“Angeli, mabuti naman at nandito ka na. Pauwi na ngayon ang mag-ina. Kapag dumating na sila ay si Senyorito Lufer na ang aasikasuhin mo,” ani Aling Sonia nang dumating ako sa mansiyon.
“S-Sige po. Uhm, Aling Sonia, mabait naman po ba si Donya Clara?” usisa ko. Kumuha ako ng peeler sa may lababo at tumulong sa kaniya sa pagbabalat ng mga patatas.
“Oo naman. May pagka-istrikta nga lang. Kaya dapat pagbutihin mo ang trabaho. Maging masipag ka lang din parati.”
Tumulong ako kay Aling Sonia sa pagluluto. Ilang minuto pagkatapos naming magluto ay may tumawag sa cellphone ni Aling Sonia.
“Parating na sila. May bisita daw na kasama,” ani Aling Sonia pagkatapos ng tawag. Isinuksok niya sa bulsa ng kaniyang uniporme ang cellphone at may pinindot sa ilalim ng kitchen island.
Agad na tumunog ang buzzer. Ilang sandali ay nagsidatingan ang iba naming kasamahan.
“Parating na si Donya Clara at Senyorito Lufer. Nagawa na ba ninyo nang maayos ang mga trabaho ninyo? May kasama silang mga bisita kaya dapat mas lalo nating pag-igihin ang trabaho. Maging alerto lang kayo dahil maya-maya siguradong narito na sila, ” ani Aling Sonia sa mga kasamahan namin.
Matapos abisuhan ay nagsikilos na ulit kami pero nakahanda na kami para sa pagdating nila. Nang muling may tumawag kay Aling Sonia ay muli siyang nag-buzzer at humilera na kami sa may pintuan nila upang salubungin ang mag-ina pati na din ang kanilang mga bisita.
Palihim kong pinagmasdan ang mga dumating. Nakakaintimida ang itsura ni Donya Clara, wala siyang kangiti-ngiti at nakataas ang isang kilay niya. Wala man lang siyang reaksyon nang batiin namin sila. Kung gaano kaamo ang mukha ni Don Lucio ay kabaliktaran naman ng kaniya.
Si Senyorito Lufer naman ay tumango lang nang batiin namin. Napakaganda ng babaeng mahigpit na nakakapit sa braso niya. Maamo ang mukha nito at ang kinis ng kaniyang balat.
Napaangat ako ng tingin nang huminto sa tapat ko ang isa pa nilang bisita. Umawang ang bibig ko nang mapagmasdan siya sa malapitan. Kulay abuhin ang mga mata niya at hanggang balikat ang alon-alon na buhok.
“Hi! I’m Orson! And you are?” Malagkit ang tingin niya sa akin.
Atubili kong inabot ang kamay niya. “A-Angeli Samson po, Sir.”
Ngunit bago pa man magdaop ang mga palad namin ay bigla na lang siyang hinila ni Senyorito Lufer.
“Dude, bata pa ’yan! Sampung taon ang agwat mo diyan!” naiiling na sambit nito.
Pagdating ng tanghalian ay sabay-sabay na kumain ang mag-anak kasama ang mga bisita. Si Don Lucio ay umuwi muna mula sa kanilang farm upang makasalo ang kaniyang mag-ina.
Ipinakilala sa amin ang mga bisita pagbaba nila kanina. Celestine at Orson Almeda ang pangalan nila. Magkapatid ang kanilang mga ama. Si Sir Orson ay pinsan ni Ma’am Celestine na kasintahan ni Sir Lufer.
Nakahinga ako nang maluwag ng mapag-alaman kong may kasintahan na siya. Ibig sabihin ay hindi na niya ako kukulitin.
“Angeli, makikisuyo muna ako sa ’yo. Pakidala nitong juice sa kanila at salinan mo na din sila. Tinatawag kasi ako ng kalikasan.” Nagmamadaling tinungo ni Aling Sonia ang palikuran kahit nagsasalita pa siya.
Sinunod ko ang utos niya kahit kinakabahan at natatakot ako sa uri ng mga tinging ibinibigay sa akin ni Sir Orson. Idagdag pa ang mapanuring mga mata ni Donya Clara.
Nagsasalin ako ng juice sa baso ni Don Lucio nang may humipo sa hita ko. Napaigtad ako, natapon ang juice at tumalsik iyon sa damit ni Don Lucio.
“P-Paseniya na po, Don Lucio. Hindi ko po sinasadya.” Lumakas ang t***k ng puso ko. Sa pagkataranta ko ay kamay ko ang ginamit kong pang punas sa kaniyang damit.
“Tonta! Kabago-bago mo pero palpak ka na agad!” bulyaw sa akin ni Donya Clara at isinaboy sa akin ang juice na nasa baso niya.
Napasinghap ako sa gulat. Sobrang lamig ng juice na isinaboy niya sa akin. Mangiyak-ngiyak akong napatingin sa kaniya. Tumayo siya at akmang susugurin ako pero pinigilan siya ni Don Lucio sa braso.
“Tama na, Clara. Hindi naman niya sinasadya. Nasa harap tayo ng pagkain at may mga bisita pa,” mahinahong sambit ni Don Lucio.
“Maupo ka na ulit, ’Ma. Bago lang siya kaya pagpasensiyahan na lang natin,” dagdag naman ni Senyorito Lufer.
“P-Pasensiya na po talaga. Hindi na po mauulit.” Hinging paumanhin ko habang nakayuko. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko sa takot.
“Dapat lang! Dahil sa susunod na pumalpak ka pa, ipapakaladkad na kita palabas ng mansiyon!” nanggagalaiting sigaw niya.
“Ano pa ang hinihintay mo? Umalis ka dito sa harap ko! Doon ka lang sa kusina at huwag kang magpapakita sa akin!” Taas-baba ang dibdib niya at pulang-pula ang mukha sa sobrang galit.
“Sonia! Sonia! Sonia!” tawag niya kay Aling Sonia.
Nasalubong ko si Aling Sonia na humahangos galing sa kusina. “Ano po ’yon, Donya Clara?” Huling narinig ko bago tuluyang nakalayo sa kanila.
Nangangatal ang bibig ko habang ang dalawang kamay ko ay nanginginig sa sobrang takot sa kaniya. Wala ding tigil sa pagpatak ang mga luha ko. Unang araw ko pa lang na nakasama siya pero del*byo na agad ang dinanas ko.
Hindi ko naman matatapunan si Don Lucio kung hindi lang ako nagulat nang may biglang humipo sa akin.Namuo ang galit sa dibdib ko para kay Sir Orson. Kasalanan niya kung bakit ako napagalitan.
“Walang hiya ka! Napakamanyak mo!”
Marahas kong pinahid ang mga luhang naglandas sa aking pisngi. Kumuha ako ng baso at uminom ng tubig upang kumalma.
Ilang sandali ay dumating ang isa sa mga kasamahan namin na si Loreza. “Ano ang nangyari? Bakit panay ang sigaw ni Donya Clara? At saka bakit ka umiiyak? Napagalitan ka ba niya?” magkakasunod na tanong niya.
Huminga muna ako ng malalim bago sumagot sa tanong niya. “Aksidente kong natapunan ng juice ang damit ni Don Lucio.” Paliwanag ko sa kaniya.
Hindi ko na binanggit ang tungkol sa ginawa ni Sir Orson. Baka kapag nagsalita ako at makarating kay Don Lucio eh hindi ako paniwalaan at mag-away pa silang mag-asawa.
“Mag-iingat ka na sa susunod ha?” saad niya.
“Opo, Ate Loreza.”
“Sige na, babalik na ako sa ginagawa ko. Baka dalawa pa tayong mapagalitan.” Paalam niya sa akin.