Ilang araw na ang nakalilipas nang mag-usap sila ni Darius. Simula ng araw na iyon, tila bumalik na naman sa pagiging masungit ang binata. Hindi na rin siya nito kinakausap at tila umiiwas na sa tuwing makakasalubong siya nito. Nalulungkot naman siya sa ipinakikitang kalamigan nito sa kaniya. Ngunit mas mainam na nga siguro ang ganoon, kesa patagalin pa niya iyon. “Nanay Nena, maaari po bang umuwi muna kami sa inyong kaharian?” tanong niya sa matanda habang nagluluto ito ng kanilang pananghalian. “Oo naman, wala naman kayong gagawin bukas kaya maaari kayong umuwi roon,” nakangiting sagot nito sa kaniya. Lumapit naman siya rito’t niyakap ito nang mahigpit. Tinapik-tapik naman ng matanda ang kaniyang braso, saka nito kinalas ang mga iyon. Hinarap siya nito at hinaplos ang kaniyang pisngi.

