NANG masiguro ni Faith na nakalayo na si Troy at ang batang kasama nito ay dali-dali niyang nilapitan si Earl na noon ay abala na sa pagtingin sa naka-display na malaking toy car. Sinadya niyang lumihis ng direksyon at hindi muna lapitan ang anak sa takot na makita ito ni Troy.
Hindi siya puwedeng makita ni Troy na kasama ang kanyang anak. Sa laki ng pagkakawahig ng mga ito sa isa’t-isa, madaling mahuhulaan na anak ni Troy si Earl.
“Earl, let’s go,” sabi niya at hinila na ang anak sa isang kamay paalis sa lugar.
“But why, Mommy?” buong pagtatakang tanong ni Earl.
“Sa ibang araw na lang kita ibibili ng laruan. We have to go.” Palinga-linga pa rin si Faith habang naglalakad sila sa kahabaan ng hallway.
Naramdaman siguro ni Earl ang pagkataranta niya dahil hindi na ito nag-usisa pa at tahimik na sumama sa kanya.
Kasasakay lang nila sa kotse nang tumunog ang cell phone ni Faith. Nang makitang si Lorraine ang caller niya ay dali-dali niyang sinagot ang tawag.
“I saw him here, Lorraine,” sabi agad niya sa kaibigan. Kahihimigan ng takot ang boses niya.
“Huh? Sino?”
Tumingin siya kay Earl. Nakita niyang nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa kanya.
“I’ll tell you later,” sabi niya na sinundan ng pagbuntong-hininga.
“Where are you? Nagda-drive ka ba?”
“Not yet. Kasama ko si Earl dito sa parking lot ng mall. Paalis pa lang kami. Bakit?”
Sandaling natahimik si Lorraine sa kabilang linya bago sumagot. “You have to go home, Faith.”
“Why?” Hindi sumagot si Lorraine. Hindi niya alam pero bigla siyang kinabahan. “May nangyari ba?”
“W-wala na ang parents mo.”
Natulala si Faith sa narinig.
“It’s true, Faith. Patay na ang mga magulang mo,” pagpapatuloy pa ni Lorraine.
“K-kailan pa? What happened? Kausap ko lang sila kanina,” naiiyak na tanong niya.
“An hour ago. Nabangga ng truck ang kotseng sinasakyan nila.”
“Are you sure?”
“Yes. Dito sa St. Francis sila dinala. I recognized them. Come home, Faith.”
Hindi na niya nasagot si Lorraine dahil nabitiwan na niya ang cell phone at napahagulgol ng iyak.
UMIIYAK si Faith habang nakatingin sa kabaong ng kanyang mga magulang habang nakaupo sa unang pew sa loob ng funeral chapel. Pagkatapos malaman ang nangyari sa mga magulang ay kaagad siyang nagpa-book ng flight pauwi sa Pilipinas. Mabuti na lang at school vacation kaya walang naging problema nang isama niya si Earl sa pag-uwi.
Matindi ang pinsalang natamo ng katawan ng kanyang mga magulang kaya hindi na pinabuksan ng tiyahin na siyang nag-asikaso ng funeral service ang kabaong ng mga ito. Si Lorraine ang sumundo sa kanilang mag-ina sa NAIA. Sa biyahe pa lang ay hindi na mampat-ampat ang mga luha ni Faith. Nakaramdam siya ng labis na panghihinayang nang hindi man lang muling nakita ang mga magulang niya bago namatay ang mga ito. Gayunman, nagpapasalamat pa rin siya sa Diyos dahil nagawa niyang humingi ng tawad sa mga magulang at napatawad naman siya.
Katabi ni Faith sa upuan si Manang Pacing. Ayon sa kuwento ng dati niyang yaya, malaki ang ipinagbago ng kanyang mga magulang. Magmula raw nang maging miyembro ng isang charismatic group ilang linggo pa lang ang nakararaan ay parang biglang bumait ang mama at papa niya. Kumuha raw ang mga magulang niya private investigator para malaman kung saan silang mag-ina naroroon-bagaman may ideya naman ang mga ito na kasama niya si Lorraine.
Medyo kalmado na si Faith nang lapitan siya ni Lorraine kasama ni Earl. Lumabas ang magninang nang magutom si Earl. It was five in the afternoon. Alas-tres ng hapon nang makarating sila sa funeral chapel. Kailangan ng anak niya ng pahinga. Makikita sa mukha nito ang pagod.
“Faith, isasama ko muna si Earl sa bahay,” sabi ni Lorraine.
“Yes, please. Ikaw na muna ang bahala sa kanya.”
Tumango si Lorraine. “How about you?”
“Bukas na lang siguro ako uuwi.” Halos kadarating lang ng mga labi ng mga magulang niya nang dumating sila. Marami pang dapat na asikasuhin. Siguradong pagdilim ng dilim ay magdaratingan na ang mga kamag-anak nila at malalapit na kaibigan ng kanyang mga magulang para makiramay. Hindi siya dapat mawala sa funeral home. Iyon na lamang ang maari niyang gawin para sa mga magulang sa huling pagkakataon.
“Kamukha talaga ng ama niya si Earl,” sabi ni Manang Pacing pagkaalis nina Lorraine at Earl.
Gulat na napatingin si Faith kay Manang Pacing nang marinig ang sinabi nito.
“Kilala mo ang ama ng anak ko, Manang?”
“Oo. ‘Yong basketball player na si Troy Escobar ang ama ni Earl, ‘di ba?”
“O-oho. Pero paano n’yo ho nalaman?”
“’Di ba pumupunta siya sa bahay noon.”
Tumango si Faith.
“Akala ko sinundan ka niya sa Amerika. Hindi ka pala niya pinanagutan,” dismayadong sabi nito.
“Hindi ho. Hindi rin niya alam na nagkaanak kami. Si Lorraine at ang parents niya ang tumulong sa akin noong itakwil ako nina Papa.”
“Ganoon ba?”
Tumango si Faith.
Naputol ang pag-uusap nila nang isang grupo ng kababaihan ang pumasok. “Sila ang mga ka-churchmate ng mga magulang mo,” sabi ni Manang Pacing.
Mabilis na tumayo si Faith para estimahin ang mga bagong dating.
“MOMMY, I think I want to live here for good.”
Nagulat si Faith sa sinabing iyon ni Earl. Napatingin siya kay Lorraine. May hinala siyang ang kaibigan ang dahilan kung bakit nasabi iyon ng kanyang anak. Nitong mga nakalipas na araw kasi ay sa kung saan–saan ipinapasyal ni Lorraine si Earl kaya baka nawili na sa Pilipinas ang anak niya.
Pero nakunot ang noo ni Lorraine, halatang nagulat din sa sinabi ng inaanak.
Kasalukuyan silang nakaupo sa isang bench sa loob ng isang amusement park. Wala sa mood si Faith na lumabas pero dahil sa pangungulit nina Lorraine at Earl ay napilitan siyang sumama. Mahigit isang linggo na ang nakalipas mula nang mailibing ang kanyang mga magulang.
Ibinalik niya ang tingin kay Earl. “Bakit mo naman nasabi ‘yan, ‘nak?”
“Because Mommy Lorraine lives here and my dad works here, right? I want to meet him.”
Lalong nagulat si Faith at hindi nakapagsalita. Nagpapasaklolong muli siyang tumingin kay Lorraine.
“Earl, bili ka naman ng ice cream natin,” sabi ng kaibigan niya at naglabas ng pera.
“Okay po,” sagot ni Earl at tinanggap ang pera. Patakbo itong nagpunta sa ice cream stand sa di-kalayuan.
“Wala akong sinabi kay Earl na dito na lang kayo sa Pilipinas tumira,” defensive na sabi ni Lorraine nang mapagsolo sila. “Pero bakit nga hindi na lang ditto kayo tumira for good para magkasama-sama na tayo?”
“Sanay na kami ni Earl sa buhay sa States.”
“It was not a bad idea, Faith. Kay Earl na nanggaling na gusto niyang tumira dito.”
“Hindi ‘yon ganoon kadali. Paano na lang kung magkita uli kaming ni… ni Troy at malaman niya ang tungkol kay Earl? Dapat pala sinabi ko na lang kay Earl na patay na ang daddy niya para hindi na siya naghahanap pa.”
“Alam mong hindi totoo ‘yan.” Four years old na si Earl nang unang magtanong tungkol sa ama nito. Si Tito John ang unang nagsabi kay Earl na nagtatrabaho sa Pilipinas ang ama nito kaya hindi nila kasama. Dahil sa presensiya ni Tito John na tumayong ama ni Earl noong nabubuhay pa ito, hindi naghanap ng kalinga ng isang ama o nagtanong ng iba pang impormasyon tungkol sa sariling ama ang kanyang anak.
Kailangan pa nilang mag-stay nang dalawang linggo sa Pilipinas dahil sa pag-aasikaso at paglilipat ng properties at mga negosyo naiwan ng mga magulang niya sa kanyang pangalan katulong ng family lawyer nila.
“Pag-isipan mo nang mabuti ang pagtira n’yo dito, Faith. Trust me. Sa tingin ko, iyon ang mas makabubuti para sa inyong mag-ina. Iyon din ang gusto ng parents mo. They said they would bring you home when I gave them your address. Puwede ka ring mag-apply ng residency sa St. Francis. I’m sure matutuwa ang parents mo.”
“Pag-iisipan ko,” sabi na lang ni Faith. Gusto man niyang sundin ang payo ni Lorraine, alam niyang hindi siya dapat magpadalos-dalos dahil kinabukasan at kaligayahan nila ni Earl ang nakasalalay sa magiging desisyon niya.
PAGKATAPOS makapag-isip at sa pangungumbinsi nina Lorraine at Earl, nagdesisyon si Faith na mag-settle down silang mag-ina sa Pilipinas. Nag-leave sa trabaho si Lorraine at sinamahan silang bumalik sa Portland para kunin ang mga gamit nila at ayusin ang mga maiiwan nila. Medyo kinakabahan si Faith sa puwedeng kahantungan ng desisyon pero alam niyang iyon ang mas nararapat na gawin.
Pagbalik nila sa Pilipinas ay tinanggap ni Faith ang ang job offer ni Doctor Gian Carlo Yuzon, kasamahang doktor ni Lorraine sa ospital at manliligaw rin ng kaibigan niya sa Offsprings 21 Medical Clinic and Diagnostic Center na mas kilala sa tawag na Offsprings Clinic. Isa si Doc Gian sa tatlong doctor na founder ng may tatlong taon nang klinika.
May apat na palapag ang gusali ng Offsprings Clinic. Twenty-four hours na bukas ang klinika at halos lahat ng basic diagnostic exams at procedures ay mayroon doon. Bukod sa regular clinic hours ng mga residente at mga espesiyalista, nagsasagawa rin ang klinika ng preemployment examination and consultation services para sa mga kompanya. Monopolized ng klinika ang pagsasagawa ng eksaminasyon at konsultasyon sa mga kompanyang pag-aari ng mga kaibigan ng mga founders kaya karaniwan nang maraming tao sa left wing ng building. Pansamanta ay si Faith ang pumalit sa doktor na naka-assign doon. Naka-leave kasi ang doktor. Tatlong buwan pa bago tumanggap ng residency training ang St. Francis General Hospital kaya tinanggap muna niya ang trabaho. Kumuha siya ng license/professional identification card sa PRC para makapanggamot siya. Isinabay na rin niyang ni-renew ang medical technology license.
Mahigit dalawang linggo nang pumapasok si Faith sa Offsprings Clinic at masasabing kaibigan na niya ang mga doktor at mga staff na nagtatrabaho roon. Monday to Friday, nine AM to three PM ang duty niya. Pero kung minsan ay mas late siyang umuuwi kapag maraming walk-in patients. Kasama rin sa trabaho niya ang pag-examin sa regular walk-in patients na hindi na kayang i-handle ng resident doctor na naka-duty.
Tulad na lang ng araw na iyon. Pasado ala-singko na nang matapos si Faith sa huling pasyente niya. Pagkatapos isukbit sa balikat ang bag ay dinampot na niya ang chart ng mga naging pasyente. Lumabas na siya ng kuwarto at nagpunta sa reception area. Nadatnan niya sa counter si Ces Narvantez na nakikipagkuwentuhan sa nurse na naka-duty roon. Nakatatandang kapatid ni Doc Gian si Ces at asawa ni Dr. Justin Narvantez, isang neurosurgeon at isa sa tatlong founders ng klinika. Ang isa pang founder ay si Dr. Anthony Rosales na brother-in-law naman ni Doc Justin. Matalik na magkakaibigan ang tatlong doktor na nanggaling sa isang malaking barkada na may pangalang Offsprings 21 kaya ganoon ang pangalan ng klinka. Ang ilan sa mga kaibigan ng tatlong founders ay minor shareholders ng Offsprings Clinic.
Nginitian kaagad siya ni Ces nang makita siya.
“Hi, Doc. Tapos ka nang mag-clinic?” tanong nito.
Gumanti ng ngiti si Faith. “Hi din. Oo, tapos na. Hinihintay mo si Doc Justin?” obvious na tanong naman niya habang ibinibigay ang dalang charts sa nurse na naka-duty.
“Oo. May date kami pero may pasyente pa siya,” sabi ni Ces na bahagyang humaba ang nguso pero nanatili pa ring maganda.
Napangiti si Faith. Simple lang ang ganda ni Ces at hindi nakakasawang titigan. Lagi rin itong naka-casual clothes tuwing nagkikita sila at hindi mo aakalaing isang successful businesswoman. Pag-aari nito ang sikat na Frances’ Bakeshop, ang paborito nilang bakeshop ni Earl mula nang dumating sila sa Pilipinas. Doc Gian’s older sister was always nice to her eversince they were introduced. Ang totoo, pamilyar ang babae sa kanya. Hindi nga lang niya maalala kung saan niya ito nakita. Tulad ni Doc Gian ay mabait din si Ces ito at friendly sa lahat.
“Anyway, fourth birthday ng baby ko sa Sunday. Gusto ko sanang imbitahan kayo ng anak mo,” sabi ni Ces. Mula sa dalang bag ay inilabas nito ang isang pink na envelope at iniabot sa kanya.
“Thank you.” Bubuksan na sana ni Faith ang envelope pero naudlot iyon nang pumailanlang ang boses ni Doc Justin.
“I’m sorry for making you wait, sweetheart,” sabi nito habang naglalakad papalapit sa direksyon nila. Nang makalapit ay kaagad nitong iniyakap ang isang braso sa katawan ng asawa at may katagalang hinalikan si Ces sa mga labi. Nangingiting nag-iwas ng tingin si Ces. The two really looked good together. Ilang taon nang kasal ang dalawa at may isa nang anak pero nanatili pa ring sweet sa isa’t-isa.
“Hi, Doc Faith,” nakangiting bati ni Doc Justin nang makita siya. “Kumusta ang pagki-clinic mo?”
Tumingin siya kay Doc Justin. “Okay naman, Doc,” sagot niya.
Hindi nalalayo ang edad ni Doc Justin sa edad niya,pati na ang iba pang mga doctor ng Offsprings Clinic. Tulad niya, sa UST rin nag-premed si Doc Justin. Nagkagulatan pa sila nang ipakilala sila ni Doc Gian sa isa’t-isa noong una siyang magpunta sa Offsprings Clinic. Naging magkatrabaho kasi sila noon ni Doc Justin sa isang klinika sa Portland. Hindi lang sila nagkaroon ng pagkakataon na maging magkaibigan dahil ilang linggo lang iyon at halos hindi sila nakapag-usap.
“Paalis na kami ng asawa ko. Baka gusto mong sumabay. Saan ba ang way mo?” sabi pa ni Doc Justin habang iniaabot sa receptionist ang dalang mga chart.
Mabilis na tumanggi si Faith. “Sa Sta. Ana pa ako. But it’s okay, may dala akong sasakyan.”
Gamit niya ang kotse ng kanyang mama at kasalukuyan silang nakatirang mag-ina sa bahay ng kanyang mga magulang. Habang nasa trabaho siya ay si Manang Pacing ang tumitingin kay Earl.Tumanggi siyang tumira sa bahay ni Lorraine dahil mas gusto niyang tumira sa bahay na kinalakihan.
“Ganoon ba? We’ll see you on Sunday then,” sabi ni Ces. “Punta kayo, ha?”
“Sure,” sagot ni Faith.
Nagpaalam na ang mag-asawa at umalis.
Ilang sandali pang nakipag-usap si Faith sa receptionist at pagkatapos ay umalis na rin.
“I’M SORRY, Erin, but I can’t continue what we’ve started. Sana maintindihan mo,” apologetic na sabi ni Troy sa kaharap na babae sa isang table sa loob ng Frances’ Bakeshop.
Dati ay pag-aari lang ni Frances ang bakeshop na iyon na may limang branch na. Pero nang magkaroon siya ng ACL injury two years ago at ma-deppresse dahil hindi siya makakapaglaro sa PBA ng isang taon, inalok niya ng partnership ang kaibigan niya na tinanggap naman nito. Mas siya ang namahala sa mga shops sa mga nakalipas na taon dahil nag-asawa na at nagbuntis ang kaibigan niya. Ang flower farm at flower shop na dating mina-manage ni Frances ay ipinagkatiwala naman nito sa assistant nito para magkaroon ng mas maraming oras sa pamilya.
Ngumiti si Erin. “I understand. At least we tried. It’s just that it didn’t work out,” nakakaunawang sabi nito.
Ngumiti si Troy at hinawakan ang isang kamay nitong nakapatong sa ibabaw ng mesa. “Thank you,” sabi niya. Iyon ang gusto niya kay Erin, ang pagiging open-minded. Erin was his first girlfriend. Hindi niya inaasahan na magkikita uli sila sa isang food exhibit mahigit isang buwan na ang nakalipas. Sa Pilipinas na uli naninirahan ang dating girlfriend at tulad niya ay may bakeshop business din. Hindi niya maitanggi na attracted pa rin siya kay Erin at ganoon din ito sa kanya. Isa pa, pareho silang single. They had been dating for weeks hanggang sa ma-realize niya na hindi na talaga siya in love sa dating girlfriend. Ayaw na niyang lokohin ang sarili kaya sinabi na niya ang totoo.
Nag-angat siya ng tingin nang may babaeng tumigil sa harap ng mesa nila. Napaawang ang bibig niya sa pagkagulat nang muling makita si Faith. Pero bago pa siya makapag-react ay nawala na ito sa harap niya at parang nakakita ng multo na nagmamadaling lumabas ng bakeshop.
“What’s wrong, Troy? Kilala mo ba ‘yon?” tanong ni Erin.
Imbes na sumagot ay tumayo siya at hinabol si Faith. Pero hindi na niya ito naabutan.
Nanghihinang napahawak siya sa isang kotse sa matinding pagkadismaya. Why did he have to see her again and lost her again?
Sa buong buhay niya ay dalawang babae lang ang minahal niya - si Erin at si Faith. Sigurado siya sa sarili na wala na siyang nararamdaman kay Erin pero ngayong nakita na naman niya si Faith ay nagulo na naman ang sistema niya. Hindi na niya maaring bale-walain ang muli nilang pagkikita. He had to do something.
Sumakay siya ng kanyang kotse at pinaharurot iyon palayo.