"TITO TROY! TITO TROY!" masiglang pagsalubong sa kanya ni Earl nang muli niyang sunduin nang umagang iyon. Dismayado man sa narinig, hindi nagpahata si Troy at mabilis na kinarga at hinalikan sa pisngi ang anak.
"Hi, Faith," bati niya nang lumapit si Faith sa kanila bitbit ang backpack ni Earl.
"Hi!" sagot ni Faith. "Sa team practice mo ba uli isasama si Earl?"
Umiling siya. "Sa Friend Jungle kami this time."
"All right." Binalingan ni Faith ang anak at ibinigay ang backpack nito. "Mag-behave ka doon, ha?"
"Yes, Mommy," sagot ni Earl at mabilis na humalik sa pisngi ni Faith.
Inihatid pa sila ni Faith sa labas ng gate. Naroon na sila nang may maalala si Troy. May kailangan pala siyang sabihin kay Faith. "Ahm, Faith, can we talk for a while? May sasabihin lang sana ako."
"Sige," sabi nito.
Pinasakay muna niya si Earl sa kotse bago binalikan si Faith sa tabi ng gate.
"Gusto ko lang malaman kung kailan mo sasabihin kay Earl na ako ang daddy niya," walang pasakalyeng sabi niya.
"Nakakasama mo naman na siya. Pansamantala, okay na muna siguro 'yon."
Umiling siya. "Alam na ng pamilya ko ang tungkol sa kanya. Sinabi ko na kagabi at gusto na nilang makilala si Earl lalo na ang parents ko pag-uwi nila. Gustong-gusto ko na rin siyang ipakilala sa lahat bilang anak ko pero gusto ko munang malaman niya ang totoo bago ko gawin 'yon."
"Just please give me more time. I just don't know where to start."
"Ang hirap kasi ng sitwasyon ko. Nakakasama ko nga siya pero hindi naman daddy ang tawag niya sa akin. Mas maganda siguro kung ako na lang ang magsasabi sa kanya para hindi ka na mahirapan pa. Please allow me to do it, Faith. Our son is a bright kid. Magugulat siya but I believe mauunawaan niya kung bakit ngayon lang niya ako makikilala bilang daddy niya."
Ilang sandaling halatang nag-isip si Faith bago sumagot. "All right. Ikaw na ang magpakilala ng sarili mo sa anak natin."
Napangiti siya. "Thank you!"
Gumanti si Faith ng matamis ding ngiti.
"TITO Troy, balak mo bang ligawan ang mommy ko? prangkang tanong ni Earl sa kanya habang nakaupo sila sa isang kiosk at kumakain ng spaghetti. Katatapos lang nilang maglaro ng basketball.
Muntik ng mabilaukan si Troy sa narinig. "Bakit mo naitanong 'yan?" amused na sabi niya. No doubt nagmana sa kanya ang anak sa pagiging prangka.
"Because you've been nice to her. Saka lagi mo kaming nililibre. Men in Portland did that when they courted my mom."
"Marami bang naging boyfriend ang mommy mo?" curious na tanong niya.
"She didn't have any. And she's not allowed to have a boyfriend because I still have my dad. And that includes you, Tito Troy."
"I want to be your dad, Earl," kaswal na sabi niya.
"You mean, you really have plans to court my mom?" nanlalaki ang mga matang pagkumpirma ni Earl. Ibinaba pa nito ang hawak na tinidor.
"It's not like that, Earl." Humugot muna si Troy ng hininga bago nagpatuloy. "May kailangan kang malaman tungkol sa daddy mo."
Kumunot ang noo nito. "Kilala n'yo po ang daddy ko?"
"Earl, I...I'm your dad. I mean, your real father."
Rumehistro ang shock sa mukha nito. "Y-you're joking, right?" Nagsimulang mangilid ang luha sa mga mata nito.
Tumayo si Troy at tinabihan si Earl. "No. I'm telling you the truth. You're my son."
"Bakit ngayon lang po kayo nagpakilala?"
"I'm sorry, son," sabi niya at niyakap si Earl. "Promise, babawi ako sa 'yo."
Gumanti na rin ng yakap si Earl at tuluyan nang napaiyak. Siya man ay napaiyak na rin.
PURO kantiyaw ang inabot ni Troy mula sa mga kaibigan nang isama niya si Earl sa bahay nina Justin at Frances at ipinakilala bilang anak niya sa mga kaibigan na naroon din.
"Ikaw pala dapat ang unang nag-asawa, Troy at hindi ang ate mo," sabi ng pinsan niyang si Kuya Paolo. Nakikipaghabulan si Earl sa mga pinsan nito at sa mga anak ng mga kaibigan niya sa maluwang na bakuran nina Frances.
Ngumiti lang si Troy. Iyon naman talaga ang dapat na nangyari kung tinanggap lang ni Faith ang wedding proposal niya noon. Isa sana siya sa mga naunang nag-asawa sa barkada nila.
Gulat na gulat talaga siya sa nalaman na nagkaanak sila ni Faith. Nang maghiwalay sila, ni minsan hindi sumagi sa isip niya na posibleng nabuntis niya si Faith dahil nasa medical field ito at alam nitong mag-birth control. Gayunman, masayang-masaya siya. His dream to be a young father had been fulfilled. Tinupad din ni Faith ang kagustuhan niyang ipangalan sa kanya ang magiging anak nila. Earl Tyrone Ignacio ang buong pangalan ni Earl.
"Akala ko, bro, magaling kang mag-hit and run. Sablay ka rin pala," kantiyaw naman ni Lance.
"That's not my style, bro. Kayo lang 'yon ni BJ," paged-deny niya.
"Nagbago na 'ko, 'no? depensa ni BJ na kakambal ni Justin. Si BJ ang pinakahuling nagpaalam sa pagkabinata pagkatapos magpakasal sa kapatid ni Lance na si Denise.
"Yes. Hindi kasali ang asawa ko. He's faithful to me" pagtatanggol ni Denise sa asawa. "He's faithful to me."
"Eh, paano naman 'yong panahon na hindi pa kayo? Kita mo nga lumipas ang anim na taon na walang alam si Troy na may anak pala siya," sabi naman ni Kate.
Inakbayan ni Jay-Jay ang asawa. "Sweetheart, you're asking for a trouble," babala nito.
"Kate has a point," segunda ni Jane. "Paano nga kung one day, bigla na lang may dumating na bata at sabihing anak n'yo siya? Ano'ng gagawin n'yo?"
"Hindi 'yon mangyayari sa akin," pag-a-assure ni Kuya Paolo sa asawa.
"Posible, Pao."
"Oo nga. Paano nga kung may anak na pala kayo sa iba?" concerned na ring tanong ni Frances.
"Hey, huwag n'yo gawing issue ang pagkakaroon ko ng anak para pagdududahan n'yo ang mga asawa n'yo," natatawang awat ni Troy sa mga kaibigan.
"Oo nga," pagsang-ayon ni Gabe.
"Isa ka pa!" nakalabing sabi ni Belinda. "Playboy ka rin nang makilala ko." "People change, honey. Tulad ni Kuya Ken, nagbago na ako."
"Kuya, ang issue dito is what happened before you met your wife," paalala ni Frances.
"Hey!" muling awat ni Troy. "Mahal na mahal kayo ng mga asawa ninyo. What happened before you fell in love with your husbands was part of their past. Kung talagang mahal n'yo sila, dapat matanggap n'yo iyon."
Nawalan ng imik ang mga babae. Nag-high-five at nagngitian naman silang mga lalaki.
"THANK you," sabi ni Faith kay Troy matapos nitong ilapag si Earl sa kama. Alas-otso na ng gabi at tulog na si Earl nang ihatid ni Troy.
"Pasensya ka na. Ginabi na naman kami," apologetic na sabi nito.
"It's okay. Gusto rin naman makasama ni Earl ang family mo. Do you want something to drink? Coffee?"
"Don't bother alam kong pagod ka na rin. Hindi na ako magtatagal." Lumabas na sila ng kuwarto at magkaagapay na bumaba ng hagdan.
"Ano'ng oras mo susunduin si Earl bukas?" tanong ni Faith.
"Sunday bukas, 'di ba? Wala kang pasok kaya dapat lang na ikaw naman ang makasama niya."
"All right."
Inihatid pa niya si Troy hanggang sa gate. Akmang hahakbang na ito palabas ng gate nang biglang bumalik. "Can I kiss and hug you before I go?" hiling nito. "I just want to show you how grateful I am for having Earl. You really made me happy."
Nagulat man sa narinig, kaagad na tumango si Faith.
Hinalikan siya ni Troy sa pisngi bago niyakap. Napapikit si Faith habang nakakulong sa mga bisig nito. She realized how she missed his warm embrace.
"Thank you," bulong ni Troy sa tainga niya.
Imbes na sumagot ay gumanti si Faith ng mahigpit na yakap. Matagal sila sa ganoong tagpo bago bahagyang lumayo si Troy sa kanya at tinitigan siya. Base sa titig ng binata, alam niyang hahalikan siya nito kaya ipinikit niya ang mga mata. Pero bago pa lumapat ang mga labi nito sa mga labi niya ay may bumisinang sasakyan sa labas ng gate. Awtomatikong silang naghiwalay. Alam ni Faith na si Lorraine ang dumating.
Tinulungan muna siya ni Troy na buksan ang gate para makapasok ang sasakyan ni Lorraine bago ito muling nagpaalam at tuluyang umalis.
"Ginabi na yata si Troy dito," puna ni Lorraine habang pumapasok sila sa sala. Nang sumunod na araw matapos nilang pagkatapos nilang magtalo ni Lorraine ay kaagad din siyang humingi ng tawad sa kaibigan sa mga nasabi. Pinatawad naman agad siya ni Lorraine. Nag-sorry din ito sa naging kasalanan sa kanya. Lumabas sila kinagabihan na parang walang nangyayaring pagtatalo sa pagitan nila.
"Kahahatid lang kasi ni Troy kay Earl."
"Talaga? Araw-araw na silang magkasama, ah. Okay lang 'yon sa 'yo?"
"Oo." Alam niyang sabik ang mag-ama sa isa't-isa kaya hinahayaan niyang abutin ng gabi ang mga ito na magkasama. Lagi rin namang tumatawag ang mag-ama sa kanya kapag nagyayari iyon. Wala naman pa lang basehan ang ikinatatakot niya noon na baka kunin ni Troy ang anak niya. Napansin din niya na mas sumigla si Earl mula nang makilala ang daddy nito.
"How about you and Troy?" tanong pa ni Lorraine.
"What about us?" nakakunot-noong tanong ni Faith.
"Hindi pa ba siya nakikipagbalikan sa 'yo?"
Bahagya siyang napangiwi, saka umiling. "Magkaibigan lang kami."
"Ganoon ba? At least, maayos ang samahan ninyo at nagkakasundo kayo. That's a good start," may panunukso sa boses na sabi ni Lorraine.
"Yeah," nangingiting pagsang-ayon niya. Naalala niya ang muntik nang paghalik ni Troy sa kanya. "Kumain ka na ba? Wala akong ganang kumain kanina dahil mag-isa lang ako rito."
"Hindi pa. Magbibihis lang ako sandali, 'tapos kumain tayo," sabi ni Lorraine at umakyat na sa hagdan.
"All right," sabi ni Faith. Dumiretso siya sa kusina para maghanda ng makakain.
NAPALINGON si Faith sa kaliwa niya nang marinig ang ugong ng paparating ng sasakyan. Isang taxi ang paparating at huminto iyon sa mismong likuran ng kanyang kotse. Nasa memorial park sila ni Earl; binisita nila ang puntod ng kanyang mga magulang. Napakunot-noo siya nang makita ang bumaba ng taxi - si Troy. May dala itong isang plasticbag at isang bungkos ng mga bulaklak habang naglalakad papalapit sa kanila ni Earl.
"Daddy! Daddy!" masayang sabi ni Earl nang makita rin si Troy. Kaagad itong tumayo at sumalubong sa ama. Huminto naman si Troy. "Sabi mo, Daddy, hindi tayo magkikita today."
"Na-miss kasi agad kita kaya pinuntahan kita," sagot ni Troy at mabilis na hinalikan sa pisngi ang anak. Pagkatapos ay kiniliti pa nito si Earl sa tiyan. Kaagad namang napahagikgik si Earl dahil naroon ang kiliti nito.
Parang may humaplos sa dibdib ni Faith sa nakita. Hindi niya maiwasang makaramdam ng guilt dahil nagawa niyang ipagkait ang mag-ama sa isa't-isa sa mahabang panahon. Hindi niya napigilan ang pagpatak ng luha. Pero bago pa tuluyang makalapit ang mag-ama sa kanya ay mabilis na niya iyong napahid.
"Hi, Faith," nakangiting bati ni Troy nang makalapit. Sa pagkagulat niya ay yumuko ito at hinalikan siya sa noo. "For your parents," sabi nito, sabay abot sa kanya ng dalang bulaklak.
"Thank you. Paano mo nalaman na nandito kami?"
Umupo muna si Troy sa rug na kinauupuan nil ani Earl bago sumagot. "Kay Lorraine. Nang magising ako, hindi ko alam kung paano palilipasin ang araw na ito. Nasanay na kasi ako na laging kasama si Earl. Kaya nag-decide ako na puntahan na lang kayo. Pero wala naman pala kayo. No'ng sinabi ni Lorraine na pumunta kayo dito, nagpasya ako na sundan kayo."
"I see. Pero nasaan ang kotse mo?"
"Iniwan ko na lang sa bahay ni Lorraine. Okay lang ba sa 'yo na samahan ko kayo rito?"
"Ikaw. We're going to spend the whole morning here. Okay lang ba 'yon
sa 'yo?"
"Of course. Anywhere and anytime, sasamahan ko kayo."
Napangiti si Faith sa narinig.
"Daddy, paano nilalagay 'tong batteries?" sabi ni Earl na nabuksan na ang electronic toy helicopter na dala ni Troy. Iyon ang laman ng bitbit ni Troy na plastic bag.
Mabilis namang inisistihan ni Troy ang anak. Nag-aalala man na baka ma-spoil nito si Earl, pinigilan ni Faith ang sarili na magkomento sa pagbibigay na naman ni Troy ng laruan. Alam niyang bumabawi lang ito sa anak nila. Ilang sandali pa ay lumilipad na ang helicopter gamit ang remote control na hawak ni Earl. Tuwang-tuwang tumayo pa si Earl para mas mapalipad pa nang husto ang laruan. Inayos naman ni Faith ang bungkos ng mga bulaklak na bigay ni Troy sa ibabaw ng puntod ng kanyang mga magulang.
"I'm sorry about what happened to your parents," mayamaya ay sabi ni Troy.
Tumingin si Faith dito at ngumiti nang tipid. "I'm thankful that I have Earl. Kung wala siya, baka hindi ko nakayanang tanggapin ang nangyari."
"Your parents must be very proud of you dahil nagawa mong maging isang doktor sa kabila ng presence ni Earl."
"Yes. Salamat sa tulong ng pamilya ni Lorraine."
"Yeah. Forever akong magiging grateful kay Lorraine dahil hindi niya kayo pinabayaan ni Earl."
Inalok niya si Troy ng baon nilang pizza at kumuha naman ito. Nagpatuloy sila sa pag-uusap habang kumakain. Si Earl naman ay abala sa pagpapalipad sa bago nitong laruan. In-update niya si Troy sa mga nangyari sa kanyang buhay habang nasa Amerika siya.
"Nabanggit nina Lorraine and Gian na gusto mong maging plastic surgeon. Pero mas gusto mong maging dermatologist, 'di ba?"
Nagulat si Faith. "Natatandaan mo pa?"
"Oo. Pati na rin ang pagkagusto mo sa seafoods."
Napangiti siya. "Mas gusto ko nang maging plastic surgeon para sa mga magulang ko. At gusto ko ring magtrabaho sa ospital na pinagtrabahuhan nila ng maraming taon."
Tumango-tango si Troy. "Just remember that I am here to help you in anything. Magsabi ka lang."
"Thank you. Congrats nga pala. You made it to the PBA."
Ito naman ang ngumiti. "Thank you."
"Kumusta naman ang basketball career mo?" usisa niya.
Tumabingi ang ngiti ni Troy. "Alam mo bang na-injure ako two years ago?" balik na tanong nito.
Tumango si Faith. "Pero magaling ka na, 'di ba?"
"Yes. Pero hindi ako gaanong productive nitong nakaraang season. Kaya this coming season, I'll do my best para maibalik sa dati ang laro ko. Ayokong malipat sa ibang team dahil inayawan na ako ng team ko o tuluyang magretiro. I want my son to see me playing and be proud of me."
"I believe in you, Troy. I'm sure ngayon pa lang, proud na proud na si Earl sa 'yo. Gawin mo siyang inspirasyon sa bawat game mo."
Tumango ito. "At ikaw na rin of course."
Napatingin siya kay Troy. Naghinang ang kanilang mga mata habang kapwa may ngiti sa mga labi. Naputol lang iyon nang biglang sumigaw si Earl. Bumagsak pala ang helicopter nito. Kaagad namang tumayo si Troy at pinuntahan ang anak.
NANG umagang iyon ay sinadya si Faith ni Dr. Anthony Rosales, isa sa mga founder ng Offsprings Clinic para kumustahin ang trabaho niya. Kailan lang niya nalaman na pinsan ni Troy si Doc Anthony sa father's side. Isa rin ang lalaki sa mga may-ari ng Club E Resort kung saan sila nagkakilala ni Troy. At tulad ng ilang mga kaibigan at mga kapatid ni Troy na nakilala ni Faith, natuwa rin si Doc Anthony nang malamang pamangkin pala nito ang batang isinasama niya sa klinika.
Nakilala na rin ni Faith ang mga magulang ni Troy nang nagdaang gabi. Walang pasabing isinama ni Troy ang mga magulang nito sa bahay ni Lorraine. Halos hindi magkasya sa dining table ang mga pagkaing dala ng mga ito dahil sa dami.
"I'm sorry I brought my parents here unnoticed," apologetic na sabi ni Troy habang magkatulong nilang nililigpit ang pinagkainan nila.
"It's okay. Your parents are nice and warm. I like them," sabi ni Faith.
Hindi malaman ni Faith ang gagawin sa unang minuto pagkatapos niyang makilala ang sikat na mag-asawang Escobar. Kinakabahan siya at na- startruck, lalo na kay Trina Escobar. Wala pa naman si Lorraine. Lumabas ang kaibigan niya kasama si Doc Gian.
Pero sa sandaling pinasalamatan siya ng mag-asawang Escobar sa pag-aalaga sa apo ng mga ito, biglang nawala ang kaba ni Faith. Hindi rin umakto ang mag-asawa na galit sa kanya dahil sa pagtatago niya kay Earl sa loob ng matagal na panahon. Ipinagpasalamat din ng mga ito ang madalas niyang pagpapahiram kay Earl. Pareho nang retirado ang mga magulang ni Troy at nililibang na lang ang mga sarili sa paglilibot sa buong mundo at pakikipaglaro sa mga apo.
Nauna nang nakilala ni Faith ang mga kapatid at brother-in-law ni Troy noong nakaraang linggo pa nang mag-dinner sila sa El Escobar. Tulad ng mga magulang ng binata, mainit din ang naging pagtanggap ng mga ito sa kanila ni Earl.
"Gusto kang makilala ng pamilya ko kaya huwag ka nang magulat kung bumisita sila rito one of these days," nakangiting sabi ni Doc Anthony.
"Okay," naaasiwang sagot ni Faith. Magiliw naman ang lahat sa kanya pero hindi pa rin niya maiwasang makaramdam ng pagkaasiwa.
Sabay silang napatingin ni Doc Anthony sa pinto nang may kumatok. Kasunod niyon ay bumukas ang pinto.
"Hi, Faith! Hi, Anthony!" nakangiting bati ni Ces.
"Hi, sis," bati ni Anthony.
"Hi, come in," nakangiting sabi naman ni Faith.
Sumunod naman si Ces. Tulad ng dati, may dala itong isang kahon ng doughnut.
"May ibibigay lang ako sa 'yo," sabi ni Ces at iniabot sa kanya ang dalang kahon.
"Ikaw talaga. May dala ka na naman. Thank you."
"Ang daya! Bakit si Faith lang ang pinasalubungan mo? Bakit ako wala?" angal ni Doc Anthony sa hipag.
"Shut up! Nanliligaw ako para sa best friend ko."
Nag-init ang mga pisngi ni Faith sa narinig. Dati na siyang binibigyan ni Ces ng doughnuts, cookies, cake o kahit anong produkto ng bakeshop nito, lalo na kapag alam nitong kasama niya si Earl. Pero kapuna-puna ang pagiging extra generous ni Ces sa kanya nitong mga nakaraang araw. Iyon pala, may dahilan.
Tumawa nang malakas si Doc Anthony. "Gano'n ba? In that case, hindi na ako makikialam. I'll go ahead," sabi nito at naglakad na palabas ng kuwarto. Nasa pinto na ito nang lumingon at muling nagsalita. "Faith, I won't mind having you as my cousin-in-law," sabi nito bago tuluyang umalis.
Lalong nag-init ang pisngi niya.
"Hey, nagbibiro lang ako. Pero kung seseryohin mo, mas okay" pilyang sabi ni Ces nang mapagsolo sila.
Hindi magawang ngumiti ni Faith habang nakatitig sa babae. Halos hindi niya mapaniwalaan ang sitwasyon niya ngayon - na darating ang araw na makakaharap niya ang babaeng pinagselosan niya noon at magiging mabait pa ito sa kanya.
"Totoo bang hindi kayo nagkaroon ng relasyon ni Troy?" curious na tanong niya.
"What?" gulat na bulalas ni Ces na sinundan nang mahinang pagtawa. "Sixteen pa lang ako crush ko na si Justin. He's my first and only boyfriend. 'Yong sa amin ni Troy, purely platonic. Mag-bestfriend lang talaga kami. Pero maraming magagandang katangian si Troy para madaling mahalin ng isang babae. Kung hindi nga lang hopelessfully in love ako kay Justin, malamang na-inlove na din ako kay Troy. Pero hindi talaga, eh. I'm sure nakita mo rin 'yon kay Troy kaya kayo nagkaroon ng relasyon noon kahit pa sandali lang."
Tumango si Faith. "Akala ko may relasyon na kayo noon kaya nagdesisyon akong hindi sabihin sa kanya na buntis ako," pag-amin niya bago pa mapigilan ang sarili.
Napasinghap si Frances. "Pero wala talaga kaming naging relasyon," giit nito.
Kumbinsidong tumango si Faith at matipid na ngumiti.
"Alam mo bang pagkatapos n'yong maghiwalay, until now hindi pa uli nagkaka-girlfriend ang bestfriend ko?"
Si Faith naman ang nagulat.
"Totoo. Lahat ng mahahalagang pangyayari sa buhay ni Troy ay sinasabi niya sa akin at gano'n din ako sa kanya. Faith, hindi sa nakikialam ako. Pero sana, bigyan n'yo ng second chance ang isa't-isa."
"We're just friends," giit niya.
"Iyon na nga, eh. Ang bagal ng best friend ko this time kaya nga ako na ang nanliligaw para sa kanya."
Napangiti siya sa sinabi ni Ces. Nang magpaalam ito ay nahulog siya sa malalim na pag-iisip.
NAGHAHANDA na sa pagtulog si Faith nang mauliningan ang paghinto ng isang sasakyan sa harap ng bahay. Biglang kumabog ang kanyang dibdib. Malakas ang hinala niya na si Troy ang dumating.
Alam na kaya nito ang ipinagtapat niya kay Ces? Nakalimutan niyang sabihan ang babae na ilihim sa best friend nito ang sinabi niya pero duda siya kung susunod ito sa kanya kahit pa pakiusapan niya.
Sumilip siya sa bintana at tama nga ang hinala niya na si Troy ang dumating. Nakababa na ito ng sasakyan at nakatingala sa kanya. Hindi nito sinundo si Earl nang araw na iyon dahil may tune-up game ang Energy Lightnings sa Biñan, Laguna.
Wala siyang choice kundi babain si Troy dahil walang ibang magbubukas ng gate. Hindi pa umuuwi si Lorraine mula sa ospital at si Earl naman ay kanina pa natutulog.
"Troy, napadalaw ka. Gabi na, ah," sabi niya nang pagbuksan ng gate ang lalaki.
"Can we talk?"
Tumango siya at pinapasok si Troy.
"Anong gusto mong inumin? Coffee?" tanong niya nang makapasok sila sa loob ng bahay.
"Don't bother. Nagpunta lang ako rito para pag-usapan ang sinabi mo kay Ces kanina."
Sinasabi na nga ba niya.
"What about it?"
"Gusto ko lang linawin na hindi kami kailanman nagkaroon ng relasyon ni Frances bukod sa magkaibigan. Like I've told you before, she's a younger sister that I never had."
Tumango siya. Wala na siyang nararamdamang pagdududa tungkol sa bagay na iyon.
Hinila siya ni Troy at bumaba ang mukha nito sa kanya. Alam niyang hahalikan siya nito pero hindi siya nag-iwas ng mukha. Sa unang paglapat pa lang ng kanilang mga labi ay sabik na tinugon niya ang halik ni Troy.
Pareho nilang habol ang paghinga nang maghiwalay ang kanilang mga labi. Kinuha ni Troy ang isang kamay niya at mabilis na hinalikan.
"I still like you, Faith. A lot actually. Alam mo naman siguro na ilang beses kitang binalik-balikan sa bahay n'yo. Not just because I'm curious about what happened to you after all these years, but because I am hoping that there's still a chance for us."
"Troy..."
"This time, I want to make it slow kaya hindi kaagad ako nagtapat sa 'yo. I want to give you time to think about us. But I assure you, there's no way I would ever let you again. Kahit saan ka pa magpunta, susundan kita."
Hindi napigilan ni Faith na mapangiti. "Wala naman akong balak na umalis pa."
Ngumiti ito. "I'm glad to hear that," sabi nito at muli siyang hinalikan. Buong puso naman siyang muling tumugon.