“Pakawalan mo ako itim na nilalang!” utos niya rito habang pilit na kumakawala mula sa pagkakagapos nito sa kaniya. “At bakit ko naman gagawin ang iyong nais Shiny Star?” nakangising tugon nito sa kaniya. “Sino ka bang talaga itim na nilalang? Anong kinalaman mo sa bagay na ito at nais mong maisakatuparan ni Rigel ang kaniyang balak?” usisa niya rito. “Malalaman mo rin prinsesa ng mga Sirian. Oras na magtagumpay si Rigel sa kaniyang mga plano, malalaman mo rin ang kasagutan sa iyong katanungan,” anito saka humahalakhak na lumapit kay Rigel. “Halika na hari ng mga Orion at umpisahan na natin ang paghahanda upang isakatuparan ang iyong ninanais!” Sinulyapan muna siya ni Rigel bago sumunod sa itim na nilalang na iyon. “Rigel! Pakawalan mo ako rito at lumaban ka ng patas!” Sigaw niya rito.

