“Ate! Ate! Ate, gising na!”
Naalimpungatan ako sa malakas na boses ni Kate habang niyuyugyog ako. Pawis na pawis akong bumangon sa papag na hinihigaan naming magkapatid na nalalatagan ng kutson. Tumingin ako sa alarm clock na nakapatong sa kabinet, five thirty pa lang ng umaga.
“Nananaginip ka na naman. Masama na naman ba ang panaginip mo? Umuungol ka kasi, eh,” tanong ni Kate.
“Oo, eh,” hindi makatinging sagot ko sa kaniya.
Isang buwan na mula nang huli naming pagkikita ni Tony. Dala siguro ng pananabik kaya madalas kong mapanaginipan ang huling pangyayari sa aming dalawa.
“Una na ako sa ‘yo Ate, ha? Good morning nga pala!” Hinalikan niya ako sa pisngi bago lumabas sa kwarto naming dalawa.
Bumaba ako sa papag at nanatiling nakaupo. Pumatak ang mga luha sa pisngi ko. Sobra ko na siyang nami-miss.
Kinabukasan matapos may mangyari sa amin ay hindi na siya muling nakipagkita sa akin. Akala ko ay busy lang siya sa trabaho. Sa ikatlong araw ng paghihintay ko ay wala pa din siyang paramdam kaya naman napagpasyahan kong pumunta na sa mansiyon ng mga Del Mundo.
Ngunit hindi pa ako nakakalabas ng bahay ay dumating si Kate na may dala-dalang sulat. Agad ko iyong binuksan. Napaupo ako at napaluha nang mabasa ang nilalaman niyon.
Galing kay Tony ang sulat. At ayon sa sulat ay umalis na daw sila ng kapatid niya upang ipagamot ito. Sabi pa ay kalimutan ko na daw siya dahil hindi na niya ako mahal at hindi na siya babalik kahit kailan.
Ngunit napakunot ang noo ko nang mabasa ko ang pinakababa na bahagi na nilalaman ng sulat. Hindi ganoon ang pangalang ginagamit ni Tony sa mga sulat niya sa akin.
Para makasiguro ay kinuha ko ang mga nauna na niyang ibinigay sa aking sulat at ipinagkumpara ang mga iyon. Sulat kamay nga iyon ni Tony pero ibang pangalan ang nakalagay sa baba niyon.
Kinuyumos ko ang papel at itinago iyon sa drawer. Nabuhayan ako ng loob. Alam kong hindi ako basta-basta kalilimutan ni Tony. Magkababata kami at noon pa man ay gusto na namin ang isa’t-isa.
Ramdam ko na may malalim na dahilan siya kung bakit bigla na lang siyang hindi nagpakita sa akin. Naniniwala akong hindi niya ako magagawang iwanan na lang basta-basta matapos ang namagitan sa aming dalawa sa kubo.
Maraming nagkakagusto sa kaniya sa paaralan pero lahat ng iyon ay hindi niya pinapatulan dahil nasa akin lamang ang atensiyon niya.
Pinunasan kong muli ang mga luhang tumakas sa mga mata ko. Napatingin ako sa ibabaw ng drawer nang tumunog ang cellphone. Dinampot ko iyon at nakita kong si Mama ang tumatawag.
“Hello? Good morning, Mama! Kumusta po kayo?” masiglang bati ko kay Mama.
“Ayos naman ako, anak. Kumusta kayong tatlo diyan? Si Kate at saka ang Papa mo, kumusta?”
“Ayos naman po sila. Si Kate po bumangon na pero nandito pa ako sa kwarto, aayusin ko pa po ang hinigaan namin.”
“Ganoon ba? Malapit na akong umuwi, anak. Sobrang miss ko na kayo.”
“Miss ka na din po namin, Mama. Sana makarating po kayo sa birthday ko.”
“Aba, siyempre naman! Malapit na ang debut mo, eh! Basta, tatawag na lang ako kapag nasa Pilipinas na ako at bumibiyahe na papunta diyan.”
“Wow, may pa-surprise pa talaga si Mama. Wait po, ibibigay ko lang kay Papa para makapag-usap kayo.”
“Sige.”
Kumuha muna ako ng towel at isinampay ko sa balikat parahap sa dibdib ko. Lumabas ako sa kwarto upang ibigay kay Papa ang cellphone. Mabibilis ang hakbang na tinungo ko ang kinaroroonan niya.
“Papa, kausapin po kayo ni Mama,” Tinapik ko ang balikat ni Papa.
Nakaharap siya sa lababo at nagsisipilyo. Nagpunas muna siya ng kamay bago kinuha sa akin ang cellphone at pumasok sa silid nila ni Mama.
“Ate, kain ka na din po.” Alok sa akin ni Kate habang nag-aalmusal.
“Sige. Ayusin ko lang muna ang hinigaan natin.”
Bumalik ako sa kwarto. Inilagay ko sa plastic na upuan ang mga unan at kumot. Ibinaba ko sa sahig ang kutson at pinagpagan ang papag. Pagkatapos magpagpag ay ibinalik ko na ang kutson at inayos ang sapin niyon. Ibinalik ko ang mga unan at ipinatong doon ang kumot pagkatapos kong tupiin.
Bago lumabas ay nagsuot ako ng bra. Pumunta ako sa palikuran upang magbanyo at maghilamos. Naghugas muna ako ng kamay bago dumulog sa hapag-kainan.
“Si Papa ang nagluto?” tanong ko kay Kate. Naghila ako ng upuan at naupo.
“Opo, Ate.”
“Ang aga namang magising ni Papa.”
“Kaya nga po, eh.”
Pinagpatuloy na namin ang pagkain. Pagkatapos naming kumain ni Kate ay masiglang ibinalik sa akin ni Papa ang cellphone.
“Kaya naman pala iba ang sayang nararamdaman ko ngayon mga anak, malapit nang umuwi ang Mama ninyo,” malapad ang ngiting sambit ni Papa.
“Talaga po, Papa? Kailan daw po?” tanong ni Kate.
“Hindi niya sinabi. Basta uuwi daw siya bago ang birthday ng Ate mo. Gusto daw niyang siya ang personal na mag-aasikaso.”
“Okay lang naman po kahit simpleng handaan lang, Papa. ’Yong tayo-tayo lang at saka mga malalapit na mga kaibigan.”
“Luh, eh halos lahat ng taga-rito sa baranggay eh kaibigan natin, Ate. Hayaan mo na po, isang beses lang naman sa isang taon ang birthday. Tapos debut mo pa ‘yon.
“Oo nga naman, anak. Hayaan mo na ang Mama mo sa gusto niyang gawin, paraan niya din ’yon upang makabawi sa ’yo. Mula nang magpitong taong gulang si Kate eh hindi na natin siya nakakasama tuwing birthday ninyo.”
“Oo nga naman, ate.”
“Sige na, suko na ako, pinagtulungan n’yo na ako, eh,” saad ko na kunwaring nagtatampo.
“’Yun! Payag na si ate.” Nakangiting nag-thumbs up pa si Kate kay Papa.
Anim na linggo na lang ay birthday ko na. Siguro two weeks bago ang birthday ko ay uuwi na si Mama.
“Oh siya, aalis na ako mga anak. Mamamasada na ako habang maaga pa.” Pagpapaalam ni Papa sa amin.
“Ingat po kayo lagi, Papa! Huwag pong mabilis ang pagpapatakbo.” Bilin ni Kate kay Papa.
“Umuwi po kayo ng maaga, ang init pa naman po ng panahon ngayon.” Dagdag ko naman.
“Sige, kayo na ang bahala dito sa bahay, ah!” Masiglang umalis ng bahay si papa dahil sa magandang balita na natanggap niya mula kay mama.
“Ako na po ang maghuhugas ng mga pinagkainan natin, ate.” Prisinta ni Kate nang matapos kaming kumain
“Sige, maglalaba na din ako.”
Pagkatapos ni Kate maghugas ng mga pinagkainan namin ay tumulong siya sa akin sa paglalaba. Maging sa pagluluto ay magkatuwang kami. Pinalaki kami ni Papa na dapat ay laging nagtutulungan sa mga gawaing bahay.
Tuwing ika-sampu ng umaga ay umuuwi si Papa dito sa bahay mula sa pamamasada para kumain at magpahinga. Pagpatak naman ng alas dos ng hapon ay aalis na siyang muli at alas singko naman ang uwi niya. Hindi naman siya pinapayagang mamasada sa tanghali para iwas heat stroke.
Mula nang magtrabaho sa ibang bansa si Mama ay si Papa na ang nagpalaki sa amin. Naging masinop si Papa sa paghawak sa perang ipinapadala ni Mama habang siya naman ay namamasada. May mga alaga din kaming baboy na ibinebenta namin sa palengke.
“Angeli! Angeli, anak! Lumabas ka muna riyan at naririto si Senyorito Lufer!” tawag sa akin ni Papa nang umuwi siya kinahapunan.
Sa labas pa lang ng bahay ay sumisigaw na siya. Sumilip ako sa bintana. Nagmamadaling pumasok si Papa sa bahay kasunod si Senyorito Lufer. Wala ang mga mamahaling sasakyan nito pati na din ang kaniyang mga tauhan pero naririto siya sa bahay.
“Angeli, anak, halika rito. Asikasuhin mo si Senyorito Lufer!” sigaw ni Papa sa tapat ng pinto ng silid ko.
“Nandiyan na po!”
Agad na napatayo si Senyorito Lufer nang makita ako. Malapad ang ngiting lumapit siya sa akin at iniabot sa akin ang isang pumpon ng mga rosas na kulay puti.
“Good afternoon, Angeli. Para sa iyo.”
Alanganin akong ngumiti sa kaniya. Hindi ko kinuha ang bulaklak na iniaabot niya sa akin.
“Magandang hapon din po, Senyorito. Pasensiya na po, pero hindi ko pa din po puwedeng tanggapin ’yan. Mahal ko ho ang boyfriend ko. At ayaw kong magtaksil sa kaniya,” diretsang sambit ko sa kaniya.
Nabura ang ngiti niya sa labi. Humugot siya ng malalim na hininga.
“Pero matagal na siyang wala dito, hindi ba? Baka puwedeng bigyan mo naman ako ng chance.”
“Pasensiya na po talaga. Ayaw ko lang po kayong paasahin.”
Laglag ang mga balikat na nagpaalam siya sa akin.
“Oh, anak, nasaan na si Senyorito Lufer?” nagtatakang tanong ni Papa matapos itong makapagpalit ng damit.
“Lumabas na po, Papa. Ayaw ko po siyang paasahin. Ilang beses ko na pong sinabi sa kaniya na hindi ko siya gusto at si Tony lang ang mahal ko pero ang kulit niya.”
“Ganoon ba? Alam mo bang bumaba iyon sa mamahalin niyang sasakyan nang makita akong pauwi na dito? Gusto niya daw makipagkuwentuhan sa akin. Mukha naman siyang mabait.”
“Hindi ko naman po kayang turuan ang puso, Papa.”