat na rumehistro sa mukha ni Faith. Nagbawi siya nang tingin at ibinaling ang atensyon kay Earl na nasa harapan na niya.
Yumuko siya upang magpantay sila. “Hey, Earl!” Nag-high - five sila ng bata. “What are you doing here? Hinintay kita sa Jungle kahapon.”
“My mom works here,” sagot ni Earl. “Sorry, Tito Troy. Dinalaw namin ang grandparents ko sa cemetery kahapon kaya hindi ako nakapunta sa Jungle.”
Sasagot sana si Troy pero nakita niyang papalapit si Faith sa kanila. Tumawid siya ng tayo. “Faith…” pag-acknowledge niya sa ex-girlfriend.
Imbes na sumagot ay inabot nito ang kamay ni Earl. “Let’s go.”
“But mommy. I still want to talk to Tito Troy,” protesta ni Earl. “Ipapakilala kita sa kanya.”
Nahigit ni Troy ang paghinga sa sinabi ng bata. “Faith, a-anak mo si Earl?” hindi makapaniwalang tanong niya.
Pero hindi siya pinansin ni Faith.
“I said let’s go!” mariing sabi nito.
Walang nagawa si Earl kundi sumunod sa ina. Halos kaladkarin na ito ni Faith palabas ng building.
Natitigilang sinundan na lang ni Troy ng tingin ang mag-ina. Nakatingin siya hanggang sa tuluyang mawala ang mga ito sa paningin niya.
“Bakit hinayaan mo siyang umalis? Akala ko ba kakausapin mo siya?”
Napabaling siya kay Frances nang magtanong ito. Hindi niya namalayan ang paglapit ng kaibigan.
“Mommy ni Earl si Faith?” pagkumpirma niya kahit pa narinig na niyang tinawag ni Earl si Faith na “mommy”.
“Oo.”
Biglang kumabog ang kanyang dibdib. “And Faith is my ex-girlfriend…”
Nagkatinginan sila ni Frances - kapwa naglalaro sa isip ang isang konklusyon. Parang alam na niya kung bakit laging umiiwas si Faith na magkausap sila at kung bakit nagsinungaling si Lorraine na may komunikasyon pa ito kay Faith.
“Alam mo, ilang beses ko nang napansin na magkahawig kayo ni Earl. Lalo na kapag magkasama kayo sa Jungle. And as far as I know, single mother si Faith. Hindi kaya anak mo si Earl?” sabi ni Frances.
Lalong lumakas ang kabog sa dibdib ni Troy. Mabilis na nag-compute siya sa isip. Humugot siya ng malalim na hininga bago muling nagsalita. “Earl is five. Posibleng anak ko nga si Earl.”